Allen's Jr.
"Mom, bakit hindi ka sumabay sa akin mag-dinner?" I asked. Nang maabutan ko siyang seryosong nakatambay sa may terrace.
"May iniisip lang ako, anak.."
Lumapit ako sa kaniya at doo'y nakita ko ang kabuuan ng mukha niya. "P'wede mo naman sabihin sa akin, mom.." Hinarap niya ako at nakita ko ang lungkot sa mga mata niya.
"Wala lang 'to, anak, it's just.. I miss your dad." Natigilan ako at siguro naman ay ito ang tamang oras para tanungin ko siya tungkol sa kanila ni Dad.. at 'yong tungkol sa diary.
"Mom, I am going to ask you something," sabi ko dahilan para mapalingon siya sa akin.
"Tell it."
Napayuko ako at sinubukan kong labanan ang kabang nararamdaman ko saka nagsalita, "Iyong tungkol sa diary-- I mean 'yung diary ni dad, paano napunta iyon kay Ninang Jiezel?"
"Paano mo nalaman ang tungkol doon?" Natahimik ako dahil sa sagot niyang patanong din.
"Ah--"
"Mahalaga ang diary na 'yon, Allen, at isa pa, hindi mo na kailangan malaman pa kung bakit na kay--"
"Bakit wala akong karapatan, mom?" Halos ipagduldulan ko na ang sarili ko dahilan para maluha lang si Mommy.
"Dahil.. kapag naaalala ko ang punit na pahina roon ay nasasaktan lang ako," naluluhang tugon niya at doo'y napakunot ang noo ko. Naalala ko ang punit na pahina roon at kung ano ang nakasulat.
Napailing ako at napalingon muli kay Mommy nang muli siyang magsalita, "Ang sakit isipin na sa panandaliang panahon ko lang naramdaman ang pagmamahal ng Daddy mo, kaya kahit masakit ay tinanggap ko na lang na hindi talaga para sa akin ang diary na 'yon.."
"Kaya ba punit ang isa sa pahina roon?" Napatitig siya sa akin at mas lalo lamang siyang napahikbi.
"Nagawa kong punitin ang pahinang iyon dahil-- alam ko na masasaktan lang ako ng paulit-ulit.. pero nagawa ko naman ibigay 'yon kay Jiezel dahil alam kong para sa kaniya talaga iyon.."
"Kay Ninang Jiezel? Ibig sabihin.. si ninang ang tinutukoy ni dad sa punit na pahinang iyon?"
"A-anong ibig mong sabihin? Paano napunta ang punit na pahinang 'yon doon?" Doon ako nagtaka sa sinabi niya.
Bakit hindi alam ni Mom? Hindi ba't sa kaniya muna nanggaling iyon?
"Nabasa ko 'yon, mom--"
"Hindi maaari! Itinapon ko na 'yon, e!" Doon ako mas natigilan. Paano napunta 'yon ulit doon?
"Pero, mom.. anong koneksyon ni Ninang Jiezel sa diary na 'yon?" tanong kong muli dahil naguguluhan na talaga ako.
"Dahil.. mas naunang minahal ng daddy mo si Jiezel.." Halos malaglag ang panga ko sa nalaman. At ang mga sumunod na sinabi ni Mommy ay labis na nakapagpakaba sa puso ko, "Maaaring nangyari na ang nakasulat sa punit na pahinang 'yon, anak.."
Tumingin ako sa kaniyang mga mata at napalitan iyon ng saya.
"A-anong ibig mong sabihin, mom?"
"Hindi ko alam pero sa tingin ko ay muling nabuhay sa pagkatao mo ang daddy mo-- kaya pala marami kayong pagkakaparehas, kaya pala nakikita ko sa'yo ang daddy mo.. at dapat akong magpasalamat doon." Napakunot ang noo ko at natigilan nang yakapin ako ni Mom. "Dahil kahit papaano'y muli kong nakita ang daddy mo sa pagkatao mo." Bumitiw siya sa yakap na iyon at pinagmasdan ang kabuuan ng mukha ko at sinabi, "Anak, siguraduhin mo lang na ang tanging mamahalin mo ay si Damzel lamang." Natigilan ako sa sinabi ni Mom. Hindi naman p'wedeng diktahan lang ng basta-basta ang puso.
"Pero, mom--"
"Nakikita ko sa'yo na nagugustuhan mo na si Damzel."
Napailing ako. "Imposible, kaya ba nararamdaman ko 'to, dahil hindi kaya.. nabuhay akong muli sa pagkatao ni dad?"
"Ikaw lang ang tanging makakasagot niyan, anak.. ang tanong diyan ay gusto mo nga ba talaga si Damzel? Hindi lang dahil sa itinakda kung hindi sa tunay mong nararamdaman?" Napaisip ako..
Ngayon ay nalilinawan na ako na hindi lang para kay Ninang Jiezel ang nakalimbag sa punit na pahinang 'yon kung hindi ay para rin kay.. Damzel.
At kung bakit nagugustuhan ko siya ngayon ay dahil..
Muling isinilang si Dad sa pagkatao ko?
"Gusto ko siya, mom.. at wala akong ibang nakikitang dahilan.. kung itinakda ko nga ba siyang mahalin, basta ang alam ko lang.. gusto ko siya at nararamdaman 'yon ng puso ko.." Napangiti si Mom sa sinabi ko kaya napangiti na rin ako.
"Sigurado akong masaya ngayon ang daddy mo.. dahil kahit papaano'y natupad ang dalangin niya.."
"Mom, okay ka na ba?" Tumingin siyang muli sa akin at naramdaman namin ang malakas na hanging bumalot sa buong paligid.
"Okay lang ako basta nakikita kong masaya ka, anak.."
Animo'y niyakap namin ang hanging bumabalot sa aming katawan. Alam namin pareho na kahit hindi namin nakikita ngayon si Dad ay narito siya ngayon at sumasabay sa malakas na hangin.
Kinabukasan ay nagsimula muli ang araw ko na may ngiti sa labi. Gusto kong panindigan ang sinabi kong iyon na gusto ko si Damzel, hindi lang dahil sa itinakda ko siyang mahalin.
At kung sine-suwerte nga naman ay kaagad ko siyang nakitang nakatanaw sa may pinakabintana ng corridor. Pasimple akong kumaway upang matanaw niya rin ako at doo'y sumilay ang ngiti niya, ang ngiting ipinagdadamot niya kahit napakaganda.
Nagmadali akong makaakyat sa building nila at nagtagumpay naman akong makaakyat kaagad.
"Good morning," sabi ko habang ang kaninang ngiting nakita ko ay napalitan ng busangot pero napakaganda niya pa rin.
"Problema mo?" tanong niya.
Ano? Ganiyan ba talaga ang tanong na ibubungad niya?
Lumapit ako sa kaniya sa alam kong sapat ng distansya para marinig namin ang isa't isa.
"Iyang nguso mo," sabi ko at nagsalubong na naman ang kilay niya at ewan ko ba kung bakit sa paraang ito ay ramdam kong kompleto na ang araw ko.
Pero natigilan ako nang unti-unti na siyang lumalayo sa akin. "Uy, sandali, saan ka pupunta?"
"Papasok na!" Napapangisi na lang ako habang pinagmamasdan siya hanggang sa likod niya na lang ang natatanaw ko.
Mabilis akong nakababa ng building nila kaya hingal na hingal ako nang makarating ako sa Sophomore's building. Sa paglalakad ko ay nadaanan ko ang isang okupadong kuwarto at hindi ko akalaing magbibigay ng interes sa akin dahil may narinig akong pamilyar na mga boses. Palihim kong sinilip ang kurtinang nakaharang doon at-- hindi ko inaasahan ang nakita ng dalawang mata ko..
Sina Joe at Miles.
At ang nakapagtataka pa dahil.. magkayakap sila. Hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil tila may nag-udyok sa akin na pasukin ang kuwartong 'yon at halos hindi sila makapaniwala nang bumungad ako sa kanilang harapan. Kaagad silang napabitiw sa isa't isa at hindi makapagsalita.
"Anong ibig sabihin nito?" Nagkatinginan pa silang dalawa habang ang mga mata ko nama'y nakatuon lamang sa kanila. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Kaya hinarap ko na si Joe at matapang kong sinabi ang mga katagang, "Akala ko ba ay si Damzel ang gusto mo?" Tila nanlaki ang mga mata niya at sunod ko naman tiningnan si Miles. "At ikaw? Kaya pala nagawa mo 'yon kay Damzel ay dahil may lihim ka pa lang--" Natigilan ako sa sasabihin dahil.. sinampal niya ako.
Napahawak ako sa aking panga at pinandilatan ko siya ng mata.
"Mali ang iniisip mo, Allen.." maluha-luha niyang sabi. Habang si Joe naman ay hawak-hawak siya sa magkabilang braso.
"Miles, ako na ang bahala rito, umalis ka na." Napalunok ako ng tinitigan ako ni Joe. Batid kong magkaribal kami kay Damzel kahit na hindi nila 'yon alam pareho. Nang makaalis si Miles ay doon niya ako kinausap, "Anong ginagawa mo rito? Bakit ka nangingialam?" Napangisi ako.
"Akala mo ba ay hindi ko nakita ang pagyayakapan ninyo? Bakit mo ginagawa iyon gayong alam mong magkaibigan ang dalawa." Napalunok ako nang ipagpantay niya ang mukha naming dalawa.
"Wala kang alam," kaswal na aniya. Napailing ako at pinandilatan niya lang ako ng mata.
"Ano pa bang hindi ko alam, e, halata naman--" Natigilan ako sa sasabihin.
"Pinsan ko si Miles, at hindi ko siya magagawang mahalin dahil si Damzel lang ang gusto ko! Mali lang ang interpretasyon mo sa nakita mo." Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niya at mas natigilan ako sa sumunod na sinabi niya,
"Pinagaan ko lang ang loob ni Miles dahil.. nagtapat siya sa akin na gusto niya ako." Napabuntong-hininga siya. "Kaya ang nakita mo na kayakap siya ay hindi ibig sabihin na pinaglalaruan ko ang puso ng magkaibigan."
Natulala ako sa katotohanang iyon. Parang gusto kong bawiin ang mga sinabi ko pero wala naman na akong magagawa dahil nasabi ko na.
Bakit nga ba hindi nagustuhan ni Damzel ang lalaking 'to gayong karapat-dapat din naman siyang magustuhan?
"I'm sorry.." Iyon na lang ang nasabi ko bago ko pa man siya maiwang nakatayo roon.
Itutuloy..