KABANATA 5 – BANDANA

1824 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata "Lasing ka na naman, Hiraya?" Hindi ko na matandaan kung ilang beses na akong nasermonan ni Zenaida habang hawak ko ang nilalaklak kong bote ng alak. Sumasakit na ang aking puwit dahil sa ilang oras na pag-upo, kapag sinusubukan ko kasing tumayo ay agad akong natutumba. Kasama ko si Zenaida sa pagta-trabaho sa hacienda magmula noong bata pa kami. Maitim ang kaniyang mahabang buhok, matangos din ang ilong, isang morena, at may katangkaran. Makapal din ang kaniyang labi at ang kaniyang pagmumukha. "Ano bang pake mo? Nagbabayad naman ako ah!" singhal ko saka nilaklak muli ang alak. Nang subukan kong uminom ulit, wala nang laman ang bote. Tangina naman. "Ilang araw ka na bang hindi umuuwi sa inyo? Balita ko'y hinahanap ka raw ng nanay mo," sabi niya sa akin at niligpit ang mga nagkalat na bote sa harapan ko. Hindi na nawala ang kunot sa kaniyang noo magmula noong dito ako nanatili. "Lasing ka ba? Kailan nga ba ako nagkaroon ng isang ina?!" singhal ko ulit sa kaniya. Bakit ba ang laki ng galit ko sa mundo? Bakit nga ba malaki ang galit ng mundo sa akin? "Ikaw ang lasing! Saka ka na nga makipag-usap sa akin kung matino na pag-iisip mo," sabi niya saka inilagay ang huling bote sa gilid. Kumuha siya ng pampunas saka pinunasan ang lamesang puno ng mga nagkalat na mani at mga natapong alak. "Salamat naman at naisipan mong titino pa ang aking pag-iisip," sagot ko at mahinang tumawa. Kinuha ko ang aking pitaka upang dagdagan sana ng isa pang bote ngunit maging ang aking salapi'y naglaho na rin. "Kaya nga ang ibig sabihin ko'y huwag ka nang makipag-usap sa akin!" sagot niya. Inirapan ko na lang siya at sinubukang tumayo. Tuluyan nang namanhid ang aking paa sa ilang oras na pag-upo. "Kahit sa pagtayo, hindi mo kaya?" reklamo na naman ni Zenaida at lumapit upang tulungan ako. Ayaw ko sanang tanggapin ang kaniyang kamay ngunit hindi ko na kinaya. "Ano ba 'tong daan mo? Hindi tuwid!" reklamo ko habang sinusubukang maglakad. Isang hakbang kada minuto ang aking nagagawa. Hindi ko maramdaman ang aking mga paa. "Aba'y pag-iisip mo ang may deperensya!" at nagsigawan na naman kami. Hindi na natahimik ang buhay ni Zenaida magmula noong napagdesisyunan kong guluhin ang tahimik na kubo niya. Inalalayan niya ako hanggang sa makarating sa natatanging kwarto ng kubo. Padabog niya akong binagsak sa higaan kaya parang niyanig ang aking mundo at tila naalog na nang tuluyan ang aking utak. "Aba'y pota ka!" sigaw ko at nagpagulong-gulong sa higaan. Parang ang bilis ng ikot ng mundo at hindi ko alam paano pahintuin. Naririnig ko pa ang mala-demonyong tawa ni Zenaida habang palabas siya ng silid. Pagbalik niya sa kwarto ay may dala na siyang pampunas at maliit na palanggana. Umupo siya sa tabi ko at tinanggal ang luma kong mga tsinelas. Agad niyang pinunasan ang aking mukha. "Bakit ba kasi hindi ka umuuwi sa inyo?" tanong niya sa akin. Sa isang linggong pagtira ko dito, ngayon niya lang ako tinanong kung bakit ayaw ko nang umuwi sa aking tirahan. "Wala akong pamilya," mahinang sagot ko. Nakita ko ang pag-iling niya sa kaniyang ulo habang pinupunasan ang aking mga braso. Tumawa ako. "Huwag kang mag-aalala, aalis ako ngayon," sabi ko at napapikit sa lamig ng tubig na dumidikit sa balat ko. "Bakit ba kasi panay ang reklamo mo ngunit hindi mo naman ako tinataboy? Pwede namang hindi mo ako pagbuksan ng pinto." "Walong taong gulang ako noong ipinanganak ka," sagot niya at pinunasan na ang aking mga paa. "Nasubaybayan ko ang kwento ng iyong buhay, nakilala mo na rin ako." "Naaawa ka ba sa akin?" Hindi na siya nakasagot sa aking tanong nang biglang tumunog ang kampana ng hacienda. Agad niyang nabitawan ang pampunas at iniligpit ang palanggana. "Maiwan na muna kita rito, kailangan ko pang gampanan ang aking mga trabaho sa hacienda," sabi niya at lumabas. Hindi na rin ako umimik at tuluyan kong ipinikit ang aking mga mata. Isang linggo na rin magmula noong naglayas ako sa bahay. Palagi naman akong ganito sa tuwing hindi ako kinikilala ni Ina bilang anak niya kaya alam kong hindi niya ako hinahanap dahil nasanay na iyon. Alam niyang babalik ako. "Hindi na ako babalik," bulong ko sa sarili ko. Hindi ko na pipilitin ang aking sarili sa mga taong hindi naman ako pinapahalagahan. Kung sa bagay, sino ba naman ang may pake sa isang tulad ko. Tangina, nagiging iiyakin na naman ako na parang batang hindi binigyan ng sentimo. Sigurado akong ang pinag-usapan nila ng ikalimang reyna sa hapagkainan noong nakaraan ay tungkol sa nalalapit na seleksyon ng ikapitong reyna. Alam ko rin na ginagawa ng aking ina ang lahat upang si Amihan ang mapili sa magaganap na seleksyon. Paano nga ba nagkaroon ng kapit si ina sa isang reyna? Isa rin sa mga iniiwasan ko ay ang ikalimang prinsipe. Noong huling pagkikita namin, nainis ako dahil nagawa niyang bilugin ang aking utak. Ano pa bang inaasahan ko sa isang lalaki? Bakit nga ba nagkaroon ako ng pag-asa? Hindi ko mapapatawad ang aking sarili at saglit akong naging mahina sa kaniyang harapan. Nang mahimasmasan na ako ay agad akong bumangon at uminom ng tubig. Hindi maaaring mabuhay ako ng ganito, kailangan kong ayusin ang buhay ko at nakakaabala pa ako kay Zenaida. Wala na rin akong pera para sa isa pang bote ng alak. Mag-isa lamang na nakatira si Zenaida sa kaniyang kubo. Magmula noong siya ay naulila, kinupkop siya ni Don Febrio at doon siya nanirahan sa hacienda. Nang tumungtong sa edad na dalawampu, bumukod siya at nagtayo ng sariling kubo malapit sa pinagsisilbihan. Kahit tutol si Don Febrio, wala siyang nagawa dahil desidido na si Zenaida na umalis ng hacienda. Responsable si Zenaida at hindi magdadalawang-isip na tumulong sa iba. Walong taon ang agwat namin ngunit para na rin kaming magkaedad kung magbardagulan. Siya kasi ang tipong hindi nanghuhusga ng tao ngunit kapag ikaw ay naging disturbo sa trabaho niya at marami kang kapalpakan, siguradong maliligo ka ng laway sa pagiging bungangera niya. Kumuha ako ng sobre na nasa isang kahon at inilagay ang mga baryang natira sa pitaka ko. Susulatan ko sana na sa susunod ko na makokompleto ang bayad kapag nakahanap ako ng trabaho kaso hindi naman marunong magbasa ang mga babae rito. Maliban na lamang kung kagaya namin ni Amihan ay natuto rin sila ng palihim ngunit mukhang malabo iyon. Lumabas ako ng kubo at napagdesisyunang maghanap ng trabaho sa palengke. Hindi na ako maaaring magpatuloy sa hacienda dahil naroroon ang mga kadugo ko at palpak din ang huli kong trabaho. Alam ko namang wala rin silang pake sa kung anuman ang gawin ko sa buhay ko. Pinahiram ako ni Zenaida ng damit kaya hindi ako amoy-alak ngayon. Mahirap kasi makahanap ng trabaho sa palengke maliban na lamang kung nais mong ibenta ang sarili at magpakaalila sa mga timawa at maharlika. Wala namang bibili sa akin dahil sa mga peklat ko at baliw ang inilalarawan sa akin. Nang makarating ako sa palengke, andaming mga babae ang nagkukumpol-kumpulan at namimili ng mga bagong huli na mga isda. Matitigas na ang mga braso ng bawat babaeng nagtatrabaho sa palengke, sila na rin kasi ang nanghuhuli ng mga oso, isda, at iba pang mga hayop na kinokonsumo ng mga tao. Walang isang lalaki ang makikita rito maliban na lamang sa mga kawal na naghahanap ng maaaring ibenta na katawan. "Naghahanap ka po ba ng katulong sa pagtitinda?" tanog ko sa isang tindera ng mga pampalasa. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa saka umiling. Tumango na lang ako at nag-iba ng direksyon. Sunod kong pinuntahan ang matabang tindera ng mga karne. Matagal na ako sa palengke at kilala ko naman mga hitsura nila ngunit hindi ko madaling nakakabisado ang mga pangalan nila. "Kailangan niyo po ba ng katulong?" magalang na tanong ko. Medyo nagulat pa ako nang puwersahan niyang tinaga ang huling karne at matalim akong tinignan. "Oo, kailangan ko nga ng katulong," sagot niya. Agad namang kuminang ang aking mga mata ngunit nang mapagtanto ko ang talim ng kaniyang titig ay dahan-dahan akong lumihis at umalis sa harapan niya. Ayaw ko namang mabuhay sa takot. Liliko na sana ako sa kanan nang mahagilap ng paningin ko ang isang matipunong lalaki na malinis ang pananamit at naglalakad papasok sa palengke. Agad akong naalarma nang makilala kong ang prinsipe ang lalaking iyon. Ano ang ginagawa niya sa palengkeng puno ng mga alipin? Tumalikod ako at itinali ang aking buhok. Buti na lang at damit ni Zenaida ang suot ko. Hindi ako nagpahalata at normal lamang na naglakad palayo sa palengke. "May nakita ba kayong baliw na nagpalaboy-laboy dito?" rinig kong tanong niya. Agad akong napamura sa naging deskripsyon niya. Alam kong ako ang hinahanap niya, ngunit bakit naman siya naghahanap? Ano ang kailangan niya? Binilisan ko ang aking paglalakad ngunit kinabahan ako nang maramdaman ang pagsunod niya sa akin. Kinuha ko ang aking bandana na nasa bulsa at agad na sinuot sa aking ulo. Nang masigurong ako nga ay sinusundan, agad akong lumiko at tumakbo. "Hiraya!" rinig kong sigaw niya at hinabol ako. Nakakabangga na ako ng mga babaeng namamalengke at wala akong oras para humingi ng tawad. Binilisan ko pa ang aking mga hakbang at lumiko sa kanan. Nang makakita ng isang babaeng medyo kahawig sa aking kasuotan ang kaniyang damit, agad ko siyang hinila at isinuot sa kaniya ang bandana. Nagulat pa ang babae sa ginawa ko at hindi agad nakagalaw. Nang maramdaman kong paliko na rin ang prinsipe, agad akong nagtago sa ilalim ng maliit na mesa at tinago ang sarili gamit ang mga kaing na puno ng mga manga. "Nahabol din kita," rinig kong sabi ng prinsipe at hinila ang bandana mula sa ulo ng babae. Nasa harapan ko lang kasi sila. Kabado ang aking katawan at baka ako'y mahuli. "Paumanhin, akala ko'y ikaw na ang babaeng aking hinahanap," sabi ng prinsipe at nagpatuloy sa pagtakbo. Nakahinga naman ako ng maluwag at umalis na sa ilalim ng lamesa nang hindi ko na siya mahagilap. Nang makatayo na ako ay nagulat ako sa titig ng babaeng sinuotan ko ng bandana. Napaayos ako ng porma saka kinuha ang bandana mula sa kaniya. "Salamat," sabi ko sa kaniya at aalis na sana nang marinig ko siyang magsalita. "Naghahanap ka ba ng trabaho?" "Opo," sagot ko at tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Hindi naman siya nakakatakot at siguro'y nasa tatlumpong taong gulang siya. Maikli ang kaniyang buhok at makinis ang kaniyang balat. Napakagaan ng kaniyang awra na para bang hindi niya kayang pumatay ng langaw. "Kailangan ko ng katulong sa aking hardin," sabi niya. Kuminang kaagad ang mga mata ko nang marinig iyon. "Marunong ka ba?" "Opo!" masiglang sagot ko. Nginitian niya ako. "Mabuti naman kung ganoon," mahinang sabi niya. Inabot niya ang kaniyang kamay na agad ko namang tinanggap. "Ako si Norjannah Cayabyab. Ikinagagalak kong ikaw ay makilala." Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD