Nang sumunod na linggo ay hindi na umasa pa ng perang padala o sustento si Layla mula kay Fernan. Base sa naging pagtatalo nila, siguradong titiisin na naman sila nito. Ang hindi lang mapaniwalaan ni Layla ay kung paano nito nagagawang tiisin maging ang mga anak nila. Hindi man lang ba nito naisip ang magiging kalagayan ng mga bata, o baka kinain na talaga ito ng pride n'ya kaya wala na rin itong kunsensya? Para saan? para lang mapasunod s'ya sa gusto nito? Hindi na maunawaan ni Layla ang ugali ng asawa. Ngayon naisip n'ya, mukhang nagkamal ata s'ya ng pagpapakasal dito.
Dahil hindi na n'ya inaasahan si Fernan ay naghanap na lang ng mapagkakakitaan si Layla. Naisip niyang magnegosyo na lang, kaya naisip niyang magbenta ng ilang gamit na naipundar nila para may pang puhunan s'ya, ngunit wala naman syang kaalam-alam sa pagnenegosyo. Isinuko na lang n'ya ang ideyang yun at naghanap na lang ng trabaho sa lugar nila.
Nahirapan sa paghahanap si Rita, saka n'ya naalalang, mahirap nga pala maghanap ng maganda-gandang trabaho sa kanila, dahil kung hindi, hindi na sana kinailangan pang lumuwas sa Maynila ni Fernan. Hindi sana sila masisira nang ganito.
Nang maisip ang asawa ay may biglang naglaro sa isip ni Layla. Bakit kaya, hindi na lang din s'ya lumuwas sa Maynila at doon na lang din maghanap ng oportunidad? Ngunit bigla siyang nag-alangan, kung luluwas kasi s'ya ay malalayo naman s'ya sa mga anak n'ya. Ang ipinag-aalala n'ya ay baka maulit ang nangyari nang magtrabaho si Fernan sa Maynila, baka mapabayaan din n'ya ang mga bata.
Dahil wala nang maisip na solusyon ay nagpatulong na si Layla kay Lucy. Nangako naman ang kaibigan na tutulungan s'ya nitong makahanap magandang trabaho. Kinabukasan ay tinawagan s'ya nito para sa isang magandang balita. "T-talaga Lucy? Kailan?....bukas? Ay sige, pupunta ako!" Masayang pinutol ni Layla ang kanilang pag-uusap, ayon sa kaibigan ay nakakita raw ito na recruitment, at ang trabaho ay may dalawang bayan lang ang layo sa kanila.
Agad inasikaso ni Layla ang mga gawain n'ya para bukas, nagbilin din s'ya sa ina niyang si mila para masamahan ang mga anak n'ya dahil wala siya bukas.
"Sigurado ka bang legal yung papasukan mo doon? Mag-iingat ka layla, at marami raw illegal recruiter ngayon." Paalala ni mila habang tinutulungan ang anak sa pagtitiklop ng mga damit.
"E, titingnan ko pa naman ho e. Kung makatunog ako na illegal pala, edi aatras kaagad ako. Mag-iingat naman ako, nay." Sagot ni Layla. Biglang napako ang mga mata n'ya sa isang may kalakihang plastic bag sa ilalim ng sofa. "Parang nung isang linggo ko pa nakikita yan, sa inyo ba 'yan, nay?"
"Kay Lalaine yan, pasalubong ni Fernan."
"O, e pasalubong pala ni Fernan, e bakit hindi kinukuha nung bata? Bakit diyan lang nakalagay?" Pagtataka ni Layla.
"Hindi mo ba nakikita? Masama ang loob ng anak mo sa asawa mo, kaya ayaw niyang kunin yan. Ni hindi nga ata niya sinilip kung ano yan e."
Natahimik si Layla, ngayon ay hindi lang ang relasyon niya sa asawa ang nasisira, kung hindi, maging ang relasyon nito sa mga anak nila.
Kinabukasan ay maagang nag-gayak si layla para puntahan ang agency na sinasabi ni Lucy. Dalawang bayan ang layo nun sa kanila at dahil magko-commute pa s'ya, kinailangan niyang umalis nang maaga.
Nang makababa na sa ikalawang jeep ay sunod namang hinanap ni layla ang address na ibinigay ni Lucy. Ang lugar na kanyang napuntahan ay walang masyadong tao na kanyang ipinagtaka. Naisip n'ya, hindi ba kapag agency ay marami dapat tao na naghihintay sa labas? Sa kanyang nakikita ay puro bahay lang ata ang naroon.
Sa kanyang paglalakad ay nasalubong n'ya ang isang batang lalaki na may apat na taong gulang lang. Hindi magawang i-appreciate ni Layla ang ka-cute-an ng bata dahil hinahanap n'ya ang agency na kanyang pupuntahan.
Matapos magpaikot-ikot sa lugar na iyon ay napansin din n'ya ang pagpaparoo't parito ng bata. Hindi pa rin n'ya pinansin ito dahil nagsisimula na siyang mag-alala dahil hindi pa rin n'ya mahanap ang agency. Kung bakit naman kasi wala itong pangalan o sign board sa labas.
Nang masulyapan ni Layla ang bata ay napansin n'ya na parang paiyak na ito, mukha din itong nalilito habang nagkakamot ito ng kanyang ulo. Saka n'ya naunawaang tila may problema ito. Hindi man n'ya gustong makialam dahil may problema pa sya ay hindi naman n'ya magawang tiisin ang bata. Naalala kasi n'ya dito si lyndon, ang bunso n'ya.
Nilapitan n'ya ang bata. "Hi~ may problema ka ba?"
Natigilan ang bata, nang makita si Layla ay tumango tango ito.
"Ano yun, baka matulungan kita?"
"Kasi..... nawawala po ako e. Hindi ko po alam kung paano ako babalik sa daddy ko." At tuluyan nang umiyak ang bata.
Biglang namroblema si layla. Kung tutulungan n'ya ang bata, malamang ay malagpasan na s'ya ng oportunidad. Sinabi kasi ni Lucy na limited slots lang daw ang recruitment kaya dapat ay makaabot s'ya. Pero kung pababayaan naman n'ya ang bata, siguradong hindi s'ya patatahimikin ng kunsensya n'ya. Paano kung may masamang loob ang dumampot dito at gawan ito ng masama?
Hindi na nag-isip pa si Layla, inisip na lang n'ya na kung nagawa siyang ihanap ni Lucy ng oportunidad, siguradong may makikita pa sila. "Halika, magtanong tanong tayo para makauwi ka na sa inyo." Iniabot n'ya ang kanyang kamay sa bata na kinuha naman nito.
Hawak ang kamay ng bata ay nagtanong-tanong si Layla, ngunit dahil limitado lang ang impormasyong ibinigay ng bata dahil sa kamusmusan nito ay nahirapan sila.
Hanggang sa madaanan nila ang isang basketball court. Nagningning ang mga mata ng bata, bigla itong kumalas sa pagkakahawak kay Layla at tumakbo papunta doon. Sa pag-aalala ay sinundan ito ni Layla. Sa di-kalayuan ay nakita n'ya ang bata na lumapit sa isang naka-jacket na lalaki. Nang makita n'yang kinarga ng lalaki ang bata at naisip niyang, posibleng ito ang ama nito.
Aalis na sana s'ya nang makita n'yang itinuro s'ya ng bata sa lalaki. Nang tingnan s'ya ng lalaki ay natigilan si Layla, doon n'ya nakita nang maayos ang hitsura nito. Sa kanyang tantya ay baka nasa kuwarenta na ito, ngunit hindi maitatanggi ang kakisigan nito. Tila hindi ito apektado ng kanyang edad. Base sa bihis ng lalaki, naisip ni Layla na mayaman ito, meron din kasi itong mga kasama na parang mga guwardiya n'ya.
Lumapit ang lalaki kay Layla karga ang bata. "Sinabi sa akin ni Luigi na ikaw raw ang tumulong sa kanya para makabalik dito. Pasensya na at naabala ka pa, at salamat na rin sa paghahatid sa kanya dito."
"N-naku ser, wala po yun. S-sige po, kailangan ko na kasing umalis e." Paalam ni layla, gusto kasi n'yang magbakasakali at baka makaabot pa s'ya sa recruitment.
"Sandali lang..." May tinawag ang lalaki, humingi s'ya ng calling card dito at ipinaabot iyon kay layla. "Hindi pa kasi ako nakakapagpasalamat sayo nang maayos, kaya kung may kailangan ka, o kung magka-problema ka, tumawag ka lang."
Bagaman nagulat si Layla sa kabaitan ng lalaki ay tinanggap na lang n'ya ang calling card nito para makaalis na s'ya.
Nang bumalik s'ya sa kanyang pinanggalingan ay may nakita siyang babae na may dala-dalang malaking brown na envelope. Nagtanong s'ya dito kung nalalaman ba nito ang agency na hinahanap n'ya. Hindi n'ya akalaing, doon din pala ito papunta para mag-apply. Natuwa si Layla dahil may kasabay na rin sya sa pagpunta doon.
Ngunit pagdating n'ya, ay doon n'ya nakita na ang magandang oportunidad na kanyang inaasahan ay isa palang huwad na maaaring magdulot ng pagkasira n'ya.