RUFFA:
MAAGA pa lang ay sumakay na ako ng bus paluwas ng Manila. Ito ang unang beses na mawawalay ako kay Nanay. Mula nang kupkupin niya ako ay sa kanya na ako lumaki. Siya ang nag-aruga, nagbihis, nagpakain at nagpaaral sa akin. Kung hindi dahil sa kanila ni Lola Josie ay hindi ko alam kung buhay pa ako hanggang ngayon.
"Sige na, mag-iingat ka doon ha? Tawagan mo ako palagi. At hwag ka muna magpapaligaw doon. Maloko ang mga lalake sa syudad, anak. Ang tingin lang nila sa mga babae, palipasan ng init. Kapag nakuha na nila ang gusto nila sa'yo, hindi ka na nila papansinin." Pagpapayo pa nito na ikinatango ko.
"Opo, Nay. Tatandaan ko po," sagot ko na muli itong niyakap. "Mamimis po kita, Nay. Mag-iingat din po kayo dito at alagaan niyo ang sarili niyo ha?"
Ngumiti ito na hinaplos ako sa ulo. "Oo na. Magpakabait ka doon. Hwag mong bigyan ng sakit sa ulo ang Lola Josie mo," anito.
"Opo, Nay."
Pinara na nito ang bus kaya wala na akong nagawa kundi damputin ang may kalakihan kong bag.
"Sige na."
"Mahal po kita, Nay. Mag-iingat kayo dito ha?"
"Oo na. Alis na, alis na anak." Pagtataboy nito sa akin. "Mahal ka rin ni Nanay." Pahabol nito nang pasakay na ako sa bus.
Malungkot akong ngumiti at tumango dito na kumaway sa akin. Hirap na hirap akong humakbang paakyat ng bus na iiwanan ko na si Nanay.
Sa pinakadulong bahagi ng bus ako naupo. Dito na lang kasi ang may espasyo. Naupo ako sa sulok na nagsuot ng headset at sumbrero. Sumandal ako na nakikinig ng 'papa dudut' habang nasa byahe na nakamata sa labas ng bintana.
Ito ang unang beses na luluwas ako ng syudad. Alam ko namang ibang-iba ang Manila sa probinsya na kinagisnan ko. Kaya hindi ko maiwasang makadama ng takot at pag-aalala sa magiging buhay ko roon.
Napapapilantik ako ng mga daliri habang nasa kahabaan ng byahe. Iisipin ko pa lang na makakakilala ako ng kaanak ko doon ay para ng lulukso palabas ng dibdib ko ang puso ko. Halo-halong emosyon ang nadarama ko.
Natatandaan ko pa naman kung sino ako. 'Yon nga lang ay hindi ko na maalala ang subdivision na kinatitirikan ng bahay namin. Limang taong gulang pa lang ako nang mangyari ang trahedya sa aming pamilya. Kaya tangin pangalan nila Mommy ang tanda ko. At ang mukha at pangalan ng lalakeng walang awang pumaslang sa kanila noon.
Naikuyom ko ang kamao na nangilid ang luha habang sumasariwa sa isipan ko ang gabing iyon. Na sinugod kami ng mga armadong kalalakihan sa rest house at walang kaawa-awang pinaslang na parang hayop ang mga magulang ko.
Gusto ko mang ibaon sa limot ang gabing iyon, pero hindi ko magawa-gawa. Napapanaginipan ko pa rin ang gabing iyon hanggang ngayon. Kaya naman hindi ito mabura-bura sa isipan ko. Maging ang mukha ng lalakeng walang awang pinaslang ang mga magulang ko.
"Devon. Hintayin mong mahanap kita, ako mismo. . . ang papatay sa'yo." Usal ko sa isipan na tumulo ang luha.
Napatingala ako sa kalangitan na naaalala ang mga magulang kong dalawang dekada ng namamayapa. Pero hanggang ngayon ay hindi pa nila nakakamit ang hustisya sa pagkamatay nila. Ni hindi na sila nabigyan ng maayos na libing dahil katulad sa rest house na pinag-iwanan ko sa kanila noon, naging abo na rin sila.
Napayuko ako na hindi mapigilang mapahagulhol. Kahit ang tagal na no'n ay para pa rin akong sinasaksak sa puso ko sa tuwing naaalala ang gabing iyon. Kung hindi lang ako nakapagtago noon ay pinaslang din ako at kasama ng mga magulang ko.
"Hey, tissue?" ani ng baritonong boses na ikinalingon ko.
Hindi ko namalayan na may katabi na pala ako dito sa likod ng bus. Nahihiya ako na inabot iyon at pinunasan ang mukha ko.
"S-salamat," mahinang saad ko na hindi ito nililingon.
Bumaling na ako sa bintana at pilit winawaglit sa isipan ang trahedyang nangyari sa amin. Nakakahiya dahil napapatingin na pala sa akin ang mga kasama namin dito sa likod ng bus.
"Water?" alok nito na ikinalingon ko dito.
Kumabog ang dibdib ko na mapatitig sa kulay berde nitong mga mata. Katulad ng sa akin. Napakagwapo nito at mukhang anak mayaman. Hindi maipagkakaila na may dugong bughaw ito sa mata at itsura pa lang niya.
"S-salamat," muling pasalamat ko na inabot ang bigay nito.
Kimi itong ngumiti na bumaling na sa harapan. Bumaling na rin ako sa labas ng bintana at ininom ang bigay nitong tubig. Lihim akong napangiti sa isipan ko. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang kasi ako nakakita ng gan'to kagwapong lalake. May mga gwapo din naman dito sa probinsya namin. Kahit nga ang mga nagtangkang ligawan ako ay may mga itsura din naman. Pero iba ang isang ito. Siguro dahil may lahi siya. Habang ang mga kakilala ko dito sa probinsya ay purong pinoy. Moreno, katamtaman ang tangkad at kulay tsokolate ang mata.
"Are you hungry? Want some?" alok ulit nito na nag-abot ng burger at fries na ikinalunok ko.
Kumalam naman ang sikmura ko na mahinang ikinatawa nito na tuluyang ibinigay sa akin ang isang burger at fries nito.
"I have mine. You have nothing to worry about." Saad pa nito na napatitig ako sa bigay nito.
"Thank you po, Sir." Pasalamat ko.
"You're welcome." Nakangiting tugon nito na kumagat sa burger nito. "Anyway, I'm Luke Payne. How about you. What is your name?"
Pilit akong ngumiti dito na nakipagkilala na siya. "R-Ruffa Brionez po, Sir." Sagot ko.
Napanguso ito na tumango-tango habang ngumunguya. Mukha naman siyang mapagkaka tiwalaang tao kaya kinain ko na rin ang bigay nitong pagkain. Nakakahiya naman kasi kung itabi ko gayong katabi ko siya. Baka isipin pa niyang nandidiri ako sa pagkaing bigay niya.
"Are you alone?" muling tanong nito habang kumakain kami.
"Opo, Sir."
"Where are you going then?" pag-uusisa pa nito na napaka-casual niyang magsalita.
"Uhm, sa Manila po, Sir. Mamamasukang katulong doon. May Lola ako doon na hinihintay ang pagdating ko," sagot ko na ikinatango nito.
"Oh, that's good. I thought you have nowhere to go," saad nito.
"Ang bait niyo po, Sir Luke. Salamat po," wika ko na ikinangiti nito.
"It's a small thing," kindat pa nito na ikinalapat ko ng labing nagpipigil mapangiti.
Nag-iwas na ako ng tingin dito na matiim na niya akong tinititigan. Wala naman akong nararamdamang kakaiba. Hindi naman niya ako minamanyak sa isipan niya. Pero kakaiba kasi ang dating sa puso ko na mapatitig sa mga mata niya. There's a longing in his eyes na parang mis na mis na niya ako at gustong-gustong yakapin. Pero pinipigilan lang ang sarili.
ILANG oras kaming nagkatabi sa bus hanggang makarating kami ng Cubao kung saan ang terminal ng bus. Kaagad kong inilabas ang cellphone ko sa bulsa na tinawagan si Lola. Dala ang bag ko ay lumabas na rin ako ng bus.
"Hello, apo? Nakasakay ka ba sa bagong dating na bus?" tanong ni Lola.
"Opo, Lola. Pababa na po ako. Nasaan po kayo?" sagot ko na napalinga sa paligid pagkababa ko sa bus.
"Nandito lang kami sa gilid eh. Anong kulay ng suot mo?" sagot nito.
"Naka-itim po ako na jogger at hoodie jacket, Lola. May hawak po akong bag at nandito lang malapit sa pintuan ng bus na sinakyan ko," sagot ko na napapalinga baka sakaling mahagip ng paningin ko si Lola.
"Oh, nakita na kita, apo. Sandali lang." Saad nito na ibinaba na ang linya.
Napangiti ako na naigala ang paningin. Napakaraming tao dito na tila may kanya-kanyang mundo.
"Ruffa?" pagtawag sa akin ng pamilyar na boses na ikinalingon ko doon at namilog ang mga mata na malingunan si Lola!
"Lola!" tili ko na sinalubong itong natawa na niyakap ko nang mahigpit!
"Hay, ang apo ko. Dalaga ka na nga." Bulalas nito na napasuri pa sa kabuoan ko. "At napakaganda," dagdag nito.
"Lola talaga. Namis ko po kayo," wika ko na muli itong niyakap.
"Namis din kita, apo. Oh siya, tara na sa sasakyan. Naghihintay ang anak ng amo ko eh. Nagpasabay lang ako kanina pero nnaghintay na rin sila na malamang ikaw ang susunduin ko dito." Saad nito na inakay na ako sa isang magarang van.
"Kumusta ang naging byahe mo, apo? Hindi ka ba nahilo?" tanong pa nito.
"Maayos naman po, La. May nakatabi akong gwapo sa bus kanina. Ang bait nga po niya eh. Siya ang bumili ng pagkain namin," sagot ko dito.
"Talaga? Ang bait nga niya." Tugon nito.
Pagpasok namin ng van ay may kasama pala kami dito. Dalawa sa harapan, driver at isa sa front seat na naka-uniform din. Habang dito sa backseat ay katabi namin ni Lola ang isang napakagandang dalaga. Para itong buhay na manika sa ganda ng mukha at pangangatawan.
"Uhm, ma'am Jenelyn, siya nga pala ang apo ko, si Ruffa." Pagpapakilala ni sa akin na ikinangiti ng dalaga sa akin.
"Hello, it's nice to meet you, Ruffa." Saad nito na naglahad pa ng kamay.
Napalingon ako kay Lola na nagtatanong ang mga mata. Ngumiti naman ito na tumango kaya tinanggap ko ang kamay nito. Napangiwi ako na maramdaman kung gaano kalambot ang kamay niya kumpara sa kamay ko.
"Ruffa apo, anak siya ng amo ko. Minsanan lang dumalaw si Ma'am Jenelyn sa mansion. Pero mabait 'yan na bata." Wika ni Lola na ikinangiti nito.
"Kayo talaga, La. Binola niyo pa ako." Nahihiyang sagot nito na pinamulaan ng pisngi.
"Naku, hindi ah. Mabait talaga 'yan, apo. Manang-mana sa mga magulang niya." Dagdag pa ni Lola.
"Kayo lang po ba ang anak ng amo namin, Ma'am Jenelyn?" tanong ko na ikinailing nito.
"May Kuya ako. Pero paminsan-minsan lang din siya sa mansion kasi madalas ay sa condo niya iyon nakatira. Si Kuya Devon." Sagot nito na ikinapalis ng ngiti sa mga labi ko!
"A-ano? D-d-devon?"