"Ma!" Malayo lamang ay naririnig ko na ang boses ni Seb habang tinatawag ang pangalan ko. Nagmamadali naman akong lumabas ng bahay para salubungin ang mga anak kong galing sa eskwelahan. "Ma!" Muling malakas na pagtawag ni Seb at nang matanaw ko siya ay mayroon siyang bitbit na malaking plastic at ganun din si Santino. Kunot-noo akong nakatitig sa kung ano ang mga dala-dala nila. "Ma, tingnan po ninyo. May mga bago po kaming laruan ni Kuya." Agad na ibinida ni Seb ang laman ng malaking plastic na galing sa kilalang toy store sa mga malls. Kinutuban na ako sa pwedeng pinagmulan ng mga mamahaling laruan ng mga anak ko. "Saan nanggaling ang mga iyan? " malumanay kong tanong sa dalawa kong anak na hindi magkamayaw sa kung ano ang uunahin na tingnan sa mga laruang nasa loob ng plastic.

