Part 3

1698 Words
“BUNTIS ako, Steve.” There, sa wakas ay nasabi na niya. Isang linggo na niyang tinatago sa sarili ang tungkol doon pero alam niya, kailangan niyang ipaalam dito. Hindi puwedeng hindi nito malalaman. “Sure ka?” “Tatlong pregnancy test kit na ang ginamit ko. Lahat positive.” “s**t! Bakit hindi ka nag-ingat? Sabi ko naman sa iyo, hindi ka puwedeng mabuntis.” Hindi nagbago ang pagmamadali sa kilos nito na makapagbihis. Tatlong oras lang sila sa ordinaryong motel na iyon. At gaya ng dati, hindi mag-aaksaya si Steve ng oras. Susulitin nito ang bawat minuto na ilalagi nila doon. “Bumangon ka na riyan. Baka ma-over time tayo. Sayang ang charge.” Sa mga sandaling iyon, gusto niyang batuhin ito ng unan. Pero walang kumibo na sumunod siya sa sinabi nito. Natanaw niya ang oras. Malapit na ang check out time nila. Hindi na siya nag-shower. Nakakapit pa sa kanya ang amoy nilang dalawa nang lumabas sila doon. Dinala siya nito sa Chow King. “Kain muna tayo,” sabi sa kanya ni Steve. “Wala akong ganang kumain. Bago ko pa nalamang buntis ako, wala na akong ganang kumain.” Umungol ito ng tila pagkontra. “Hindi puwedeng hindi ka kakain.”  Tumayo ito at nagpunta sa counter. Nakasunod naman siya dito ng tingin. Ang lakas-lakas ng kaba sa dibdib niya. Parang permanente na ang kabang iyon sa kanya buhat nang malaman niyang buntis siya pero pakiramdam niya, lalo pang lumakas iyon ngayong ipinaalam na niya dito iyon.  Bukod pa roon iyong sariling takot niya. Twenty-two lang siya. At noong isang taon lang siya nagkaroon ng permanenteng trabaho. Ni hindi pa siya nakakabawi sa mga magulang niya. May obligasyon pa siya sa bunso niyang kapatid. Ang yabang-yabang pa niya nang lumuwas siya sa Maynila dahil mas pinili niya ang trabaho doon kesa sa isang kumpanya na matataga din naman. Cebu-based ang company na iyon samantalang isa sa pinakamatatag na bangko sa bansa ang pinili niya nang sabay siyang matanggap sa parehong inaplayan. Ang lakas ng loob niyang akuin ang pagpapaaral sa bunso nila bilang ganti sa pagpapaaral ng mga magulang niya sa kanya. Huling taon na ni Terrence sa high school at sinabi niyang sagot na niya ang pagpapaaral dito sa kolehiyo sa mismong university na pinasukan din niya--- sa University of San Jose Recoletos. Pero paano na ngayon? Alam niya, hindi birong obligasyon ang magkaroon ng anak. Saan sila titira ni Steve pag kinasal sila? Pareho silang wala pang masyadong ipon. Nagpapakasarap pa lang sila sa buhat tapos ngayon ay magkakaanak na sila. Parang noon niya na-realize na wrong timing nga ang pagbubuntis niya. Pareho lang sila ni Steve na bago pa lang sa trabaho.   Kung wala siyang ipon ay malamang na ganoon din si Steve. Nabubuhay sila sa suweldo nila na pinag-aabot lang hanggang sa susunod na suweldo. Priority nila ang mag-enjoy ng suweldo nila at hindi ang mag-ipon. Ngayon siya nakadama ng panghihinayang sa mga kape nila na halos dalawandaang piso ang isa. Ilang baso iyon sa loob ng isang linggo? Magkano na iyon kung inipon na lang niya ang pambili. At hindi lang naman iyon ang pinagkakagastusan nila na kung tutuusin ay puwede namang hindi. Ibinaba nito sa harap niya ang umuusok na lomi. Noon niya nadama ang gutom. Biglang kumalam ang sikmura niya.  “Kain na muna tayo.” Inilapit pa nito sa kanya ang pagkain at sinimulang kainin ang siopao nito. Nang sumayad sa kanya ang sabaw ng lomi ay nakalimutan niyang wala siyang gana. Gutom pala siya. Gutom na gutom pa nga siguro dahil ilang saglit lang ay naubos na niya iyon. Para nga natatakam pa siya habang pinapanood si Steve na ngumunguya ng siopao nito. “Gusto mo?” alok nito nang makahalata. “Pakagat na lang.” Pinagsaluhan nila ang siopao nito. “Ilang buwan na ang tiyan mo?” tanong nito nang makakain sila. “Ilang linggo na akong delayed. Sabi ng Google nasa six to seven weeks na daw.” “Google?!” “Lahat naman ngayon, ginu-Google na. De ganoon na rin ako. Irregular ang period ko kaya siguro tinamaan ako.” “Alam mong wala sa plano iyan,” wala sa tonong sabi nito. “Alam ko. Anong magagawa ko, nandito na?” “Wala pa iyang two months. May solusyon pa.” Nanlaki ang mga mata niya. Awtomatikong hinaplos niya ang wala pang umbok na tiyan. “Sina-suggest mo na ipa-abort ko itong anak natin? Ayoko. Period.” Nagsukatan sila ng tingin. “Hindi ko kayang ipalaglag ito,” sabi niya dito sa mas matigas na tono pagkaraan ng ilang sandali. Nagkibit ito ng balikat. “Fine. Hindi kita pipilitin kung ayaw mo.” Nakahinga siya pero parang konti lang. Nagdaan ang katahimikan sa pagitan nila. Mientras tumatagal ay nakadarama siya ng pagkailang. Ano na ang susunod?  Gusto niyang banggitin dito ang tungkol sa kasal pero ayaw naman niyang sa kanya magsimula iyon. Pero sa tingin niya, hindi rin magbubuka ng bibig si Steve tungkol doon. “Tara na. Ihahatid na kita.” PAGBABA NILA ng taxi, natanaw ni Erica Mae na palabas naman ng compound ang kotse ni Rory. Anak ito ng may-ari ng apartment na inuupahan niya. He was solo living at nasa dulong unit ang inookupa nito. Ito na rin ang tumatayong namamahala sa mahigit dalawampung pintong apartment sa malaking compound na iyon.  Binusinahan siya nito nang magtama ang tingin bago sila nilampasan. “Hindi na ako papasok. Magpahinga ka na,” sabi ni Steve nang mabuksan niya ang pinto. Parang gustong malaglag ng balikat niya. Wala siyang kibuan sa taxi at inisip niyang pag-uwi niya ay saka sila mag-uusap uli.  Tamang-tama at tahimik na tahimik doon. Malamang ay wala pa ang ka-share niya na si Lottie. “Hindi ka na magkakape?” alok niya sa kaswal na tono. She was buying time. Baka naiilang lang si Steve sa dapat na pag-usapan nila. “Hindi na. Matulog ka na rin. Huwag kang magpupuyat.” Hinalikan siya nito nang magaan bago isinenyas na pumasok na siya. Ito ang humila ng pinto at kumaway pa sa kanya bago isara iyon. Malungkot na naupo siya sa mumurahing sofa. Wala silang konkretong napag-usapan tungkol sa kalagayan niya. Paano siya makakatulog nang maayos dahil doon? Bandang huli ay napilitan din siyang kumilos nang makadama ng panlalagkit ng katawan. Nag-shower siya at saka nahiga na. Mailap pa rin sa kanya ang antok. Nakatitig siya sa kulay krema na pintura ng kisame habang  nag-iisip. Pero hindi siya makapag-focus. Inaalala niya ang estado ngayon ng relasyon nila ni Steve. Inaalala niya ang magiging anak nila. At pati na rin ang pamilya niya sa Cebu. Nagulantang siya sa sunod-sunod at malakas na busina. Nagtaka siya nang makitang kotse ni Rory iyon. Nang pagbuksan ito ng guwardiya, padaskol na ipinasok nito ang sasakyan. Parang magigiba ang sasakyan nito nang isara nito ang pinto. “Mainit ang ulo?” wala sa loob na bulong niya. Buhat sa kinatatayuan niya ay tanaw niya ang unit ni Rory. L-shape ang apartment building na iyon. Dalawang palapag ng one-bedroom unit ang aside nila habang townhouse style naman ang side nito. Kitang-kita niya nang padabog din itong pumasok sa unit nito at narinig pa niya ang ingay ng pagbalibag nito ng pinto. Ilang sandali pang nakatanaw siya doon bago bumalik sa higaan. “Lahat talaga ng tao may problema. Mayaman ka man o mahirap, hindi ka ligtas sa problema.” “Problema na rin iyan kapag kinakausap mo na ang sarili mo.” “Ay, juice ko, pineapple! Nandiyan ka pala?” Tutop ang dibdib na pinanlakihan niya ng mga mata si Lottie. Hinawi niya ang kurtina na partition nila sa iisang kwarto na iyon. “Kanina pa. Hindi ako pumasok.” Hindi ito kumilos sa hinihigaan. “May sakit ka?” Sinalat niya ang noo nito. “Wala. Gusto ko lang matulog nang mahaba. Ilang araw na akong double shift. Aanhin ko ang overtime pay kung matsutsugi naman ako? Nagising lang ako sa malakas na busina. Si Boyfriend Rory ba iyon? “Maka-boyfriend ka naman diyan.” Alam niyang malaki ang crush nito sa landlord nila. Kungsabagay ay guwapo naman talaga si Rory. Hindi lang niya ito pinapansin dahil may Steve na siya. Hinahayaan niyang si Lottie ang kiligin dito maya’t maya. “Malay mo naman magkatotoo. Wala naman akong boyfriend. Baka siya na pala ang love life ko.” “Hintayin mong mag-break sila ng girlfriend niya.” Alam niyang may girlfriend si Rory. Hindi lang minsan niyang nakita na nagpupunta doon ang babae. Overnight stay pa nga ang drama ng mga ito kung minsan. Sweet naman ang dalawa sa tingin niya. Dati ay nag-barbeque pa ang dalawa sa tapat ng townhouse at nang sumilip siya para hanapin ang pinanggagalingan ng nakakatakam na amoy na iyon, inalok naman siya ng mga ito. Binigyan siya ng tatlong stick na naging instant ulam niya sa pananghalian. “Em!” Bumangon ito. “Punta tayong 7-11. Nasira na ang tulog ko, eh. Bili tayo ng makakain.” “Ikaw na lang. Wala na akong bra, eh.” “De, mag-bra ka. Kain tayong siopao.” Nalukot ang ilong niya. “Kumain na ako ng siopao kanina. Parang mas masarap ang banana que o nilagang saging. O kaya turon.” “Wow! Sa ganitong oras? Saan ako hahanap ng ganyan? Wala yatang ganyan sa 7-11.” Kinuha na nito ang wallet. “Saging na lang baka meron kang makita. Lacatan o latundan. Isang piling.” “PG lang? Isang piling talaga?” “Hindi PG. Naglilihi lang ang tao, eh.” Tinaasan siya nito ng kilay. “”Mahirap ang buhay ngayon. Mahirap magkaanak kapag hindi handa.” “Seryoso ako, Lottie. Magtu-two months na.” Nabigla ito pero sandali lang. “Ah, de siyempre, ninang ako niyan. Kailan ang kasalan?” “Hindi pa namin napag-uusapan. Kanina ko lang din sinabi kay Steve.” “Uso naman ngayon na anak muna bago kasal,” cool na sabi nito. “Huwag mong dibdibin. Punta na muna ako sa 7-11. At sige, susubukan kong maghanap ng saging na lihi mo. Pahimas nga!” Dinama nito ang tiyan niya at saka lumabas na.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD