Part 2

1403 Words
ANGELIQUE was confused whether it was a right or wrong move. Nasa Baby and Co. na sila ni Erica Mae at parang bata ang kaibigan niya na sobrang excited sa pagpili ng mga gamit. Nahahawa din naman siya dito. Lahat na lang ng kulay blue na gamit ay gusto niyang i-shoot sa shopping cart. Pero mas matindi iyong pakiramdam niya na magkaroon din ng anak. Mali ba talagang maging single mom by choice? Hindi ba’t tanggap na rin naman ng lipunan ang ganoon? She was financially stable. In fact, very much more than stable. Kung sa kinabukasan lang ay tiyak siyang mabibigyan niya ng magandang bukas ang magiging anak niya. Ngayon pa lang ay may pera na siyang puwedeng ilagak bilang trust fund nito. Kung sa pera lang, marami na siyang mga inaamag na pera, sabi nga ng iba. Wala namang ibang pamamanahan ang mommy niyang si Christina kundi siya rin. At ilang taon na ring malaya siyang nagagamit ang mana na iyon. Napalago na niya at ngayon nga ay siya pa ang humahawak sa Dela Serna Personnel Agency ni Lolo Daddy, ang ama ng mommy niya na nagsisilbi niyang magulang ngayon dahil ulila na rin siya. At bukod sa kumpanya nito na hawak niya, nagsisimula pa sila ni Erica Mae ng bagong negosyo. Inaya niya itong maging kasosyo sa Angelicious Cake Shop. Payag naman agad si Erica Mae dahil nga nag-resign na rin ito sa dating trabaho at gusto ring subukan na sumabak sa negosyo. “Green or blue?” untag sa kanya ni Erica Mae. Hawak nito ang isang cute na blanket na may design na baby lion. “Green naman kaya para maiba?” Nahagip ng tingin niya ang salansan ng mga blanket. Natukso siyang kunin ang kulay lavender at pink na may design naman na cute na kuting. “Maganda din sana ito, kung nagkataong babae ang baby mo.” “Saka ko na siya ie-expose sa mga girly colors. Gusto kong macho muna ang feels niya.” Hawak pa rin niya ang pang-baby girl na blanket nang sumunod siya kay Erica Mae sa ibang section ng shop na iyon. She couldn’t dismiss the feeling of wanting to have a baby of her own. Masisisi ba siya? She never had a steady relationship. Anim ang naging boyfriends niya. Seryoso siya sa mga ito pero ang mga lalaking iyon, guwapo, mapera at edukado din naman pero ang masaklap ay hindi naman seryoso sa kanya. One heartache after another. Noong makaanim siya, sinabi niya sa sariling dapat ay magtanda na siya. Twenty-six years old na siya. Ayaw na niyang magpakatanga sa pag-ibig. Quota na siya sa anim na heartbreak na naranasan niya. Idagdag pa na meron pa siyang sariling ama na hanggang sa namatay ay hindi niya naramdaman ang pagiging ama sa kanya. Kung hindi sa maternal grandfather niyang si Arnaldo na mas tinatawag niyang Lolo Daddy, malamang na wala siyang matinong father figure. Her mother’s life was miserable with her father. Kaya nga hindi na siya nagkaroon pa ng kapatid. Tama na daw na silang mag-ina na lang ang magdusa sa kawalang-kuwenta ng kanyang ama. His father was a rich spoiled brat. Hanggang sa nag-asawa ito ay hindi ito tinubuan ng kahit katiting na pagiging responsable sa katawan. Robbie was never a father to her. Palibhasa ay hindi ito kinapos sa pera kahit kailan, nabuhay ito nang sunod sa lahat ng luho. Barkada at bisyo ang pinag-ukulan ng panahon ng kanyang ama hanggang sa namatay ito sa isang aksidente dahil sa pagmamaneho ng lasing. Kasamang nawasak ng buhay nito ang latest model ng mapormang motor na minaneho nito ng ubod nang bilis. Isang bagay na halos hindi na rin nila ikinagulat. Iniyakan niya ang pagkawala ng ama. Iniyakan niya ang mga oras na nagdaan na balewala lang. Na hindi niya naramdaman kung paano magkaroon ng ama sa katauhan nito. At siguro dahil din doon kaya nagkaroon siya ng serye ng boyfriends. One after another. Noong una ay bahagya lang niya iniinda ang sakit ng nasirang relasyon. Positive-thinker siya na ang susunod na boyfriend niya ay matino na. Pero noong makaanim siya, nauntog siya sa katotohanan na hindi siguro siya sa pang-matagalang relasyon. At nagkaroon din siya ng takot na malamang ay mana siya sa ina. Namatay si Christina na bigo sa pag-ibig. Na miserable sa pakikipagrelasyon. Apat na taon na ring dalawa na lang sila ni Lolo Daddy sa malaking bahay na iyon. Kakalog-kalog sila. And lately, may takot din siyang baka bigla na lang din siyang maulila nito. Arnaldo was sixty-five. Bata pa rin sana kung tutuusin pero nagsisimula na itong magkaroon ng maintenance medicines. Sa huling check-up nito, hindi rin maganda ang nakitang kondisyon ng puso nito. Ayaw niyang maulila nang ganoon na lang. Siguro selfishness na rin sa parte niya na maghangad siya ng anak. Mas madali iyon kesa sa agaran siyang mag-asawa ng kung sino na lang. Wala siyang maisip sinuman sa mga ex-bf niya ang karapat-dapat niyang balikan. But perhaps, she could still have a family of her own. Hindi naman siguro masamang maghangad na magkaroon siya ng sarili niyang anak. Bubusugin niya sa pagmamahal at atensyon ang magiging anak niya kahit na wala itong ama. Naniniwala siyang puwede naman iyon. “Sagot ko na iyan lahat,” sabi niya sa kaibigan nang makita itong papunta na sa kahera. “Abuso na iyon. Ang dami nito masyado.” Naglabas din ito ng sariling pera. “Hati tayo sa babayaran.” “Itago mo na iyan. Generous ang ninang ngayon. Saka malay mo, ako naman ang magka-baby. I’m sure, gagawin mo din ang ganito para sa baby ko.” Bumaling siya sa kahera. “Please include this. Paki-bukod mo na lang ng balot.” “Aanhin mo iyang pink blanket?” nagtatakang tanong nito. “Gusto ko lang. Ang cute, eh.” Kinuha ni Erica Mae ang pink blanket. “Let me pay for this. At kakain tayo pagkatapos. Ako rin ang taya. Huwag ka nang umangal. Mas mahal pa rin ang babayaran mo dito. Mas tubo pa rin si Onyok ko.” Hinimas nito ang tiyan. “Mag-thank you ka sa Ninang Anj mo, Bibi-O.” Kalalabas lang nila doon sa Baby and Co. nang bigla na lang may humawak sa bitbit niyang shopping bag. “Chris!” gulat na sabi niya. “Hindi kayo makabuhat diyan sa mga dala ninyo. Let me.” Kulang na lang ay mapapikit siya sa pagkakalapit nila. She inhaled his familiar scent. The refreshing citrus scent of Clinique Happy for men. Noong nakaraang birthday nito ay iyon din ang iniregalo niya dito. Dahil bukod sa ayaw na niyang mag-isip pa, alam niyang magugustuhan nito iyon. Ilang taon na bang puro iyon ang gamit nito. Hindi na niya mabilang ang koleksyon ng bote nito sa kuwarto nito. Magkadaiti ang mga kamay nila bago niya tuluyang binitiwan ang shopping bag. Umakyat ang tingin ni Angelique dito.  Casual lang ang suot ni Chris. Denim pants at white-collared shirt. Walang bago sa gayak nito but he always looked good. Medyo mahaba na din ang buhok nito sa nakasanayan niya ditong well-trimmed na buhok. Malamang ay hindi pa ito nagpapagupit buhat nang huli niyang makita mga dalawang linggo na ang nakakaraan. Kumukulot na nang bahagya ang dulo ng buhok nito. But still, he had the look of a cliché with a difference. Tall, fair and handsome plus lots of s*x appeal. He had a pair of very expressive eyes. Mga matang parang kayang basahin ang nasa loob niya sa tuwing magtatama ang tingin nila. “Oh, hello, Chris, the king!” Narinig na lang niyang bati ni Erica Mae dito. Ito lang ang tumatawag kay Chris ng ganoon. Bumaling sa kaibigan niya ito at ngumiti din. “Hello, Em. Akina na rin iyan. Ako na ang magdadala.” “Instant taga-bitbit ang peg mo?” sabi ni Erica Mae habang inaabot din dito ang mga pinamili. “Naligaw ka rito?” sabi naman niya. “Ang totoo niyan, madalas ako dito. Baka kayo ang naligaw. Malapit lang dito ang office ko, remember? May binili lang ako diyan na accessories sa laptop ko.” “Ang guwapo ng taga-bitbit namin,” maluwang naman ang ngiting sabi ni Erica Mae. “Baka hindi ka pa kumakain? Kakain kami. Sabay ka na.” Umubo ito ng peke. “Nabubulag daw ang tumatanggi sa grasya. At ayoko namang mabulag.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD