KABANATA 2 – KRIMEN

2098 Words
“Bwisit!” Inis kong naitapon ang aking itak at napaupo sa lupa. Hindi mawala sa isip ko ang mga naging kataga ni Amihan. Ayaw kong pagdamutan siya sa matagal na niyang pinangarap at pinaghandaan, ngunit bilang nakakatanda ay ayaw ko naman mapalagay siya sa panganib. Narito ako sa isang tagong parte sa palayang pinagtatrabahuan namin ng aking pamilya. Parte ito ng Hacienda Luisiana na pagmamay-ari ni Don Febrio, ang may balak na gawing alipin ang aking kapatid. Dito kami nagbibilad sa araw upang magtanim, maglinis, at umani ng palay. Kampante akong walang makakakita sa akin dito lalo na kapag gabi kaya dito ko naisipang iwagayway ang bawat patalim na alam ko. Pinag-aaralan ko ang bawat galaw sa tuwing nakakapunta ako sa Segundo at lihim na tumatanaw sa mga nag-eensayong mga kawal. Wala akong pinalagpas sa kung paano sila gumagalaw gamit ang iba’t ibang klase ng armas at kung ano ang dapat alalahanin sa tuwing nakikipaglaban. Nakakagalit lang dahil ang mga natutunan nila na dapat ay ginagamit sa pagtatanggol sa mga naaapi ay nagagamit sa karahasan at pang-aabuso. Halos lahat ng mga babaeng kaedad ko ay nangangarap na maging asawa ng hari dahil sa yaman ng matanda at dahil na rin sa kaisipang sila’y makakapasok sa palasyo. Hindi ko lubos maisip na ito rin ang pinapangarap ng aking kapatid. Hindi ako makapag-isip ng maayos at nanatiling tulala hanggang sa naramdaman ko na lang na may pares ng mga matang nakatitig sa akin. Hindi ako agad gumalaw at nakiramdam muna sa paligid. Sa isang iglap, isang palaso ang lumipad sa aking direksyon. Agad akong yumuko at gumulong sa lupa upang kunin ang tinapon kong itak. Tumama ang palaso sa katawan ng punong Acacia na nasa aking harapan. Napaubo ako nang maramdaman ang biglaang bigat sa aking katawan. Pumikit lamang ako saglit at nasa harapan ko na ang dulo ng kutsilyong hawak niya, iilang sentimetro bago nito masugatan ang aking balat. Mabilis na hinarang ko ang aking itak. Sa ilalim ng makulimlim na ilaw ng buwan, sa kalaliman ng gabi, tanging ang mabababaw naming hininga ang aking naririnig. Malapad ang mga balikat niya, base sa silweta ng kanyang katawan, mabigat ang kanyang mga nililok na kalamnan—‘di maikakailang ang estrangherong ito ay isang lalaki. “Hindi maaaring lumipad ang iyong utak kung ikaw ay nasa digmaan na, binibini,” isang malalim na boses ang nanggaling sa kaniyang bibig. Hindi niya pa rin inaalis ang patalim kaya di ko binitawan ang aking itak. Iba nga ang kanilang taglay na lakas dahil nanginginig na ang aking mga bisig at namumuo na ang mga butil ng pawis sa aking noo sa buong lakas kong pagsusumikap na pigilan ang kanyang atake. “Agad na mawawalan ka ng hininga kung wala ka sa iyong isipan," wika niyang muli at inalis na ang patalim sa pagkakatutok sa akin. Nakahinga ako nang maluwag at binitawan na rin ang aking itak. Umalis siya sa pagkakadagan sa akin at napaupo sa aking tabi. Nanatili akong nakahiga sa lupa at hinabol ang aking hininga, mga braso’y nanlambot at nanatiling nanginginig sa aking gilid. Gayunpaman, nanatili akong alerto at ibinalik muli ang kapit ko sa itak. Kailangan kong tumakas, kung lalaban ako ngayon ay magkakagulo. Maaaring maalerto ang mga kawal sa hacienda at baka ako'y mahuli. “Sino ka?” mahinang tanong ko sa kaniya. Dahan-dahan akong lumayo mula sa estranghero at patuloy na nakiramdam sa paligid. Narinig ko ang mahina niyang tawa. “Ikaw, sino ka at anong ginagawa mo sa teritoryo ng aking tiyuhin?” tanong niya pabalik. Agad nanlaki ang mga mata ko at napaupo. Kung minamalas nga naman. “At bakit marunong humawak ng armas ang maselan mong mga braso?” “Hindi ako obligadong sagutin ang mga katanungan mo, ginoo,” malamig na tugon ko at agad na tumayo saka tinalikuran siya. Hindi niya naman siguro ako makikilala, sa rami ba naman ng mga tauhan sa haciendang ito’y malabong matukoy nila kung sino ako. “Ikaw si Hiraya Alcantara, hindi ba?” sabi niya kaya napahinto ako. Humigpit ang hawak ko sa itak ngunit nanatili akong nakatalikod. “Ang baliw na anak ni Mahalia Alcantara na kilala sa pagiging baliw at nangangagat ng mga lalaki.” Isang masamang bagay na ang malaman niya ang aking pagkakakilanlan ngunit ang mas malala’y isa siyang maharlika at may kaugnayan sa aming amo. Ramdam ko ang kakaibang takot na bumalot sa aking dibdib, kasabay nang mahinang pangangatog ng tuhod at pagbilis ng aking hininga. Lalo akong nanlumo nang maisip ko ang posibilidad na ako'y mapaparusahan sa oras na malaman nila ang aking mga kagagawan, o di kaya’y mahatulan ng kamatayan. “Interesado ka pala sa akin at alam mo ang aking pagkatao?” nakangisi kong tanong, pilit na tinatago ang kabang namamayagpag sa aking sistema. “Hindi maganda ang iyong reputasyon at alam iyan ng nakararami. Siyempre, kailangan mag-ingat ng mga tao sa isang baliw at baka sila'y makagat,” pang-iinsulto niya. Namula ang aking mukha sa inis at humihigpit ang hawak sa itak na ngayon ay nanginginig nang ibato ito sa mukha niya. “Hindi ako magmamakaawa sayo,” taas-noo kong sambit at hinarap siya. Itinapon ko ang itak sa kaniyang harapan. “Maaari mo nang kitilin ang aking buhay, ginoo. Isang mabigat na kasalanan ang aking nagawa at kamatayan lamang ang tanging kabayaran.” Pinulot niya ang aking itak at pinagmasdan. Dahan-dahang dinama ng kaniyang mga daliri ang gaspang nito at tila'y nais niyang masugatan. Hindi ko makita ang kaniyang mukha ngunit ramdam kong nakangisi siya. Kumunot ang noo ko nang bigla siyang tumawa ng malakas habang hawak ang itak sa ere. “Tunay nga ang mga balita tungkol sa iyo, binibini. Mapagmataas ka nga’t hinding-hindi yuyuko para sa mga lalaki,” tila nalilibang niyang sambit. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at binagsak ang itak sa lupa. “Huwag kang mag-aalala, walang isang salita ang lalabas sa aking bibig.” “Hindi ako madaling paglaruan, ginoo. Kunin mo na ang itak at putulin ang aking ulo," pagmamatigas kong muli. Buong pagtataka ko'y isa lamang akong alipin ngunit ang isang maharlikang kagaya niya'y kilala ang isang hamak na tulad ko. “Wala akong pagsasabihan maliban na lamang kung hindi mo ako matatalo ngayong gabi,” sagot niya at itinaas ang manggas ng kanyang damit. Kumunot ang noo ko nang marinig iyon. “Hinahamon mo ba ako sa isang duwelo?” “Isa nga itong hamon,” sagot niya. Naging alerto rin ako at itinaas ang aking kamay. Wala kaming hawak na patalim o kahit anong armas. Inatras ko ang aking kaliwang paa, kinuyom ang aking palad sa isang matigas at kamao at pumosisyon na upang labanan siya. Nakita ko ring naghanda na siya sa pag-atake. “Hindi ako magpapakita ng awa kahit babae ka, binibini.” “Kailan nga ba nagpakita ng awa ang mga lalaki sa ating bayan, ginoo? Patawa ka.” Kaagad kong nilapit ang distansya naming dalawa. Sinipa ko ang aking kanang paa pataas patungo sa kanyang ulo, ngunit mabilis niya iyong nasangga gamit ang braso. Umatras ako at binawi ang aking balanse. Bigla siyang lumapit at umikot, ang mga paa’y sumipa sa ere at muntik na akong matamaan sa leeg. Mabilis ang bawat galaw niya. Hindi ako makahanap ng butas sa kaniyang depensa kaya ako ngayon ang umiiwas at dumedepensa. Mahirap makipaglaban sa dilim ngunit natatantiya ko ang bilis ng kanyang mga atake sa tunog na tila ba pinupunit ang hangin. Sa bilis niya ay palagi na lang akong napapaatras, nababalisang naghahanap ng butas sa kanyang depensang hindi ko nasisilayan sapagkat isa na siyang dalubhasa. Nakakamanghang napagsasabay niya ang kanyang mahigpit na depensa at mabibilis na kombinasyon sa pag-atake. “Bakit hindi ka makatama sa akin, binibini?” pang-aasar niya. Hindi ko na siya sinagot at nagpatuloy sa pagdepensa. Nagsisimula nang manuot ang sakit sa aking mga braso at humahapdi na ang aking tiyan kakahabol sa aking hininga. Bumabagal na ang aking mga galaw at wala man lang dumapo sa aking mga atake. Napaubo ako nang maramdaman ang kakaibang bigat kasunod ang sipa na tumama sa aking tiyan, ang aking munting kinain sa hapunan ay bumalik sa aking lalamunan. Natumba ako sa lupa, sapo ang tiyan at habol ang hininga. Nang maramdaman kong binabaan niya ang kaniyang depensa ay nagpanggap akong nawalan ng malay, ngunit totoong tila lumilipad na ang aking isipan at tuluyan nang tinablan ang aking katawan ng pagod. Gayunpaman, naramdaman kong huminto siya at napaupo upang tignan ang aking kalagayan. “Magaling kang dumepensa, hindi na masama para sa isang katulad mong natuto lamang sa iyong sarili,” sabi niya at mahinang pumalakpak. “Ngunit hindi mo ako matatalo, binibini.” Hindi ako kumibo at nagpatuloy sa paghabol ng aking hininga. Naramdaman kong hinawakan niya ang aking pulso at pinakiramdaman. Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang itipon ang natitira kong lakas. Mabilis na hinawakan ko siya sa pulso. Hinila ko siya pababa at agad na pinatungan. Pilit kong pinigilan ang kaniyang mga braso at siya ngayon ang nakahiga. Hindi siya agad nakagalaw at nagulat siya sa naging eksena. Nginisihan ko siya at hinigpitan ang pagkakahawak. Hindi rin nagtagal ay sumuko siya at nagpakawala nang mahinang tawa, bagay na aking isinawalang-bahala. “Art of deceiving,” bulong ko sa kaniya. Iyon ang mga banyagang salita na natutunan ko kay Amihan noong dinaya niya ako sa isang sugal. Ito ang unang banyagang lenggwaheng nalaman ko. “Ikaw ay nag-aral rin ng Ingles? Ibang klase,” sabi niya at tumawa. “Alam mo bang kamatayan ang sentensya sa mga babaeng marunong humawak ng armas at mas malala pa’y nag-aral at natuto?” “Mas masahol pa ang pinagkaitan ng karapatang matuto kaysa sa kamatayan,” iritadong sagot ko sa kanya. Pinigilan ko ang sariling duraan siya kaya’t inilagay ko na lang ang kanang tuhod ko sa tiyan niya at diniinan. Napaimpit siya sa sakit. “Tama na!” sambit niya. Napangisi ako at sumunod sa pagmamakaawa niya. “Dahil sabi mo’y hindi mo ipagkakalat ang nangyari ngayong gabi, parte ka na rin ng krimen ko,” nakangising sabi ko at hinawakan ang balikat niya. “Kung isa ka 'ngang tunay na lalaki, tutuparin mo ang mga salita mo.” “Huwag kang mag-alala at hindi ako ganiyan,” sagot niya. Kumunot ang noo ko nang bigla siyang umiwas ng tingin sa akin. “Maaari ka nang umalis sa ibabaw ko.” Nang makita ko ang posisyon naming dalawa, agad akong umalis at lumayo sa kaniya. Nandiri ako sa katotohanang ganoon ako kalapit sa isang lalaki. Mukhang kailangan kong linisin ang aking sarili sa isang sapa at baka ako’y mahawa sa kaniyang lansa. “Walang kahit isang salita ang lalabas tungkol sa krimeng nangyari ngayong gabi,” sabi ng lalaking hindi ko pa rin kilala. “Mabuti naman at malinaw ang usapan. Mas mainam na rin na kalimutan na lang natin ang mga nangyari,” sagot ko at kinuha ang aking itak na nasa lupa. Sa totoo lang ay kinakabahan ako kanina at baka’y iyon na nga ang huling sandali ng mababa kong buhay. Mabuti na lang at masusundan pa ang mga away namin ng aking ina. Bago ako tumalikod ay hinarap ko muna siya. “Sino ka nga pala?” tanong ko. Ilang segundo ang lumipas bago siya nakasagot. “Tiyuhin ko ang may-ari ng haciendang ito.” “Tinatanong ko ang iyong pangalan, ginoo.” “Bakit mo gustong malaman ang aking pangalan?” tanong niya. Tumalikod na siya mula sa akin. “Kakalimutan naman nating dalawa ang mga nangyari, hindi ba?” “Upang malaman ko kung kaninong ulo ang kikitilin sa oras na naging usap-usapan na ang mga natutunan ko,” sagot ko. Hindi ko nga alam kung ano ang hitsura niya habang siya’y kilala kung sino ako. Narinig ko na naman ang nakakainis niyang pagtawa. “Hindi mo nanaising malaman ang aking pangalan, Hiraya.” “Kung gayon ay hindi na dapat pinapatagal ang usapan,” wika ko at tumalikod ulit. Hindi ko man siya mapagkakatiwalaan, wala na akong ibang magawa kung hindi ang mangamba at baka anumang minuto'y mabubulgar ang aking maliit na sekreto. “Isaiah.” Napako ako sa kinatatayuan at lumingon sa kanyang direksyon at diretso niya akong tinignan sa mata. Doon ko nakita ang kaniyang mukhang nasinagan ng dilaw na buwan. Matangos ang ilong, kayumanggi ang balat, may pagkakulot ang buhok, medyo makapal ang kaniyang mala-rosas na labi, at siya’y matangkad. Ang suot niyang kwintas na pilak ay kumikinang na parang bitwin sa gabi. Nang bumalik ang tanaw ko sa kaniyang labi, nakita ko ang kaniyang pagngiti. “Ako si Isaiah.” Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD