Drew Family

1750 Words
CHRISTMAS party namin ngayong araw at huling araw ng pagpasok sa paaralan. Bumalik na ang gana ko sa lahat ng gawain at alam kong malaki rin ang ibinawi ko ngayong third grading. Oras na man para magsaya dahil pagkatapos ng araw na ito, Christmas vacation na. Syempre tulad sa mga nakagawiang Christmas party hindi mawawala ang palaro, exchange gift at masayang kainan. Sinulit namin ang araw na 'to dahil ang iba sa amin ay uuwi sa mga probinsya at ang iba sa dormitoryo ay uuwi rin sa kanilang sariling bahay. Kumanta kami, sumayaw at naglaro nang buong araw. Ang saya! Iba talaga kapag sasapit ang Pasko. Natapos ang buong araw na may ngiti sa aming mga labi. Umuwi ng mansyon sina Theo at Ashley habang dumeretso kaagad ako sa dormitoryo. Isang imbitasyon kasi ang natanggap ko at ayoko naman itong tanggihan. Habang inaayos ko ang mga gamit ko sa kuwarto, kumatok saka pumasok sa loob si Mrs. Drew. "Oh, handa ka na ba, Mouse?" tanong ni Mrs. Drew. "Opo, kaunting gamit lang naman po ang dadalhin ko," sagot ko habang nagtutupi ng damit. Tinulungan akong magtiklop ni Mrs. Drew, mabalis akong natapos sa pagtutupi ng damit. Isinunod ko naman ang mga gamit na maliliit tulad ng toothbrush, face towel, paborito kong pabango at iba pa. "Tumawag nga pala sa akin si Johan, excited na siyang makita ka, Mouse," balita ni Mrs. Drew nang nakangiti. "Ako rin po, Mrs. Drew! Gusto ko na rin pong makipaglaro kay Johan." Iniisip ko pa lang kung ano ang hitsura ng bahay nila at bakuran kung saan kami maglalaro ni Johan, hindi ko mapigilan ang sarili kong manabik. "Oh, siya! Tapusin mo na ang pag-aayos ng gamit mo." Tumayo si Mrs. Drew, lumabas ng kuwarto ko at siya na rin ang nagsara ng pinto. Naimbitahan kasi ako ng pamilya ni Mrs. Drew na magbakasyon hanggang bespiras ng pasko sa bahay nila. Nagpaalam naman ako kay Mrs. Lewis at pinayagan naman niya ako. Susunduin na lang ako ni Mister Finn sa mismong Pasko para sila naman ang kasama ko. Hindi ko magawang tanggihan ang paanyaya ni Mrs. Drew dahil maging ako, sabik na ring makilala ang pamilya nila. Gusto ko ring makalaro si Johan, balita ko kasi nalulungkot ang bata dahil wala siyang kalaro sa bahay nila. Si Johan, ay may mahinang pangangatawan. Nag-ho-home study siya dahil palagi siyang nagkakasakit. Imbes na lumiban-liban siya sa paaralan, minabuti nilang sa bahay na lang siya turuan. Naalala ko na naman ang mga bahay sa ampunan. Alam ko ang pakiramdam na gustong-gusto mong pumasok sa tunay na paaralan tulad ng ibang mga bata. Nakakalungkot... Matapos ang pag-iimpake ko, bumaba muna ako at lumabas ng dormitoryo sandali. Nagpaalam ako na babalik ako kaagad kay Mrs. Drew. Nakita ko na ang mga gamit niya na nasa lobby. Ang ibang mga estudyanteng tumutuloy sa dormitoryo ay nagsipag-uwian na rin. Nagtungo ako sa mansyon upang magpaalam nang maayos sa pamilya Lewis. Una kong nakita sa hardin si Ashley, nakaupo at pinagmamasdan ang mga halaman. "Ashley!" tawag ko na kanyang ikinalingon. "Mouse!" Kumaway siya pabalik. Nilapitan ko siya saka inusisa ang ginagawa niya sa labas. Napag-alaman kong kanina pa pala niya ako inaabangang pumunta sa mansyon. Pumasok siya sa loob, tumambad sa harap ko ang maraming laruan, damit at pagkain pang regalo. "Inihahanda na namin ang ipamimigay na pamasko sa mga batang—" "Mahihirap? Ulila? Ano pa?" tumaas ang tono ng pagsasalita ko. Ewan ko ba parang hindi ako naging komportable kahit na alam kong kabutihan lang naman ang hangad nila dahil Pasko. "Mouse, hindi naman namin..." "S-Sorry, hindi ko gustong maka-offend, Ashley." Nakita ko tuloy ang lungkot sa mga mata ni Ashley. Hay! Hindi pa rin talaga nawawala sa puso ko ang pagiging ulila. Tuwing ganitong sasapit ang Pasko, dumadagsa ang mga namimigay ng mga regalo, pagkain, damit laruan sa aming mga ulila. Mas marami ang nagbibigay sa amin kasi gusto ng ibang tao na maramdaman daw namin ang Pasko. Pero, hindi iyon ang kailangan namin...higit sa mga ibinibigay nila ang nais ng bawat isa ay magkaroon ng isang matatawag na pamilya. "Mouse!" tawag ni Theo. "Aalis na ba kayo?" tanong niya. "Ah, oo! Paalis na kami, magpapaalam lang sana ako sa inyo," sagot ko. "Sige! Mag-iingat ka, susunduin na lang kita sa mismong araw ng Pasko," sabi ni Mister Finn, kapapasok lang niya galing sa labas. Matapos kong magpaalam bumalik ako kaagad sa lobby ng dormitoryo kung saan naghihintay si Mrs. Drew. Ibinaba ko ang gamit ko saka sumakay sa puting kotse na nakaparada sa parking lot. Tinulungan kami ng isang lalaki na ipasok sa compartment ng sasakyan ang mga gamit namin. Siya ang asawa ni Mrs. Drew na si Mr. Richard Drew. Matangkad siyang lalaki at moreno, hawig din niya si Johan, lalo na kapag ngumiti. Nagsimula nang umandar ang sasakyan. Tinanaw ko ang buong dormitoryo at ang mansyon. Ilang araw din ang bakasyon ko sa bahay nina Mrs. Drew. *** Nang makarating sa garahe ng simple nilang tahanan, una kong napansin ang istilo nito. Modern style na may dalawang palapag. kulay gray ang pintura sa labas at maroon ang bubong. May maliit silang halamanan sa likod-bahay. Nakakatuwa dahil may munti silang taniman ng gulay. "Ate Mouse!!!" magiliw na salubong sa akin ni Johan. Kaagad ko naman siyang kinarga at inangat. "Weehh!!!" Tuwang-tuwa kaming dalawa pareho. "Mukhang bumigat ka, ah!" "Kumakain ako Ate ng gulay!" pabibo ng bata. Kinuskos ko ang buhok niya sa sobrang giliw ko sa kanya. Ipinasok namin ang gamit namin sa loob ng payak nilang tahanan. Ang cute ng loob nito at Paskong-Pasko na sa simple nilang Christmas tree. "Ang ganda po ng bahay n'yo, Mrs. Drew!" "Salamat, ituring mong bahay mo na rin, Mouse." Sinamahan ako ni Johan sa itaas kung nasaan ang isang bakanteng kuwarto para sa mga bisita. Ito ang magiging kuwarto ko habang nagbabakasyon ako sa kanila. "Ate, Ate! Tabi tayo matulog, ah!" Itinuro ni Johan ang malambot na kama sa gilid. Single size bed, may kulay pink na sapin at kumot na bulaklakin. "Walang problema! Gusto mo, kukuwentuhan kita bago matulog?" Syempre, isa nga sa dahilan kaya ako narito ay dahil kay Johan, gusto ko siyang mapasaya. "Talaga? Gusto ko ring maglaro tayo, Ate Mouse!" Kumaripas siya nang takbo pabalik sa katabing kuwarto kung saan siya natutulog. Mayamaya may bitbit na siyang isang box ng lego. Hindi ako kaagad nakapag-ayos ng gamit dahil nakipaglaro na kaagad sa akin si Johan. Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa dahil nakikita nilang masaya ang anak nila. Ako rin masaya rin ako. Mabilis lumipas ang oras, napagod din si Johan. Bumaba kami sa salas tamang-tama at nakahanda na ang hapunan. Sayang hindi man lang ako nakatulong sa paghahanda. May kasambahay sila si Ate Teyang, na matagal nang naninilbihan sa kanila. Nasa middle age at wala siyang pamilya rito sa lungsod ng Makati. Mabit si Ate Teyang, alagang-alaga niya ang pamilya Drew. Matapos naming kumain, tumulong ako magligpit ng pinagkainan at maghugas ng mga plato. Nagpaalam akong mag-aayos ng gamit sa itaas nang makita ko si Johan na nasa ibabaw na ng kama ko. "Ate, Ate, sabi mo kukuwentuhan mo ako!" Nangungusap ang mga mata ni Johan. Hindi ko naman siya mahindian. Mabuti at handang-handa ako maging ate! Inilabas ko ang dala kong mga story book na pambata. Sinimulan ko siyang basahan ng kuwento. Ang walang kupas na kuwento ni pagong at kuneho. Habang nakahiga si Johan, ako nama'y nakasanda sa sandalan. Nakayakap sa akin si Johan, tahimik siyang nakikinig hanggang sa matapos ko ang kuwento. Natawa ako nang bahagya nang mapansing tulog na pala siya sa tabi ko. "Mouse, inabala ka na talaga ni Johan," nakangiting wika ni Mrs. Drew. Bubuhatin sana niya si Johan para ilipat sa kuwarto nito pero, okay na sa akin na tabi kami matulog. "Alam n'yo po, Mrs. Drew, ang suwerte po ng pamilya n'yo," pahayag ko na may kaunting lungkot sa tono. Inayos ko ng higa si Johan, saka bumalik sa pagliligpit ng mga gamit ko. Lumapit si Mrs. Drew saka niya ako tinulungan. "Alam mo, lahat naman ng tao may suwerte sa buhay." Kumuha siya ng damit tapos ipinatong ito nang maayos sa kabinet. "Minsan, iniisip ng mga tao na malas sila dahil sa mga sakit, paghihirap at kalungkutang nadarama nila. Pero, naniniwala ako na lahat tao ay pantay-pantay at may kaniya-kaniyang kasiyahan sa buhay. kailangan lang natin itong hanapin, tuklasin at pagyamanin." "Ang lalim n'yo naman pong magsalita." Bahagyang natawa si Mrs. Drew, na siyang ikinamot ko na lang ng ulo ko. "Gusto ko lang pong iparating na...sana, may pamilya rin akong tulad ng sa inyo, Mrs. Drew!" "Mouse!" Niyakap niya ako nang mahigpit, sobrang higpit na parang yakap ako ng aking ina. Kahit na hindi ko alam kung paano ba yakapin ng isang tunay na ina, ramdam ko ito sa mga yakap ni Mrs. Drew. "Kung buhay lang sana ang anak kong babae, siguradong kasing edad mo na siya ngayon." Tiningnan ako ni Mrs. Drew sa mga mata. Nangingilid ang mga luha niya na gusto nang kumawala. Namilog ang mga mata ko nang marinig ang sinabi niya. Anak? May isa pa siyang anak? "May kapatid po talaga si Johan?" usisa ko. "Oo, pero...anak ko siya sa una kong asawa." Hindi ko maintindihan, biglang nanginig ang buong katawan ko. Parang dinaluyan ako nang kuryente sa ugat. Napahawak ako sa aking dibdib, para bang tinutulak ako ng aking sarili na... "Mrs. Drew, ano pong pangalan ng anak n'yong babae?" Gusto kong malaman ang tungkol sa anak niya. Tumayo si Mrs. Drew, lumapit siya sa tukador at binuksan ang drawer, may kinuha siya sa loob nito. Ipinakita niya sa akin ang isang lumang balabal na para sa sanggol. "Heto na lamang ang natitirang alaala niya sa akin!" Hindi na napigilan ni Mrs. Drew ang kanyang sarili. Tinakpan niya ang kanyang bibig gamit ang isang kamay habang hawak ang balabal sa kanyang dibdib. Gusto ko pa sanang magtanong, gusto ko pang malaman ang lahat. Pero, sino ba ako para halungkatin ang isang masakit na pangyayari sa buhay niya. Dapat kong ilugar ang sarili ko, hindi ko siya dapat bigyan pa ng sakit na magpapaiyak sa kanya tulad ngayon. Na-gu-guilty tuloy ako. "Sorry po, Mrs. Drew, hindi na po ako magtatanong..." Niyakap ko siya habang nang buong higpit. Ayokong tuluyang mabahiran ng lungkot at pagdurusa ang Pasko ng pamilya Drew. Pinahiran ko ang mga luhang lumandas sa kanyang mga pisngi. Kinuha ko ang balabal saka ibinalik sa loob ng drawer. Ayokong biglang bumigay si Mrs. Drew, tama na ang malaman kong may kapatid pala si Johan. Sabik na sabik siya sa kapatid kaya gano'n na lamang ang giliw niya sa akin. Gusto kong maging masaya siya, gano'n din ang buong pamilya nila. "Mrs. Drew, salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin!" Isang ngiti ang pilit kong iginuhit sa aking labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD