NATAPOS ang makabuluhang araw ng Pasko, ngayon naman abala ang lahat sa pagsalubong sa bagong taon. Isang imbitasyon ang dumating sa pamilya Lewis, nasa mansyon ako nang basahin iyon ni Miss Mendez. Isa iyong imbitasyon galing sa pamilya ni Miss Rosalinda.
Noong huling punta namin sa mansyon nila, pinag-usapan nila ang tungkol sa engagement nina Mister Finn at Miss Rosalinda. Ngayong New Year's Eve nila ito balak gawing opisyal. Ilalahad nila ang mga naging plano na nilang dalawa, kung kailan at saan nila balak isagawa ang kanilang kasal.
At wala akong balak sumama sa kanila kahit pinipilit ako ni Mrs. Lewis! Iyon ang sabi ko sa sarili ko pero heto ako ngayon nagsusukat ng susuotin kong damit para sa gabing iyon.
"Bagay na bagay sa 'yo ang pink dress, Mouse!" tuwang sabi ni Ashley. Siya pa itong excited sa susuotin ko kaysa sa akin. Pero, maganda nga itong damit na napili nila para sa akin. Pink cocktail dress na may raffles sa magkabilang braso at napakasimple ng disenyo.
Inayos din ni Ashley ang style ng buhok ko. Inilaylay niya ang kulot kong buhok. Medyo may kahabaan na rin pala ito kaya itinirintas ni Ashley ang dalawang gilid saka itinali sa likod.
"Maganda ka talaga mag-ayos ng buhok, Ashley," puri ko sa galing niya. Sa aming dalawa siya talaga itong may taste sa maraming bagay lalo na sa mga kakikayan.
"Ashley, Mouse, hindi pa ba kayo ta—"
Biglang pumasok sa loob ng kuwarto si Theo, natameme siya nang hindi ko alam kung bakit.
"Tingnan mo si Mouse, ang cute niya 'di ba? Ti-mo-the-o?"
"Ano ka ba, Ashley ba't ganyan ka magsalita?" saway ko. Parang ang weird kasi. May nalong panunukso?
"Ba't parang umurong ang dila mo d'yan?" nakanguso kong tanong.
"W-Wala naman! Bilisan n'yo na nga lang, tsk!" Napakamot siya sa ulo habang tinatakpan niya ang bibig gamit ang palad. Nag-bu-blush ba siya?
"Susunod na kami!" Tinulak niya si Theo palabas ng kuwarto. Ano bang problema ng lalaking 'yon?
***
ALAS syete ng gabi nang makarating kami sa mansyon ng pamilya Pelaez. Sinalubong kami kaagad ng mag-asawang Pelaez, habang nag-aantay naman si Miss Rosalinda sa kanyang silid.
Kasama kasi sa magaganap ang sunduan. Iyong lalabas si Miss Rosalinda at baba sa mahabang hagdan habang nakaabang si Mister Finn at aalalayan siya hanggang sa makarating sila sa mahabang mesa.
Naroon na ang maraming bisita, dinaluhan ito ng mga kaibigan at ibang kamag-anak nila. Nakipagbeso-beso si Mrs. Lewis sa mag-asawa. Pinapasok kami sa loob saka naupo sa aming puwesto.
Mayamaya'y nag-umpisa na ang kasiyahan. Tumugtog ang banda at lumikha sila ng nakakaakit na musika. Lumabas si Miss Rosalinda, nakaabang naman si Mister Finn. Nagpalakpakan ang mga tao sa mabagal at napakaelegante niyang pagbaba ng hagdan. Ang ganda ng suot niyang damit, kumikinang ito sa mga nakakabit na bids. Ang gaganda rin ng mga alahas niyang suot. Makapal pa rin ang make up niya at pulang-pula ang labi.
Hindi ko talaga ma-take ang kulay pula! Oo, hanggang ngayon hindi ko pa rin gusto ang kulay nito. Naupo sila sa magarang upuan sa gitna. Napansin ko ang kaliwang kamay ni Miss Rosalinda, may suot siyang kumikinang na singsing. Kung hindi ako nagkakamali iyon ang engagement ring na ibinigay sa kanya ni Mister Finn.
Kinuha ng Ama ni Miss Rosalinda ang babasaging baso saka itinaas ito at nakipag-toast sa mga bisita.
Ang lahat ay masaya syempre hindi mabubuo ang gabi kung walang fireworks display. New Year's Eve ngayon kaya ang lahat ay sinalubong ito nang buong saya.
Nagkakainan na ang mga tao ng saluhan namin ang pamilya Pelaez. Naupo kami sa mahabang mesa, lumapit ang waiter at hinainan kami ng pagkain.
Pinapagitnaan ako ni Ashley at Theo habang kaharap namin sina Miss Rosalinda at Mister Finn. Katabi ni Mrs. Lewis ang mag-asawang Pelaez. Hindi ako mapalagay sa pagsulyap na ginagawa ni Miss Rosalinda sa akin. Kaharap ko si Mister Finn, hindi ako komportable sa ginagawa niyang pag-akbay sa braso ni Mister Finn.
"May problema ba? Mouse?" Matalas ang tingin sa akin ni Miss Rosalinda.
"W-wala naman po!" nahihiya kong sagot kay Miss Rosalinda.
Dumating ang waiter saka sinalinan ang glass wine nilang matatanda ng mamahaling alak. Juice lang ang sa amin dahil mga teen ager pa lang kami.
"Salamat at nakarating kayong lahat sa engagement namin ni Finn," malambing na sabi ni Miss Rosalinda.
"Natural, magiging isang pamilya na tayo," sagot ni Mrs. Lewis.
"Oo nga naman, salamat, Mama."
***
HINDI pa man tapos ang medya notche nang lumabas ako ng mansyon para makapaglakad-lakad at bisitahin ang pinagmamalaki nilang 'Garden of light'. Isa itong park na nilagyan nila ng sampung libong white roses na gawa sa LED light. Ang ganda nilang pagmasdan, napakaromantiko't nakakagaan sa pakiramdam.
Ang yaman talaga nila para gawin ito sa sarili nilang hardin. Sabagay sa mga tulad nilang maraming pera, barya lang siguro ito sa kanila.
Sa aking paglalakad nakita kong magkasama sina Mister Finn at Miss Rosalinda. Nagtungo sila sa gitna ng mga bulaklak na nagliliwanag. Habang pinagmamasdan ko silang dalawa, hindi maalis ang kapirasong kirot sa puso ko. Bagay na bagay silang dalawa, para silang prinsesa't prinsipe. Biglang tumugtog ang sweet music na pinapatugtog ng banda sa maliit na stage. Lalong nakadagdag ito ng romantic feeling sa paligid.
Biglang tumulo ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan. Kinabig nang mabilis ni Miss Rosalinda si Mister Finn saka niya hinalikan sa labi. Nagulat ako sa ginawa niyang iyon.
Ano ba 'tong nararamdaman ko? Bakit ang sakit? Para akong mauubusan ng hanging hinihinga. Matagal ang halik nilang iyon, tila walang gustong bumitiw. Lalo pang nakadagdag sa sakit sa puso ko nang titigan ako ni Miss Rosalinda, sinasabi ng mga mata niya na sa kanya lang si Mister Finn at walang makakaagaw sa kanya sa lalaking pakakasalan niya.
Gusto kong ipikit ang mga mata ko para wala na akong makita...gusto ko na lang...gusto ko na lang sanang...
"Maglaho nang parang bula?"
Biglang dumilim ang paligid nang maramdaman kong tumakip sa mga mata ko ang malapad na palad. "Sumama ka sa akin! Hayaan mo hindi ko aalisin ang kamay ko para wala ka nang makita."
"T-Theo?"
Hinawakan ako ni Theo sa braso't pinasunod sa kanya. Naglakad kami hanggang sa hindi ko na marinig ang matamis na tugtuging pinapatugtog ng banda sa lugar na 'yon. Tinanggal ni Theo ang kamay niya't nasa ibang lugar na kami. Isang maliit na park na may duyan at isang poste ng ilaw na siyang nagbibigay liwanag sa paligid. Tahimik at walang sasakyang dumaraan kahit malapit ang park sa tabi ng kalsada.
Nakarating kami rito?
"Ayos ka na ba?" mahinahong tanong ni Theo.
Pinaupo niya ako sa duyan habang nakatayo siya sa gilid ko't nakahawak sa bakal na kadenang sumusuporta sa duyan.
Tumango lang ako't mahinang bumulong, "Ayos lang ako."
Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin sa kanya, wala akong ibang mabigkas sa sobrang hiya. Nayuko na lamang ako't pinagmasdan ang anino ko sa lupa. Mayamaya pa'y kusang tumulo ang mga luha ko't binasa nito ang tuyong lupang tinatapakan ko. Hindi ko na kinaya't lumabas ang hikbi sa bibig ko't tuluyan na akong napaiyak.
"Alam kong walang patutunguhan itong nararamdaman ko para kay Mister Finn, ni hindi ko nga alam kung ano ba talaga 'to? Pag-ibig o paghanga? Pero, ang sakit-sakit! Ang sakit na makita siyang nasa piling ng iba, kahit alam kong mahal nila ang isa't isa—ang sakit pa rin!" bumulalas ang kinikimkim kong sakit sa puso.
Ibinuhos ko ang lahat sa pag-iyak kong ito. Hindi ko kaya, kailangan ko itong ilabas. Naninikip ang dibdib ko't nahihirapan akong huminga.
Isang katahimikan ang bumalot sa paligid nang maramdaman ko ang pagpisil ni Theo sa braso ko. Natulala ako't biglang bumilis nang husto ang pagtibok ng puso ko. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari? Bakit ganito? Dama ko ang lambot ng kanyang labi na nakahalik sa labi ko. Nang alisin niya ang labi niya sa pagkakahalik ngumiti siya habang nakatitig sa mga mata ko. Kumikinang ang mga mata ni Theo, lalong nakadagdag ng init sa buong katawan ko ang amoy niyang kay bango.
"Mahal kita, Mouse!"
Napahawak na lamang ako sa aking bibig nang marinig mula sa bibig ni Theo ang mga katagang iyon. Bigla akong nataranta't mabilis na napatayo mula sa pagkakaupo sa duyan. Para akong tangang hindi malaman ang gagawin. Naghahanap ako ng isasagot sa kanya pero, ano? Ano'ng sasabihin ko? Ano'ng gagawin ko?
"Hindi mo kailangang magmadali, handa akong maghintay..." Tumayo siya nang tuwid saka sumenyas na umalis na kami.
Wala akong naging tugon sa kanya, kusang kumilos ang mga paa ko't sumunod lamang sa kanya. Mula sa likod kitang-kita ko ang lapad ng balikat ni Theo. Ngayon lang pumasok sa isip ko ang mga bagay na mayroon siya, mga katangiang pisikal at ugaling sa kanya ko lang natagpuan.
Sandali siyang nahinto saka lumingon sa akin. "Pasensya ka na, Mouse. Akala ko kaya ko pang pigilan—hindi na pala!"
Namilog na lamang ang mga mata ko sa sobrang gulat.