PAGKAUWI namin sa mansyon tumabad sa amin ni Theo ang maleta at bag na naglalaman ng mga gamit ko. Nag-aabang si Mrs. Lewis kasama si Ashley at Miss Mendez sa front door ng mansyon.
"Lola, ano pong ibig sabihin nito?" dali-daling tanong ni Theo.
Kahit ramdam na namin kung ano'ng gustong iparating ni Mrs. Lewis. Gusto na niya siguro akong umalis ng mansyon at bumalik sa ampunan.
"Sorry po, Mrs. Lewis! Umalis po ako nang walang paalam kagabi, huwag n'yo pong pagalitan si Theo, kasalanan ko po ang lahat!"
"Mouse!" Pumagitna si Theo na parang pinoprotektahan ako sa lahat. "Huwag n'yo pong paalisin si Mouse, ako ang pumilit sa kanya. Sana inuwi ko na lang siya nang sundan ko siya kagabi."
"Theo, huwag mo na akong ipagtanggol! Kasalanan ko naman talaga!"
"Alam ko! Ikaw lang naman ang may lakas ng loob sa mansyong ito na gumawa ng ganyan!" pahayag ng matanda.
Halatang nasa bad mood si Mrs. Lewis, sino ba namang matutuwa sa kalokohang pinag-iisip ko. Senenyasan ako ni Mrs. Lewis na sumunod sa kanya sa loob. Ipinadala niya sa ibang katulong ang mga gamit ko sa dormitoryo. Ibig sabihin hindi niya ako pababalikin sa bahay-ampunan.
Pumasok kami sa loob ng kuwarto ni Mrs. Lewis, hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa't tinumbok kaagad ang gusto niyang sabihin.
"Doon ka muna sa dormitoryo titira pansamantala, huwag kang mag-alala patuloy pa rin kitang susuportahan at ako pa rin ang mananatiling guardian mo."
"Po? Hindi n'yo po ba ako papaluin sa pwet dahil sa ginawa ko?"
"Ano ka bata!"
"Naintindihan ko po, Mrs. Lewis."
Hindi na ako nagtanong sa matanda, siguro sobrang na-disappoint siya sa akin. Nayuko ako't hinintay na palabasin ni Mrs. Lewis, handa na akong harapin ang kabiguan ko.
"Huwag mong isipin na dahil sa bagsak mong exams kaya kita ililipat sa dormitoryo. Gusto ko lang makapag-focus ka sa pag-aaral mo…" Lumapit sa akin si Mrs. Lewis, hinawakan ang buhok ko't kinuskos ito. "Dalaga ka na talaga, Mouse. Dumaan din naman ako sa ganyang sitwasyon…kay sarap ma-in love 'di ba?" Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Mrs. Lewis, tila alam niya kung ano ang nasa puso ko.
"Siguro marami po kayong naging manliligaw noon, noh?"
"Hahaha! Usisera ka talaga!" tawa niya ng malakas. "Kahit hindi mo sabihin alam kong si Finn, ang nagpapabilis ng t***k ng puso mo ngayon, tama ba?"
"Naayy?! A-ano pong sabi n'yo?" nawiwindang kong sabi nang bigla niyang banggitin si Mister Finn.
Napaatras ako nang hakbang. Nawiwindang ako't hindi malaman ang isasagot. Ramdam kong umangat ang init sa buong katawan ko hanggang sa mamula ang mukha ko. "T-teka lang po—h-hindi ko po…" Sa sobrang kaba hindi ko maituloy ang sasabihin ko.
"Hindi ako galit pero, hindi ko rin gustong masaktan ka. Bata ka pa't marami pang darating sa buhay mo, ang guto ko…tuparin mo ang pangarap mo't magkaroon ka ng maayos na buhay sa hinaharap."
"M-Mrs. Lewis…"
Hinagkan ako ni Mrs. Lewis, ang init ng katawan niya. Sinuklian ko rin ang yakap niyang iyon, mahigpit ko rin siyang niyakap. Damang-dama ko ang pag-aalala sa akin ng matanda kaya wala akong dapat gawin kundi ang sundin siya. Alam kong para sa akin 'tong ginagawa niya.
"kapag nasa dormitoryo ka mas makakapag-focus ka roon."
Tumango ako't nagpaalam kay Mrs. Lewis, nag-aabang sa labas sina Theo at Ashley. Naipadala na ang mga gamit ko sa tutuluyan kong dormitoryo. Malapit lang naman 'yon dito sa mansyon kaya kahit anong oras pwede nila akong puntahan. Magkikita pa rin naman kami sa school at sa mga araw na walang pasok pwede kaming magkasama-samang tatlo.
"Ihahatid ka na namin, Mouse!" Hinawakan ako ni Ashley sa kamay, halatang nalulungkot siya sa desisyon ni Mrs. Lewis.
Nginitian ko lang siya't hindi pinahalatang nalulungkot din ako. Pansamantala akong nagpaalam sa mga kasambahay gano'n din kay Miss Mendes. Tahimik kaming naglakad patungo sa dormitoryo. Parang ayaw ko pang makarating doon dahil alam kong hindi ko na sila makakasama sa iisang bahay. Naniniwala akong may dahilan ang lahat ng pangyayaring ito.
***
KINABUKASAN, kinausap kaming tatlo ni Mrs. Drew sa faculty dahil absent kami kahapon. Inamin ko naman sa kanya ang ginawa kong pagtakas sa mansyon. Nagpaliwanag din si Theo sa ginawa niyang pag-sama sa akin sa simbahan. Si Ashley naman, hindi talaga pumasok dahil nag-aalala siya sa aming dalawa ni Theo. Hindi naman nagtagal ang pag-uusap namin, pinabalik din kami kaagad sa classroom bago magsimula ang klase. Nangako akong hindi ko na uulitin ang ginawa ko at pagsisikapan kong bumawi sa 4th quarter exam para makahabol sa grades kong bumagsak no'ng 3rd quarter.
Lumipas ang mahabang oras nang pakikinig sa mga lesson nang tumunog ang bell. Lunch break nang sabay-sabay kaming lumabas ng classroom para kumain sa canteen. Habang naglalakad kami sa hallway papunta sa canteen nagulat kami nang makasalubong namin si Mister Finn.
"Mouse!" atubiling tawag ni Mister Finn.
"Ano pong ginagawa n'yo rito, Mister Finn?" nagtataka kong tanong. Halatang nagmamadali siyang magpunta rito sa school, hinihingal pa kasi siya.
"Totoo bang pinaalis ka ni Mama sa mansyon?!"
Nagulat ako nang tumaas bigla ang boses niya. Kanina lang pala niya nalaman na lumipat na ako sa dormitoryo.
"Uhm…hindi naman po siya pinaalis ni Lola, pinalipat lang siya sa dormitoryo, Uncle." Pumagitna sa usapan si Ashley.
Siya na ang napaliwanag sa nangyari kahapon. Wala si Mister Finn sa mansyon dahil may inaasikaso siya sa opisina sa Makati. Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan niya nang marinig ang lahat. Nag-alala siya sa nangyari, akala niya pinalayas ako ni Mrs. Lewis. Pero, mas nag-alala siya nang malamang umalis ako ng mansyon na walang paalam. Kitang-kita ko sa mga mata niya na sobra siyang nag-alala.
"Sorry po, Mister Finn!"
"Ano bang pumasok sa isip mo at ginawa mo 'yon?" Napatapik siya ng noo. "Kung may problema ka sa pag-aaral mo, sabihin mo lang sa akin. Tutulungan kita sa abot ng makakaya ko, okay?"
"O-opo…"
Kung alam lang ni Mister Finn na siya ang dahilan kaya hindi ako makapag-focus sa pag-aaral ko…Hay!
Syempre, hindi ko sinabi ang napag-usapan namin ni Mrs. Lewis na dahil sa kaya niya ako pinalipat sa dormitoryo. Sinabi ko na lang na isa 'yong parusa dahil sa kalokohang ginawa ko, dinahilan ko na rin ang pagbagsak ko sa exam. Iyon naman talaga ang dahilan pero hindi ko sinabing bumagsak ako dahil sa nararamdaman kong pagkagusto sa kanya.
"Uncle, huwag na po kayong mag-alala. Kami na po ni Theo ang bahalang umalalay kay Mouse. Hindi po namin siya pababayaan." Mabuti na lang at nariyan si Ashley, handang magpakalma ng sitwasyon.
"Natutuwa talaga ako at nakikita kong magkasundong-magkasundo kayo."
"Mag-best friend po kami ni Mouse!"
Nagkangitian kaming dalawa ni Ashley. Salamat talaga at palagi siyang nariyan sa tabi ko.
***
ARAW ng Sabado, nagtungo ako sa maliit na lawa malapit sa club house. Dito kasi sa subdivision may malaking club house na pagmamay-ari ng pamilya Lewis. Sila kasi ang owner ng subdivision na 'to. May mga taong kumukuha sa kanila ng bahay at lupa, syempre mahal ang bayad sa ganitong prebadong subdivision. Kompleto nga rito, may pool area, tennis court, basketball gym, fitness gym at open field kung saan pwedeng tumakbo at maglaro sa damuhan. May maliit na lawa kung saan ako nagmumunimuni ngayon.
"Mouse! Kanina ka pa?!" tawag ni Ashley.
Kararating lang niya, may usapan kasi kaming magkikita ngayon dito.
"Medyo lang, ano 'yang dala mo?" Napansin ko ang hawak niya sa kamay, isang kulay itim na maliit na parang kahon? May mga numero at letra na parang pinaliit na type writer?
"Ang tawag dito'y cellular phone, bagong labas lang nito at napakadaling gamitin."
"Cellular phone?" pagtataka ko.
Ipinakita sa akin ni Ashley ang sinasabi niyang cellular phone. "Maliit na telepono, tapos pwede kang magpadala ng mensahe sa ibang may hawak din ng ganito. Kailangan mo lang malaman ang cellular phone number nila." Ipinakita niya kung paano ito gamitin. May mga naka-store nga na message sa inbox, may ilang phone number din sa contacts. Nang mapansin ko bigla ang pangalan ni…
"Jack?"
"Si Jack, nga 'yan…tinawagan ko kasi ang number niya sa dormitoryong tinutuluyan niya, ang sabi niya may cellular phone na raw siya't dito na lang kami mag-usap." Namumula ang pisngi ni Ashley habang kinukwento ang mga napag-usapan nila ni Jack. Ngayon lang niya ipinagtapat sa akin na may namumuong pagtingin na siya sa kababata ko. Hindi naman ako nagulat dahil halata naman sila no'ng una silang magkakilala. Pareho naman silang mga binata't dalaga, wala namang girlfriend si Jack, hindi rin gano'n kalayo ang agwat ng edad nila.
"Speaking of Jack, nagkita nga pala kami malapit sa simbahan na pinuntahan namin noon ni Theo. Noong araw na tumakas ako sa mansyon."
"Talaga? M-may sinabi ba siya tungkol sa akin?" atubiling tanong ni Ashley. Halatang-halata na interesado talaga siya kay Jack. Kung alam lang niya ang nangyari sa pagitan nila ni Theo.
"Kinumusta ka nga niya sa amin."
"Talaga?"
"Halatang, in-love ka kay Jack, ah."
"Eh?! Nahihiya ako, ano ba!"
Bigla akong natawa sa cute na reaksyon ni Ashley. Ang sweet at ang cute niyang babae.
Naupo kaming dalawa sa mahabang upuan na gawa sa kahoy, nasa ilalim ng malaking puno ng Narra. Sariwa ang hangin, ramdam ang namin ang maaliwalas na kapaligiran. Sa gitna ng pagmamasid namin sa magandang tanawin, tiningnan ako ni Ashley saka pabiglang nagtanong.
"Ano'ng nagustuhan mo kay, Uncle Finn?"
Nabigla ako sa tanong niya, hindi kaagad ako nakasagot. Paano niya nalamang may gusto ako kay Mister Finn? Wala naman akong sinasabi kay Ashley.
"Kahit hindi mo sabihin, halata ka kaya!" sabi pa niya.
Wala na akong nagawa kundi ipagtapat sa kanya ang lahat, tutal pinag-uusapan na rin namin ang tungkol sa pag-ibig. Ibinahagi niya ang tungkol sa namumuo nilang pagtingin ni Jack, kaya kinuwento ko na rin mula umpisa ang tungkol sa nararamdaman ko para kay Mister Finn. Pareho sila ng mga sinasabi, ihanda ko ang sarili kong masaktan dahil alam naman naming lahat na nakatakda na siyang ikasal kay Miss Rosalinda.
"Alam mo ba kung gaano ka baliw si Uncle kay Miss Rosalinda? Magkababata sila't noon pa man palagi nang bukang bibig ni Uncle kung gaano niya kamahal si Miss Rosalinda."
"Ano ka ba, alam ko naman 'yon…naka-focus ako ngayon sa pag-aaral ko, kaya pinipilit kong kalimutan na lang 'tong nararamdaman ko."
Tinapik ako sa balikat ni Ashley, ngumiti siya't isinandal ang ulo niya sa balikat ko.
"Tama lang naman na isipin muna natin ang kinabukasan natin bago ang pakikipagrelasyon na 'yan. Normal lang na ma-in love tayo pero, huwag natin kalimutan ang mga pangarap natin."
Bigla kong naalala si Mrs. Lewis sa sa sinabi ni Ashley. Hay! Ganito pala ang feeling ng komplikadong pag-ibig, 'yung tipong may gusto ka pero, may gusto siyang iba.
"Ashley! Mouse!" Dumating si Theo, may bitbit na basket at sa tingin namin ni Ashley mga pagkain ang laman no'n. Tumayo si Ashley saka hinatak ang kamay ko para puntahan si Theo. Tumayo ako't sumunod sa kanya nang biglang ngumisi si Ashley, parang nanunukso?
"Malay mo, narito lang pala sa tabi si mr. right, naghihintay na mapansin mo!" Sabay tawa nang malakas. Hindi ko siya na-gets? May pa-mr. right pa siyang nalalaman.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo, Ashley!"
"Huwag ka kasing manhid, Mouse!"
Napakamot lang ako sa ulo sa batuhan namin ng mga salitang ewan ko kung seryoso ba siya o nanunukso lang talaga. Sinulit namin ang araw na 'to, itinabi na muna namin ang lahat ng alalahanin namin at nag-enjoy sa magandang panahon.
Nauwi ang lahat sa isang masayang picnic, naghabulan kami ni Ashley sa damuhan na parang mga bata. Habang nakaupo lang si Theo at pinagmamasdan kami. Minsan, kahit tumatanda na tayong mga tao, hindi pa rin mawawala sa atin ang pagsasaya't paglalaro. Kahit bukas o sa susunod na mga araw hindi natin alam may kakaharapin tayong mabigat na pagsubok sa buhay.