Longing for a family

1728 Words
HABANG palabas ako ng school building napansin ko ang isang bata sa gate. Palakad-lakad siya at mukhang umiiyak. Nilapitan ko siya, mukha siyang elementary student. Kasing edad siguro siya ni Lily, anim o pitong taon? "Bata, ano'ng ginagawa mo rito?" "Mama!" iyak ng bata. "Teka, sabihin mo ang pangalan mo para matulungan kita." Bigla siyang umiling saka nagpatuloy sa pag-iyak. Nasa bibig na niya ang sipon niya. Basang-basa na ang mukha niya ng luha. Gusto ko sanang punasan ang kaso inilayo niya ang sarili niya tapos iniyuko nang tuluyan ang ulo niya. Nagtanong ako ulit kung taga-saan siya ayaw pa rin sumagot. Tinanong ko kung ilang taon na siya wala pa rin, hanggang sa dumating si Mrs. Drew. "Johan! Nandito ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap!" "Mrs. Drew? Kilala n'yo po ang batang 'to?" Lumapit at kinarga ni Mrs. Drew ang batang lalaki. Pinunasan niya ang mga luha nito. Gusot na gusot ang mukha nito sa kakaiyak. Ano ba 'yan bigla ko tuloy na-miss ang mga bata sa ampunan. "Anak ko ang batang 'to, siya si Johan," pakilala ni Mrs. Drew. "Nalingat lang ako sandali kanina nawala na siya sa paningin ko. Dinala siya rito ng yaya niya umiiyak kasi at gusto akong makita. Mabuti at nakita mo siya, Mouse, salamat!" "Wala naman po akong ginawa, Mrs. Drew. Pero, cute po ng anak n'yo kamukha n'yo po. Pareho po kayo ng hugis ng mukha at kuhang-kuha rin niya ang tangos ng ilong n'yo. Nakakatuwa ang cute talaga!" Magkamukha talaga sila ng anak niya, parehong kulay itim ang buhok at mamulamula ang pisngi ang ganda ng lahi nila. "Johan siya si Ate Mouse, estudyante ko siya." "A-Ate Mouse? 'di ba po daga 'yon sa English?" nakakalokong tanong ng bata. Bahagyang natawa si Mrs. Drew, hindi naman nakakainsulto iyon para sa akin. Tama nga naman siya. "Anak, hindi niya iyon tunay na pangalan mahaba kasing kuwento," kumbinsi ni Mrs. Drew sa anak niyang cute. Buti na lang at cute siya. Nang makita ko kung paano nilambing ni Mrs. Drew ang anak niyang si Johan. Nakaramdam ako ng inggit. Hindi ko maiwasang isipin kung kinarga rin kaya ako ng tunay kong ina noong sanggol pa lang ako bago niya ako iwan sa simbahan? Hinalikan din kaya niya ako at sinabihan ng 'I Love You'? Ano ba iyan! Bigla tuloy akong naluha nang hindi ko namamalayan. "Ayos ka lang ba, Mouse? May problema ba?" nag-aalalang tanong ni Mrs. Drew. "O-okay lang po ako!" "Ate, huwag ka na po malungkot. Maganda naman po ang pangalan mo!" Bigla akong napangiti sa sinabi ni Johan. Hinawakan ako ni Mrs. Drew sa kamay. Ewan ko ba kung bakit napakainit ng palad niya. Umiinit ang buo kong katawan parang nabubuhay ang dugo ko at lumulukso sila sa tuwa. Ano kayang mayroon kay Mrs. Drew at ang sarap sa pakiramdam ng mga haplos niya? Habang si Johan, nakakatuwa siya at parang gusto ko siyang alagaan na parang ate niya talaga. "Mouse, ang mabuti pa sumabay ka na sa amin." "Sige po! Alam n'yo po, curious nga po ako kung ano ang hitsura sa loob ng dormitoryo?" "Kung gano'n sumama ka na rin sa amin sandali para makita mo." "Talaga po?" Laking tuwa ko nang imbitahan ako ni Mrs. Drew na dumaan saglit sa dormitoryo kung saan sila tumutuloy. Habang naglalakad kami walang humpay ang pagkukwento ko kay Mrs. Drew, habang karga niya ang anak niya. Nakatulog ito, siguro dahil sa kakaiyak kanina. Natatawa lang ang guro sa kadaldalan ko pero, okay lang kasi hindi siya masungit. Gustong-gusto ko talaga siya! Masasabi ko na maswerte pa rin ako dahil may mga mabubuting tao tulad ni Mrs. Drew at Mister Finn sobrang bait nila sa akin! Tiwala akong malalampasan ko ang lahat ng pagsubok basta nasa tabi ko sila. Habang naglalakag nga pala kami, naikuwento ko sa kanya ang pagdating ng regla ko. Nahihiya nga ako pero, pareho naman kaming babae kaya marami siyang ipinayo sa akin. Bilang teacher marami siyang impormasyon na ibinigay na makakatulong para lalo ko pang maintindihan ang stage ng pagdadalaga. Tama! Ang tingin ko kay Mrs. Drew ay isang ina! Ina na maaring sabihan ng mga saloobin ko bilang isang babae. *** "HINDI talaga kayo magkasundo!" isang pasigaw na sermon ni Mrs. Lewis ang sumakop sa buong hardin. Nagbabasa ako rito sa mahabang upuan nang biglang lumapit si Ashley. Sunod-sunod ang ginawa niyang pang-iinsulto pero, hindi ko siya pinatulan. Ang masama nito, inagaw niya ang libro ko tapos pinunit pa ang pahina e, bigay pa naman iyon ni Mrs. Drew. Hindi pa siya nakontento hinablot pa niya ang kuwintas ko saka inihagis sa taniman ng mga rosas. Hindi ko napigilan ang sarili ko sa sobrang inis. Nasampal ko siya at napagsabihan ng masakit! Tao lang naman ako, nagagalit. Hanggang sa lumaban si Ashley at nagsabunutan kaming dalawa. Dumating si Theo at pumagitna siya pero, syempre kakapmihan niya ang kakambal niya! Narinig kami ni Miss Mendez, nagkampihan silang tatlo. Sino ba naman ang kakampi sa akin dito? Kaya nang dumating si Mrs. Lewis sinigawan niya kami bilang pag-awat. Agad naman siyang inalalayan ni Theo nang mapansin na biglang napahawak ang matanda sa likod niya. Tumahimik kaming lahat at pinaupo si Mrs. Lewis sa upuan dito sa hardin. Kumuha ng tubig si Miss Mendez kasama ni Ashley, naiwan kaming tatlo rito sa hardin. "Ayos ka na po ba, Lola?" nag-aalalang tanong ni Theo. "Huwag kang mag-alala ayos lang ako, Timotheo." Nagulat ako nang banggitin ni Mrs. Lewis ang buong pangalan ni Theo. Ewan ko ba pero ang cute lang kasi ng pagkakatawag niya rito. "Ano'ng tinitingin-tingin mo d'yan?" Sita ni Theo, nang mapansing nakatitig ako sa kanya. "Ano ka? Hindi naman kita tinitingnan—Timo—theo!" "Tsk!" Kitang-kita ko kung paano tumaas ang kilay niya, sasabat pa sana siya nang bigla kaming awatin ng matanda. Pareho naman kaming nag-sorry, napailing na lamang si Mrs. Lewis sa inasal namin. Nang mapahawak ang matanda sa ulo, mukhang napapadalas ang nararamdaman niyang p*******t nito. "Ayo slang po ba kayo Mrs. Lewis?" nag-aalala kong tanong. "Hay! Simula nang dumating ka sa mansyon, naging maingay na ang lahat!" singhal ng matanda. "Sorry na po…" Mas pinili kong humingi ng paumanhin kaysa bigyan pa ng sakit ng ulo ang matanda. Napasandal si Mrs. Lewis sa upuan. Tahimik lang ako at hindi na sumabat. Bigla kong naalala ang kuwintas kong inihagis ni Ashley kanina umalis ako sandali at nagtungo sa halamanan ng mga rosas. Hinanap ko ang kuwintas ko at nang mahanap ko ito kaagad akong bumalik sa pahingahan kung nasaan nagpapahinga si Mrs. Lewis. Ipinakita ko ang pendant ko sa kanya nang pamansin niya ito may sinabi ang matanda na ikinabigla ko. "Pamilyar ang pendang mo, Mouse. Parang nakita ko na ito kung saan pero, hindi ko maalala." "Talaga po?!" gulat ko. "Alam n'yo po ba, kasama po ito no'ng nakita ako ni Father Morales sa tapat ng simbahan, noong sanggol pa lang po ako! May kasama nga po itong sulat na hanggang ngayon, hindi ko pa rin po binabasa. Natatakot po kasi ako." "Hmm…maaaring iyan ang magiging susi sa pagkikita n'yo ng tunay mong mga magulang. Hayaan mo kapag naalala ko, sasabihin ko kaagad sa 'yo." "Sige po, maraming salamat po! Ang totoo nga po n'yan ngayon ko lang ulit ito isinuot." Napahawak ako nang mahigpit sa pendant ko, may pag-asa pa nga kayang makilala ko ang tunay kong mga magulang? *** UNANG araw sa buwan ng Agusto, taong 1998. Ipinatawag ako ni Mrs. Lewis sa kuwarto niya, hindi ko nga alam kung bakit. Pagkarating ko sa tapat ng pinto kumatok ako saka binuksan ito paloob. Nakaupo siya sa kanyang tumba-tumba nakadungaw sa bintana, ang layo nang iniisip ng matanda. Lumapit ako at bumati sa kanya tiningnan niya ako at binati nang may seryosong mukha. Teka, may ginawa na naman ba akong kapilyahan? Parang wala naman, ah. "Hindi ba't kaarawan mo sa susunod na Linggo? August 14?" tanong ni Mrs. Lewis. Nagulat ako sa bigla niyang pagsasalita. Akala ko kung ano na. Agad naman akong nagpaliwanag sa matanda. "Opo, bakit n'yo po naitanong?" "Wala naman—" "Alam n'yo po, hindi ko naman talaga kaarawan 'yon. Iyon lang po ang araw na natagpuan ako ni Father Morales. Tapos, 'yon na po ang sinusunod kong kaarawan. Sabi kasi ni Miss Mercedes kailangan may mailagay ako sa birth certificate ko, kaya hayun iyon ang inilagay nila. Pero alam n'yo po sana July 4 na lang ako natagpuan sa simbahan para Independence Day ang birthday ko! Ang cool kaya no'n! Ano po sa tingin n'yo?" "Ewan ko sa 'yo! Hindi pa nga ako tapos magsalita sumabat ka na." Umiling si Mrs. Lewis sabay hawak sa balikat. "Ang daldal mo! Isa lang ang itinanong ko, ang dami mong sinabi! At saka wala ka naman sa Amerika!" Tumingin siya sa mga mata ko. "Sorry po, alam ko naman po 'yon," nakanguso kong bulong. Napansin ko na kanina pa siya humahawak sa balikat niya, sumasakit siguro? Lumapit ako at pumunta sa likuran ng matanda. Binigyan ko siya ng isang masarap na masahe sa likod. Ganito rin ang giangawa ko noon kay Miss Mercedes noon kapag napapagod siya. "Ugh! Salamat sa masahe, Mouse." Mukhang naginhawahan si Mrs. Lewis sa ginawa ko. "Maupo lang po kayo Mrs. Lewis, hayaan n'yo pong alisin ko ang sakit sa mga balikat n'yo. Masarap po akong magmasahe, sabi po 'yon ni Miss Mercedes! Relax lang po kayo!" Habang minamasahe ko siya napapikit siya at mukhang sarap na sarap sa ginagawa ko. Bigla siyang nagsalita habang nakapikit. "Lalabas tayo sa birthday mo, ibibili kita ng bagong damit bilang regalo ko sa 'yo. Mamili ka nang kahit ano'ng gusto mo. Tapos ibibili na rin kita ng bagong sapatos pangpasok para hindi ka na naka-rubber shoes." Nahinto ako sandali, ang tagal kong ninamnam ang mga sinabi niya. Sa huli, saka ko lubos na naintindihan ang gusto niyang iparating! Ibig sabihin ililibre niya ako ng bagong damit na gusto ko? "Aray! Mouse!" Sa sobrang excited ko, bigla kong nahataw nang malakas ang balikat ni Mrs. Lewis, naku po! Dinagdagan ko pa yata ang sakit niya sa balikat. "Sorry po! hindi ko po sinasadya!" "Ikaw talagang bata ka!" Natapos ang buong araw na puno ako nang pananabik para sa darating na Linggo. Sinabi ko noon, ayaw na ayaw ko ang araw ng Linggo, baka sa pagkakataong ito magbago ang pananaw ko sa pagiging panget ng Linggo!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD