KABANATA 3 – TANGING ANAK

2355 Words
TW/ salita at eksenang hindi angkop sa mga bata Hindi ko mawari ang kutyang sumasalamin sa bawat mata ng mga taong nakikita ko. Nasanay naman akong ganito ang tingin sa akin ng mga tao, ngunit ngayon ang mga nakatanim na tingin nila sa akin ay para akong hinuhubaran at pilit na tinatanggal ang aking kaluluwa.Tila ba nakikita ko sa kanilang mga mata ang tunay kong pagkatao. Ang mga bulong ng mga naghahalu-halong boses ay pumantig sa aking tainga dahilan upang bilisan ko pa ang aking paglalakad. Sa sobrang tikas at layo ng bawat hakbang ay para na akong tumatakbo. Ilang beses na itong nangyari sa akin ngunit isinasawalang-bahala ko lang. Sa pagkakataong ito, iba ang amoy ng hangin at wala akong magawa kung hindi ang hayaan itong balutin ang katawan ko sa takot at kaba. Ano nga ba ang nalalaman nila? “Huminto ka!” Napako ako sa aking kinatatayuan at nagpakawala ng isang mahinang singhap. Kahit hindi nakakasiguradong ako ang tinawag, dahan-dahan akong napalingon sa likuran. Pigil ang aking hininga at ramdam ko ang panginginig ng aking mga kalamnan. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Mga nakahilerang kawal ang bumati sa akin at lahat sila ay nakasakay sa sariling mga kabayo. Bumaba ang nauna, siya yata ang namumuno sa kanila. Bakit kailangan ng limang kawal upang ako ay lapitan? Gaano ba kalalim ang aking kasalanan—ano ba ang aking kasalanan? “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” magalang na tanong ko sa kanila at pilit na iniiwasan ang matatalim nilang tingin. Kinuyom ko ang aking mga palad para matago ang panginginig nito. Ilang sandali ng katahimikan ang lumipas. Nilapitan ako ng dalawa pang kawal at sapilitang pinaluhod sa lupa, bagay na ipinagtaka at ikinagalit ko. Ako’y nagpumiglas ngunit masyadong mahigpit ang pagkakahawak nila sa akin. “Kailangan mong sumama sa palasyo.” Nagulat ako nang marinig ko ang mga katagang iyon. Lalong hindi ako mapakali dahil maraming mata ang nakatingin sa amin at nangungutya. Tama ba ang aking narinig at sa palasyo nila ako dadalhin? “Ano ang kailangan niyo sa akin?” malakas na tanong ko. “Sentensyang kamatayan.” “A-Ano?” “Ate, gumising ka na!” “Ano bang nagawa ko?” “Buhusan mo nga ng tubig!” “Gising na!” Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ang sigaw ng aking ina at ni Amihan. Agad na nakuha ng aking atensyon ang mga kamay ng aking inang mahigpit ang hawak sa timbang may laman na tubig at akmang ibubuhos na sa akin. Napasimangot ako. “Gigising din naman ako ah, ganiyan na ba kalaki ang galit mo sa akin, ina?” wala sa sarili kong sambit at napahikab. Hindi pa ako tuluyang nagising kahit direkta na akong nasisinagan ng araw. “Binabangungot ka! Kanina ka pa ginigising ngunit patuloy ka pa ring sumisigaw,” singhal ni ina sa akin. Ibinaba na niya ang timba at inilagay sa gilid ng kama. “Saka tanghali na, kailangan ni Don Febrio ng tutulong sa kaniya ngayon. Abala ang buong hacienda.” “Bakit? Ano ba ang kaganapan?” “Dadating ang ikalimang reyna at ang prinsipe sa kanilang pamamahay,” sagot naman ni Amihan na nasa gilid. “Ano nga ba ang nasa iyong panaginip, ate?” Natahimik ako sa naging tanong niya. Naisip ko ang mga nangyari kagabi sa hacienda at ang lalaking maaaring sisira sa aking kinabukasan. Hindi ako mapakali dahil pangalan niya lang ang alam ko, maraming lalaki ang nagngangalang Isaiah sa bayang ito. Hindi ko rin nalaman ang kaniyang apelyido. “Isang bangungot,” sagot ko at sinubukang bumangon. Napakunot ang noo ko sa sinabing okasyon ni Amihan dahilan upang muli akong magtanong. “Ang ikalimang reyna at ang prinsipe?” “Oo, kaya bumangon ka na diyan at mag-ayos,” sabi ni ina saka lumabas ng kwarto. Kinusot ko pa ang aking mga mata at baka sakali’y tuluyan na akong magising. Isang palaisipan sa akin na pupunta sa bayan ng mga alipin ang mga nasa pinakataas ng tatsulok. Hindi ko nga mawari bakit ang isang makapangyarihang kagaya ni Don Febrio'y napagpasiyahang mag-hacienda sa Tercero kahit na malakas ang kapit niya sa palasyo. Nang makaalis si ina sa silid, agad na umupo si Amihan sa tabi ko at nagtanong gamit ang mahinang boses, “Saan ka ba galing kagabi at madaling araw ka nang nakabalik?” “Nawili lang ako sa pagtapon ng itak dahil sa isang malas na dumating,” nakabusangot na sagot ko. Nang maalala ko ang mga nangyari ay sira na agad ang aking umaga. Wala pa akong maayos na tulog at may kaganapan pang kailangan paghandaan. Sinubukan kong igalaw ang aking katawan ngunit para lamang akong tinutusok ng libo-libong karayom sa sobrang sakit. “Malas? Ano ang ibig mong sabihin, ate?” “Wala,” walang ganang sagot ko at tumayo. Muntikan pa akong matumba at tila'y sampung beses umikot ang mundo sa linaw ng aking paningin. "Nakakasiguro ka bang kaya mong tumulong sa hacienda ngayon? Maaari kong mapakiusapan si Don Febrio," pag-aalala ni Amihan. Umiling ako. “Hindi ko aalagaan ang aking sakit. Maaari naman akong hindi magbihis, ‘di ba? Sa bakuran lang din naman ako tutulong. Hindi ako magpapakita sa mga maharlika.” “Hiling ni Don Febrio na mag-ayos tayong lahat bilang respeto sa reyna,” sagot ni Amihan. Bumusangot ulit ako saka tinalikuran siya. Ang malas ko naman sa araw na ito. “Ako ang mag-aayos sa iyo,” dagdag ni Amihan. “Mukhang ako’y di na maaayos.” Si Amihan na ang bumusangot sa aking sagot at hindi kalauna’y lumabas na rin ng silid. Kinuha ko agad ang aking natatanging baro at saya saka ipinasok sa isang malinis na sako. Napagpasyahan kong sa ilog na ako maliligo at magbibihis, baka sakaling maibsan ang pagod na aking nadarama. Ilang metro rin ang nilakad ko bago ko narating ang ilog. Sinigurado kong wala akong kasama saka hinubad ang aking saplot. Tila'y unti-unting ginagamot ng hangin at tubig ang bawat kirot sa aking katawan. Lumakbay ang lamig mula sa dulo ng aking paa hanggang sa aking leeg nang tuluyan kong mababad ang buong katawan sa tubig. Agad kong naramdaman ang paggaan ng aking kalooban at ang pagkalma sa aking sistema. Dinuduyan ako ng ilog at sinasabing muli akong matulog. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan ang katawan kong magpalutang-lutang sa tubig. Muling sumagi sa aking isipan ang pagdating ng mahal na reyna at ang prinsipe. Bakit sila pupunta rito sa distrito ng mga alipin? Hindi kaya’y tungkol ito sa nalalapit na seleksyon ng ikapitong reyna? Ano naman ang balak ng ikalimang reyna? “Nakakamanghang tignan ang iyong mga peklat, binibini,” sabi ng isang malalim na boses kaya napadilat ako. Nagulantang ang aking pagkatao at agad na napatayo. “S-Sino ka?” gulat at kabado kong tanong. Sinigurado kong hanggang leeg ang tubig na tinatapakan ko upang matakpan ang aking kahubaran. Paano napadpad ang lalaking kagaya niya rito? “Agad mo nang nakalimutan ang ating pagtatagpo kagabi, Hiraya?” nakangising tanong niya. Agad na uminit ang aking ulo nang mapagtanto kung sino siya. “Akala ko ba'y malinaw sa iyo na ang gabing iyon ay dapat nang kalimutan,” walang kangiti-ngiting sagot ko at dahan-dahang umalis sa tubig. Kahit nakahubad ako sa harapan niya’y umakto akong hindi naiilang sa kaniyang presensiya. Nasira ulit ang araw ko na nagamot na sana ng ilog. “Maaring kalimutan ang nangyari ngunit ang pagkakakilala ko sayo'y hindi na mabubura," sagot niya. Nakakairita ang kompyansa niya sa kaniyang sarili. Umupo ako sa gilid ng ilog at hinanap ang saplot ko ngunit hindi ko mahanap. Nataranta agad ako dahil nawawala rin ang aking baro at saya. Nang lumingon ako sa likuran, nakita ko ang nakangising lalaki. “Saan mo itinago ang aking damit?” naiinis na sagot ko sa kaniya. Ano nga ba ang problema ng lalaking ito at sinisira niya ang aking araw? “Bakit mo hinahanap? Samahan mo muna akong lumangoy,” sabi niya at lumapit sa akin. Agad akong lumayo sa ilog kahit walang suot na damit. “Bakit ko sasamahan ang isang walang asal na kagaya mo?!” “Dahil nasa akin ang iyong damit,” sagot niya. Nagpipigil pa siya ng tawa nang makita ang pagpula ng aking tainga. “Saka ako’y nakahubad na, sayang naman at hindi mo ako sasamahan.” Nang tignan ko nga siya’y wala siyang kahit na anong saplot. Walang kahit na anong peklat ang kaniyang kayumangging balat at matigas ang kaniyang kalamnan. Hindi man lang umabot sa kaniyang balikat ang lalim ng tubig dahil sa kaniyang tangkad. “Sana nga'y magdilang-anghel ako at malunod ka sa kinatatayuan mo,” matigas na tanong ko at naghanap ng gabi upang kumuha ng malalaking dahon. Nang makahanap ako’y agad akong kumuha ng dalawang dahon upang takpan ang hubad kong katawan. “Nag-iisa lamang ang aking baro at saya. Hindi ako katulad mo na may ilang daang sutla,” hindi-makapaniwalang sabi ko habang hinahanap ang aking sako. Tinatakpan ko pa rin ng dahon ang aking katawan. “Bakit ngayon ay nanggugulo ka?!" “Saglit lang, hindi ko naman aakalaing nandito ka rin,” sabi niya at mahinang tumawa. Lahat na lang siguro ng kaniyang ginagawa’y nakakainit ng ulo. “Kung gayon, nasaan ang aking damit?” “Nasa likod ng gabing kinuhanan mo ng mga dahon.” Agad kong tinungo ang gabing iyon at nakita ang saplot ko na nakapatong sa sako. Mabilis ko iyong pinulot at kinuha ang baro at saya saka sinuot. Matapos kong magbihis ay agad kong nilisan ang lugar na iyon. Narinig ko pa ang pagpupumilit niya ngunit hindi na ako lumingon pa. Wala na ba siyang kayang gawin kung hindi ang mang-abala ng ibang tao? Ako ang nahihiya para sa kaniya. Agad kong sinuklay ang aking buhok pagdating ko sa bahay. Umupo ako sa harap ng salamin at pinagmasdan ang aking mukha. Hinawakan ko ang peklat sa aking kanang mata at pinagmasdan sa salamin. Tinuruan ako ni Amihan kung paano mag-ayos sa mukha at sa paraan upang matakpan ang peklat sa aking mata. Agad kong sinimulan ang pag-aayos at mukhang abala pa ang aking kapatid. Sampung minuto akong nakaupo sa harap ng salamin upang ayusin ang aking sarili. May regalong hikaw sa akin ang aking kapatid ngunit hindi ko pa kailanman ginamit. Nang hawakan ko ito’y nabigatan ako kaya mukhang hindi ko ito masusuot habang nabubuhay pa ako. Lumabas ako ng bahay at nagmadaling pumunta sa mansyon ni Don Febrio. Hindi naman masyadong mabigat ang saya ngunit naiilang ako. Bakit ba kasi kailangan pang mag-ayos? Pagdating ko roon ay abala ang lahat sa paghahanda sa pagdating ng mga maharlika. Lahat ng mga babae’y naka-baro at saya, isang tanawing hindi ko madalas nakikita. Tunay ngang hindi maikokompara ang ganda ng bawat kababaihan. “Anong tinutunganga mo diyan?” tanong sa akin ng namumuno sa hacienda na si Zenaida. Halos magkasing-edad lang kami ngunit pinagkakatiwalaan siya ni Don Febrio. “Pumunta ka doon sa kusina at kailangan ni Marielle ng katulong.” Agad akong pumunta sa kusina at alam ko na agad kung ano ang utos nang makita ang mga plato sa lababo. Lalapit na sana ako nang bigla akong hinila ni Marielle at kinaladkad. “Ano ba!” iritang sambit ko at pwersahang hinila ang aking braso mula sa kaniya. Napabitaw siya sa akin at tinignan ako. “Ang ganda mo ngayon ah,” nakangising sabi niya at ipinasa sa akin ang bandeha na may mainit na sabaw ng baka. “Ihatid mo ito sa hapagkainan nina Don Febrio.” “Bakit ako?” gulat na tanong ko. Hindi ako marunong humarap sa maraming tao at kailanman ay hindi pa ako nagawi sa silid. “Wala ang tagahatid sa mansyon dahil nabuntis,” sagot niya. Ano naman ang kinalaman ko doon? “Huwag ka na ngang sumimangot! Ang ganda mo pa naman ngayon.” “Tumahimik ka nga,” sagot ko at dahan-dahang binitbit ang bandeha papasok sa mansion. Nakakainis, akala ko pa naman ay hindi ako haharap sa mga maharlika. Nang makalapit ako sa hapagkainan ay nanginginig ang aking mga tuhod. Hindi pa ako nakakasalamuha ng maharlika lalo na’t galing sa palasyo. Hindi ko rin maisip na nasa hapagkainan lamang ang mahal na reyna at ang prinsipe. “Nalalapit na ang seleksyon ng ikapitong reyna,” sabi ng mahal na reyna. Kahit hindi ko matignan ang kaniyang wangis, kakaibang kaba ang namumutawi sa aking dibdib. Dahan-dahan kong inilagay ang mainit na sabaw mula sa bandeha. “Mukhang hinahanda mo na ang iyong anak sa seleksyon, Mahalia?” Hindi ako makagalaw nang marinig ang pangalan ng aking ina. Nang iniangat ko ang aking tingin, hindi ko inaasahang makita ang aking pamilya na kasama sa almusal ng mga maharlika. Hawak ko ang huling mangkok na may mainit na sabaw nang aksidente ko itong mabitawan. Mabuti na lang at malayo ito sa mesa at sa sahig lamang nahulog. “Isang hangal!” sigaw ni Don Febrio at nilapitan ako. Agad akong yumuko at pinulot ang nabasag na mangkok. Nanginginig pa ang aking kamay. “P-Patawad po, Don Febrio,” nanginginig na sambit ko at inilagay ang nabasag na mangkok sa bandeha. Nanatili akong nakayuko. Nararamdaman kong umangat ang kamay ni Don Febrio at dadapuan na sana ako nang may isang kamay ang pumigil sa kaniya. "Kung maaari sana'y hayaan mo na at wala namang nasaktan," isang malalim na boses na pamilyar sa akin ang aking narinig. Tila'y nalilito pa ako sa mga nangyayari at hindi ko alam kung ano ang gagawin. “Hayaan mo na,” pagsang-ayon ng reyna. Tanging t***k lamang ng aking puso ang aking naririnig. “Ipagpatuloy na lamang natin ang usapan. Siya nga pala, isa lang ba ang anak mo, Mahalia?” Naramdaman ko ang pagtingin sa akin ng aking ina. Nakayukom ang aking kamao habang hawak ang mangkok. Kahit hindi ako makagalaw ay dahan-dahan akong tumalikod bago ko pa marinig ang magiging sagot niya. Ngunit kahit anong iwas ko, hindi pa rin ako nakatakas sa patalim na tila'y para talaga sa akin. “Oo, mahal na reyna, si Amihan lamang ang aking natatanging anak.” Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD