Chapter 12

3675 Words
Chapter 12 Naging ganap na rank 2 na nga si Kaito pero parang hindi pa rin siya makapaniwala. Para bang hindi totoo ang mga nangyayari. Ang dating mahina at kinukutyang binatilyo ay may kapangyarihan na para protektahan ang sarili niya. Gamit ang rank 2 na lakas niya ay lalo pang tumaas ang tyansa na maging posible ang paghihiganti niya kay Mister Ru. Kung hindi niya kasama si Zac at wala silang planong gawin ay baka sinugod na niya si Mister Ru sa sobrang excited. Ang tingin at utang na loob niya kay Zac ay lalo pang tumaas. 'Kapag natamo ko na ang hinahanap kong paghihiganti ay susundan kita kahit saan at paglilingkuran ng walang pag-a-alinlangan.' Tanim niya sa kaniyang puso. 'At kapag may mahanap nga tayong solusyon para makasama ko na ang kapatid ko..' "Kaito, anong klase ng armas ang gusto mo?" Tanong niya sa binatang bakas sa mukha ang pagkaganado. Maraming rank 1 at 2 na armas sa dungeon, ang rank 1 ay nagkakahalaga ng 10,000DC at ang rank 2 naman ay 20,000DC. "Espada. Sa armas na 'to lang ako pinakasanay kahit na hindi ako bihasa." Espada ang karamihan sa ginagamit ng mga baguhang adventurer dahil mas madali itong aralin at magandang gamitin sa mga goblin. "Sandali lang at ikukuha kita." Saad ni Zac at sumilip sa Dungeon Shop. Makalipas ang ilang sandali ay may biglang lumitaw na itim na espada sa palad niya. Isang metro ang haba nito pero ang itim na kulay nito at design na para bang espada ito ng demon ay nakakasindak. Mararamdaman rin sa espada na hindi ito normal at kaya nitong hiwain ang kahit na sino kahit na nakasuot pa ng matibay na armor. Napalunok si Kaito nang maramdaman niya ang aura ng espada. "Rank 2 na espada!" Ang mga gamit ay nahahati rin sa anim na ranggo, kagaya ng ranggo ng mga adventurer. Rank 0 ang pinakamahina at rank 5 ang pinakamalakas. Binigay ni Zac ang espada sa binatilyo. Hindi kailan man inakala ni Kaito na makakagamit siya ng malakas na espada, ni ang makahawak nito ay hindi niya pinangarap dahil sa napakamahal nito at matataas na adventurer lang ang may kayang bumili. "Lilinisin natin ang kalahati ng mga bandido ng ikatlong palapag kaya matatagalan tayo." Paalala niya sa kasama. Tumango si Kaito at nang makitang handa na ito ay nagteleport na sila sa ikatlong palapag. Ang ikatlong palapag ay kagaya lang ng una at ikalawang palapag, parang gubat. Pero ang ikatlong palapag ay triple ang lawak at maraming kweba dito at tagong lugar kaya itong palapag na'to talaga ang perpektong taguan ng mga bandido. Nagamit na ni Zac ang dalawang teleport niya kaya isa nalang ang meron siya ngayong gabi. Madilim ang paligid pero kita pa rin nila ang mga nagtataasang puno. Ilang daang metro ang layo sa kanila ay may kumpol-kumpol na puno ang nakapalibot sa isang tagong kweba, kung hindi titignan ng maigi ay hindi mahahalatang may kwebang natatakpan ang mga 'to at iisipin lang na walang kakaiba sa paligid. May ilang Orc ang nasa paligid nila pero hindi pinapansin ng mga ito ang dalawa na para bang invisible sila. Lumakad si Zac papunta sa nakapabilog na mga puno sa kweba, tahimik na sinundan siya ni Kaito. "Ang mga bandidong nandito ay apat. Bawat isa sa kanila ay rank 2." Paliwanag niya habang naglalakad. Sumeryoso ang mukha ni Kaito at nakinig ng mabuti. Kahit na rank 2 na siya at malakas ang kasama ay hindi pa rin siya pwedeng maging pabaya, lalo na't natikman niya na ang lakas na hinahangad niya. Determinasyon ang makikita sa mga mata niya. Kung hindi siya makakaligtas sa pag-atake sa mga bandido ay hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili. Tinulungan na ako at binigyan ng malakas na kapangyarihan pero sa huli ay wala pa rin akong nagawa? Nasa harap na ng nanglalakihang puno ang dalawa. Halos limang metro ang taas ng mga puno at napakakapal din ng mga ito na kahit yakapin ito ng dalawang tao ay hindi magiging sapat. Bwumelo si Zac at tumalon ng mataas paakyat sa isang sanga. Ganoon rin ang ginawa ni Kaito sa katabing puno. Tumalon-talon sa mga sanga ang dalawa hanggang sa makapasok na sila sa loob ng nakapabilog na puno kung saan nakatago ang kweba. Nasa tapat na ng dalawa ang kweba. Kahit na hindi nakikita ni Zac ay nararamdaman niyang may barrier sa harap ng kweba. "Kaito, wasakin mo ang barrier gamit ang espada." Hinugot ni Kaito ang espada niya at lumapit sa tapat ng kweba. Inihawi niya ng malakas sa hangin ang espada at parang invisible na pader ay huminto ito at lumikha ng maliit na impact. Inihawi ulit ni Kaito ang espada niya. Ginawa niya ito ng paulit-ulit hanggang sa nakikita na niya ang barrier sa harapan na puno na ng mga hiwa, ilang hawi nalang ng espada niya ay siguradong mawawasak na 'to. "SINONG NAGLAKAS LOOB NA ATAKIHIN KAMI!" Galit na sigaw ng isang lalaki sa loob ng kweba. Ang ikatlong palapag ay isa ring delikadong lugar para sa mga bandido. Hindi lang mga adventurer at halimaw ang kanilang mga kalaban, kahit ang mga kapwa nila bandido ay kalaban. Sa hindi kalayuang loob ng kweba ay may apat na pigura ang papalapit ng papalapit kay Kaito. Mapapansin din sa ekspresyon nila ang galit, gabi na at hindi maganda ang umatake sa kapwa nila bandido ng gabi dahil sa mahihirapan silang makita ang paligid at napakarami ng mga Orc na palakad-lakad sa tabi. Pero kahit galit ay hindi pa rin nila dine-activate ang barrier na pumoprotekta sa kweba. Ilang atake pa ang kailangan para tuluyang mawasak ito kaya nakalapit pa sila sa tapat ni Kaito na hinihiwa ng hinihiwa ang barrier. Nang makatapat nila ang binatilyong humahawi sa ere ay napahinto sila. Bata pa si Kaito at ang barrier na ibinalot nila sa kweba ay galing sa kapangyarihan nilang apat. Kung apat rin na bandido ang umaatake sa barrier ay baka hindi pa sila masyadong nagulat, pero isang binatilyo at mukhang wala pang kamuwang-muwang sa mundo ang nasa harapan nila ang wumawasak sa barrier. "Ilang minuto palang ng maramdaman ko na magsimula ang atake sa barrier. Bakit pawasak na agad 'to at sa isang puslit na kagaya niya?" Hindi makapaniwalang sabi ng isang bandido. Pero ilang sandali palang ang lumipas ay napansin niya ang itim na espadang hawak ni Kaito. "R-rank 2 na espada?" Lalo siyang nagulat sa naisip. Karamihan sa rank 2 adventurer ay kailangan pang tumapos ng napakaraming misyon bago magkaron ng sapat na perang bumili ng mga rank 2 na armas. At kada misyon ay itataya mo ang 'yong buhay at hindi mapipigilan ang makatanggap ng mga sugat sa katawan na kakailanganing gamutin agad para makakuha ulit ng misyon. Karamihan sa mga adventurer ay hindi naghihintay ng matagal para gumaling ang katawan nila, bumibili sila ng healing potion sa Pill Shop kaya ang natitira sa mga reward na natatanggap nila ay laging nababawasan. Dagdag pa ang mga gastusin nila pang araw-araw kaya kailangan ng mahabang panahon bago tuluyang makaipon ang mga adventurer. Ganoon din sa mga bandido. Kahit nang aagaw sila ng ari-arian ng iba ay may mga pinaggagastusan rin sila, gaya ng ibang mahihina na humihingi ng proteksyon sa malalakas para sa ginto. Na-pressure ang apat sa nakita nila. Ang pagkakaroon palang ni Kaito ng malakas na armas ay isang malaking patunay na malaki ang kapit nito o may malaking grupo ng bandido sa likod niya. "Pero kung makukuha natin ang espada ay mas lalakas tayo at hindi na natin kailangang iyuko ang ating mga ulo kapag may mga nakakasalubong tayo." Saad ng isa at gumuhit sa ekspresyon niya ang pagkagahaman. Habang nag-uusap ang apat ay lalo pang dumadami ang hiwa sa barrier. Sa sobrang dami ay hindi na magugulat ang apat kung bigla nalang itong mawasak sa isa pang atake ni Kaito. Pagkahawi niya ay tuluyan nang nawasak ang barrier. At agad sinunggaban ang apat na bandido. Dahil sa malakas na armas ay dineklara ng apat na mas malakas sa kanila si Kaito. Sumugod ang apat na bandido at pinalibutan si Kaito. Bawat galaw nila ay sabay-sabay at wala silang sinayang na kahit isang segundo. Maraming beses na nilang inensayo ang pormasyon na ito para mas maganda ang koordinasyon nila at magkaroon ng tiyansang manalo sa mas malakas sa kanila. Dalawa ay nasa likod ni Kaito at dalawa rin sa harap. Binunot ng apat ang mga espada nila at sabay-sabay na sumugod. Sumugod din si Kaito sa harap niya, mas mabilis siya sa mga bandido kaya bago makalapit ang dalawang nasa likod ay kaharap niya na ang dalawang nasa harap. Malakas niyang inihawi ang espada niya ng patagilid sa dalawang bandido. Sinalag ng espada ng isang bandido ang atake ni Kaito. Ang isa naman sa harap ay naghanda para sa pag-atake. Nang magtama ang mga espada nila ay nagkaroon ng maliit na hiwa ang espada ng bandido. At hindi lang 'yon, tumalsik rin paatras ng ilang metro ang bandido. "H-ha?" Gulat na sabi ni Kaito ng makitang tumalsik paatras ang bandido. Hindi siya magaling sa paggamit ng espada, maikukumpara ang skill niya sa paggamit nito sa mga baguhan kaya isa lang ang dahilan ng pagtalsik nito. Ang pisikal na lakas niya ay hindi normal. Nagulat din ang tatlo sa nakita nila. Ang pamumuhay sa ikatlong palapag ay puno ng delikado, kaya kahit gulat ay mabilis pa rin umakto ang tatlo. Ang naiwan sa harapan ni Kaito na bandido ay nakitang nagulat din ang binatilyo kaya ginamit niya ang pagkakataon na 'to para umatake. Mabilis niyang isinaksak sa dibdib ni Kaito ang hawak niyang espada. Nakaramdam ng delikadong sensasyon si Kaito at kahit na hindi niya napansin na nasa bandidong nasa harap niya nanggaling ang sensasyon na 'to ay kusa pa ring umilag ang katawan niya dahil sa instinct. Umilag siya patagilid habang nasa tapat niya ang bandido. Kung nahuli ang reaksyon niya ng kahit sandali ay nasaksak na nito ang puso niya, kahit na may regeneration siya kung huminto rin ang pagtibok ng puso niya ay mamamatay din agad siya sa maikling panahon. Nagulat ang bandidong nasa harap sa bigla niyang pag-ilag. Habang nakatusok pa rin sa ere ang espada ng bandido ay namutla ang mukha niya ng makita ang pagtaas ni Kaito ng espada niya. "Paalam." Sambit ni Kaito bago ihawi pababa ang espada sa leeg ng bandido. Ito rin ang huling salita na narinig niya bago magdilim ang buong paningin niya. Dahil sa paghiwa ni Kaito sa leeg ng bandido ay nagkaroon ng sapat na oras ang dalawang nasa likod para makalapit sa kaniya. Kahit na namatay ang isa sa kanilang kasama ay hindi bakas sa mukha nila ang kalungkutan, bagkus ay parang natuwa pa sila dahil sa nabawasan ang pwedeng makatunggali nila sa pagkuha ng espada ni Kaito. Karamihan sa mga bandido ay nagsasama lang para sa mga benepisyo. Ang mga bandidong ito ay maihahalintulad sa karamihan na 'yon. Lumingon si Kaito sa dalawa at sinaksak ng isang bandido ang binti niya. Napangitngit ng ngipin si Kaito sa sakit at aatake na sana ngunit hindi niya ito tinuloy ng makita ang isa pang espada na tutusok na sa dibdib niya. Sinubukan niyang iwasan ito pero bago tuluyang makaiwas ay nasaksak pa rin siya sa tiyan. Habang nananakit ang paa at tiyan niya ay nakaramdam ulit siya ng matalim na espadang tumusok sa likod niya. Dalawang saksak sa harap at isa sa likod. Mabilis humina ang katawan ni Kaito, may regeneration siya at kaya niyang gumaling pero hindi kasing lakas ng undying body ni Zac ang kaniyang katawan. Dumodoble na ang paningin ni Kaito sa paligid at nahihilo na siya. Kapag tumagal pa ng kaunti ay mawawalan na siya ng malay. Kapag nangyari 'yon ay siguradong katapusan niya na. "Namatay ka agad sa unang atake natin. Kailangan ay mas mag-ingat ka sa mga susunod. Sampong beses lang kitang ililigtas Kaito." Nagulat ang tatlo ng marinig nilang may nagsalita sa tabi nila. Nakatuon kay Kaito ang atensiyon nila at wala silang nararamdamang mana maliban sa binatilyo. Kaya sino ang nagsalita? Hindi kaya may kasama ang batang 'to? Kaniya-kaniyang atras ang tatlo. Nang makalayo sila ng kaunti ay sinuri nila ang paligid pero wala silang makitang kahit na sino. Kaya binalik nila ang tingin nila kay Kaito. "H-hindi ko nararamdaman ang aura at mana niya!" Nanghinang sabi ng bandido habang nakatingin kay Zac na parang multo ang nakita niya. Isa lang ang ibig sabihin kapag hindi nararamdaman ng iba ang mana o aura ng ibang tao, mas malakas sila o malakas ang technique na ginagamit nila para itago ang mana. Sa tabi ni Kaito ay may matangkad na binatang nakasuot ng itim na tuxedo, itim na pantalon at itim na sapatos. Para siyang galing sa mayamang pamilya, pero ang lalong ikinatakot ng tatlo ay ang binigay nitong tingin sa kanila gamit ang mga itim niyang mata na parang itim na perlas. Nang mawala ang saksak ng mga espada sa katawan niya ay gumaling naman ito ng unti-unti. Makalipas ang ilang minuto ay tuluyan nang bumalik sa dati ang katawan niya. Ang tatlong bandido naman ay hindi naglakas loob na gumalaw sa sobrang takot kay Zac. Ang mismong presensiya lang niya ay nagbibigay ng matinding pressure kahit wala siyang ginagawa. Pakiramdam nila 'pag gumalaw sila ay mamamatay sila ng hindi nila namamalayan. 'B-bakit may rank 3 na adventurer dito? Hindi ba't lahat sila ay nasa ika-apat na palapag? Bakit magsasayang ng oras ang isang kagaya niya sa'ming mga rank 2?' Hindi makapaniwala ang isang bandido. Sa tingin nila ay hindi patas ang nangyayari ngayon, isa lamang silang hamak na rank 2, kaya bakit sila pagtutuunan ng pansin ng isang kagaya niya? Bawat rank 3 adventurer ay may mga dignidad na hindi nila tatapusin o bu-bulihin ang mga rank 2. Maliban nalang kung may nagawa silang hindi nagustuhan o labis na ikinagalit ng mga ito. Pero ang dignidad na inakala nilang taglay ng bawat rank 3 ay wala sa binatang kaharap nila ngayon. Anong dignidad? Kahit mabuhay siya ng walang dignidad ay wala siyang pakialam hangga't hindi ito nakakasagabal sa pamumuhay niya. Ang kailangan niya ay magpalakas, hindi magpasikat o magpakitang gilas sa iba. Tahimik ang paligid kaya nang magsalita ang isa sa mga bandido ay dinig agad ito ng mga nasa paligid. "G-ginoo p-pwede na--." Takot na takot na sabi nito pero habang nagsasalita ay biglang nabalot ng yelo ang buong katawan niya, kahit ang loob ng katawan niya ay hindi nakaligtas. Ang kaawa-awang bandido na matagal nanirahan sa marahas na ikatlong palapag ng dungeon para mabuhay ay namatay nalang bigla ng hindi niya man lamang namamalayan. "Tsk! Kung mamamatay rin naman ako ay mas magandang idamay ko na ang kasama mo!" Galit na sigaw ng isa at tumakbo pasugod kay Kaito. Pero bago siya makalapit ay napahinto siya at nanigas ang mga paa niya, unti-unting nabalot ng yelo ang mga binti niya hanggang sa umabot ito sa ulo niya. Pero bago tuluyang magyelo ang buong katawan niya ay bigla siyang sumabog. Malakas ang pagsabog at lumikha ito ng malakas na shockwave sa paligid. Kahit na sinong rank 2 ang madamay dito ay siguradong hindi makakaalis ng hindi napupuruhan o maaari pa silang mamatay kapag hindi nag-ingat. Bago tumama ang shockwave sa dalawa ay binalot ni Kaito ng barrier ang sarili niya. Ang barrier ay isa sa pinaka basic na pwedeng gamitin pang depensa. Kahit mga rank 1 ay makakayang lumikha ng barrier gamit ang mana nila kapag naging bihasa na sila sa pagmanipula nito. Tumango ng ulo si Zac sa galak habang nakatingin kay Kaito. Mabilis siyang gumawa ng barrier sa sarili niya. Kahit hindi ganon kalaki ang pagbabago ay umangat pa rin at mas bumilis ang reaksyon niya sa mga bagay. Nanginig ang paligid at maraming bato ang bumagsak sa taas ng kweba. Nabalot ng alikabok ang paligid kaya hindi makita ng dalawang panig ang isa't-isa. Habang nababalot ng alikabok ang paligid ay itinuon ni Kaito ang atensiyon niya sa paligid at binigyang atensiyon ang kahit na maliit na bagay na marinig niya. Ilang metro ang layo sa kanila ay ginamit ng bandido ang halos lahat ng mana niya para matakpan ang bakas ng bawat galaw niya at matiwasay na makalayo habang natatakpan pa ng alikabok at usok ang paligid. Hindi lang regeneration ang natanggap niya ng makuha niya ang dugo ni Zac. Kahit ang katawan niya ay mas tumibay ng kaunti at ang pandama niya ay mas lumakas din. Nakakabinging katahimikan ang nasa paligid. Natatakpan pa rin ng usok at alikabok ang paligid nang biglang tumingin si Kaito sa isang direksiyon. Mga dalawampong metro ang layo sa kaniya ay naramdaman niyang may kaunting gumalaw na mga lupa doon. Gamit ang buong lakas niya ay tumakbo siya papunta sa direksiyon na 'yon at inihanda ang espada. Makalipas ang ilang sandali ay nasa harap na agad siya ng pinanggalingan ng tunog kanina. Nawawala na rin ang alikabok sa paligid at nagulat siya sa resulta ng ginawa niya. Sa harapan niya ay may mga lupa ang nakalutang. Dahan-dahang bumababa ang mga 'to at lumilikha ng napakahinang tunog na maririnig lang kapag itinuon mo ang atensiyon mo dito. "N-nakatakas ako." Ilang metro ang layo sa mga naglalakihang punong nakabalot sa kweba ay may lalaking takot na takot ang tumatakbo, pero makikita rin sa mukha niya ang ngiti dahil sa nakatakas siya sa kamatayan. Takbo siya ng takbo gamit ang buong lakas niya. Hindi rin siya lumilingon sa takot na baka biglang sumulpot sa likod niya ang rank 3 na kasama ng umatake sa kanila. Ilang beses ng nadapa at sumudsod ang mukha ng bandido kaya puro dumi at nagmukha na siyang pulubi. Pero takbo pa rin siya ng takbo hanggang sa madapa ulit siya. Ngayong nakalayo siya ay doon niya lang naramdaman ang mga sugat sa katawan. Pero bumangon pa rin siya at patakbo na sana. Pero bago siya makatakbo ay nanlaki ang mga mata niya sa nasa harapan niya. Isang dibdib ng binata ang nabunggo niya at bumagsak ulit siya paupo sa sahig. Ang kaninang pag-asa na pinanghawakan niya ay naglaho na ng tuluyan ng makita niya ang mga matang parang itim na perlas ng pigurang nasa harap niya. Dinakma ni Zac ang mukha ng bandido. Sa pressure na nararamdaman at kagustuhang mabuhay ay hindi pinili ng bandido ang pasabugin ang kaniyang mana core kagaya ng ginawa ng kasama niya. Itinaas ni Zac ang bandido at hinawakan ang tiyan nito gamit ang kaliwang kamay niya. Hinanap niya ang lokasyon ng mana core nito at dinukot ito ng walang kaawa-awa. Biglang nawalan ng lakas ang bandido. Itinapon ni Zac na parang basura ang katawan nito at bago siya tuluyang mamatay ay nakita niya ang isang bagay na hindi niya inakalang may gagawa. Kinain ng binata ang mana core na dinukot sa kaniyang tiyan. "H-halimaw." At tuluyan nang nawalan ng buhay ang mga mata niya. "Malapit na. Sa mga susunod na araw ay aatakihin na natin sila para makakuha tayo ng teritoryo sa Edo." ** Kagaya ng ginawa nila sa unang grupo ng mga bandido ay sinugod rin nila ang pangalawang grupo na pinuntahan ni Zac. Unang pumapasok sa lungga ng mga bandido at lumalaban mag-isa ay si Kaito. Tuwing nalalagay sa peligro ang buhay niya ay dumadating si Zac para iligtas siya. Kahit na ilang beses ng nalagay sa panganib si Kaito ay mabilis naman ang naging pag-improve niya sa pakikipaglaban dahil sa buwis buhay na experience. Ang inaatake nila ay mahihinang grupo palang na may lima hanggang sampong miyembro. Noong pangalawa ay hindi tumagal ng kahit isang minuto si Kaito laban sa sampo. Pero dahil sa tuloy-tuloy at bawat atake nila ay hinahayaan ni Zac na may mga matutunan si Kaito bago tapusin ang laban ay napakabilis ng resulta niya. Sa ika-anim na atake ay tumagal siyang mag-isa ng halos limang minuto laban sa sampo. Ang Instinct niya at istilo sa pakikipaglaban gamit ang espada ay pataas ng pataas ang antas. Bawat bandidong pinapatay nila ay kinakain nila ang mana core. Pero nang makakain ng limang mana core ng rank 2 na bandido si Kaito ay hindi na lumakas pa ang mana core niya, pero bago huminto ang paglakas ng mana core niya gamit ang pagkain ng mga mana core ay naabot niya na ang pinakatuktok ng rank 2, kakailanganin niya nalang magtiyaga pa para maging isang ganap na rank 3. Kaya sa huli ay si Zac din ang kumain ng mga mana core nila. Ang paglakas ng mana core ni Zac ay hindi ganoon kabilis, pero ang bilang ng kinakain niyang mana core ay nakabawi sa pagiging mababang dekalidad ng rank 2 mana core kaya bumilis din ito ng kaunti. Sa ika-sampong atake nila ay sampo pa rin ang bilang ng mga bandidong inatake nila. Si Kaito ang unang lumaban sa mga 'to. Makalipas ang halos sampong minuto ay dumating na si Zac para iligtas si Kaito. Pero kahit iniligtas niya ito ay makikita sa mukha niya na sapat na ang naging resulta ng pag-atake ni Kaito. Sa sampong bandido ay apat ang napatay ni Kaito sa loob ng sampong minuto. Parang madali itong gawin kapag narinig at mapapaisip na siguradong kaya ring gawin ng mga beterano at ng mga matatalino ito pero ang ginawa ni Kaito ay iba, tinalo niya sila gamit ang kaka-improve niya lang na istilo sa pakikipaglaban gamit ang espada. At hindi dapat kalimutan na sampo sa mga 'to ay kaparehas niya ng antas ng lakas. Ang gabing inakala ng mga bandido na tahimik sa ikatlong palapag ay napuno ng takot at sigawan. Kahit ang malalaking grupo ng mga bandido ay naalarma sa mga sunod-sunod na atakeng nagaganap kaya ginamit nila ang lahat ng lakas nila para mas itago pa at palakasin ang barrier sa kanilang mga lungga. At sa loob lang din ng isang gabi, ang binatilyong dating mahina at walang masiyadong experience sa pakikipaglaban sa mga bandido ay maaari nang tawaging madugong mandirigma na kayang kumitil ng buhay ng kahit na sino dahil sa buwis buhay nilang ginawang pag-atake. Kahit ang paglalabas palang niya ng pagkahayok sa dugo ay bubuo na ng malakas na pressure sa mga kalaban. (Finished)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD