SUMAPIT ang kaarawan ko tumapat ito ng Linggo ang pinakaayaw kong araw noon. Pero ngayon, mukhang magbabago na ito. Nasa loob kami ng shopping mall kasama ang buong pamilya Lewis. Maliban syempre kay Mr. Davies na nasa ibang bansa, masaya ako dahil kasama namin si Mr. Finn, hindi niya nakalimutan ang kaarawan ko.
Kumain kami sa mamahaling restaurant. Grabe! Busog na busog ako! Lumabas kami ng restaurant na lumobo ang tiyan ko sa kabusugan.
"Katakawan," bulong ni Theo.
"Nakakahiya siya kasama!" maarteng sabi ni Ashley. "Hmp!" isnab pa niya.
Hindi ko na lang sila pinansin.
Humirit na naman ang dalawang kambal ano bang paki nila? Ayokong masira ang araw ko dahil first time kong i-celebrate sa labas ang birthday ko. Humiwalay sa amin ang dalawang kambal. Nagpunta naman kami ni Mr. Finn at Mrs. Lewis sa loob ng boutique nasa labas lang si Miss Mendez naghihintay.
"Mouse, pumili ka na ng damit na gusto mo," mahinanong sabi ni Mr. Finn.
"Heto, subukan mo 'tong damit na 'to." Iniabot sa akin ni Mrs. Lewis ang bestidang kulay pula.
"Hindi ko po gusto ang kulay Pula! Masakit po kasi sa mata at para po siyang nakakatakot! Pula po kasi ang kulay ng dugo!" paliwanag ko.
Napailing si Mrs. Lewis. "Hay!"
"Hayaan na lang natin siyang pumili, 'Ma," sabi ni Mister Finn.
Nang mapansin ko ang isang simpleng damit. Ternong blouse at skirt na kulay Asul. Napako ang tingin ko sa damit na nakasuot sa mannequin.
"Gusto mo ba 'yan? Ba't hindi mo isukat? Tingin ko babagay 'yan sa 'yo!"
Bigla akong inakbayan ni Mr. Finn, nakangiti niyang tinawag ang sales lady. Ipinasukat niya sa akin ang ternong damit na talagang nagustuhan ko. Kaagad na binayaran ni Mrs. Lewis ang damit. Hindi na niya ipinilit sa akin ang bestidang kulay Pula. Noon t-shirt at jumper ang paborito kong isuot kasi komportable sa pagtakbo pero ngayon, naramdaman kong dalaga na nga pala ako. Sabi ko na, hindi talaga ako tomboy may pusong babae talaga ako.
Buong puso akong nagpasalamat kay Mrs. Lewis. Ganoon din kay Mr. Finn. Matapos namin mamili tumingin-tingin ako sa paligid ng mall mag-isa. Hindi naman ako mawawala dahil alam ko kung saan sila pupuntahan. Hinabilinan ako ni Mrs. Lewis na nandoon lang sila sa waiting area sa labas ng mall. May maliit na park doon pumunta lang daw ako roon pagkatapos kong mag-ikot-ikot sa loob. Tumango naman ako bilang sagot.
Naisip kong pumunta sa bookstore para tumingin ng libro. Mahilig ako sa mga libro ito ang isa sa libangan ko, ang pagbabasa. Nang makarating ako sa loob, para akong nasa palasyo ng mga libro. Ang dami nila at mukhang masarap basahin na-e-excite tuloy ako! Habang naglilibot ako sa bawat istante ng libro nakarinig ako ng ingay 'di kalayuan. Inusisa ko ito at nakita ko si Ashley, kausap niya ang guard at sales lady ng book store. Lumapit ako para marinig ang pinag-uusapan nila.
"Umamin ka na! Huling-huli ka, magde-deny ka pa?" kompronta ng sales lady kay Ashley.
"Nagsasabi po ako ng totoo, hindi ko po talaga ninakaw 'yan. Sigurado po akong may naglagay niyan sa bag ko! Please po, maniwala po kayo!" umiiyak na pagmamakaawa ni Ashley.
"Sinungaling!" bulyaw pa ng sales lady.
Habang pinapaamin siya ng guard at ng sales lady napansin ko ang lalaki na dumaan sa likod nila. Nakakahinala ang kilos at palinga-linga sa paligid, napansin ko ang bag niya yakap-yakap niya ito na parang may itinatago.
"Miss hindi po siya ang magnanakaw, ang tao pong 'yon!" sigaw ko sabay turo sa lalaki sa likod.
Napalingon ang mga tao sa lalaki, bakas sa mukha ng lalaki ang takot at halatang guilty. Tatakbo pa sana ang lalaki nang harangin siya ng tatlong gwardya. Hinawakan siya sa magkabilang braso. Kinapkapan at nang maibuhos ang laman ng bag nito, nalaglag ang mga libro. Umamin din ang magnanakaw na lalaki. Inamin din nito na isinilid niya ang libro sa bag ni Ashley. Matapos ang eksenang iyon humingi ng paumanhin ang sales lady at guard sa kanya. Hinayaan na siyang lumabas ng book store.
"Ayos ka lang ba, Ashley?"
Tahimik lang siya humihikbi, halatang takot na takot. Tumahimik muna ako saka umalis sandali. Pagbalik ko binigyan ko siya ng binili kong ice cream.
"Heto, kumain ka muna. Huwag ka nang mag-alala nahuli na ang magnanakaw. Mabuti na lang talaga at hindi pa siya nakakalabas sa loob ng book store—"
"Paano mo nalaman na siya ang magnanakaw?" natatakot na sabat ni Ashley.
Nanginginig ang mga mata't labi niya. Kinuha niya ang ice cream pero, hindi pa niya ito ginagalaw, hinintay niya akong sumagot. Nakatitig ako sa ice cream baka kasi matunaw sayang.
"Pakiramdam ko lang! Kakaiba kasi ang kilos niya, buti nga at tumama ang hinala ko kung hindi—"
"Baliw ka!" sigaw ni Ashley.
Pinahiran niya ang mga luha sa mata. Dinilaan ang hawak na ice cream. Sawakas mukhang okay na siya! Nakakaginhawa talaga sa pakiramdam itong malamig at matamis na ice cream. Paborito ko kaya ito. Napangiti ako nang makitang nahimasmasan na siya.
"Salamat," mahina niyang bulong habang dinidilaan ang ice cream.
"Huh?"
Hindi nawala ang ngiti sa labi ko habang naglalakad kami papunta sa labas ng mall kung nasaan sina Mister Finn. Tahimik lang kami at hindi nagkikibuan. Mabalis kong naubos ang ice cream ko samantalang may natitira pa kay Ashley.
Bigla siyang huminto sandali.
"Mouse, naiinis ako sa 'yo! Pero, pangalawang beses mo na akong tinulungan! Bakit?"
Nakarating kami sa labas pero wala sina Mrs. Lewis kaya naghintay kami ni Ashley sa mahabang bangko at doon naupo saka ko sinagot ang tanong niya.
"Sabi kasi ni Father Morales, kung gusto mong tumulong, tumulong ka nang buong puso! Kung hindi kita tinulungan, konsensya ko 'yon! Ramdam ko na kailangan kong tumulong at saka, umiiyak ka na kanina…"
"S-sira ka talaga!"
Tinitigan niya ako, kumikinang ang mga mata niya gawa ng mga luha. Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. Umiyak siya na parang sanggaol. Hinayaan ko lang siya na yakapin ako.
"Sorry! Mouse, sorry talaga!" Napapasinghot siya ng sipon sa ilong. "Takot na takot talaga ako kanina! Akala ko hindi na ako makakalabas, salamat at dumating ka!"
"A-Ashley…"
Napansin ko si Theo sa gilid kanina pa siya nakatayo roon. Siguradong narinig niya ang usapan namin. Pero, wala siyang sinabi na kahit ano. Lumapit siya sa kapatid niya saka tinapik ito sa balikat. Natapos ang selebrasyon ng kaarawan ko na may magandang nangyari, iniisip kong sana ito na nga ang maging dahilan upang magkaayos kami ni Ashley. Sabi ko noon ayaw ko sa araw ng Linggo pero ngayon, gustong-gusto ko na ito. Trese anyos na ako, ramdam ko na ang pagdadalaga ko.
***
KINAGABIHAN, may kumatok sa pinto ng kuwarto ko at nang pagbuksan ko ito tumabad sa harap ko ang iba't ibang kulay na lobo at isang regalo?
"Happy Birthday, Mouse. Hindi ko pa naibibigay ang regalo ko sa 'yo," malambing na bati ni Mister Finn. Grabe! Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong saya. Parang gusto nang kumawala ng puso ko sa sobrang kilig na nararamdaman ko ngayon. Pinatuloy ko siya sa loob ng aking kuwarto, binitiwan niya ang mga lobo lumipad ito sa kisame. Napaka-magical ng gabing ito, lalo pa nang patayin ni Mister Finn ang ilaw at sinimulang sindihan ang maliit na cake na nakapatong sa ibabaw ng regalo. Nag-s-spark ang kandila—ang galing! Tila isang panaginip ang mga sandaling ito, nakatayo si Mister Finn sa harap ko nang bigla siyang kumanta.
"Happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday little Mouse!" Ang sarap sa tainga ng pag-awit niya, lalo pang bumilis ang t***k ng puso ko nang ilapit niya sa akin ang cake. Kitang-kita ko sa liwanag na galing sa kandila ang nakangiti niyang mukha. Pumikit ako saka taimtim na nagbigay ng aking kahilingan saka hinipan ang kandila.
Naglaho sa paningin ko ang mukha niya nang hipan ko ang apoy sa kandila. Dumilim nang bahagya, tanging liwanag galing sa bilog na buwan ang sumisilip sa bukas na bintana ng kuwarto ko. Nang biglang bumukas ang ilaw nabigla ako nang makitang may hawak na itim na sapatos si Mister Finn. Lumuhod siya sa harap ko saka itinapat ang pares ng sapatos sa paa ko.
"Hetong regalo ko sa 'yo, pasensya na't ngayon lang kita naibili ng sapatos pampasok. Isukat mo kung kasya sa paa mo, hindi ko kasi alam kung tama ba 'tong size na nabili ko."
Parang nahihiya si Mister Finn ayon sa tono nang pananalita niya. Nakadagdag ito sa lalong pagbilis nang pagpintig ng puso ko. Ngayon ko lang ito naramdaman sa buong buhay ko.
Sinukat ko ang pares ng sapatos, gumuhit sa labi ko ang masayang ngiti lalo pa't saktong-sakto lang ang sukat nito sa paa ko.
"Maraming salamat po, Mister Finn!"
Niyakap ko siya matapos magpasalamat. Kusang kumilos ang katawan ko't hindi ko namalayang napahigpit pala ang pagyakap ko sa kanya. Wala siyang naging imik nang maramdaman ko na nakapatong ang baba niya sa ulo ko, nakayapos din ang dalawa niyang kamay sa likod ko. Ang init ng sa pakiramdam parang nag-aalab ang buo kong katawan. Para akong nagbu-blush.
Nang tanggalin ni Mister Finn ang mga kamay niya, hindi ako makakilos at para bang nakapako ang mga paa ko sa sahig. "Ayos ka lang ba, Mouse? Ba't parang namumula ang mukha mo? Teka, may sakit ka ba?" Inilapat niya ang noo niya sa noo ko na nagpaatras sa akin nang hakbang palayo sa kanya.
"A-ayos lang po ako, Mister Finn! Wala po akong sakit."
Ngumiti lang siya't nagpaalam na sa akin dahil malalim na ang gabi at may trabaho pa siya bukas. Isinara ko ang pinto pagkalabas niya saka napasandal ang katawan ko sa pintuan. Hay! Mister Finn!
Sa pagbanggit ko sa pangalan niya bigla akong napatalon sa ibabaw ng kama, niyapos ko ang malambot kong unan. Nakasuot pa rin sa paa ko ang pares ng sapatos. Natingala ako sa kisame at naroon ang mga lobong nagpapaalala sa akin ng spesyal na gabing ito. Ito na ang pinakamasyang kaarawan ko sa buong buhay ko. Hinding-hindi ko ito malilimutan.