KABANATA 4 - SAKIM

1742 Words
Huli na nang ako ay tumalikod. Narinig ko na ang mga katagang paulit-ulit kong naririnig ngunit ang sakit ay nanatiling lason sa aking utak. Hindi ko mawari kung ang mga ngiti nila’y ilusyon ko lamang o sadyang hindi na talaga ako makapag-isip ng maayos. Bakit sila nakangiti? Sila ba’y natutuwa sa sitwasyon na kinaroroonan ko ngayon? “Iyan ba talaga ang katotohanan?” tanong ng ikalimang reyna, si Mimosa Suarez. Napaka-sopistikado niyang magsalita, maging ang paraan ng pagdala niya sa kaniyang sarili. Tuwid ang kaniyang buhok na may maraming mga kumikinang na hiyas at ang nakaagaw ng aking pansin ay ang kuwentas na pilak na suot-suot niya. Bakit parang hindi iyon ang unang pagkakataong nakita ko ang hiyas na iyon? Akala ko ay wala na akong kinatatakutan hanggang sa makita ko ang mga maharlikang nakatira sa palasyo. Kahit wala silang ginagawa ay agad kang maninigas sa kapangyarihang taglay ng kanilang kasuotan. Nakakatawa, kami nga’y wala ni isang sentimo, iyon pala’y ang inaani namin sa sakahan ay napupunta sa gintong butones na nasa kasuotan nila. “Sa tingin mo ba’y nagsisinungaling ako, mahal na reyna?” tanong ng aking ina. Hindi ako makaalis sa aking pwesto dahil tuluyan na akong nanigas sa kaba, galit, inggit, at kalungkutan. Ang kanina'y umiiwas na mga mata'y natablan na ng kuryosidad kaya nagawa kong makita ang wangis ng mahal na reyna. “Hindi mo ba anak ang baliw na babaeng nakatira sa iyong tahanan?” tanong ng reyna. Aba, nakakagago naman ang naging larawan ng aking pagkatao. Para naman akong dinura-duraan ng laway ng mga taong ang ulam ay perlas ng Silanganan. "Lilinawin ko ang mga salita ko, mahal na reyna. Si Amihan lamang ang aking naisilang," mabilis na naging sagot ni Mahalia at hindi man lang siya nautal. Oo, siya si Mahalia. Hindi ko na rin siya maituturing na aking ina. "Salamat sa iyong paglinaw," sagot ng reyna. Gusto kong lumingon sa direksyon nila't magpakilala bilang si Hiraya, ang baliw na nakatira sa pamamahay ni Mahalia kahit hindi naman magkadugo. Unti-unti nang napuputol ang taling nagpipigil sa akin upang tunay na magpakabaliw at magpadala na lamang sa alon ng aking mga emosyon. Nang makakuha ng lakas, agad kong nilisan ang silid at bumalik na sa kusina. Ramdam kong may mga matang nakatingin ngunit hindi na ako lumingon pa. Pabagsak kong inilagay ang bandeha sa mesa at tumalsik pa nga ang sabaw sa aking mukha. Mahabaging Panginoon, hindi mo na nga ako biniyayaan ng mukhang maipagmamalaki, ngayon ay may paso pa. "Hiraya, anong katangahan na naman ba ang iyong ginawa sa silid at saglit na nagkagulo sa loob?" taas-kilay na tanong sa akin ni Zenaida habang nakapamewang. Ramdam ko ang pagod sa kaniyang boses dahil sa pag-aregla sa mga kailangang gawin. "Hulaan mo," walang ganang sagot ko. Kahit malinaw na ang bawat pawis na pumapatak mula sa noo niya'y nagagawa ko pa rin siyang inisin. "Nakakabwisit ka," tanging sambit niya. Tumango-tango ako. "Oo, alam ko." "Aba'y gago," pagmumura niya. Kinuha niya ang bandehang bitbit ko kanina at inayos ang mga mangkok. "Abala na nga ako sa ibang mga gawain, dumagdag ka pa. Ako na naman ang pagagalitan ni Don Febrio nang dahil sa katangahan mo." Hindi ako sumagot at tumango na lang. Hindi na rin siya nagtagal at pumunta na sa lababo upang hugasan ang mga ginamit na kasangkapan sa kusina. Alam kong hindi na niya ako uutusan dahil takot siyang may magawa na naman akong mali. Agad akong lumabas ng kusina at lumayo sa mansyon. Minsan mabagal ang aking paglalakad, minsan naman ay para na akong tumatakbo. Hindi ko mawari ang halu-halong emosyon na nararamdaman ko ngayon. Sanay naman akong itinatanggi ni ina na ako ang kaniyang anak. Akala ko'y manhid na ako sa tuwing naririnig ko iyan, ngunit kanina ay parang dalawang pares ng patalim ang isinaksak niya sa isipan ko. Oo, hindi ako naging mabuting anak at tunay na isa akong suwail. Iniluwal niya pa rin naman ako, hindi ba? "Tanginang buhay 'to," naisambit ko na lang. Hindi ko namalayang dinala na pala ako ng aking mga paa sa tapat ng sapa. Isa na ba itong senyales na lunurin ang aking sarili? Hindi naman kasi mababa ang aking kalooban, sadyang nakakapagod lang na kahit anong pilit mong maging malakas ay hindi pa rin magbabago ang katotohanang ako lang talaga mag-isa. Oo, andiyan naman si Amihan ngunit bakit sa tuwing may iba pa kaming kasama'y para siyang bituin na hindi ko maabot? Ibang iba kasi ang Amihang nakakasama ko sa bahay at ang Amihang nakakasalamuha ng ibang tao. Sa paningin ng iba'y sopistikado ang aking kapatid kahit na isa siyang alipin kaya sa tuwing sinasabi ni Mahalia na inampon lamang ako, agad na naniniwala ang mga tao dahil walang-wala ako kung ikokompara kay Amihan. "Bakit parang sinalo mo lahat ng kalungkutan sa araw na ito?" Nagulat pa ako nang may biglang nagsalita sa tabi ko. Nang lingunin ko kung sino, agad na kumunot ang noo ko. Ano na naman ba ang kailangan ng asungot na ito? "Ikaw, ba't parang sinalo mo lahat ng kadungisan sa mundo?" walang ganang sagot ko. Rinig ko ang mahinang pagtawa niya. "Bakit ba ang laki ng galit mo sa akin? Nanatili akong tahimik sa natuklasan ko tungkol sa iyo, ah? Hindi pa ba iyon sapat upang ako ay iyong pagkatiwalaan?" Isang sarkastikong tawa ang lumabas mula sa aking bibig nang marinig ko ang mga kataga niya. Nakatingin lamang siya sa akin na para bang naniniwala na may kaluwagan nga ang turnilyo ng aking utak. Ilang minuto rin akong hindi makahinto sa pagtawa. "Mapagbiro ka pala?" panunuya ko sa kaniya. Nilingon ko siya at hinila ang kuwelyo ng suot niya na barong. Inilapit ko ang aking labi sa kaniyang tainga. "Sa tingin mo ba'y nararapat kang bigyan ng aking tiwala?" Dahan-dahan kong tinanggal ang kamay ko mula sa mahigpit na pagkakahawak. Agad niyang inayos ang kunot na gawa ko at lumayo siya mula sa akin. Sa hindi malamang dahilan ay namumula ang kaniyang tainga. Ganiyan na ba ako kadumi at kaunting dikit ko lang ay para na silang namamatay? "Hindi ko kailangang magpasalamat na itinago mo ang aking sekreto, ginoo. Tinalo kita kagabi at iyon ang naging kasunduan natin," malamig na dugtong ko. Nilingon ko siya saka tinaasan ng kilay. "Hindi rin ibig sabihin na kailangan kong baguhin ang pakikitungo ko saiyo nang dahil sa pagtupad mo sa kasunduan." "Wala rin akong pakialam kung ipagkakalat mo, wala namang mababago sa naging larawan ko sa ibang tao. Isa akong baliw, paano ako makakaimpluwensiya sa ibang babae na lumaban? Ang aking kamatayan ay magdadagdag lamang ng isang bato sa sementeryo o di kaya'y isang bangkay na naman sa ilog." "At hahayaan mo na lang na iyan ang maging tadhana mo?" "Lahat naman tayo'y nabubulok lang rin sa ilalim ng lupa, ano pa bang pinagkakaiba natin?" "Nabubulok nga tayo sa anim na talampakan ang lalim, ngunit maari ka ring habambuhay na buhay sa mga alaala ng mga napukaw ng iyong katapangan." Napatawa ulit ako, "Sige, ipagkalat mo ang aking lihim upang mapukaw ang lahat at baka'y nais pang pumulot ng itak. Kahit ikaw pa'y isang prinsipe, magmumukha ka ding nasiraan ng bait kapag sinabi mo iyan." Napahalakhak si Isaiah sa sinabi ko, "Isang salita ko lamang ay baka inaresto ka na ngayon." "Bakit, sino ka ba?" natatawang tanong ko sa kaniya. Umupo siya sa damuhan at tinapik ang damo sa tabi niya. Inirapan ko siya at umupo naman sa puwestong iyon. "Ako nga si Isaiah," hindi malinaw na pagsagot niya. Napairap naman ako. "Ni hindi mo nga masabi ang iyong apelyido dahil wala ka namang impluwen--" Natahimik ako nang mahagilap sa aking paningin ang suot niyang pilak na kwintas. Agad kong naalala ang hiyas na suot ng ikalimang reyna. Isang kalapati ang palawit ng kwintas at magkatulad nga sila ni Reyna Mimosa. Anong ibig sabihin nito? "Ikinalulungkot ko ngunit totoo ang iyong iniisip," sabi niya na para bang nababasa ang nasa isipan ko. Agad akong nanginig sa takot nang mapagtanto ko ang kaniyang pagkatao. Siya ang anak ng reyna, ang ikalimang prinsipe. Siya ang may-ari ng malalim na boses na nagtanggol sa akin mula sa galit ni Don Febrio. Hindi agad ako nakapagsalita dahil hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking labi. Naalala ko ang kawalan ng respeto ko sa kaniya at kung paano ko siya tratuhin na parang basura. Tangina naman, sa dami ng lalaki sa mundong ito, siya pa ang makakasalamuha ko? Nang maitipon ko na ang aking kalooban ay agad akong lumuhod sa kaniyang harapan hanggang sa maabot ang aking noo sa lupa. Ilang minuto rin akong nakayuko ng ganoon ngunit nanatili siyang tahimik. "Hindi na kailangan iyan, iangat mo ang iyong mukha at umupo ka ulit sa tabi ko." Agad kong sinunod ang utos niya at tuwid na umupo sa kaniyang tabi nang hindi siya nililingon. Naiiyak na ako sa dami ng nangyari ngayong araw na ito. Bakit parang sobra naman ang parusang natatanggap ko? "Ito ang ayaw ko sa lahat," sabi niya. "Ang pagiging isang maharlika na lang ba ang basehan ng respeto?" Wala akong maisagot sa naging katanungan niya. "Respeto nga ba ang ipinapakita ng mga tao sa tuwing nalalaman nilang ako ang ikalimang prinsipe? O takot na baka'y kitilin sila sa oras na hindi sila yumuko sa aking harapan?" "Ayaw kong nakikitang nabubuhay ang mamamayan ng bayang ito sa takot. Lahat ay nirerespeto, lalo na ang mga kababaihan at ang mga bata." Hindi ako makapagsalita dahil sa halu-halong emosyong naramdaman ko matapos kong marinig ang pahayag niya. Tila ba nagkaroon ako ng pag-asa na ang boses ko'y naririnig na at may handa nang makinig. "Kaya ba hindi mo ako pinaparusahan sa aking pagtuto ng sandata?" Mahina siyang tumawa. "Bakit naman? Mukhang mas karapat-dapat ka ngang humawak ng sandata kaysa sa mga taong sa karahasan lamang sinusubukan ang mga natutunan." Hindi ako makapaniwalang ang mga katagang iyon ay nanggaling sa isang prinsipe. Baka ako'y pinapaikot niya lang? Kailangan ko ba siyang paniwalaan? Sasagot na sana ako nang humagalpak ulit siya ng tawa. Kumunot ang noo ko dahil pabago-bago ang kaniyang anyo. Tinigasan ko ulit ang aking loob at sa sandaling iyon ay agad kong nalaman ang kaniyang pagiging tuso. "Sa tingin mo ba'y iyon nga ang nilalaman ng aking puso?" tanong niya at tumawa ulit. Isang ngisi ang pinakawalan niya saka naging seryoso ang mukha. "Iba't ibang dugo at buhay na ang aking nakitil. Anong pinagkaiba ko sa kanila kung isa rin lamang akong sakim?" Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD