Kumpulan ng mga estudyante ang nasilayan ko sa tapat ng principal's office. At dahil sa kuryosidad ay nagawa kong lapitan kung anong mayroon doon. Halos matutop ko ang bibig nang makita ang dalawang babaeng nagkakagulo na ang buhok habang makikita ang tensyon sa kanilang tinginan, na sa tingin ko ay kakatapos lang magsabunutan bagama't makikita ang mumunting luha sa kanilang mga mata.
"Kita mo, Lorraine, gumagawa ka ng eksena na wala ka naman mapapatunayan!" sigaw ng isang babaeng medyo may kataasan at balingkinitan ang katawan. Pilit pa rin itong nagpupumiglas mula sa pagkakahawak sa kaniya na sa tingin ko ay kaniyang mga kaibigan.
"Well, ako lang naman kasi talaga ang girlfriend niya kaya huwag ka nang umasa!" mataray namang sagot ng babaeng mula sa kabilang panig na may mapupulang labi at balingkinitan din ang katawan.
Nagawa ko na lang mapailing at piniling huwag nang pakinggan at panuorin pa ang susunod na mangyayari-- subalit tila awtomatikong napalingon akong muli nang may marinig na ilang hiyawan at kantiyawan mula sa direksyon ng dalawang babae. Doo'y napalingon akong muli at halos manlaki ang mga mata ko nang makita si-- Allen.. at hindi lang iyon ang ikinabigla ko dahil nakapagitna siya sa dalawang babae na 'yon.
Hindi ko maintindihan kung bakit idinala ako ng sarili kong mga paa pabalik doon, nakipagsiksikan ako sa kumpulan ng estudyante at huli na nang mapagtanto ko na nasa harapan ko na sila habang nakatingin sa akin si Allen.
"Tumigil na kayong dalawa, dahil wala akong gusto sa inyo." Tila nawalan ng pag-asa ang isang babaeng umaasta kaninang girlfriend ni Allen. Hindi maiwasang mapataas ang kilay ko sa narinig.
So, mga ilusyonera lang pala ang dalawang ito?
Bakit nagawa pa nilang ipahiya ang mga sarili nila para lang kay Allen?
Sa sandaling iyon ay tumingin muli sa akin si Allen kaya medyo kinabahan ako. At napalunok ako nang muli niyang ibalik ang tingin sa dalawa saka nagsalita, "Dahil nasa harapan niyo ang babaeng gusto ko." Doo'y sinalubong niya ako ng tingin at hindi ako nakapagsalita nang agad niya akong hablutin papalapit sa mga bisig niya dahilan para muntikan na akong madapa.
"Ano ba 'to, Allen," halos pabulong kong usal sa kaniya. Pero sa halip na sagutin niya ako ay hinila niya lang ako papalayo roon kung kaya't nagkaroon ng sari-saring bulungan. My eyes are obviously curious while saying, "Bakit pati ako ay nagawa mong ipahiya sa harap ng mga estudyante na 'yon? Ano bang trip mo, Allen?!" naiinis kong sabi nang makalayo kami roon. Naglalakad na kami patungo sa kaniya-kaniya naming building.
"I'm sorry," he said in a serious tone. Napasinghap ako sa hangin at agad din na napailing. Wala na rin naman akong magagawa, e. Nasabi niya na. So, I remain silent and decided to let him clear it out to me. "Nasabi ko lang 'yon para tigilan na nila ako.." tila ibinulong niya sa kawalan habang ako naman ay pilit kinikilatis ang kilos niya maging ang ekspresyon ng kaniyang mukha. "Oh, bakit ganiyan ka kung makatingin? nag-sorry na nga ako, 'di ba?" Napailing ako.
"Hindi naman 'yan ang nais kong marinig mula sa'yo.." seryosong sagot ko. Agad naman napakunot ang noo niya at hindi naman namin inaasahan ang biglaang pagtunog ng bell. Tila nataranta ang buong sistema ko kaya kahit may nais pa akong marinig sa sasabihin niya ay nagmadali akong makatakbo papunta sa Freshman building.
Subalit sa aking pagtakbo ay natigilan ako sa boses na tumawag sa akin. At nang lingunin ko siya ay hingal na hingal siya.
"Grabe ka, hindi m-mo man lang ako h-hinintay."
"Eh bakit mo pa ba kasi ako hinabol?" Doo'y tila nagbago ang ekspresyon ng mukha niya, at parang agad na napawi ang hingal niya. "Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong marinig mula sa akin." Halos mapaatras ako sa itinanong niya.
E, ano nga ba kasing drama 'to?
Napaisip ako ng dahilan para maiba ang usapan, "Ah, hehe.. gusto mo bang mag- movie marathon tayo mamaya sa bahay?" Ewan ko lang kung lulusot ang palusot ko. I had opened my mouth widely just to make him feel easy. Pero natigilan ako nang lalong sumeryoso ang mukha niya dahilan para mapakagat ako sa aking pang-ibabang labi.
"Kailan ka pa natutong sumegway sa usapan? Aber?" Matalim ang tingin niya sa akin at sa tingin ko ay p'wedeng-p'wede niya akong lamunin ng buhay!
"Allen naman kasi! Mahalaga pa bang malaman 'yon?" tila pagmamaktol ko at natigilan ako sa mabilis niyang pagsagot.
"Oo!" Napabuntong-hininga ako.
"Okay, gusto ko lang naman bawiin mo sa kanila ang sinabi mo. Allen, ayoko nang gulo, okay? Huwag mo sana akong idamay sa kalokohan mo." Napaawang ang bibig niya at tila hindi na nakapagsalita.
Magsasalita pa sana siya pero tuluyan ko na siyang tinalikuran.
Napailing na lamang ako habang naglalakad at dahil sa kaniya, na-late tuloy ako!
Pagkapasok ko ng classroom ay kaniya-kaniya naman bulungan nang pumasok akong late sa klase.
Bakit ba parang big deal pa sa kanila ang pagka-late ko? E, minsan lang naman! Kaurat!
Mabuti na lang talaga at napakabait ng teacher namin. Dahil pinagbigyan niya ako ngayon kasi madalas ay ako raw ang highest grade pagdating sa seat work.
Nakababa na kami ng building namin nang matanaw ko sa hindi kalayuan si Allen, nakapasok ang kaniyang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon niya habang nakasandal sa may haligi ng covered court.
"Hindi niya pa nga ako ina-accept, e." Narinig kong sabi ni Miles nang mabaling muli ang atensyon ko sa kanila. Magkakahawak-kamay kaming tatlo habang naglalakad pero natigilan ako nang bumangga ako sa poste-- ah este sa dibdib niya. Hindi ko namalayan ang biglaang paglapit niya. Pero sa halip na pansinin siya ay muli kong ibinaling ang atensyon kina Miles at Strawberry na ngayon ay tila tulala sa presensya ni Allen.
Sus! Parang ngayon lang sila nakakita ng guwapo.
"Damzel, kausapin mo 'ko."
"Oh my, gosh! Kilala ka pala ni kuyang pogi!" kinikilig na sabi ni Strawberry. Napairap lang ako sa kaniya at pinandilatan lang siya ng mata. Yung tingin na shut up and let me care about this look.
"Allen, pakiusap huwag dito," seryosong wika ko.
"Oh my, gosh! May kasunduan pala ang dalawa.." tila mapainsultong sabi ni Stawberry habang si Miles ay nakangiting aso lang.
Tumingin akong muli kay Allen at dahil gusto kong makaligtas sa kung ano pa man ang iisipin sa amin ng dalawa kong kaibigan ay agad ko siyang hinawakan sa braso niya.
"Girls, later na lang tayo kita, ha!" nagmamadaling sabi ko sabay hinila sa kung saan si Allen. Tila hinihingal na naman siya nang makarating kami sa isang bakanteng classroom.
"Bakit mo ako dinala rito?" nagtatakang aniya. Napailing ako at hinarap siya ng masinsinan.
"Alam mo, hindi kita maintindihan, e. Bakit kailangan pa natin mag-usap? At bakit nagpapakita ka ng ibang motibo sa harap ng mga kaibigan ko!"
"Ano?! Ako?" he chuckled. "Bakit naman ako magbibigay ng motibo? E, hindi naman kita gusto," seryosong aniya. Napangisi ako sa kawalan at ewan ko ba kung bakit tila may kung anong epekto sa akin ang sinabi niya.
Bakit parang ang sakit?
At dahil sa sinabi niyang 'yon ay bigla na lang akong natahimik at napalingon ako sa kaniya nang makita siyang tila humagalpak na sa pagtawa.
"Ah!" napasigaw ako sa sobrang inis.
"Ngayon, naiintindihan mo na kung gaano kasakit ang masabihan na hindi ka gusto ng taong gusto mo?" Unti-unti akong napatango at agad kong naisip si Joe. Madalas niyang sabihin sa akin na gusto niya ako pero kahit minsan ay hindi ko sinabi sa kaniya ang totoong nararamdaman ko-- na hindi ko siya gusto. "Masakit ang mga salitang 'yon, pero look at you ang bilis mong naka-move on," dagdag pa niya. Natigilan lalo ako sa sinabi niya. "Minsan, mas mabuti na lang na saktan mo nang biglaan ang isang tao para hindi na umasa pa, dahil kapag pinatagal pa ay mas lalong masakit 'yon. Tandaan mo, mas matagal, mas masakit." Hindi na ako nakapagsalita pa sa mga salitang binitiwan niya at ewan ko ba pero sa palagay ko ay mukhang pareho kami ng pinagdaraanan.
Itutuloy..