KABANATA 1 - BASURA

2173 Words
“Magaling kang puminta, Amihan. Narinig kong mahilig si Don Febrio sa mga babaeng mahilig magpinta,” sambit ng aking ina na si Mahalia, tatlumpo’t anim na taong gulang. Tuluyan siyang naglakad papasok sa aming silid, ang kanyang mahaba at kulot na buhok ay sumasayaw sa kanyang bawat hakbang hanggang sa marating niya ang dulo ng pinagsasaluhan naming higaan ni Amihan at naupo. Hindi naalis ang tingin niya sa aking kapatid. Kahit na may katandaan na, hindi maikakailang bahagi pa rin ng kanyang alindog ang mala-perlas niyang balat at kawalan ng kulubot sa mukha. “Isasabit mo ang aking kapatid sa isang matandang balahura, ina?” kontra ko sa kaniya. Ilang beses na niyang sinubukang ibenta si Amihan kahit na isa pa itong menor de edad, at sa depensa ni Ina’y wala iyan sa edad. “Balahura?” Bumaling siya sa aking gawi at napaismid sa aking puna. “Isa siya sa mga pinakamayaman sa ating bayan, Hiraya,” depensa niya. Sinuri niya ako mula ulo hanggang paa. Pansin ko panandaliang simangot na sumablay sa kanyang labi. “Bakit ba kasi hindi kita maibenta sa mga mayayaman? Kung sana’y hindi ka puno ng pasa at mukha kang babae, ikaw sana ang nagtatiyaga at hindi ang bata mong kapatid.” Napakuyom ako ng mga kamao. Mabilis na kinagat ko ang sariling dila at pinigilan ang sariling sagutin siya. Ayaw kong lumubo pa ang usapan. Napagtanto kong magkatulad kami ng sentimento ni Amihan nang bigla siyang sumingit, “Tama na po, Ina at ate. Ako ang magpapasya kung sino ang pakakasalan ko.” Binitawan niya ang hawak na pintura at humarap sa aming gawi, sumasali na sa usapan. Alam niyang sigawan na naman ang mamumutawi sa aming mag-ina kapag bigo siyang sumingit sa aming dalawa. Hindi na kami nagkasundo ni Ina magmula noong sinugatan ko ang aking sarili; tila mga baril kung saan ang gatilyo ay hihilahin alinman naming dalawa. Sa oras na magkasugat ang isang babae ay nababawasan na ang kanyang dignidad at halaga—paniniwala na sa kasawiang-palad ay naging bahagi ng kultura sa kaharian ng Servorum. Kaya’t ganoon na lamang ang galit ni Ina sa akin ng malaman ang aking kagagawan. Alam ko rin ang kahihinatnan ng sariling kilos, dahil kahit na magpakaalila ako’y hindi pa rin sapat ang sahod na natatanggap ko. “Wala akong kilalang babae na pinag-isang dibdib ang kaniyang iniibig. Sa huli ay pera rin ang iyong nanaisin,” sagot ni Ina. Tumawa ako nang mahina, sanhi nang pagtaas ng kilay ni Ina. “Ano ang nakakatawa, Hiraya?” wika niya. “Bakit ngayon ay wala sa iyong tabi ang iyong minamahal o ang salaping iyong ninanais, Ina?” panunuya ko at mas lalo ko pang naramdaman ang inis at galit na umuusok mula sa kanya. Itinaas niya ang kaniyang kamay, nanlilinsik ang mga mata at nanginginig ang mga palad, nanggigil na sampalin ako. Hindi ko man kinailangan ang kanyang tulong ay mabilis pa ring tumayo si Amihan at inawat ang aming ina. “Ina, maghunos-dili ka!” iyak ni Amihan at marahang hinaplos ang kamay niya, mga luhang namumuo sa sulok ng kanyang mga mata’y kumikinang. “Huwag mo nang pagbuhatan ng kamay ang aking nakatatanda!” Pinandilatan siya ni Ina, “Bakit mo pinagtatanggol ang tabas ng dila ng iyong kapatid?!” "Bitawan mo ako!” galit na singhal sa kanya ni Ina. Nagpumiglas siya ngunit pinigilan pa rin siya ni Amihan. “Iyon naman kasi ang katotohanan,” sagot ko. Pinaningkitan ako ni Amihan ng mata. “Tumahimik ka na rin, ate,” suway sa akin ni Amihan. Inirapan ko na lang siya at hindi na nagsalitang muli. “Alam nating tatlo na wala tayo sa lugar upang pumili ng sariling kapalaran, hindi ba?” sabi ni Ina, binasag ang iilang segundong katahimikang namutawi sa aming tatlo. Bahagya akong tumalikod at dumako ang aking mga mata sa labas ng bintana at nagpakawala ng isang malalim na hininga. Alam kong nasaktan ko si Ina sa aking mga salita, ngunit iyon ay ang katotohanan. “Sa mundong tinatapakan natin, hindi kayo bubuhayin ng pag-ibig!” “Alam ko rin na mas higit pa rito ang kakayahan ng isang babae!” matigas na sagot ko. Hindi na napigilan ni Ina ang kaniyang mapanakit na kamay at mula sa pagkakaupo’y tumayo siya upang sampalin ako. Rinig kong napasinghap si Amihan. “Kung tunay ngang may ikahihigit pa tayo, bakit ito ang naging bagsak natin?” wika niya. Agad na tumayo si Amihan at pinisil-pisil ang likuran ng aming inang balisa na. “Mahabaging Diyos! Nawa’y gabayan niyo ang utak ng aking panganay!” Mabigat ang kanyang bawat hininga sa pagitan ng mga salita. Mabilis na umalis si Ina sa silid at iniwan kami ni Amihan. Agad na lumapit si Amihan at hinawakan ang aking kanang pisngi at naramdaman ko ang hapding saglit na dumaloy sa aking balat. “Namamaga ang iyong mukha, ate. Maghintay ka rito at kukuha ako ng yelo sa baba,” nag-aalalang sabi ni Amihan. Aalis sana siya nang hawakan ko ang kanyang pulsuhan. “Dito ka lang at magpatuloy ka sa pagpinta. Hindi naman ganoon kalakas ang sampal,” sabi ko at humiga sa higaan. Bagamat ramdam ko pa rin ang diin at sakit ng kanyang magaspang na kamay sa aking mukha, hindi ito maihahalintulad sa kalaliman ng bawat sugat na itinanim ko sa aking sarili. “Ang ganda mo, kapatid,” biglaang puna ni Amihan at ngumiti. Sumimangot ako sa naging kataga niya. “Bolera.” Alam ko namang pinapagaan niya lang ang aking kalooban. Madalas kasi kaming ikinokompara at alam kong hindi ako kasingganda ni Amihan. Kahit ako nga’y nabibighani sa ganda ng aking kapatid, parang isang tula na hindi maihahalintulad sa ibang panitikan ang ritmo at tono. Mataas at maitim ang kaniyang buhok, makapal ang kaniyang pilik-mata, manipis ang mala-rosas na labi, at maputi ang kaniyang balat. “I’m not lying,” sagot niya gamit ang isang banyagang lengguwahe na hindi ko maintindihan. “Women are beautiful, and being appealing does not limit to the standards of the society. Who says only thin women can be the king’s wife? Who says your scars make you ugly? Jesus Christ, how I wish you gave me a life as an egg.” “Tangina naman, Amihan, minumura mo na naman ba ako?” “Hinding-hindi ko magagawa iyan sa iyo, ate,” sabi niya at ngumiti. Tumingkad ang mapuputi niyang ngipin. Kinuha niya ang librong nasa ilalim ng unan at binuksan. “Pakisara ng pinto, ate. Pag nakita ni Ina ang librong ito’y tiyak na mapaparusahan ako.” Kaagad na sinunod ko ang pakiusap ng kapatid. Nang makitang tuluyan nang sarado ito, binagsak niya ang katawan sa higaan at tanging pabalat ng aklat na lamang ang aking natatanaw at hindi na ang kanyang mukha. Ito na ang naging kagawian ni Amihan sa tuwing wala ang aming Ina. Hinayaan ko na lamang siya at agad na dumako ang aking mga mata sa sariling imaheng nakaladlad sa salamin. Maikli ang aking kulay itim na buhok, bilog ang aking mga mata, at puno ng mga galos ang kayumanggi kong balat. Napahawak ako sa peklat na nasa kanang mata ko. Noong ako’y pitong taong gulang pa lamang, sinubukan ni Ina na ibenta ako sa isang mayamang sundalo. Upang hindi matuloy ang transaksyon, sinugatan ko ang aking mata upang magkapeklat. Hindi kasi maipagbibili ang isang babae kapag may peklat sa anumang parte ng katawan. Maliban sa bugbog na natamo ko mula sa sundalong nagbayad ng malaking halaga para sa akin, muntik na rin akong ilibing ng buhay ni Ina. Mabuti na lang at dumating ang aking tagapagligtas na si Amihan. May tatlong distrito sa kaharian ng Servorum; ang Primero, Segundo, at Tercero. Mga maharlika ang nakatira sa Primero at sila ang nakakatanggap ng mga yaman at direktang benepisyo mula sa palasyo. Sa Primero rin makikita ang palasyo at ang mga sakim sa yaman na mga walang magawa kundi mangmaliit ng kapwa. Sa Segundo naman ay ang mga timawa, sila’y hindi alipin at hindi rin mayaman. Sila’y may kalayaang pumili sa magiging ganap nila sa lipunan at sila’y mga ordinaryong manggagawa. Lahat sila’y mga lalaki. Madalas akong napapadpad rito upang mamasukan bilang tagalinis o labandera ngunit ang totoong sadya ko sa distritong ito ay magnakaw. Kami naman ay nakatira sa Tercero, ang distrito ng mga alipin. Kami ay pawang mga kagamitan na binibenta at itinatapon. Ang mga mamamayan sa lugar na ito ay mga babae, at ang halaga nami’y nakikita sa aming mga hitsura, katawan, at kakayanan. Mahina kasi ang paningin sa amin ng mga kalalakihan o di kaya’y mga laruang masayang paglaruan. Hangad namin ay kalayaan ngunit parang isang malayong bituin na hanggang tanaw lamang ang aming pinapangarap. Lahat na yata ng kababaihan dito ay sumuko na at nawalan na ng pag-asa gaya ng aking ina. Tila wala na rin akong nakikitang pag-asa para sa mga kababayan ko ngunit kahit kailan ay hindi ako papayag na magpapaka-alipin na lamang sa mga lalaki. Hindi kami maaaring matutong bumasa o kaya’y humawak ng sandata. Ngunit sa tuwing nag-iisa at sa hatinggabi, hawak ko ang aking pana o di kaya’y isang patalim. Lihim kong tinuruan ang aking sarili sa mga epektibong paraan sa paggamit ng mga sandata kaya ako’y puno ng mga pasa. Wala akong pakialam kung magiging isang alipin lang ako, ayaw kong maging tuta ng mga lalaki. Si Amihan naman ay mahilig magbasa. Apat na lengguwahe ang kaya niyang maibigkas; Ingles, French, Spanish, at Filipino. Walang mga libro sa Tercero ngunit kapag ako’y nakakapunta sa Segundo, nagnanakaw ako ng mga libro upang ibigay sa kaniya. Inosente at walang alam ang pananaw ng mga tao sa aking kapatid ngunit alam ko ang pagiging tuso niya. Sa tuwing sinusubukan ni Ina na ibenta si Amihan, agad namang sinasauli ng bibili ang aking kapatid sa hindi malamang dahilan. Tila ang mga lalaki’y balisa at natatakot sa inosente kong kapatid, isang bagay na hindi masabi-sabi sa akin ni Amihan. Sabi niya’y ipinakita niya lang ang kaniyang peklat ngunit wala namang bahid ng sugat sa kaniyang balat. “Ikalabindalawang-araw,” bulong ni Amihan at ibinaba ang libro. Napatingin ako sa kaniya. “Pipili na ng ikapitong asawa ang hari. Sa susunod na linggo na magaganap ang aking bangungot.” “Hindi rin naman ako mapipili,” sagot ko at napatingin sa kaniya. “Sugatan mo kaya sarili mo? Para hindi lumingon sa direksyon mo ang kanang kamay ng hari.” “Gusto kong ipaglaban ang mga babae,” matigas na sagot niya. Ikinuyom niya ang kaniyang kamao at nawala na ang larawan ng isang mabait na Amihan. Kumunot ang noo ko. “Ako rin,” sagot ko sa kaniya. Napatingin na lang ako sa kisame at nangarap ng gising. “Kung sana’y madali lang makuha ang kapangyarihang nag-uudyok sa karamihang hilahin ang kapwa pababa, hindi na ako nagdalawang isip na isakripisyo ang sarili para sa dignidad ng mga kababaihan.” “Kapangyarihan?” sambit ni Amihan. Isang tusong ngiti ang kumawala sa kaniyang labi. “Isang bangungot man ang ikalabindalawang-araw, iyan lang ang tanging paraan upang makakuha ng kapangyarihan.” Agad akong napabalikwas ng bangon at nanlalaki ang aking mga matang napatingin sa kaniya, “Huwag mong sabihin—“ “Ako ang magiging asawa ng hari.” Nagulat ako sa naging pahayag niya at agad na sumalungat, “Dise-syete ka pa lang, Amihan. Isang ubo na lang ang hari, nahihibang ka na ba?” “Babawiin ko ang kapangyarihang inaabuso niya,” puno ng galit na sambit niya. Tinignan niya ang aking mga mata. “Ibabalik ko ang kapangyarihan sa mga babae.” “Hindi madali ang buhay sa palasyo! Lalo na at galing ka sa ating distrito!” galit na sigaw ko. Agad akong tumayo at hinablot ang librong binabasa niya. “Mabuti pa’y matulog ka na at ipagpatuloy ang iyong panaginip.” “Alam nating dalawa na malaki ang tsansa na ako ang mapipili dahil sa aking reputasyon, ate,” matigas na sagot niya. “Ang prinsipyo ko’y nakatuon sa paglaban ng dignidad na nararapat para sa atin. Ang buong pagkatao ko’y nakatuon sa pag-asang balang araw ay para sa atin naman nakahanay ang mga bituin.” Naging tahimik ako. Magmula noong pumanaw ang dating reyna na si Rosellia, doon na naghanap ng maraming asawa ang hari. Noong nabubuhay pa siya’y nasa maayos na kalagayan ang mga kababaihan. Naging baliktad ang mundong ginawa niya para sa mga babae noong siya'y pumanaw. “Hindi ito laru-laro lamang o kaya’y katha mula sa isang nobela, Amihan,” sabi ko at hinawakan siya. “Lalaban tayong mga babae, hindi mo kailangang maging isang reyna.” “Gamit ang dahas?” tanong niya at mahinang tumawa. “Hindi iyan sapat, ate. Kailangan natin ng kapangyarihan dahil iyan ang kalakasan at kahinaan ng bawat sakim.” “Ngunit Ami—“ “Pinag-aralan ko na ‘to, Hiraya,” seryosong wika niya. Napansin kong nailukot niya ang isang pahina ng libro. “Luluhod ang mga lalaki sa harapan ko. Papangalanan ko silang basura.” Pagtatapos ng Kabanata
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD