SUMAPIT ang bespiras ng Pasko. Pinilit kong iwaksi sa alalahanin ni Mrs. Drew ang pag-alala niya sa isa pa niyang anak. Naging masaya ang pananatili ko rito hanggang ngayon nga, busy na kami sa paghahanda. Darating ang iba pa nilang kamag-anak sa side ni Mr. Richard. Mga relatives na makiki-Notche Buena sa kanila.
Isa sa inaabangan ni Johan ang pagdating ni Santa. Siyam na taong gulang na si Johan, at sa tingin ko may hinala na siya kung sino ang naglalagay ng regalo sa sinasabit niyang malaking medyas sa dingding.
Habang nagtatalop ako ng karot na ilalagay mamaya sa macaroni salad, biglang tumunog ang telepono sa salas. Sinagot iyon ni Mrs. Drew.
"Mouse! Si Ashley, nasa kabilang linya!" tawag sa akin ni Mrs. Drew. "Bakit parang kakaiba ang boses ni Ashley," pagtataka pa niya.
Pinunasan ko muna ang kamay ko bago ko hinawakan ang telepono. "Hello? Ashley?"
"Mouse! Mouse! Si Lola—"
"Teka, teka! Uminahon ka muna, a-ano'ng nangyari kay Mrs. Lewis?"
"N-Nasa Ospital siya ngayon! Dinala siya kaninang madaling araw ni Uncle Finn, pasunod na kami ni Theo ngayon!" nawiwindang na paliwanag ni Ashley.
Nanlamig ako sa narinig ko, bigla akong nanginig at kinabahan. "S-Saang ospital 'yan?"
"Dito lang sa Sunrise Private Hospital, pumunta ka na lang. Baka, doon na rin kami magbespiras para may kasama si Lola."
"O-Osige, susunod ako!"
Ibinaba kaagad ni Ashley ang telepono, narinig ko pa ang tinig ni Theo na nagmamadali bago niya ito tuluyang ibaba.
"Mrs. Drew! Si Mrs. Lewis po, nasa ospital!" mabilis kong balita na kanilang ikinagulat.
Sa sobrang pag-aalala ko ni hindi ko na magawang ipagpatuloy ang pagtatalop ng karot. Hindi mapalagay ang sarili ko hangga't hindi ako nakakasigurado sa kaligtasan ng matanda. Tinapik ako ni Mrs. Drew, inihanda naman ni Mr. Richard ang kotse. Nakahawak sa laylayan ng damit ko si Johan, alam kong ayaw niya akong umalis lalo na ngayong bespiras ng Pasko.
"Ate..."
"Huwag kang mag-alala, babalik din ako kaagad, okay?" Kinuskos ko ang buhok niya para bigyan ng kapanatagan ang loob ng bata.
"Mouse, tumawag ka kaagad kung ano nang lagay ni Mrs. Lewis," habilin ni Mrs. Drew.
"Opo! Salamat din po sa pang-unawa, Mrs. Drew."
Sumakay ako ng kotse, hindi naman nagpatumpik-tumpik si Mr. Richard, agad siyang nagmaneho sa katamtamang bilis. Ang mahirap lang, medyo trapik ngayon lalo na't maraming naghahabol sa mga pamilihan.
***
Maghahapon na nang makarating ako sa ospital. Kaagad naming hinanap ni Mr. Richard ang private room kung nasaan si Mrs. Lewis. Mabuti na lang at nakasalubong ko si Miss Mendez.
"Miss Mendez!" tawag ko nang makita siyang papalapit sa kinaroroonan ko.
"Mouse! Mabuti at nakasalubong kita, kanina ka pa hinahanap ni Mrs. Lewis."
"Po? K-Kumusta na po siya?"
"Huwag ka nang mag-alala, may malay naman siya. Kaninang madaling araw tinawag niya ako, dumadaing siya na masakit ang likod niya hanggang sa hindi na niya makayang tumayo. Tinawag ko si Finn, dinala namin siya rito sa ospital para masuri ng doktor," paliwanag ni Miss Mendez, hanggang makarating kami sa kuwarto.
Pagkapasok ko, kaagad kong nilapitan ang matanda at hinawakan ang kamay niya. "Mrs. Lewis, kumusta po ang pakiramdam n'yo?"
"Mouse, mabuti at narito ka na. Okay na ako, nabigyan na nila ako ng paunang lunas sa sumasakit na likod ko. Hay! Masyado na talaga akong matanda..."
"Huwag n'yo pong sabihin 'yan! Malakas pa po kayo, Mrs. Lewis!"
Tinapik ni Mrs. Lewis ang ulo saka kinuskos ang buhok ko. Ngumiti siya, kitang-kita ko sa mga mata niya ang kaunting lungkot. Pero, pinipilit pa rin niyang ngumiti alang-alang sa mga taong nag-aalala sa kanya. Napansin kong wala sina Mister Finn sa loob.
Mayamaya'y dumating silang tatlo. "Mouse!" agad na sambit ni Ashley pagkakita sa akin.
"Ashley! Saan kayo galing?" usisa ko.
"Bumili lang kami ng mga gamot na nereseta ng doktor kanina," ani Ashley.
Tumabi sa akin si Theo, nang biglang sumagi sa isip ko ang gabi na isinauli niya ang pendant ko, bigla akong dumistansya sa kanya. Napansin niya ang paglayo ko, lumipat siya sa kabilang bahagi ng kama katabi si Miss Mendez.
"Ipagbabalat po kita ng mansanas, Lola." Kinuha ni Theo ang isang pirasong mansanas saka binalatan ito nang paikot.
"Salamat sa inyong lahat. Pasensya na at pinag-alala ko pa kayo." Ibinaling ni Mrs. Lewis ang pansin niya sa akin. "Naistorbo ko pa ang bakasyon mo sa bahay nina Erena."
"W-Wala po iyon, kasama ko naman po si Mr. Richard, babalik din po kami pag-alam ko na pong maayos na po ang kalagayan n'yo."
Lumingon sa gilid si Mrs. Lewis, sinilip niya sa pinto ang asawa ni Mrs. Drew na nakatayo lang sa pintuan. Nahihiyang pumasok sa loob si Mr. Richard, nagmano ang lalaki sa matanda.
"K-Kumusta po, Ninang."
"Hindi ka pa rin nagbabago, Richard. Mahiyain ka pa rin tulad ng dati."
Napag-alaman kong inaanak pala ni Mrs. Lewis itong si Mr. Richard. Kaibigan ng ina ni Mr. Richard si Mrs. Lewis. Kung gano'n kinakapatid pala siya nina Mister Finn.
"Richard!" Lumapit si Mister Finn sa kanya at nakipagkamay.
"Finn, pasensya na at hindi na ako nakakadalaw sa mansyon."
"Oo, ngayon mo lang ulit ako nadalaw kung kailan nakaratay ako rito sa ospital," may tampong saad ni Mrs. Lewis.
Napakamot sa ulot si Mr. Richard. "Sorry po talaga, Ninang."
Nauwi ang sandaling ito sa kumustahan at kuwentuhan. Mabuti na lang at hindi malubha ang nangyari kay Mrs. Lewis, nag-alala talaga ako nang sobra.
***
NAIWAN ako para magbantay sandali kay Mrs. Lewis habang nasa labas sila at bumibili ng ilang kailangan ng matanda. Nakaupo ako sa upuan katabi ng kama na hinihigaan niya. Nakasandal si Mrs. Lewis sa unan nang bigla niya akong hawakan sa kamay.
"Mouse..." may lungkot sa pagtawag niyang iyon.
"B-Bakit po? May kailangan po ba kayo? Gagamit po ba kayo ng banyo? Aalalayan ko po kayo—"
"Hindi!" Umiling siya't pinabalik ako sa pagkakaupo. "Gusto kong itanong kung kumusta ang ilang araw mong pagtira sa pamilya, Drew?"
"Masaya naman po!" masayang sambit ko. "Alam n'yo po, palagi kaming magkalaro ni Johan, iyong anak pong lalaki ni Mrs. Drew..." bigla akong natigil sa sinasabi ko nang sumagi sa isip ko ang isa pa niyang anak.
Tutal kaming dalawa lang ni Mrs. Lewis, binuksan ko ang usapan tungkol dito. "Alam n'yo po bang may ibang anak pa si Mrs. Drew?" Hindi ako umaasang may isasagot si Mrs. Lewis, pero nang marinig niya ang tanong ko bigla siyang tumango.
"Natural alam ko! Ako yata ang kumopkop noon kay Erina, nang dineklarang patay na ang kanyang anak."
"Po? Namatay po ang anak niya?" Napatayo ako nang marinig ko ang nakakagulat na balita. "A-ano po ang kinamatay?" usisa ko pa.
"Dineklarang patay dahil hindi na ito mahanap ng mga pulis. Ilang taon na rin ang nakakaraan nang mangyari iyon. Pagkapanganak pa lang ni Erina sa kanyang anak na babae, tinangay ito ng nagpanggap na nurse. Ayon sa paunang ulat ng mga pulis, maaaring kaso ito ng kidnaping kung saan ibenebenta ang mga sanggol na nakikidnap ng mga suspect. "
"Hindi na po naibalik ang sanggol? Hindi rin nahuli ang gumawa?"
Umiling muna si Mrs. Lewis bago sumagot, "Hindi na! Walang clue ang mga pulis kung saan dinala ang sanggol. Tanging balabal na lamang ng sanggol ang naiwan sa nursery."
Kusang tumulo ang mga luha ko sa nalaman ko. Sobrang sakit no'n para sa isang ina na manakaw ang sarili niyang anak. Alam kong masakit iyon! Walang kapatawaran ang ginawa ng kidnapper na 'yon sa pamilya ni Mrs. Drew. Nakakaawa ang bata, wala siyang kamuwang-muwang.
"Sino bang ina ang hindi mababaliw sa pagkawala ng kanyang anak? Natagpuan ko si Erina na pagala-gala sa palibot ng simbahan. Kasama ko noon si Richard, siya ang nagkumbinsi sa akin na tulungan si Erina. Nag-back ground check kami sa buhay ni Erina at napag-alaman namin na isa siyang private tutor sa Germany at nakapangasawa siya roon."
"Buhay pa po ba ang asawa niyang Briton?"
"Patay na rin ito..."
Naputol ang usapan namin nang biglang dumating sina Mister Finn kasama ng iba pa. Nilapitan ako ni Mr. Richard. "Kailangan na nating bumalik sa bahay, siguradong nag-aalala na ang guro mong si Erina," paalala ni Mr. Richard.
"O-Opo!" tipid kong sagot. Hindi ko na inungkat ang naging usapan namin ni Mrs. Lewis. Maging ang matanda ay sumenyas sa akin na huwag akong maingay.
"Mukhang may malalim kayong pinag-usapan, ah!" Mabilis na napansin ni Mister Finn.
"Hala! Wala naman pong importante!" pagde-deny ko.
"Pinag-usapan lang namin ni Mouse ang tungkol sa pag-uwi niya sa Pasko. Gusto ko nasa mansyon sa araw na iyon!" mariing pahayag ni Mrs. Lewis. Magaling din siyang magpalusot, ah.
"Susunduin ko naman po talaga siya sa Pasko, 'Ma."
Nakangiti na nagpaalam si Mr. Richard, "Bale, aalis na po kami, Ninang."
Humalik sa pisngi ni Mrs. Lewis si Mr. Richard. Nagpaalam din kami sa lahat at binati ang isa't isa ng maligayang Pasko. Uuwi akong baon ang ipinagtapat ni Mrs. Lewis na nakaraan ni Mrs. Drew. Hindi ko alam na may gano'ng masakit na nangyari sa buhay ng mabait kong guro.
Hanggang sa loob ng sasakyan, tulala akong nakadungaw sa bintana ng kotse. May kakaibang kirot sa puso ko na hindi ko maintindihan. Pero, ipinagpapasalamat ko pa rin dahil nakita ni Mrs. Lewis ang panibagong liwanag. Liwanag sa mga tanong tumulong sa kanyang makaya ang hagupit at sakit ng dinanas niya sa buhay.
Sinulyapan ko si Mr. Richard, masasabi kong isa siyang mabuting lalaki sa ibinigay niyang pagmamahal kay Mrs. Drew. Nagpapasalamat din naman ako sa Diyos dahil walang masamang nangyari kay Mrs. Lewis at nagawa pa niyang ikuwento ang nakaraan ni Mrs. Drew.
Ililihim ko ito at hinding-hindi uungkatin para na rin sa kapanatagan ng loob ng minamahal kong guro. Ang bespiras na ito ay may hadit na kakaibang init. Naniniwala akong may dahilan ang lahat ng bagay sa mundo. Hangad kong magkaroon ang lahat ng makabuluhang Pasko.
Sakto nga at pag-uwi namin umabot pa kami sa misa para sa kapanganakan ni Hesus. Kahit malamig ang simoy ng hangin, damang-dama ko ang init ng pagmamahal ng bawat pamilyang makasalubong namin. Maligayang Pasko sa lahat ng tao sa mundo! Happy Birthday, Jesus!