-LUCKY MEGAN-
"Tama ba itong tinatahak natin, Pat?" tanong ko sa kaniya.
Kanina pa kasi namin hinahanap ang venue ng audition for aspiring commercial models. Sinamahan ko lang ang kaibigan ko dahil pangarap talaga niya ang maging sikat na modelo.
"Sure ako na ito na talaga iyong 13th street na hinahanap natin. Promise! Ramdam na ramdam ko na talaga ‘to, friend." Patuloy pa rin ang paglalakad namin sa mainit na lansangan ng Makati. At salamat sa mga tingin na binibigay sa amin ng bawat makasalubong namin. Malaking tulong iyon para lalo akong mairita.
At dahil naiirita na ako, bumili ako saglit ng siopao nang may nakita akong tindahan sa tabi ng kalsada.
"Miss, pabilhan nga ng isa. Iyong bola-bola ah," sabay abot ng bayad sa kahera.
Nahuli ko naman ang biglang paglaki ng mata ni Patricia nang kumagat ako sa siopao.
"May gash! Ang takaw mo talaga, Meg. Pero inggit ako sa’yo, friend. Matakaw ka pero hindi ka nataba. Sana ganyan din ang katawan ko. Para naman lahat ng pagkain ay puwede kong kainin. Alam mo naman, hindi puwede masira ang sexy figure,” litanya ni Patricia.
Ngumiti na lang ako sa kaniya at patuloy kami sa paglalakad na hindi ko alam kung saan na kami sakto sa Makati dahil nahihilo na ako sa kakalakad namin. Kung hindi lang talaga mapilit itong si Patring ay hindi ako papayag sa gusto nitong mangyari, ang isama kami sa paglalagalag niya, ang samahan siya na abutin ang pangarap niya.
Pero sa totoo lang, malaki kasi ang utang-na-loob ko sa kaniya nang tulungan niya ako gumawa ng thesis namin bago kami nagtapos sa kolehiyo. Kaya hindi ko rin siya ma-hindian sa ungot niya na samahan siya hanapin iyong susi sa pagsikat niya.
"My gash, Pat! Saan mo ba kami balak dalhin? Eh halos nalakad na yata natin buong Makati ay hindi pa rin natin makita yang modelling agency na iyan eh. Talaga bang nag-e-exist ‘yan sa mundo, friend?"
Halata sa mukha ni Kiray ang pagkairita. Kahit ako rin naman, naiinis na sa nangyayari dahil magta-tanghaling tapat na ay hindi pa rin namin nahahagilap ang dapat naming makita. Dalawang oras na kaming naglalakad at sobrang sakit na ng paa ko.
"Konting tiis pa mga, friends. Kapag naman sumikat ako, magkakaroon kayo ng malaking parte sa kikitain ko eh," sagot ni Pat habang naglalakad kami.
"Saka mo na ipagmayabang iyang kikitain mo kapag narating na natin ang pupuntahan natin. Wala pa ngang nangyayari sa misyon natin eh. Sandali nga, ano ba name ng building na hinahanap natin?” tanong ko sa kaniya. “Patingin nga ng address na iyan." Hablot ko sa hawak niyang calling card habang ang isa kong kamay may hawak na siopao.
"Huwag na. Sure na ako dito. Mukhang mapagkakatiwalaan naman iyong napagtanungan natin kanina eh kaya malapit na talaga iyon dito." Palinga-linga pa siya sa paligid at patuloy pa rin na naglalakad.
"Tinawagan mo ba iyong contact number na naka-post sa f*******: ng agency na iyan?" simangot na tanong ni Kiray.
"Nagri-ring lang eh. Walang sumasagot. Pero nag-text ako kanina at ang sabi malapit na raw tayo. Sinabi ko kasi kung saan na tayo banda eh."
"Teka, ano ulit name ng building ng hinahanap natin?" Tanong ko habang abala ang bibig ko sa pag-nguya sa kinakain ko.
"Jamm Building ang name. Bakit, Meg? Nakita mo na ba?" Lumapit sa akin sila Pat at Kiray.
Sandali ko silang sinulyapan at binalikan ko ng tingin ang building na nasa harap namin na may pangalang JAMM.
"OMG! Nandito na pala siya sa harapan natin," sarcastic na pagkakasabi ni Kiray.
Nauna siyang pumasok sa hindi kagandahang building o mas akmang sabihin na walang ka-class-class na building.
"Miss, excuse me. Ito na ba iyong hinahanap namin na address?" Inabot ni Pat ang calling card sa dalagang napagtanungan namin.
Marahan itong tumango at sumagot "Oo. Ito na nga iyon."
"Ah. Sige, salamat,” masayang tugon ni Pat.
"Ito ba talaga iyon? Parang ang layo ng hitsura na ‘to kumpara sa nakita natin sa f*******:, friend,” nakasimangot na sabi ni Kiray.
Kahit ako rin, hindi kumbinsido sa tinatahak namin. Bad vibes ang feel ko sa unang pagtapak ng paa ko rito. Ewan ko kung bakit nagkaroon ako ng ganitong pakiramdam na hindi ko naman naramdaman dati.
"I don’t care. We’re here na kaya let’s do this!" Sabay taas ng kanang kamay na parang susugod sa gyera.
Nauna siyang lumakad habang kami ni Kiray ay hindi sumunod sa kaniya. Naramdaman siguro niya na hindi kami kumilos kaya lumingon siya at binalikan kami mula sa kinatatayuan namin.
"Please naman. Moral support lang ang hinihingi ko sa inyo. Ipagkakait niyo pa ba iyon?"
Nagkatinginan kami ni Kiray. Actually matagal na titigan pa iyon.
"Tama na, friend, ang eye to eye contact. Nangangalay na ang leeg ko sa pagtingala sa’yo. Hindi mo kailangan ipangalandakan ang pagiging matangkad mo, okay?" Pa-isnaberang sagot ni Kiray sa akin at sumunod na kay Patricia.
"Hala siya. Wala naman akong sinabi ah." Natawa na lang ako sa sinabi ni Kiray.
Kakaiba kasi ang height niya kumpara sa aming dalawa ni Patricia. Matangkad ako ng 10 cm kay Pat pero si Kiray ay mapalad na nabigyan ng cute na height. 152 cm siya samantalang si Pat ay 165 cm at ako ay 175 cm.
Marami na rin ang nagtulak sa akin na subukan ang pagmo-modelo dahil sayang naman daw ang tangkad ko kung mabuburyo lang. Kaya lang dahil na rin sa mapait na karanasan ko noong bata ako ay hindi ko pinag-aksayahan ng oras na pakinggan ang mga sinasabi ng mga kakilala ko.
Iba kasi ang gusto ko eh.
Kung si Pat ay gusto ang pumuwesto sa harap ng camera, ako naman ay komportableng pupwesto sa likod. Kahit sa likod lang ng camera, ayos na sa akin iyon. Sa ngayon, tama na sa akin ang bigyan siya ng suporta.
At ito nga ang suportang hinihingi niya sa amin ni Kiray. Ang samahan siya mangarap sa gusto niyang gawin. Ang samahan siya sa bawat audition na pupuntahan niya. Bilib din ako sa determinasiyon na pinapakita sa amin ni Patricia.
Grabe sa sobrang lakas ng fighting spirit. Na kahit maraming beses nang bumagsak ay pinipilit tumayo sa sarili niyang paa, mangyari lang ang pinaka-aasam niya na pangarap.
Si Patricia, kilalang Ms. Campus Queen dahil sa taglay na kagandahan. Pursigido siya na ma-achieve ang pangarap niyang sumikat sa kahit na anong paraan.
Well, may "K" naman talaga siya kasi sexy na ay maganda pa. Pero ang nakakatuwa rin sa kaniya, hindi siya gaya ng mga sikat sa school na feeling diyosa sa kagandahan. Kahit na mataray at masungit siya minsan, sobrang kalog at ma-kwela naman lalo na kapag si Johanna Cerezo o mas kilala sa tawag na Kiray ang kausap niya.
Sikat din si Kiray sa school. Dahil na rin siguro sa pagiging dakilang trying hard niya. Trying hard na sumikat. Trying hard na gumanda. Trying hard na magpa-sexy.
Mahusay din pagdating sa pormahan si Kiray. Salamat kay Patricia dahil naimpluwensyahan niya ng fashion sense si Kiray.
Sikat silang dalawa sa campus namin. Ako? Naku, sikat din ako. Sikat sa katakawan at sa kabaduyan. Paano ba naman kasi, wala yatang oras na hindi ako lumalamon. Paborito na yata ako ng mga estudyante kuhanan ng stolen shot habang kumakain.
Saka certified jologs daw ako sabi ng iba. Meaning, BADUY. Ewan ko kung bakit wala akong ka-effort-effort pumorma. May pambili naman ako ng mga damit, accesories at make-up. Hindi lang talaga ako palaayos at wala akong lakas ng loob na tapatan ang kagandahan ni Patricia at ang galing sa pormahan ni Kiray.
Sa totoo lang, maganda naman ako. Puwera sa katotohanan na sinabi ng nanay ko na maganda ako. Alam ko talaga na maganda ako pero gandang ako lang ang nakakaalam. Samahan pa natin ng salamin ko sa mata na makapal ang lens at color pink na brace. Naku, ako na! Ako na talaga ang maganda sa lahat ng maganda.
Silang dalawa ang naging malapit kong kaibigan sa campus. Sila lamang ang naging karamay ko sa hirap at ginhawa sa loob ng campus sa loob ng apat na taon. Kaya wala akong maipipintas sa samahan naming tatlo dahil solido talaga ang friendship namin. Iba-iba man ang aming personalidad, hindi naging hadlang iyon para hindi mabuo ang samahan namin na KiMePa ba, na ang ibig sabihin ay Kami pa ba? Basta ang alam ko, sila ang maituturing kong best friends in the whole wide world. KI ME PA ba?
Sabay-sabay kaming tatlo na umakyat ng building.
"Kaloka ‘to, friend! Wala man lang elevator? Ang kuripot naman ng agency na napili mo. Wala man lang budget na rumenta or magpagawa ng office sa sosyalen na lugar? Mehged! Parusa talaga ito. Promise!" Heto na naman ang mabulaklak na bibig ni Kiray.
"Shut up, Kiray. Nasisira ang concentration ko sa iyo eh," hinihingal na sagot ni Pat.
"Kung iyong tinatarget mo ba namang agency ay iyong kilalang-kilala na talaga, hindi tayo mahihirapan ng ganito."
Heto lang ang mahirap sa dalawa, bestfriend naturingan pero grabe din naman kung maglambingan ─ maglambingan sa pag-aaway.