PANIMULA

676 Words
BABALA: Ang kwentong ito ay kathang-isip lang ng may-akda at hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Anumang pagkakahawig sa pangalan ng mga tauhan, buhay man o patay, sa mga lugar at mga pangyayari sa kwentong ito ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng akdang ito ang maaaring sipiin, ilathala at gamitin ninuman sa anumang kaparaanan nang walang pahintulot ng may-ari. Tahimik kaming nagmartsa papunta sa tagpuan ng pagpupulong kung saan kaming lahat ay inaasahang dumalo. Suot ang sayang kulay asul na bigay sa amin ni Ina, sabay naming tinungo ng aking kapatid na si Amihan ang aming mapait na kapalaran.  "Natatakot ako," bulong sa akin ng aking kapatid. Gusto ko mang hawakan ang kaniyang kamay, natatakot din ako na baka hilahin ng isang kawal na kanina pa nakatingin sa amin ang kaniyang gatilyo.  "Nandito lang ako," mahinang sagot ko sa kaniya. Kahit gusto ko nang masuka sa halu-halong emosyong nararamdaman ko, wala akong ipinakita sa aking kapatid. Ayaw kong gumuho ang pag-asang natitira sa kaniyang dibdib. Sinundan namin ang linya na tinuro sa amin ng mga kawal. Ang ibang mga babaeng nanlaban ay hinila ang mga buhok at kinaladkad papunta sa linya. Naririnig ko man ang mga daing nila, nanatili akong tahimik ngunit mahigpit na ang pagkakakuyom ng aking kamao. Nang maisaayos na ang linya ng bawat pangkat, nakita kong umakyat na sa entablado ang kinamumuhian kong babae. Huminto siya sa tapat ng mikropono at nilibot ang tingin sa mga babaeng nasa harapan niya na nakahanay na parang mga sundalo.  "Magandang umaga sa lahat ng mga nagagandahang binibini sa aking harapan, ako si Tanashiri Abello, ang kanang kamay ng ating mahal na hari," walang paligoy-ligoy na pagpapakilala niya. "Ngayon ay gaganapin ang seleksyon ng magiging ikapitong asawa ni Haring Emiliano Valmorida." Naiyukom ko ang aking kamao at napatingin sa aking labingpitong taong gulang na kapatid na nasa aking harapan. Kahit mahigit sa isang daan kaming mga nakahanay sa kaniyang harapan, nangangamba pa rin ako na baka si Amihan ang mapili. "Nararapat na ang pinakamaganda, pinakamagaling, at ang pinakamatapat ang mapapangasawa ng hari. Isang dalagang porselana ang kutis, magaling sa bahay, at sa pagserbisyo sa ating mga kalalakihan ang siyang mapalad na mapipili." Tanginamo, Tanashiri. Hindi parausan ng mga lalaki ang mga babae. "Ang mga hindi mapipili ay maitatakda sa mga trabaho sa lipunan gaya ng pagiging isang katulong, mananahi, o di kaya'y pagiging isang maybahay ng isa sa mga senador. Iyan lamang ang mga maaaring gawain ng isang babae." Hindi mahihina ang mga babae.  "Ngayon ay bababa na ako at pipili ng magiging asawa ng hari. Buena suerte, chicas." Bumaba siya sa entablado at isa-isang dumaan sa bawat hanay ng mga babae. Nakakabingi ang katahimikang aking naririnig at ang bawat isa'y tensyonado sa maaaring mangyari. May mga matagal siyang tinignan at sinuri ang bawat mukha. Nang makarating siya sa aming hanay, parang huminto ang t***k ng aking puso matapos siyang huminto sa tapat ni Amihan. Isang tusong ngiti ang kaniyang ipinakita matapos tingnan ang kard ng pagkakakilalan na nakasabit sa leeg ng aking kapatid. Binaling niya ang atensyon sa akin at tinignan din ang kard ko. Hindi nagtagal ang kaniyang paningin sa akin at dumiretso na sa nasa aking likuran. Ilang minuto ang lumipas bago siya bumalik sa entablado at humarap sa mikropono. Dumoble ang tensyon sa paligid at tila'y hindi na humihinga ang mga babae. Maging ako'y hindi na mailarawan ang aking kaba. "Nahirapan akong pumili sapagkat kayong lahat ay may potensyal. Gayunpaman, isang babae ang nakakuha ng aking atensyon," sabi niya. "Ang mapalad na napili bilang ikapitong asawa ng hari ay si Amihan Alcantara." Tila huminto ang ikot ng aking mundo matapos marinig ang mga katagang iyon. Napako ako sa aking kinatatayuan at bumalik lamang sa reyalidad nang marinig ang sigaw ng aking kapatid. "Hiraya! Hiraya!" sigaw niya nang kaladkarin siya ng mga kawal. Agad akong lumapit at sinubukan siyang agawin mula sa mga sundalo. "Bitawan niyo siya!" pagmamakaawa ko. Parang mapupunit ang aking puso nang marinig ang hikbi ni Amihan. Hindi maari! "Gusto kong maging asawa ng hari!" _
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD