'Dalangin ko nawa'y sa tamang panahon ay muli akong isisilang at sa panahong iyon ay nakatakda na ako sa pinagmulan ng babaeng una kong minahal.'
Paulit-ulit kong binabasa ang nakasulat sa punit na pahina na iyon. Mayroon na rin itong mga putik na bakas ng mga paang nakatapak. Hanggang ngayon ay ginugulo pa rin ako ng aking isipan kung bakit ba nananatiling palaisipan ito sa akin.
At halos mapatalon ako mula sa pagkakaupo nang marinig ko ang pagtunog ng pinto at bumungad doon si Mommy.
"O, Damzel, bakit hindi ka pa natutulog?"
Tumabi siya sa akin at hindi na siya nabigla nang makita na hawak-hawak ko ang diary. "Binabasa mo na naman 'yan."
Sandali kong tiniklop ang diary at hinarap si Mommy. "Mi, hindi ko talaga maintindihan kung ano ang nais iparating dito ni Tito Allen," wika ko.
Napabuntong-hininga si Mommy at napayuko saka sinabi, "Hindi ko pa ba nasabi sa'yo na, nagtagal din kami ni Allen?" Napataas ang kilay ko at hinayaan kong dumapo ang kamay niya sa kamay ko. "Anak, maaaring nangyari na ang nais ni Tito Allen mo." Natigilan ako sa sinabing iyon ni Mommy kaya hindi maiwasang mapakunot ang noo ko.
"Ano pong ibig mong sabihin?" Napangiti siya kaya mas lalong kumunot ang noo ko.
"Naniniwala ka ba sa reincarnation?" Napaisip ako at halos manlaki ang mata ko nang ma-realize kung ano ang ibig sabihin no'n.
"Magmula nang mabasa ko 'yan ay isa lang ang tumakbo sa isipan ko. Maaaring muling nabuhay sa ibang panahon si Allen sa pagkatao ng anak nila ni Celeb."
Pagkasabi no'n ni Mom ay napaisip ako.
Totoo nga kaya ang reincarnation?
Kaya ba nararamdaman ko ito ngayon?
Gusto ko na nga ba talaga si Allen?
"O, bakit napaisip ka? May gusto ka ba kay Allen?" Boses na naman ni Mommy ang bumasag sa katahimikan ko. At agad na namilog ang mata ko sa sinabi niya.
"Ha? H-hindi ah! Bakit naman ako magkakagusto ro'n? E, palagi nga lang no'n sinisira ang araw ko, e." Todo pag-apila pa ako pero hindi ko man lang napuna kaagad ang kakaibang tingin ni Mommy.
"Alam mo, hindi bagay sa'yo ang maging in-denial," natatawang aniya.
"Ha? E-e, totoo naman kasi, mi, hinding-hindi!"
"O, bakit namumula ka?" Natigilan ako nang mapagtanto ko na tila nag-iinit na nga ang pisngi ko.
"Ah! Kainis ka, mi!" Natatawa na lang siya habang pinagmamasdan ako.
"Dito na nga ako, baka sakaling umamin ka rin sa sarili mo," mapanuksong ani Mommy bago man siya tuluyang umalis at binigyan ko lamang siya ng isang what ever look.
Two days later..
"Hi, Damzel!" Agaw pansing tawag sa akin ni Bazel, ang isa sa kaibigan ni Joe.
"O, Bazel, kmusta?" Hinawi ko ang kaunting buhok na sumasagi sa mukha ko dahil sa malakas na hangin.
"Ito, ayos lang.." sabi niya habang sinasabayan ako sa paglalakad.
"Mukhang wala ka yatang kasabay ngayon sa pagkain, ah.."
"Ah, gusto ko lang mapag-isa," nakangiting sabi ko at binigyan niya naman ako ng hindi makapaniwalang tingin saka siyang tawag niya naman kina Joe at Larry nang makita niya itong magkasama.
"Joe, Lar!" Agad naman itong lumingon sa kaniya at napakunot-noo si Joe nang makita ako. "Kanina ko pa kayo hinahanap, e." Narinig ko pang sabi niya sa mga ito. Hinayaan kong makalapit siya roon at ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Pero hindi ko inaasahan na maririnig kong muli ang boses niya na ako ang nais kausapin, "Uy, Damzel, bye!" pahabol pa niya at nag-wave siya sa akin, ganoon din si Larry habang wala pa ring reaksyon si Joe.
Hays.
Bumili lang ako ng mango shake at cheese burger sa may canteen at naisipang doon umupo sa may dulo.
"Loner?" Napalingon ako sa pamilyar na boses na iyon matapos ko lang inumin ang mango shake.
"Allen," tanging sabi ko. Hindi na siya nagpaalam na umupo sa harapan ko at binigyan ko lang siya ng isang titig.
"Problema mo? Nakasimangot ka na naman," mapanuksong aniya at inirapan ko lang siya.
"Akala ko pa naman ay concern ka dahil mag-isa lang ako," sagot ko kaya napahagikgik siya.
"O, bakit? Hindi pa ba concern 'yon? Sinamahan na nga kita, e," nakangisi niyang sabi.
"Sinabi ko ba?" mataray kong sabi at napailing lang siya.
"Si strawberry?" pag-iiba niya ng usapan.
"Buhay pa," kaswal pero sarkastiko kong sagot kaya sumilay ang ngisi niya sa labi na kalauna'y sumeryoso rin.
"Iyan lang ang lunch mo?"
"Pake mo ba?" bawing tanong ko sa kaniya.
Napailing siya at pasimpleng bumulong, "Sungit talaga.."
"Ano?!" Tumawa siya at pasimpleng inagaw ang hawak kong mango shake.
"Patikim nga!"
"Uy, bumili ka ng sa'yo!" malakas na apila ko kaya hindi maiwasang pagtinginan kaming dalawa. Inagaw ko pa iyon nang inagaw hanggang sa magkatitigan kami-- sa mata. Halos matameme ako at pinilit huwag magpaapekto. "Akin na sabi, e!" muling pag-agaw ko at sa wakas ay naagaw ko rin. Natatawa naman siya habang pinagmamasdan ako.
"Seryoso? Iinumin mo pa 'yan? E, may laway ko na 'yan, ah?" Muntikan ko nang maibuga ang mango shake nang dahil sa sinabi niya. Nakalimutan kong sumipsip nga pala siya ron. Hays!
"Nakakainis ka!" sabi ko at natawa lang siya.
"Diyan ka muna, huwag kang aalis," ma-awtoridad na aniya.
"O, bakit?" mataray kong tanong at ewan ko ba kung bakit tila na-hipnotismo ako sa sinabi niya kaya sinunod ko 'yon.
Ilang minuto lang ang lumipas at dumating siya na may dala-dalang tray at dalawang order ng kanin at ulam. Gusto ko sanang isipin na trip niya lang ang kaso ay hindi ko maiwasan isipin na para sa akin 'yon.
"Bakit dalawang order 'yan?" Malamang Damzel, dalawa kayo!
"Hindi naman nakakabusog 'yang burger para sa lunch," tipid niyang sagot habang pinagmamasdan ko siyang inaayos ang mga pagkain. Dalawang order na fried chicken, extra rice na kanin at may in-order pa siyang dessert na leche flan.
"Salamat," tipid na sabi ko dahilan para sandali siyang matigilan sa sinabi ko. "O, bakit ganiyan ang reaksyon mo?" Napailing lang siya habang nakangiti.
"Mabait ka pala, e, kapag gutom." Pinandilatan ko siya ng mata nang dahil sa sinabi niya. Gusto ko sana siyang patulan ang kaso ay nasa harapan kami ng pagkain. Kaya mas pinagtuunan ko na lang ng pansin ang pagkain na nilibre niya-- siguro.
"Magkano pala 'tong lahat? Babayaran ko na lang." Napanguso siya sa sinabi ko at binigyan ako ng isang titig.
"Babayaran mo ang nilibre ko?" Natahimik ako at sandali siyang pinagmasdan.
"Okay, babawi na lang ako next time," tipid kong sagot at ipinagpatuloy muli ang pagkain.
"Sus, kahit 'wag na.. hindi ko naman hinahangad na may kapalit," sabi niya habang nakangiti. Napangiti na lang din ako at habang kumakain ay napapaisip ako kung bakit..
Bakit parang masaya ako ngayon?
At isang bagay lang ang na-realize ko..
Gusto ko siya.
Itutuloy..