CHAPTER 3

2085 Words
"SABEL?! Bakit walang nakasaing dito?" asik ng nanay niya nang mabuksan ang kaldero na walang laman at hindi nakasalang. Pumasok sa kusina si Sabel na uubo-ubo at matamlay. Nanlalalim din ang mga mata nito at namumutla ang mukha. "Pasensya na ho, nay. Marami naman hong kaning lamig sa lamesa kaya 'di na ako nagsaing. Masama din po kasi ang pakiramdam ko, nay. Pero nagawa ko naman po ang mga gawain ko kanina," paliwanag ni Sabel. "Ah, puta!" mura ng nanay niya saka hinambalos ng kamay ang kalderong walang laman. Binalingan ng ginang ang bata at gigil na hinila at itinulak sa saingan. Makailang ulit nitong iningudngod ang mukha ni Sabel sa tambak ng abo. "Nay, tama na ho..." samo ni Sabel na humihikbi na. Nagpumilit itong magpumiglas ngunit limitado lang din ang lakas niya at wala siyang tibay ng loob upang sumuwata sa inay niya. Hindi pa nakuntento ang ginang at kumuha ng kaputol na kahoy na panggatong saka walang anu-ano'y hinataw ng palo ang pwet ni Sabel. Pumalahaw na ng iyak si Sabel. Maging si Wilma na nakatayo sa bungad ng kusina ay umiiyak na rin. "Nanay, tama na ho... Masakit na po, nay," sumamo ni Sabel. Tila naman tinubuan ng kaunting awa ang nanay niya. Hinataw nito sa huling pagkakataon ang pwet ni Sabel. May kasama pa iyong kurot at batok sa ulo ng bata saka na tumalikod at lumabas ng kusina. Narinig ni Sabel ang bigat ng mga paa ng nanay niya sa pag akyat sa baitang ng hagdan at ang tila pag uga ng papag sa padabog na paghiga nito. Nag aalburuto pa rin ang nanay niya. Panay mura nito at pagsasalita ng mga 'di magaganda patungkol sa anak. Napatingin si Sabel sa kapatid na nasa bungad ng kusina. Umiiyak pa rin ito at nakikisimpatya sa mesirable niyang buhay. Walang anu-ano'y tumakbo si Sabel palabas ng kubo. Mabigat ang loob niya. Naghihinakit siya. Kinikwestyon ang sarili kung anong nagawa niyang mali o kung may kulang pa ba sa lahat ng paghihirap at pagsasakripisyo niya. Na ultimo paglalaro, naisasantabi na niya sa kagustuhan na matulungan ang mga magulang. Patuloy lang sa pagtakbo si Sabel sa madawag na damuhan. Madilim ang paligid sapagkat patay ang buwan at makulimlim ang kalangitan. Ngunit kabisado ni Sabel ang dinadaanan ng mga paa. Hindi nga lang niya alam kung saan pupunta. Gusto niya lang ihinga kahit papaano ang dagan sa dibdib niya. Nakarating ang bata sa may kawayanan. Huminto siya sa pagtakbo nang makaramdam ng pagkahapo. Hinihingal pa siya at habol ang paghinga. Malamig ang ihip ng hangin nang mga oras na iyon. Pumapagaspas ang mga kawayan at sumasabay ang huni ng mga kuliglig at panggabing ibon. Narating ni Sabel ang gitna ng kawayanan. May malaking puno ng mangga doon na naiilawan ng mga alitaptap. Bumagal ang paglakad ni Sabel. Nakaramdam tuloy siya ng panlalamig kaya nayakap niya ang sarili. Lumapit ang bata sa puno. Gusto niya lang sanang magpahinga kaya umupo siya saglit sa ugat ng mangga. Ilang minuto pa ang inilagi ni Sabel doon. Maya maya'y nakarinig siya ng kaluskos sa likod ng puno kung saan siya nakaupo sa may ugat. Napalingon siya. Sinilip ang kung anong may likha ng kakaibang tunog. At laking gulat niya nang makita ang dambuhalang kalabaw na lumililim sa ilalim ng mangga. Napakalaki niyon sa karaniwan. Noon lamang nakakita si Sabel ng ganoong klase ng kalabaw. Kaya dali dali na siyang tumayo at muling bumalik sa pagtakbo. 'Di pa siya nakakalahati at sa may latian ay nakakita naman siya ng babaeng nakaputi. Kaya sa takot ay tumalilis siya ng daan at sa kung saan-saang lupalop na sumuot. Hanggang sa mahulog si Sabel sa may gulod. Mababaw lamang ang ginulungan niya padausdos sa ibaba kung saan sinalo naman siya ng lawa-lawaan ng kalabaw. Sumubsob ang katawan ng bata doon. Kaagad naman siyang nakatayo. Iyon nga lang, puro putik ang buong katawan niya at amoy ihi at tae sya ng kalabaw. Ramdam din niyang makirot ang siko niya't binti ngunit sa kadiliman ng paligid ay 'di na niya nagawang aninawin ang sarili. Sa bahay rin ang bagsak ng mga paa ni Sabel. Tatanggapin niya na lang ang mga palo ng nanay niya kaysa maulit muli ang dinanas niyang kamalasan sa paglalayas niya. Nasa daan pa lamang si Sabel ay napansin na niyang walang ilaw ang bahay nila. Naisip niyang baka natutulog na ang mga magulang at mga kapatid kaya nag aalangan tuloy siyang kumatok sa pintuan. Baka kako, kung makita siya ng nanay sa ganung hitsura ay lalo siyang kagalitan. "Sabel..." anang boses-bata sa likuran ni Sabel. Lumingon siya't kamuntik nang mahulog ang puso sa tili ng pinsan niyang si Jun. Nagulat yata ito sa hitsura niya. May dala itong gasera at mukhang may pupuntahan sa gayong dis-oras ng gabi. "Ba't ganyan ang hitsura mo? Saan ka ba naglunoy?" anitong nagtakip ng ilong. "Oo nga eh. Teka, sa'n ka ba pupunta?" panumbalik na katanungan ni Sabel. "Ay, Sabel, tamang tamang nagkita tayo dito. Ang tatay mo, may nangyari kina Tiyo Erni. Nandoon nga ang nanay at mga kapatid mo eh. Pinabalik lang ako dito para sabihan ka," ani Jun. 'Di na nagawang manulas ng salita sa bibig ni Sabel. Masyadong nagimbal ang pagkatao niya. Basta na lamang tumulo ang masaganang luha sa kanyang mga mata. "P-puntahan natin ang tatay ko, Jun," aniyang yumuyugyog na ang balikat. "Kanina pa nga dapat tayo naroroon eh. Malamang dinala na sa center ang tatay mo," pag aalala rin ni Jun. "O, eh, ano pang hinihintay mo? Tara na..." atat na nagpatiuna ng lakad si Sabel hawak ang kamay ng pinsan. Ngunit pinigilan din siya nito at pinahinto sa paglakad. "Ano?" baling ni Sabel. May bahid na ng iritasyon sa boses nito sa halu-halong emosyong namamayani ngayon sa kanya. "Bilin ng nanay mo puntahan kita dito. Tapos sabi niya magdala ka raw ng mga damit na bihisan ng tatay mo. At saka, maligo ka nga muna, Sabel. Amoy tae ka ng kalabaw eh. Ang bantot mo pa," ani Jun at muling nagtakip ng ilong. "Ha?" tanging nasabi ni Sabel saka sinuyod ng tanaw ang sarili. Maitim pa siya sa alkitran. Sinipon din siya sa kaiiyak kaya 'di na naamoy ang sariling baho. Matapos maligo ay inihanda na ni Sabel ang mga dalahing damit para sa tatay niya. Nagdala na rin siya ng extrang damit ng kapatid na si Wilma at ng bunsong si Mar. Naglakad lang din sina Jun at Sabel papuntang center. Nasa kabilang bayan pa ang maliit na pasilidad at kulang kulang tatlong oras din kung lalakarin ng karaniwang tao. Ngunit sa parte ng dalawa lalong lalo na ni Sabel na laging inaatubili ang pinsan na maglakad ng mabilis, ay isang oras at mahigit lang ang itinagal ay nasa entrada na sila ng center. Pagkapasok nila'y kaagad hinanap ni Sabel ang nanay niya at mga kapatid. At nandoon nga ang mga ito, nakapalibot sa katre kung saan nakahiga ang tatay niya. May benda sa ulo at wala pang malay tao. Di mapigilan ni Sabel na mapaiyak. Nayakap niya ang ama. "Sst! Sabel, tumahan ka. Kita mong natutulog ang tatay mo. Umalis ka diyan," sita ng nanay niya. Kaagad namang lumayo si Sabel sa ama. Ngunit walang patid ang pagluha nito habang tumabi ng upo sa paanan ng nakababatang kapatid na ngayo'y natutulog. "Ano pong nangyari kay tatay, nay?" usisa ng bata. "Pinalo siya ng dos por dos sa ulo ng tiyo Lando mo," malamig na tugon ng nanay niya. Ang Lando na tinutukoy ng ginang ay ang nakababatang kapatid ng tatay ni Sabel. May pagkatopakin ang likoy ng utak nito lalo pa't nakakainom ay hindi na tumatalo ng kahit sino. Basagulero at marami na ring naaagrabyado dahil sa bisyo nito. At di miminsan ay nagkakagirian ang magkapatid ngunit 'di naman nila aakalaing mauuwi sa ganitong sitwasyon ang akala nila masayang inuman sa tubaan ni Noy Erni. "Ano na pong mangyayari kay tatay, nay?" muling tanong ng bata. "Magugulay. Kung 'di man magugulay, mamamatay. Ganyan talaga ang buhay, Sabel. Kaya ihanda mo ang iyong sarili," tila ba napakadali para sa ginang na sabihin ang mga katagang iyon. 'Di man lang ito nagpakita ng emosyon. Nayakap ni Sabel ang magkabilang tuhod. Napasubsob siya doon at muling pinalaya ang pag agos ng mga luha sa mga mata. Paano na sila ngayon? Hindi na nga bumalik sa dati ang tatay na. Buhay nga ito ngunit mistula namang lantang gulay dahil sa tindi ng natamong pinsala sa ulo nito. Tanging ang nanay ni Sabel ang kumakayod upang may maiuwing bigas sa araw-araw. Ang tatay naman nya'y nasa bahay lang at alagain pa ni Sabel sa pagkain, paliligo at lahat ng pagkilos nito. Ngunit hindi iyon inaalala ng bata. Masaya siyang pagsilbihan ang ama kahit pa kung iisipi'y sobrang dami na niyang gawain sa bahay. Isang araw ng linggo, bumisita ang tiyuhin ni Sabel mula Isabela. Kapatid ito ng tatay niya. Noo'y hindi pa dumarating ang nanay niya mula sa simbahan. Tanghali na nang makauwi ang ginang na nang makita ang bisita'y 'di na nagulat. At base pa sa pag uusap ng dalawa'y mukhang inaasahan talaga nito ang pagdating ng lalake. Wala pang kaide-ideya si Sabel noong una. Pero nang ilabas ng bahay ng tiyo Jaime niya ang ama ni Sabel sakay ng wheelchair na dala nito, doon na siya nagsimulang kabahan. "Saan niyo po dadalhin ang tatay ko, tiyo?" tanong niyang nakatuon ang pansin sa malaking bag na bitbit ng tiyo niya. Sa tatay niya ang bag na iyon at nu'ng isang araw lang ay nakita niya ang ina na naglagay doon ng mga damit at gamit ng tatay niya. "Isasama ko ang tatay mo sa Isabela, Sabel. Ako nang mag-aalaga sa kanya," baling sa kaniya ni tiyo Jaime. "Ano ho? Hindi po pwede..." maluha luhang tutol ng bata saka hinawakan ang wheelchair na kinauupuan ng ama. "Sabel!" asik ng nanay niya na lumabas na ng bahay kasama si Wilma. "Pero nay--" "Tahimik!" bulyaw ng ginang kay Sabel. Saka ito bumaling kay Jaime at ibinigay dito si Wilma pati na ang ilan pang bagahe. "Nay, wag pati ang kapatid ko, nay," sumamo ni Sabel at hinila ang kapatid mula sa kamay ng tiyuhin. "Sabel, ano ba! Bitawan mo ang kapatid mo," anang nanay niya at pilit pinaglalayo si Sabel kay Wilma. Kapwa na umiiyak ang dalawang bata. Sa huli ay nagawa ding makuha ng tiyo niya si Wilma. Palo naman ang inabot ni Sabel na pinaluhod pa sa bilaong may asin. Lumipas ang pasko at nagpalit ng taon. Nagpatuloy ang buhay ni Sabel sa dati nitong pag-inog. Naiiwan pa rin siya sa munti nilang kubo upang alagaan ang kapatid niya at magpakasubsob sa mga gawaing bahay. Nasanay na rin siyang sila lang dalawa ni Mar ang tumatao sa kubo sa buong maghapon, sa araw araw na gawa ng Dios. At higit siyang nasanay na umuuwi sa gabi ang nanay niya, lasing at pinagbubuhatan siya ng kamay. Iniintindi na lamang niya ang nanay. Pagod ito sa trabaho. Isang araw, umuwi ng maaga sa karaniwan ang nanay niya. May kasama itong lalaki na 'di niya kilala. "Sabel..." tawag sa kanya ng nanay nya habang nasa likod bahay siya at nagtatagpas ng kangkong na pakain sa baboy. Iniwan ni Sabel ang ginagawa at pumasok ng bahay. Nadatnan niyang may tatlong malaking bag sa sahig. Napatingin siya ng kwestyunable sa inang nakaupo sa kawayang upuan katabi ng lalake. Kalong ng nanay niya si Mar. "Dalhin mo ang isang bagahe. Sasama na tayo kay Jomar," may kung anong landi sa boses ng nanay niya. Gimbal ang pagkatao ni Sabel. "Ano ho?" "Hindi mo ba ako narinig, puta ka?! Hala, dalhin mo 'yan! Mauuna na kami ni Jomar sa kalsada. Sumunod ka ha. Ikandado mo ang bahay," ma-awtoridad na bilin ng nanay niya. Tumayo na rin ito kasama ng lalake. Kanya kanya sila ng bitbit ng bagahe. "P-paano po ang mga baboy natin?" garalgal ang boses ni Sabel. Bagaman nanunubig ang mga mata, nagpipigil siyang 'wag maiyak. "Sinabihan ko na sina Jun na pakainin ang baboy. 'Wag ka ngang tumunganga diyan?!" sabay kurot nito sa braso ng bata. Lumabas na rin ng bahay ang nanay niya at ang lalakeng Jomar ang pangalan. Walang nagawa si Sabel kundi ang kumilos. Nagbihis muna ng damit saka binitbit ang mabigat na bagahe. Ilang oras din ang itinagal ng byahe nila palabas ng bayan. Dumiretso sila sa terminal at sumakay sa isa sa mga bus. Noon lang nakasakay ng ganoon si Sabel. Kaya kahit papaano, sa kaibuturan niya'y nakaramdam siya ng tuwa. At kaba. Napakaraming antisipasyon ngayon sa dibdib niya.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD