KINAUMAGAHAN maaga kaming bumeyahe pauwi sa mansyon ng mga Lewis. Katabi ko si Theo sa likod kami ng van pareho kaming tahimik, awkward dahil alam kong narinig niya ang mga sinabi ko kagabi. Nang makauwi kami kaagad kong inakyat sa kuwarto ang mga gamit ko, hindi ko napansing sinundan pala ako ni Theo.
"Iniisip mo pa rin ba 'yung nangyari kagabi?"
Napalingon ako sa gilid ng pintuan kung saan siya nakasandal, pumasok na lang siya bigla nang hindi kumakatok.
Hindi ako sumagot hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko sa kanya. Naupo ako sa kama't binuksan ang bag ko, inilabas ko mula sa loob ang mga labahin kong damit. Lumapit si Theo, pinakiramdaman ko lang kung ano ang gagawin niya.
"Hindi ko alam kung ano'ng nakita mo kay Uncle pero, noon pa man halatang-halata na kita."
Naupo si Theo sa kama't pinagmasdan ang pag-aayos ko ng gamit. Patuloy lang ako sa ginagawa ko, isang tingin lang ang sinagot ko sa kanya pagkatapos inilabas ko naman ang iba ko pang gamit sa loob ng bag. Nang mapansin niya ang puting panyong inilabas ko.
Wala talaga akong masabi sa kanya.
"Ang ganda nito, a. Sa 'yo ba 'tong panyo?" Inusisa niya ito, binuklat saka pinagmasdan ang desenyo.
"May burda pala 'tong panyo mo, may initial?" Ipinakita niya sa akin ang nakaburdang mga letra sa puting panyo. Hindi ko naman iyon pinansin, inagaw ko ang panyo mula sa kamay niya.
"Matagal na sa 'kin 'tong panyong 'to, hindi ko naman ginagamit itinatago ko lang," paliwanag ko kay Theo.
"Ano 'yan remembrance?"
"Hindi, noh! Ibabalik ko rin 'to sa lalaking 'yon…kung magkikita kaming muli."
"Lalaking, 'yon?"
"Oo, sa lalaking naghagis nito sa mukha ko noong nasa ampunan pa ako! Ang mayaman at mayabang na lalaking bumangga sa akin na hindi man lang ako tinulungan," kuwento ko.
Tumayo ako't inilapag ang puting panyo sa ibabaw ng tukador. "Alam mo, kung hindi dahil kay Mister Finn, siguro nasa bahay-ampunan pa rin ako hanggang ngayon…" sandali akong nahinto sa pagsasalita nang maalala ko ang pinanggalingan ko.
Mga araw ko sa bahay-ampunan, ang kamusmusan ko noon. Napapikit ako habang inaalala ko ang mga ito. "Akala ko mananatili na lamang ako sa ampunang iyon habang buhay. Pero nagbago ang lahat nang makilala ko siya, si Mister Finn, siya ang aking liwanag…"
"Kung gano'n, ihanda mo na ang sarili mo! Ngayon pa lang sinasabi ko na sa 'yo, si Uncle, matagal na niyang minamahal si Miss Rosalinda…huwag ka nang umasa."
"Hindi naman ako umaasa! Gusto ko lang na malaman niya!" sigaw kong sagot.
"Tsk! Bakit kasi siya pa…" Tumayo si Theo, lumapit siya sa pinto't hinawakan ang hawakan.
"A-ano kamo?"
Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong nanlamig, may kirot sa puso ko na siyang nagpaluha sa mga mata ko. Nilamon ng katahimikan ang buong paligid hanggang sa tuluyang lumabas ng kuwarto ko si Theo. Hindi ko siya maintindihan, bakit pa niya kailangang sabihin ang mga bagay na makapagpapasakit sa 'kin? Nanandya ba talaga siya? Kung sinasadya nga niya, nagtagumpay siya…sa mga oras na 'to, ramdam ko ang sakit. Ayokong umasa, hindi ako aasa pero…parang gusto kong maniwalang may pag-asa dahil ang gusto ko lang naman ay ang malaman niya…
***
SUMAPIT ang araw ng Lunes. Isang bagyo ang dumating sa buhay ko, hindi ko alam kung ano'ng nangyari at hindi ko rin alam kung bakit nagkaganito. Katatapos lang ng 2nd quarter exam namin nang ibalik ni Mrs. Drew ang mga test paper namin. Nanginginig ang mga kamay ko nang makita ko ang resulta ng lahat ng mga exam ko.
"Mouse, ano'ng nangyari sa 'yo?" nagtatakang tanong ni Ashley nang tingnan niya ang mga test paper ko.
"Mouse, ako man ay nagulat din, hindi ako makapaniwala isa ka sa top student ko, pero bakit? Ano'ng nangyari sa 'yo during the exam?"
Disappointed si Mrs. Drew sa resulta ng exam ko at sino ba namang hindi? Lahat ng subject ko, bagsak! Ni isa wala akong ipinasa? Up to 60 items ang nakuha ko lang ay 20 pinakamaatas na iyon at sa subject pa na History at ang iba mababa pa sa 20. Pakiramdam ko pinagbagsakan ako ng langit at lupa, parang pang-horror ang nakakatakot kong score. Wala akong mukhang ipapakita kay Mrs. Lewis na siyang nagpapaaral sa akin, natatakot ako.
"Pumunta ka sa faculty room mamaya at kakausapin kita ng masinsinan."
"O-opo." Hiyang-hiya ako sa kanilang lahat.
Habang nakatulala ako sa test paper ko na parang gusto ko na itong lamukusin at itapon sa basurahan, nagpalakpakan naman ang mga kaklase ko. Si Theo, perfect score ang nakuha niya sa lahat ng subject. Siya ang top 1 sa klase, ang lahat ay binabati siya samantalang ako, nanginginig pa rin sa sinapit ng exam ko.
Matapos akong kausapin ni Mrs. Drew sa faculty room umuwi ako ng mansyon na hinang-hina. Parang ayaw ko nang mabuhay, hindi ito ang gusto kong mangyari! Nahihiya ako kay Mister Finn, nitong mga nakaraang araw walang ibang laman ang isip ko kundi siya. Hindi maalis sa isip ko ang pagtatapat na ginawa ko sa harap ni Theo, na akala ko si Mister Finn. Simula no'n nahihiya na rin akong lumapit kay Theo, hiyang-hiya ako sa ginawa ko!
Nagbihis ako saka lumabas ng kuwarto't bumaba sa salas nang mapansin ko si Mrs. Lewis nakaabang sa akin. Nakaupo siya't halatang hinihintay akong bumaba, tumayo siya't sinenyasan akong sumunod sa kanya.
"Patawad po! Patawad po at binigo ko kayo, Mrs. Lewis!" paumanhin ko nang ipakita ko sa kanya ang resulta ng mga exam ko.
Kinuha niya ang mga ito, tahimik lang siya't wala ni isang reaksyon sa hawak na test papers. Tumalikod siya't humarap sa bintana, nakita kong ipinatong niya ang mga papel sa ibabaw ng mesa. Isang buntong-hininga ang ginawa ni Mrs. Lewis bago muling humarap sa akin. Seryosong tinitigan niya ako mata sa mata.
"Nakaka-disappoint ka, Mouse." Biglang may kuryenteng gumuhit sa buong katawan ko. Ramdam ng puso ko ang sakit sa binitiwang salita ni Mrs. Lewis.
"Alam ko po! Patawad po!" Kusang kumilos ang katawan ko't dinampot ang mga papel sa ibabaw ng mesa saka mabilis na lumabas ng kuwarto ng matanda.
Tumakbo ako patungo sa kuwarto ko, ni-lock ko ang pinto. Gusto kong mapag-isa, wala akong balak bumaba at ipakita ang nakakahiya kong mukha sa harapan nila. Lumapit ako sa malaking salamin sa gilid, tinitigan ko ang buong sarili ko. Ano bang nangyari sa 'kin? Hindi naman ako dating ganito. Nasaan na ang Mouse na pursigidong abutin ang pangarap niya? Nasaan na ang Mouse na gustong tulungan ang mga kapwa niya ulila sa bahay-ampunan? Nasaan na ang mga sinabi ko noon kay Mrs. Lewis para ampunin nila ako?
Isang bagay ang sumagi sa isip ko, sa ganitong sitwasyon ang ginagawa ko ay nagtutungo sa simbahan. Tama! Kailangan kong magpunta sa simbahan! Walang ibang lugar na nakakapagpanatag sa isip ko kundi ang simbahan. Buo na ang isip ko, gusto ko munang umalis sa mansyong ito. Nagmadali akong nag-ayos ng kaunting gamit ko. Isang backpack na kasya ang isang terno ng damit, pera at tirang tinapay mula sa baon ko kanina.
Pinatay ko ang ilaw, inilagay ko ang dalawang unan sa ilalim ng kumot para akalain nilang natutulog na ako. Lumipas ang mahabang oras, pasado alas onse na. Marahan kong sinilip ang labas, siniguro ko munang walang tao sa paligid. Mukhang nasa kwarto na silang lahat. Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan at lumabas ng mansyon. Mabuti na lang at hindi pa sinasara ni Miss Mendez ang back door sa kusina. Madalas ang inuuna niyang isara ay ang main door sa harap.
Nang makalabas ako, umakyat naman ako ng gate hanggang sa makalabas ako nang tuluyan sa mansyon. Alam kong hahanapin nila ako pero, may iniwan naman akong sulat. Babalik din naman ako bukas ng gabi. Gusto ko lang talagang mapag-isa ngayon at makapag-isip-isip.
Tanaw ko na ang gate ng subdivision pero, mukhang mahihirapan akong lumabas dahil may dalawang gwardyang nagbabantay. Nagtago muna ako sa malaking puno't nag-isip kung ano'ng sasabihin ko para palabasin nila ako.
Nang biglang may humablot sa akin at tinakpan ang bibig ko. "Shhh…huwag kang maingay." Nang makita ko ang lalaki, walang iba kundi si Theo? Inalis niya ang kamay niya sa bibig ko saka sumenyas na tumahimik ako.
"Sumama ka sa akin!" Hinawakan niya ang kamay ko't napasunod ako ng lakad sa kanya. Hanggang sa makarating kami sa bakante't madamong lugar. May mataas na pader ang tumambad sa harapan namin. May mahabang hagdan sa gilid na gawa sa lumang kahoy.
"Umakyat ka na, susunod ako sa 'yo," mahinang utos ni Theo.
"Ayoko nga! Ba't ako susunod sa 'yo? Mamaya baka silipan mo pa ako!"
"Asa ka! Bahala ka kung ayaw mong umakyat, siguradong hindi ka palalabasin ng dalawang gwardya sa gate."
Napaisip ako sa mga sinabi niya, tama siya. "Oo na sige na! Basta pumikit ka!" Tumango lang siya't siniguro ko munang nakapikit nga siya bago tuluyang umakyat ng hagdan. Medyo madilim mabuti na lang at may dalang maliit na flashlight si Theo, ito ang nagsilbing ilaw namin. Nang makababa kami, muling hinawakan ni Theo ang kamay ko't nanguna siya sa paglalakad. Hinayaan ko lang siya dahil mas alam niya ang lugar na 'to kumpara sa 'kin.
"Teka, sa'n ba tayo pupunta? At teka, pa'no mo ko nasundan?"
"Pakiramdam ko lang. Ikaw 'yong tipo na naglalayas kapagsumasama ang loob."
"Hoy! Hindi noh! Gusto ko lang lumabas ng subdivision—"
"Nang nag-iisa't walang paalam?" sabat ni Theo na siyang ikinatahimik ko. "Tingin mo ba tama ang ginawa mo?"
Sapul na sapul ako as in guilty! Hindi ko alam kung saan kami patungo, kung saan niya ako dadalhin. Napahigpit ang hawak ko sa kamay ni Theo, naramdaman ko namang hinigpitan din niya ang pagkakapit sa kamay ko.
"Theo, uuwi rin ako pero maaari mo ba akong dalhin muna sa simbahan?" nahihiya kong sabi sa kanya.
"Sa simbahan nga kita dadalhin ngayon, naikuwento sa akin ni Ashley ang tungkol sa ampunan at simbahan na siyang naging tahanan mo noon, 'di ba?"
Sa mga sandaling iyon tila nagliwanag ang buong paligid, isang nakangiting Theo ang nakalingon sa akin. Iniilawan ng flashlight ang kinatatayuan namin, maliwanag kong nakikita ang asul niyang mga mata na siyang dahilan ng pamumula ng pisngi ko. Bakit, tumitibok nang mabilis ang puso ko ngayon?
Hanggang sa hindi ko namalayang…kusang sumandal na lamang ang ulo ko sa balikat niya.