Papasok na sana ako ng aking silid ng biglang narinig ko ang boses ni tatay na umiiyak at nagmamadali, pasan niya sa kanyang likod si nanay at wala itong malay.
"Anak, bilisan mo kunin mo ang sobre na lagayan ng ating ipon sa aparador namin sa kwarto, dadalhin natin ang iyong inay sa ospital mukhang inataki ng kanyang high blood."
Nangangamba na wika ng aking ama, kaya't nagmamadali ako na sinunod ito, nilagyan ko ng kandado ang aming pintuan at nagmamadali na pumara ng tricycle. Pagdating namin sa pagamutan ay inirekomenda kami sa malaking ospital sa bayan dahil na stroke na si nanay at humihina na din ang puso nito.
"Tatay, paano po ito?, kulang ang ating ipon, katatapos pa lang natin magbayad ng aking matrikula sa paaralan."
Nag-aalala at naiiyak na tanong ko sa aking ama.
"Aalis lang ako sandali anak, ikaw na muna ang bahala sa iyong inay, babalik din ako kaagad, maghahanap lang ako ng maaaring utangan."
"Pero, kanino naman po tatay? Halos tayo lamang po ang nakaka luwag-luwag sa ating purok?."
Nag-aalala na tanong ko sa aking ama, dahil alam ko na kami din ang takbuhan ng aming mga kapitbahay kapag nangangailangan ang mga ito ng maliit na halaga. Masinop sa pera ang aking mga magulang at may lupain kami na minana ni tatay sa kanyang ama, hindi katulad ng iba na nakikisaka lamang at nilalamangan pa sa hatian ng may-ari ng lupa.
"Akong bahala anak, h'wag ka ng mag-isip pa."
Nag mano ako sa aking ama bago siya umalis at tinanaw na lamang ito hanggang mawala sa aking paningin. Habang tinititigan ko ang aking ina hindi ko maiwasan na hindi mapa-hagulgol ng iyak. Maraming naka kabit dito na mga hose tagilid na rin ang bibig nito, malayo sa kanyang itsura, sabi nga nila namana ko halos lahat sa aking ina. Ang kulay abo na mga mata, ang kulay labanos na balat na sa kabila ng katotohanan na taga bukid kami. Kapag inihinalo kami ni nanay sa maraming tao ay makikilala mo pa rin kami, may tuwid at kulay itim ako na buhok na aabot sa aking balikat, petit kung tawagin ng karamihan ang aking pangangatawan, namana ko naman ang aking taas sa aking ama, maliit lang ito na lalaki, mas matangkad pa nga si inay, matangos ang aking maliit na ilong at may mapula at mapintog na labi, maliit lang din ang aking hugis puso na mukha.
Napapikit ako at bumalik ang aking kaisipan sa aking kinakaharap na problema. Diyos ko po, tawag ko sa ama na nasa taas, kaya't sinimulan ko ng mag dasal. Sabi nga nila sa ganitong sitwasyon, ang tanging makakapitan natin ay ang ama na nasa langit.
"Panginoon, itinataas ko po ang iyong pangalan makapangyarihang ama, ikaw lang po ang nakakaalam ng buhay namin, kung ang pagsubok na ito ang mas magpapatatag ng aming pananalig sa'yo buong puso po namin itong tatanggapin. Ngunit hiling ko po na sana gabayan mo po kami sa aming bawat desisyon. Kayo na po ang bahala sa buhay ng aking ina. Naway ang kalooban mo po ang palaging masunod. Amen."
Minulat ko ang aking mata pagkatapos ko magdasal ng taimtim at bukal sa puso. Hindi ako pala simba na tao, kapag naiisipan ko lang saka ako pupunta sa tahanan ng ama. Nagdadasal lang ako bago matulog para pasalamatan ang Panginoon sa maghapon.
Nakaramdam na ako ng gutom wala pa rin si tatay, saan na kaya siya naka rating, isip-isip ko. Nag hanap ako ng nurse na maaaring pakiusapan na magbantay kay inay habang bumibili ako ng kahit ano na pwedeng pang tawid gutom. Kailangan kong mag tipid dahil malaki rin ang aming kailangan na pera sa lalong madaling panahon.
Swerte naman ako at nakatagpo ng nurse na hindi abala, kaya sinimulan ko ng maglakad patungo sa kainan ng ospital.
"Nay, magkano po ang adobo na baboy?."
"Lahat ng luto ng karne anak ay sengkwenta pesos ang atado, ang gulay naman ay trenta pesos, ang kanin ay kinse, ang isda ay bente singko, sa shanghai naman ay tatlo bente, may libreng sabaw anak kapag gusto mo."
Nakangiti na sabi ng matanda sa akin, pinili ko ang isang gulay, shanghai, at dalawang takal ng kanin pwede na ito sa amin ni tatay lalo at may libre naman na sabaw. Inikot ko ang aking paningin para maghanap ng bakante na lamesa, ng makakita ako ay sinimulan ko ng kumain,
"Excuse me po ate, ito na po ang tatlong order ninyo ng adobo na baboy."
Sabi ng dalaga na sa tingin ko ay ka edad ko lang.
"Pero, wala akong inorder nito, paki balik na lang, wala akong pambayad diyan."
Pahabol ko na sabi sa babae na may boses na nayayamot, dahil nagtitipid na nga ako, mukhang mang bubudol pa ang nakainan ko.
"Bayad na po ito ni boss Dave, may-ari po ng hospital napadaan po siya dito kanina."
Pagkasabi ng babae ay mabilis ito lumakad palayo at hindi hinintay ang sasabihin ko. May pagka bastos din ang isang 'yon.
Dahil gutom ako, wala akong tatanggihan na libre, hindi naman uso dito ang manglalason kaya sigurado ako na ligtas dito sa aming isla ang libre na pagkain. Matapos ko kumain ay pinabalot ko ang dalawa pang mangkok ng adobo na naka serve sa akin kanina, na libre nga daw nung Dave, uminom ako ng malamig na tubig at naglakad na pabalik sa silid na okupado ni nanay.
Nagpasalamat ako sa nurse na nag bantay. Naupo na ako sa isang plastik na silya na mayroong sandalan. Habang nakapikit, pakiramdam ko ay may mga mata na nakatingin sa akin, kaya't minulat ko ang aking mga mata at iginala ang aking paningin sa silid. Naoalingon ako sa pintuan na naka bukas, wala naman akong nakita na ibang tao bukod sa babae na natutulog sa katabi namin na kama at binabantayan ang anak nito na nakahiga sa hospital bed.
Madaling araw na, wala pa rin si tatay. Nag-aalala ako at hindi mapakali, sana ay walang nangyari sa kanya na masama. Labas pasok ako sa pintuan at sisilip na ng konte sa dulo ng daan para makita kung paparating na ang aking ama. Hanggang sa pang pito ko na balik, nakita ko na nagmamadali si tatay patungo dito at may hawak na bag.
"Tatay, bakit ngayon lang po kayo?, kanina ko pa kayo hinihintay, kumain ka na po ba?."
Tumango ito at naupo sa silya, pinalapit ako banda sa kanya.
"Makinig ka anak, itong pera ay hiniram ko kay Don Sebastian, wala tayong pagpipilian anak, kapalit nito ay ang titulo ng ating bahay at lupa. Malaking pera ang kailangan natin para maipagamot ang iyong nanay. Wala na akong iba na pagpipilian pa, bukas na bukas din ay may susundo sa ating sasakyan at maghahatid sa pagamutang bayan, silid lang doon ang libre anak, hindi ang mga gamot. Si Don Sebastian na ang bahala sa lahat."
Hindi man ako sang-ayon sa kanyang nais, pero wala naman akong pagpipilian. Alam ko na ang kahihinatnan ng lahat dahil si tatay ang magbabantay kay nanay, ako naman ay papasok sa paaralan. Sigurado lalawak nanaman ang ari-arian ng matandang Don na 'yon.