
Tinitignan ko siya habang nasa taas ng entablado para sa speech niya.
"Alex, salamat dahil palagi kang nasa tabi ko para umalalay sa akin. Ikaw ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nagsasalita dito ngayon. I love you." Isang matamis na ngiti ang ibinato niya sa akin.
I love you. Masarap pakinggan. Kung sana ang ibig sabihin nito kay Raine ay katulad ng ibig sabihin nito sa akin. Ngunit para kay Raine, ang I love you ay parang good morning lang. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niya akong sinabihan nito. Ang natatandaan ko lang ay nag-umpisa niyang sabihin ang mga katagang iyon nang maghiwalay ang mga magulang niya.
Noong gabi-gabi siyang umaakyat sa fire exit at pumupunta sa kwarto ko para doon matulog. Gabi-gabi akong napupuyat dahil magdamag ko siyang pinagmamasdan. Gabi-gabi akong nagtatapat ng pag-ibig ko sa kanya nang hindi niya nalalaman.
Nasanay na akong palagi siyang kasama kaya ngayong magtatapos na kami, labis ang lungkot na nararamdaman ko dahil maghihiwalay na kami. Pupunta na siya sa Australia para makasama ang kanyang ina.
"Congrats bestfriend." Niyakap niya ako nang mahigpit. "Sundan mo ako sa Australia ha?"
"Susubukan ko." Niyakap ko siya upang itago ang aking mga luha.
Kaya ko bang mawala si Raine sa akin?
Natatakot ako na baka hindi niya ako matanggap. Bagamat alam kong malawak ang kanyang pag-iisip, batid ko rin na mahigpit niyang pinanghahawakan ang kanyang prinsipyo.
Umalingawngaw ang palakpakan sa loob ng gusali kasunod ng sunud-sunod na pagtawag ng pangalan ng mga magsisipagtapos.
Sa daan paakyat ng entablado, mabilis kong isinilid sa basurahan ang kwintas na balak kong ibigay sa kanya kasabay ng confession ko. Hindi kami pwede ni Raine. Hindi ngayon, hindi kailanman.
Umakyat ako ng entablado pagkarinig ng aking pangalan.
"Alexandria Eunice Delos Santos, Salutatorian."
"Lorraine Ingrid Lacsamana, Valedictorian."

