CHAPTER 2

3092 Words
"ATE, anong ulam?" tanong ng batang si Wilma sa ate niya na noo'y subsob sa paglalaba sa may balon. Hindi nilingon ni Sabel ang kapatid. Masyado siyang abala. "Tingnan mo diyan. May sinabaw na papaya akong niluto kanina. Maghain ka ng iyo kung nagugutom ka na. Tatapusin ko lang itong labahin ko. Si Mar, ha. Baka malingat ka. Mahulog sa duyan," aniya. "Eh, ate. Sawa na ako sa sabaw. Magluto ka naman ng iba. 'Yung masarap," ani Wilma. "Aba't..." napalingon si Sabel sa kapatid. Ngunit muli ding napabaling ang pansin sa ginagawa. Kung sabagay. Nauunawaan niya ang hinaing ni Wilma. Maging siya'y sinasanay na lamang ang bituka sa puro sabaw na ulam sa araw araw na likha ng Dios. Kaysa naman hindi maparesan ng ulam ang sako sakong bigas na mayroon sila, kinukumpromiso niya ang kagustuhan ng kapatid na makatikim naman ng ibang ulam maliban sa gulay na 'di mo rin naman maaaring maliitin ang benepisyong maidudulot sa katawan. Natahimik saglit si Sabel. Nag-isip. "Bantayan mo muna du'n si Mar, Wilma. Tatapusin ko lang ito saka tayo mag aagahan. Aalis tayo pagkatapos," positibong sabi ni Sabel. "Saan tayo pupunta, ate?" pagtataka ni Wilma. "Pupunta tayo sa punong ngayon. Mangunguha tayo ng isda," ani Sabel. Tuwang tuwang nagtatatalon si Wilma. Saka kumaripas ito ng takbo papasok ng bahay. Napangiti na rin si Sabel. PAGKATAPOS mag agahan, lumakad na ang magkapatid papunta sa bahay ng kapwa batang si Jun. Pinsan nilang buo si Jun. Mas matanda nga lang ito ng tatlong taon kay Sabel. Nasa niyugan pa lamang sila at binabagtas ang madamong daan ay nakita na sila ng pinsan. Kaya tumakbo na ito papunta sa kanila. "O, ba't naparito kayo? Saan punta niyo?" tanong agad nito. "Pupunta kami sa punong, Jun. 'Di ba anihan ngayon ng punong ni Nong Ikong? Tara, samahan mo kami," ani Sabel. "Wala ka bang mapag iiwanan ng kapatid mo? Mahirap maglakad nang may kargang sanggol, Sabel," alangan ni Jun. "Alam ko. Eh kaysa naman iwanan ko sa bahay. At saka, tulong tulong na lang tayo sa pagbabantay," nakangiting turan ni Sabel. Alam niyang 'di siya matitiis ng pinsan. Bumuntong hininga na lang si Jun. "Sige na nga. Basta, hati hati tayo sa isda, ha." Maya maya'y binaktas na ng tatlo ang kahabaan ng makipot na kalsada. Wala silang dalang pananggalang sa mainit na sikat ng araw. Hindi pa uso ang payong nang mga panahong iyon lalo pa't probinsya. Tanging panakip ni Sabel sa sanggol na bunso ay ang dahon ng saging na tinagpas nila kanina habang daan. Tinabunan niya rin nang mabuti ng lampin ang katawan ng kapatid upang 'di mainitan. Nakarating sila sa lugar kung saan hekta hektarya ang lawak ng mga de-kahon na 'punong' kung tawagin nila. Ito iyong palaisdaan kung saan ang gamit na tubig ay tubig-tabang at tubig-alat dahil sa unahan lang ng punong ay ang mapang-ayang dagat na. Dito sa punong nagpapalaki at nagpaparami ng mga bangus at tilapia ang mga may-ari ng palaisdaan. At ngayong araw na ito, 'di lang sila ang mga batang dumayo doon upang makiani. Marami silang nag aasam din na may maiuuwing matabang bangus o tilapia at makatikim ng masarap ng putahe mamayang gabi. "Nong Ikong..." tawag pansin nila Sabel sa lalakeng nasa singkwenta ang gulang. May kausap itong buyer kaya tumityempo lang din ang mga bata upang makasingit sa usapan. "O, tamang tama ang dating niyo. Kanina pa dapat ang anihan kaso kulang ako ng maninikop. Kayo ba ang mga anak ni Seding?" baling ni Nong Ikong kina Sabel. "Opo, Nong. Ako po si Sabel. Siya naman ang kapatid kong si Wilma. Nasa Lonbong ngayon sila nanay at tatay. Anihan kasi ng palay doon kaya kami lang ng kapatid ko at ng pinsan kong si Jun ang pumunta dito para manikop," ani Sabel. "Ganun ba. Pati rin ba ang ke' ganda gandang lalakeng sanggol na ito ay maninikop rin?" sabay pisil ni Nong Ikong sa pisngi ng sanggol na kalong ni Sabel. "Ay, hindi ho," kaagad namang inilayo ni Sabel ang kapatid. Naniniguro lamang siya. Baka kako kasi malapatan ng masamang hangin ang sinabi ni Nong Ikong ay magkasakit pa ang sanggol. Paniniwala lamang iyon. Pero naniniwala sya sa ganun. "Pwera usog naman ho kayo Nong Ikong. Sige ho, doon na po kami sa punong niyo." Saka na umalis ang tatlo. Mabuti na rin at nasa bandang gilid lang ang punong ni Nong Ikong. May puno ng niyog doon na hindi pa gaanong mataas na maaari nilang liliman at pagpahingahan. Unang lumusong si Jun. Kasunod si Sabel. Minabuti niyang 'wag nang palusungin ang kapatid na si Wilma dahil walang magkakanlong at magbabantay sa bunso nila. Ayaw niya ring may mangyari sa kapatid dahil bukod sa maputik at maraming patay na kabibe na maaaring ikasugat ng mga paa, may mga bubog pa at ilang 'di kanais nais na bagay na nakatago sa putikan. Nagsimula na sina Sabel sa panunuyod ng mga isda. Wala nang tubig ang punong kaya malayang nagsisisid at nangangapa ang dalawang bata sa putikan. May batya at balde silang dala. At kada huli nila, diretsong lagapak ang isda sa loob ng sisidlan. Para silang naglalaro lang kung titingnan. Pero para kay Sabel, hindi niya iyon itinuturing na laro kundi 'TRABAHO'. Wala siyang panahon sa paglalaro. Kahit pa, tinutukso siya ni Mar na patulan ang pagbato nito ng putik sa mukha ni Sabel, sumusukli lang siya ng ngiti dito. Kaya ba, 'di kataka-taka na mas marami pang naaning isda si Sabel kaysa kay Jun. Halos mapuno nito ang limang batya. "O, heto ang para sa inyo," ani Nong Ikong nang nasa daang-tao na sila. Tapos na sa paninikop ang mga bata, bagaman 'di pa nakapagbanlaw at puro putik pa ang buong katawan. Iniabot ng matanda ang supot na may mga isda, isa kay Jun at kay Sabel. Saka na sila tinalikuran at inatupag ang buyer na nagkukwenta na ng mga naaning isda. Tiningnan ng dalawang bata ang supot. Mabuti pa ang supot, extra large. Eh extra small lang din ang laman. Puro pa tilapia, wala man lang kalakip na bangus na kung tutuusin, napakaraming bangus na nahuli nila kanina. Puro pa matataba. Nagkanda sugat sugat na nga sila sa panghuhuli. Pinagtiisan lang nila ang putik at baho ng punong dahil sa lansa at sa mga feeds na pakain ng isda, heto pa't ang ibibigay sa mga bata ay maliliit na tilapia? Na kung bibilangin ay hindi pa aabot ng sampu. "Naku! Napakaswapang talaga ng Nong Ikong na 'yan. Alam naman niyang napakaraming tinik nitong maliliit na isda. Sana mabulunan siya sa pagkain ng bangus mamayang gabi," patutsada ni Jun habang nasa flowing na sila at nagbabanlaw ng katawan. "Hayaan mo na, Jun. Masarap naman itong sabawan at lagyan ng malunggay. Pantawid-gutom na rin," pakunswelo ni Sabel. "Sabaw?! Kaya nga tayo nagpunta ng punong para may maiuwing bangus o tilapiang malalaki, para 'di naman lang puro sabaw ang ulam natin sa kanin. Gusto ko naman kahit papaano makatikim ako ng pritong bangus, o 'di kaya'y paksiw na bangus. Hay, naku, nakakagutom..." ani Jun na hinimas ang tiyan at nag iimagine na sa balintataw. "Eh kahit naman bigyan tayo ni Nong Ikong ng bangus na malaki, sabaw din ang bagsak ng ulam namin. Wala kaming pambili ng mantika. Mahal iyon! Ipapambili nalang ni nanay ng gatas ni Mar, sigurado pang 'di magugutom ang kapatid ko," sansala ni Sabel. " 'Di ba araw araw umaalis ng bahay ang nanay at tatay mo? Bakit kahit mantika, 'di kayo makabili? At saka yung bahay niyo, 'di na naayos. Hipan lang ng hangin, bibigay na," usisa ni Jun. "Bigas ang prayoridad ng nanay at tatay ko. Kada umuuwi sila galing sa pag aani, ilang sako ng bigas ang dala nila. Saka maliit na pakete ng gatas ni Mar," paliwanag ni Sabel. "Talaga? Isang maliit na pakete lang, kasya na sa kapatid mo?" "Oo naman. Tinitipid ko iyon. Nagpapagiling naman si nanay ng bigas sa bayan. Pinapakulo ko yu'ng giniling na bigas, hinahaluan ng maliit na gatas at nilalagay sa dede ni Mar. Minsan, umaabot pa ang paketeng bili ng nanay ng hanggang isang buwan," ani Sabel. Nakumbinsido na rin si Jun. Natahimik na ito at natuon na ang pansin sa pagbubuhos ng tubig sa katawan. "Teka nga pala, Sabel. Maliligo ako ngayon sa dagat. Gusto mong sumama? Sabay na lang tayo nila Wilma sa pag uwi tutal nandito na rin lang naman tayo sa Dimalag. Tanaw na lang ang dagat o," anyaya ni Jun. "Ate, maligo tayo ng dagat," susog ni Wilma. "Ay, naku, Wilma, kailangan na nating umuwi agad. Pasensya na, Jun. Marami pa kasi akong trabaho sa bahay. Magpapakain pa ako ng baboy at tiyak gutom na rin itong kapatid ko, lalo na si Mar," ani Sabel. 'Di na rin siya napilit ni Jun. Matapos makapagbanlaw, nagpasya na silang maghiwa hiwalay magpipinsan. Dumiretso nga si Jun sa dagat habang sina Sabel naman ay naglakad na pauwi sa pinanggalingan. KINAHAPUNAN, agaw-dilim na ay nasa likod-bahay pa si Sabel at nagsasaboy ng pagkain sa pakainan ng baboy. Tapos na niyang linisin ang kulungan at napalitan na rin ng bago ang tubig ng mga alaga. Pipihit na sana si Sabel pabalik sa bahay dala ang baldeng pinagsidlan niya ng pagkain ng baboy nang mapansin ang bulto ng lalakeng mabagal na naglalakad sa may daan. Di niya namukhaan kung sino ito dahil makulimlim na ang paligid. Sa kubo ang tuon ng paningin nito na tila ba may inaasam na makita. Siya namang pagpalahaw ng iyak ni Mar sa loob ng kubo. Kaya 'di na nagawa pang obserbahan ni Sabel ang lalake at nagdudumali na siyang lumakad papasok ng bahay. Nang gabing iyo'y hindi nakauwi ang nanay at tatay ni Sabel. Sabi ng kapitbahay nila kanina, may pista daw sa kabilang bayan kung saan nag aani ng palay ang mga magulang ni Sabel. Kaya nahinuha na niyang hindi makakauwi ang mga ito ngayong gabi. Miminsan na ring nangyari ang ganu'n. Madalas kasi kung may pista, naaanyayahan ang tatay niya na tumoka sa kusina sapagkat mahusay sa pagluluto ng iba't ibang putahe ang tatay niya. Basta't usapang karne, marami itong nalalamang technique upang 'di masayang ang mga parteng akala mong 'di na mapakikinabangan. At tunay nga namang lahat ay masasarap! Habang ang nanay naman niya'y siyang tiga serve sa mga bisita ng may pista. Marami itong kaibigan kaya madalas, nauupo na lang din ito at panay kuwentuhan na sa mga kakilala. Nag iinom din ito ng tuba at pihadong malakas lumaklak. May bisyo ding sigarilyo ang nanay niya. Ngunit 'di gaya ng mga yosi sa kasalukuyan, SSS o kung tawagin sa kanila ay tresbe ang klase ng ngingata ng ginang. Minsan, rumorolyo ito ng ginupit na dyaryo at pinapalamnan ng tresbe at yun ang hinihithit nito. Matapos maghapunan nina Sabel ay nagligpit na siya ng pinagkainan. Nasa kawayang bangko noon ang kapatid niyang si Wilma at naglalaro ng manika nitong gawa sa mga basahan. Habang nasa duyan naman ang bunso nilang si Mar at kakatulog lang din matapos padedehin. May sapak pa ngang dede ang bibig nito. Naghuhugas na ng pinggan si Sabel sa banggera nang makarinig ng pagaspas sa labas ng bahay. Kaagad siyang napatingin sa harap kung saan kawayan lang ang harang. Dagli siyang naalarma. Natigil sa ginagawa ang bata. Pinakiramdaman niyang maigi ang paligid. "WAK!" matinis ang pinakawalang huni ng kung ano sa labas. Mahina lamang iyon. Ngunit alam ni Sabel na kung mahina ang tunog ay marahil nasa malapit lang ang may likha ng kakaibang huni. Nasa malayo naman kung ang tunog ay malakas. "WAK!" muli at bumunggo na ang napakalaking itim na paniki sa kawayang harang sa harap ni Sabel. Napaatras siya. Makailang ulit ding lumipad bumunggo ang nilalang sa kawayan na tila baga nais nitong gibain iyon upang makapasok. At mukhang sa nakikita ni Sabel ay 'di nga malayong maisakatuparan ng nilalang ang gusto dahil isang pagsalakay pa nito at bibigay na ang mga kawayang harang. Nahagilap ni Sabel ang tabi ng lutuan kung saan nakatambak ang mga panggatong. Nais niya lamang kumuha ng isang kaputol na kahoy ngunit eksaktong nakapatong din pala sa ibabaw ng mga tambak ang itak. Iyon ang kinuha niya at muling bumalik ng pwesto sa harap ng banggera. Nakahanda na ang itak na hawak niya. "Ate!" tawag iyon ng kapatid niyang si Wilma mula sa salas. Mabilis na lumabas si Sabel ng kusina. At kaya pala 'di na muling sumalakay ang nilalang sa may banggera dahil lumipat pala ito sa bubong ng salas. Dinaluhan niya ang nakababatang kapatid. Umiiyak na ito habang tinatakpan ng dalawang kamay ang magkabilang tainga. Nasa sahig na rin ang manikang basahan nito na 'di na nagawang damputin sa takot. "WAK! WAK! WAK! WAK!" sunod-sunod na ang pinakawalang huni ng nilalang. Palipat lipat ito ng lipad sa may bintana, sa bubong, at sa kusina. Pero talagang binabalik balikan nito ang bahagi ng salas kung saan nakapwesto ang duyan ng sanggol na si Mar. Hindi ito tumitigil. At mas lalo pa ngang nagiging agresibo. Dahil sa ingay at iyak ni Wilma, nabulahaw sa pagkakatulog ang sanggol. Ngumawa ito kaya dali dali itong nilapitan ni Sabel at pilit na pinapatahan. Ngunit kahit anong gawin ng bata ay ayaw tumahan ng kapatid niya. Lalo pang lumakas ang uha nito, dahilan ng lalong pagpipilit ng nilalang sa itaas ng kubo. Kumakaskas na ito sa anahaw na bubong. Muling lumilipat ng lipad sa bintana at animo bubutasin na iyon sa pamamagitan ng mga matutulis na kuko. Pinagpapawisan na si Sabel. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Higit sa pagkatakot, naaawa siya sa mga kapatid na ngayo'y nagkokoro na sa pag iyak. Mas nangingibabaw ang kagustuhan niyang proteksyunan ang mga ito laban sa nilalang na bumulabog ng dati'y tahimik at matiwasay nilang gabi. Napahigpit ang kapit ni Sabel sa matulis na itak. Saka kumuha ng bangketo sa sulok at ipinwesto iyon sa tabi ng duyan ni Mar. Sumampa siya sa bangketo at tunay nga namang akma lang para maabot niya ang bubong. Pandak siya kaysa sa karaniwang gulang. At ngayon niya lang napag alamang maliit lang talaga ang bahay nila. Muling lumipat ang nilalang sa may bubong. Pumapagaspas ang malalaking pakpak nito. Nakatutok na ang itak ni Sabel at humahanap lang siya ng mas mainam na tyempo. At nang lumagpak sa bubong ang nilalang at gumapang papunta sa pwesto ng pinagkabitan ng duyan ni Mar, diretsong dinugkal ni Sabel ang bubong. Umigik ang malaking ibon. Mukhang tinamaan niya! Nang hugutin niya ang itak ay nakita niyang may bahid iyon ng sariwang dugo. Nagkanda-buang-buang din sa paglipad ang nilalang na umiigik pa rin sa natamong pinsala na 'di na natukoy ni Sabel kung saang direksyon nagpunta. Bumaba si Sabel sa bangketo at binitawan ang itak. Nayakap niya si Wilma na ayaw pa ring tumahan sa pag iyak. Si Mar naman ay natahimik na matapos ng mga pangyayaring 'di nito namalayan. MADALING ARAW na rin nang dumating ang mga magulang ni Sabel. Kapwa lasing ang mga ito at kamuntikan pang gibain ang pinto nang matagalan si Sabel sa pagbubukas ng pintuan. Dali-dali niyang isinalang ang sabaw na lamig kagabi at nag init ng tubig sa takuri upang makapagkape ang mga magulang. Naghain na rin siya at naghanda sa mesa. Ngunit paglabas niya ng kusina'y nakita niyang kanya kanya na ng pwesto ang dalawa. Ang nanay niya ay sa mahabang kawayan na nahiga habang ang tatay naman niya'y tumihaya na sa ibabaw ng sako sakong bigas. Nag uunahan na sa paghilik ang mga ito. Wala nang pakialam kahit papakin ng lamok ang mga balat. Napabuntong hininga na lamang si Sabel. Kumuha siya sa silid ng dalawang kumot at itinabing iyon sa katawan ng mga magulang. Iniligpit na rin niya ang mga inihain sa lamesa at itinabi ang mga isinalang. Pumasok na rin siya sa silid at tumabi sa kapatid na si Wilma. Habang ang bunso nama'y katabi ni Sabel at mahimbing na rin sa pagtulog. Mag aalas singko na nang magising ang mga magulang ni Sabel. Nagkape lang ang mga ito at umalis na rin upang muli ay mang-ani ng palay. HAPON. Nasa likod-bahay muli si Sabel at nagwawalis. Tapos na niyang linisin ang kulungan ng baboy, pakainin ang mga baboy, at palitan ng tubig ang inumin ng mga baboy. Nagsisiga na siya noon ng mga winalisan nang mapansin ang pamilyar na lalakeng nakatayo sa may daan. Ito rin yu'ng lalake na nakita niyang dumaan kahapon. At gaya ngayon, sa kubo pa rin ang tuon ng paningin nito. Di na nakatiis si Sabel at iniwan ang walis saka lumapit sa lalake. Ngunit nang makalapit na siya'y nagulat pa si Sabel. Si Nong Ikong! "Magandang hapon po, Nong Ikong," bati ni Sabel. Ngunit walang sagot na natanggap ang bata mula sa matanda. Patuloy lang ito sa pagtingin sa kubo at para bang may kung anong kinagagalitan, base na rin sa pagkakabasa ni Sabel sa pormalidad na ipinapakita ng mukha nito. Napakunot ang noo ng bata. 'Di naman nagagawi doon si Nong Ikong. Sa katunaya'y noon niya lang talaga ito nakadaupang palad nu'ng anihan sa punong. Mayaman daw ang matanda ayon pa kay Jun. Byudo at nasa ibang bansa na naninirahan ang mga anak. Balak nga raw itong kunin ng mga anak at patirahin na rin sa kung saan mang lugar iyon pero ang matanda daw ang nagpumilit na magpaiwan. 'Di daw nito pwedeng ipagkatiwala sa iba ang pamamalakad sa punong at ayaw ding ibenta ang malaking bahay na alaala daw nito sa misis nito. Ngunit may iba pang sekretong sinabi si Jun kay Sabel. "May hinahanap po ba kayo, Nong Ikong?" tanong ng bata. Bumaling sa kanya ng tingin ang matanda. "Nandiyan ba ang mga magulang mo?" sa halip ay tanong nito. "Wala ho, Nong Ikong. Bakit po?" ani Sabel. "Eh ang kapatid mong sanggol, nariyan ba?" tanong muli ng matanda at may kalakip na nang ngisi ang sulok ng mga bibig. Lipos na sa pagtataka si Sabel. Bakit nito hinahanap si Mar? Napagawi ang paningin ng bata sa bandang leeg ni Nong Ikong. Parang may kung anong malalim na hiwa doon na mula sa matalim na bagay. Nang mapansin ng matanda ang pagtutok ni Sabel sa sugat nito'y kaagad niya iyong tinakpan gamit ang palad. Makulimlim na ang paligid ngunit mas makulimlim ang mukha ni Sabel. "Bakit niyo po hinahanap ang kapatid ko?" aniya. "Wala..." 'di na maitago ng matanda ang mapamintas na ngisi. "Gusto ko lang sanang hiramin ang kapatid mo. Ako munang mag aalaga. Tutal isasauli ko naman siya bukas eh." "Hindi ho pwede. Hindi ko ipagkakatiwala ang kapatid ko sa tao na kamuntikan nang maglagay sa amin sa kapahamakan. Umuwi na ho kayo. Wala kayong mapapala dito."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD