Chapter 1
Maasim ang ngiti ni Phoenix habang nakatitig sa cake at juice na nakahain sa harap niya. Nasa sala siya sa mansion ng mga Villaviray. Ipinakilala siya dito ng Tito Mauricio niya nang nakaraang araw sa isang charity event. At nang di siya pumayag na makipag-date ay dinalaw siya nito sa bahay habang may dalang bonggang bulaklak at imported na chocolate. As if she would be impressed with that.
Kanina pa siya nakikinig sa paulit-ulit at walang kamatayang kwento ni Fred Manuel tungkol sa political history ng angkan nito. And it was not impressive enough.
Mula nang dumating siya mula sa isang expidition sa Egypt bilang archaeologist ay hindi na naubusan ng mga lalaking dumadalaw sa kanilang bahay upang manligaw. Ayaw ng kanyang Tito Mauricio na ipagpatuloy niya ang pagiging archaeologist. Kaya’t ipinatawag nito ang lahat ng prospect na mapapangasawa para hindi na siya umalis. At kasama si Fred sa mga iyon.
Kailangan niyang pakiharapan itong mabuti dahil na rin sa utos ng kanyang Tito. Ayon dito, pangarap nitong magkaroon ng mamanuganging tulad ni Fred na galing sa prominenteng angkan.
“Alam mo bang ang rebulto sa harap ng plaza? Lolo ko iyon sa tuhod! Bayani ang lolo ko noong panahon ni Bonifacio,” nagmamalaking kwento nito.
Pinigil ni Phoenix na maghikab. Alam na niya ang isusunod nito. Na ang tiyuhin nito ang naging dahilan kung bakit naging first class ang bayan nito. Kasunod ang plataporma nito sa susunod na eleksiyon sa pagtakbo nito bilang mayor.
Kung siya naman ang botante, nungkang iboto niya ito. Dahil sa kanya pa lang, basted na ito. Wala na ng kahahantungan ang panliligaw nito. May kasaysayan ang mga ninuno nito pero wala itong appeal sa kanya. Wala pa naman itong accomplishment na maipagmamayabang. At ayaw niya sa lalaking walang accomplishment at masaya nang magtampisaw sa pinaghirapan ng mga nauna dito.
“Uncle ko ang nag-approve sa pagkakaroon ng quarrying site kaya naging first class municipality ang bayan namin. At kapag nanalo akong mayor, itutuloy ko ang nasimulan nila.”
Papatagin ko ang lahat ng bundok para mas lalo pa tayong umunlad, gusto sana niyang idugtong sa speech nito.
Naiirita at nakukulili na ang tainga ni Phoenix. Gusto niyang sisihin ang kanyang Tito Mauricio. Bakit mga walang kwenta ang pinaaakyat sa kanyang manliligaw? Wala siyang itulak-kabigin. Lahat karapat-dapat mabasted.
“Wala iyan sa boyfriend ko!” hindi mapigil niyang bulalas sa sobrang iritasyon.
“May boyfriend ka na?” hindi makapaniwalang tanong ni Fred.
“Of course! Sa ganda ko ba namang ito, mawawalan ako ng boyfriend?” pagmamalaki niya. “Boyfriend ko yata ang Napoleon of Egypt. Sikat siya. Kamag-anak ni Cleopatra.”
Umismid ito na parang hindi naniniwala. “Mayaman ba siya?” tanong nitong hindi man lang na-impress na kamag-anak ng nobyo niya ang dating Reyna ng Ehipto.
“Ay, sobra! Gaya ng mga kamag-anak mo, marami siyang naipatayong structures. He even owns a pyramid.”
“Pyramid?” nagtatakang tanong nito. “Pwedeng bilhin ang pyramid? As in Pyramid of Egypt?”
Niluwangan ni Phoenix ang ngiti. Tingnan lang niya kung hanggang saan ang kayabangan nito. Titiyakin niyang hindi na ito manliligaw kahit kailan.
“Yes. Ganoon siya kayaman,” pagmamalaki niya.
Kumunot ang noo ni Fred sa anyong hindi pa rin naniniwala sa kanya. Sino nga ba namang tao ang kayang mag-may-ari ng pyramid? Of course, boyfriend lang niya at ang mga kamag-anak nito.
“Anong pangalan ng boyfriend mo? Baka sakaling kilala ko siya or familiar ang pangalan niya,” tanong ni Fred para di gaanong magmukhang eengot-engot o hampaslupa dahil di ito aware sa mayamang taong may pag-aari na pramid.
“Thutmose III!”
“Thutmose III?” ulit nito at nakakunot ang noon na tumingala. “Hindi ko yata siya kilala.”
“Okay lang. Hindi ka rin naman niya kilala.”
“K-Kumusta naman ang pyramid niya?”
“Okay naman. Mukhang komportable siya doon kasama ang kanyang mga alipin. Tahimik silang namumuhay.”
“Businessman ba ang boyfriend mo? O isa ring political figure. Hindi kasi nababanggit sa akin ng Tito Mauricio mo ang tungkol sa kanya. O kung ano ang trabaho niya,” puno ng interes na tanong ni Fred.
“Ah, si Thutmose? Naging leader siya ng army ng Egypt. Pero bata pa lang siya, siya na ang agad ang nagmana ng trono ng tatay niya.”
Nanlaki ang mata nito. “Trono? Royal blood?’”
Tumango siya sabay inom ng juice. “Maaga kasing namatay ang tatay niya na si Thutmose II. Hinawakan muna ng stepmom niya ang trono. Pero later on, naging Pharaoh na siya.”
“P-Pharaoh ba kamo?”
“Oo. Iyon ang tawag sa mga hari sa Egypt.”
Naguguluhan itong napakamot sa ulo. “H-Hari? Pharaoh? You mean meron pa sila noon?”
Nati-thrill si Phoenix na sagutin ang mga tanong ni Fred. “Wala na. Dati pa iyon.”
“Kung ganoon, bakit pharaoh pa rin ang boyfriend mo? Kailan ba siya naging p haraoh?” usisa nito.
Tumingala siya na animo’y binabasa sa kisame ang sagot. “Around 1479 to 1426 B.C. He ruled the 18th dynasty of Egypt,” kaswal niyang sabi.
Nanlaki ang mga mata ni Fred. “From 1479 to 1426 B.C.?”
Mukhang kinilabutan ito nang nakangiting tumango. She could almost see the hairs ohis body rising up to its ends. Hindi ito makapaniwala na ang tinutukoy niyang mayaman at sikat na boyfriend ay mahigit tatlong libong taon nang patay. Kung pwede nga lang ay bumulanghit siya ng tawa habang pinagmamasdan ang takot sa mukha nito.
“Actually, dadalawin ko nga siya pagbalik ko sa Egypt. Gusto mo ipakilala kita sa kanya?” tanong niya at uminom ng juice.
Namutla si Fred. Hindi na ito nakasagot at mabilis na tinungga ang juice. Mukhang kapag hindi ito nakainom ay hihimatayin ito. Iniisip tiyak nito na nababaliw na siya. Paanong magkakarelasyon siya sa isang patay na? O sa dinami-dami ng lalaki sa mundo ay isang mummied pharaoh pa ang napili niyang ariing boyfriend.
“S-Salamat na lang.” Tumayo ito na parang sinisilihan sa pagkakaupo sa tabi niya. “M-mauuna na ako, Phoenix. Ikumusta mo na lang ako sa Tito Mauricio mo at s-sa boyfriend mo na rin.”
“Sure! Ihahatid na kita sa labas.”
“K-Kahit huwag na.” Kumuha ito ng panyo at ipinahid sa mukha. Bigla itong pinagpawisan samantalang naka- aircon naman ang mansion ng mga Villaviray. “P-Pasensiya na sa abala.”
“Sige, goodbye!” aniya nang lumakad na ito palayo. “Dalaw ka ulit.”
Gustong magtatalon ni Phoenix sa tuwa. Sinasabi na nga ba niya’t maididispatsa rin niya si Fred katulad ng mga ibang inirereto sa kanya ng kanyang tito. As usual, tagumpay na naman ang kanyang plano na itaboy sa maayos na paraan ang mga inutil niyang manliligaw. Hindi na niya kailangan pang gamitan ng dahas.
Alam niya na iniisip nito na weird siya. Iyon naman ang impresyon sa kanya ng mga kalalakihan lalo na kapag nalalaman ng mga ito ang hilig niya. Sa halip na mag-party, makipag-date o kaya ay makisalamuha sa mga tao sa normal na mundo ay mas gusto niyang mangalkal ng mga sinaunang bagay, tuklasin ang nakaraan at pagpantasyahan ang mga makapangyarihang tao sa ibang panahon.
Weird na kung weird. Mas gusto niya ito kaysa ang i-entertain ang mga manliligaw na hindi pasado sa panlasa niya. Alam naman niya na parang wala sa panahong ito ang lalaking hinahanap niya. She wanted her man strong, virile and a compassionate leader. At natitiyak niyang hindi iyon si Fred.
He was boring. So unexciting. Sa panahon ngayon, saan ba siya makakahanap ng lalaking magpapatigil sa mundo niya, magpapatigagal sa kanya, magpapabilis ng pulso niya at bubuhay sa lahat ng emosyon niya.
Natigilan si Phoenix nang makarinig siya ng palakpak mula sa kanyang likuran. Nilingon niya iyon at natigilan siya nang makilala ang nasa harap.
“V-Vance?”
“Bravo! Bravo, Phoenix! That was a nice stint,” wika ni Vance na hindi namumuri subalit may kasamang sarkasmo.
NANINGKIT ang mga mata ni Phoenix at naramdaman niya ang mabilis na pag-akyat ng dugo sa ulo niya. Nagdilim ang paningin niya. “Ano’ng ginagawa mo dito, Vance?”
Ibinuka nito ang kamay. “What kind of question is that? I live here. Nagmamadali nga akong umuwi nang malaman kong nakauwi ka na ng Pilipinas.”
At masayang-masaya naman siyang umuwi ng Pilipinas sa pag-aakala niyang hindi sila magkikita. Nasa Macau ito para sa isang conference nang dumating siya isang linggo na ang nakakaraan. Ayon sa Tito Mauricio niya ay pupunta rin ito sa New York para naman magbakasyon.
“Bakit nandito ka na agad?” Tatlong linggo daw itong mawawala. Akala niya ay sapat na iyon para magkaiwasan sila pero di pala siya ganoon kaswerte.
“I canceled my vacation,” sabi nito at ibinuka ang mga kamay. Nanigas ang katawan niya nang yakapin nito. “Alam ko naman miss na miss mo na ako.”
Itinulak niya ito nang maramdaman ang kakaibang init na lumukob sa kanya nang yakapin siya nito. “Yuck! Baka kung kani-kanino mo pang babae iniyakap iyan. Mahawaan pa ako ng bacteria mo.”
“Buti nga tiniis kitang yakapin kahit na,” inamoy nito ang buhok niya, “amoy mummy ka na rin.”
Nanlaki ang mata niya. “You!”
Mariing nagdikit ang labi niya at pinigilan ang sarili na maging bayolente dito. Kung may tao sa mundo na gusto niyang huling makita, si Vance iyon. Naulila itong inaanak ng kanyang Tito Mauricio. Matanda sa kanya ng apat na taon. Labing-apat siya nang ampunin ito. Eighteen years old na si Vance noon. Guwapo, makisig, arogante at masyadong paborito ng tiyuhin niya. At simula noon ay naiirita na siya sa atensiyong ibinibigay dito ng kanyang tito.
Gaya ni Vance ay ulila na rin siya. Namatay ang kanyang Mama na kapatid ni Mauricio noong labindalawang taong gulang siya. Samantalang ang kanyang ama ay hindi pa niya nakikita.
Sa loob ng maraming taon ay mistula silang aso’t pusa ni Vance. Walang sinabi ang giyera ng Israel at Palestine. Hindi niya ito kayang pakisamahan. Lagi na siya nitong kinokontra. Palibhasa’y nuknukan ng yabang at napaka-pakialamera. Tawag niya dito ay straw. Grabe kasi kung magpabibo sa tiyuhin niya. Hindi lang ito basta sipsip. Higop ito.
Natigil lang ang bangayan nila sa panahong nasa ibang bansa siya at nag-aaral. Pero ngayon ay balik na naman sila sa dati. Ito ang pangunahing rason kung bakit ayaw na niyang tumagal sa Pilipinas.
“Bakit hindi yata kita narinig na dumating? Don’t tell me nagsa-aswang ka?” tanong ni Phoenix at humalukipkip.
“Hindi mo talaga ako mapupuna dahil mukhang engrossed na engrossed ka sa pakikinig kay future mayor,” tukoy nito kay Fred.
“K-Kanina ka pa nakikinig dito?” Namaywang siya at ikiniling ang ulo. “Tsismoso ka na rin pala ngayon.”
Si Vance ang chu-chu ng tiyuhin niya noon kaya naman hindi siya natutuloy na lumabas kasama ang mga kaibigan niya. Hindi niya naranasang um-attend ng parties or maligawan ng crush niya dahil dito. Panira ito sa kabataan niya at kaligayahan niya.
She had always been a good girl. Focus siya sa pag-aaral. Walang mairereklamo doon ang tiyuhin niya. Pero oras na bumuka ang bibig ni Vance ay nag-iiba na ang tingin sa kanya ng tiyuhin niya. Parang lagi na lang siyang may mali at madalas ay ito ang pinaniniwalaan ng tiyuhin niya kaysa sa kanya. Kaya lagi silang nag-aaway. Kaysa naman lagi silang magbangayan at sa huli ay pasamain lang ang loob ng tiyuhin niya ay nagdesisyon na lang siyang lumayo.
Kaya rin niya pinili na mag-aral sa ibang bansa at tanggapin ang scholarship ay para hindi na siya nito sundan-sundan pa. At tinatamasa niya ang kalayaan niya sa loob ng ilang taon dahil wala ito sa buhay niya.
“It’s my job to listen to what you say and to check on what you do. Pinapunta ako dito ni Ninong dahil nagtataka siya kung bakit wala nang lalaking bumabalik pa dito para manligaw ulit. Sa nasaksihan ko, siguro naman ay may ire-report na ako sa kanya. Sasabihin ko na may boyfriend ka na kaya wala nang gustong umakyat ng ligaw sa iyo.”
Hindi gusto ni Phoenix ang tono ng pananalita ni Vance lalo nang banggitin nito ang tungkol sa boyfriend niya. Baka puro paninira lang ang sabihin nito sa kanyang Tito Mauricio. Gagawin nito ang lahat mapasama lang siya.
“Ano ngayon kung may boyfriend ako? May masama ba?”
Umiling si Vance at prenteng umupo sa sofang binakante ni Fred. “Wala. Kaya lang pihadong magugulat siya oras na malaman niyang ang boyfriend ng kaisa-isa niyang pamangking si Phoenix Villaviray ay sobrang yaman kaya’t nakatira ito sa isang pyramid at ilang libong taon nang patay,” anito sabay hagalpak ng tawa.
Nanggigil si Phoenix. Naidispatsa na niya ang isang kontrabida sa buhay niya. Pero heto na ang master of all kontrabidas sa buhay niya. At ang masama ay nahuli pa siya nito habang ginagawa niya ang modus operandi niya.
Kuyom ang kamao ay sinugod niya si Vance. “Huwag mo akong pagtawanan!” singhal niya dito para mapagtakpan ang kahihiyan niya.
“Bakit hindi kita pagtatawanan samantalang pinapasok na yata ng amag at buhangin ng disyerto ang utak mo. Nakakaawa naman ang ninong sa pagkakaroon ng pamangkin na tulad mo. Huwag mong sabihin sa aking ikaw din ang ex-girlfriend ni Jose Rizal at baka maniwala ako.”
At nagpatuloy ito sa pagpapakawala ng nakakainsultong halakhak. Okay. Ilusyon niya na isa siya sa mga kababaihan ni Jose Rizal. Pero naiirita siya sa tawa ni Vance. Parang hindi na ito titigil sa katatawa. Hindi na niya napigilan ang sarili at binayo ang dibdib nito. Wala itong karapatang pagtawanan siya.
“Huwag mo sabi akong pagtawanan!” angil ni Phoenix
Walang kahirap-hirap nitong pinigilan ang kamay niya. “Anong magagawa mo kung natatawa ako sa iyo?” nang-iinis na sabi nito.
Lalo siyang nanggigil nang hindi siya makawala mula sa pagkakahawak nito. “Pakawalan mo ako, pangit!” sigaw niya at sinipa ito sa paa.
Muli itong tumawa at parang hindi man lang apektado sa pagkakasipa niya. “Pangit ba ako? Hindi ka lang marunong tumingin sa guwapo dahil puro antique at mummy ang maganda para sa iyo. Sabagay, hindi ka pala katulad ng mga normal na babae na nahuhumaling sa gandang lalaki ko. Pero hindi pakakawalan hangga’t hindi mo binabawi ang sinabi mo.”
Wala talagang balak si Vance na pakawalan siya. Subalit hindi siya sumuko. Kahit sabihin pa nitong daig pa niya ang alien sa pagsasabing pangit ito, hindi niya babawiin ang sinabi niya.
“Alam mo, hindi ka lang pangit. Nuknukan ka rin ng yabang!” Mariing inapakan ng sandals niyang may matalas na takong ang sapatos nito.
“Ouch!” Nabitawan nito ang pagkakahawak sa mga kamay niya at dinaluhan nito ang nasaktang paa.
“Iyan ang bagay sa iyo!”
Hindi nag-aksaya ng panahon si Phoenix at nagmamadaling lumayo dito. Subalit nakakailang hakbang pa lang siya nang hawakan nito ang baywang niya at hatakin siya pabalik. Natagpuan niya ang sarili na nakakandong dito.
“Sinabi ko naman sa iyo na hindi kita pakakawalan hangga’t hindi mo binabawi ang sinabi mo sa akin,” Vance said in a deadly tone.
Naging kaiba ang pakiramdam niya sa pagdidikit ng kanilang katawan. Gayundin ang pagtama ng hininga nito sa kanyang mukha. It made her more aware about the changes between the two of them. Hindi na sila mga teenager na basta-bastang nagbabangayan. The two of them are adults now.
Napalunok siya nang mapuna ang pagkakapigil ng matipunong braso nito sa bawat paglaban niya. His eyes also spoke danger. Nagbabanta ang mga iyon.
Dati-rati ay nagtataka siya kung ano ang nakikita ng mga babae dito at bakit ito hinahabol. Mas concentrated siya sa pakikipagkompitensiya dito sa atensiyon ng kanyang tito. For the first time, she noticed his deep brown eyes. Kahit na nagbabanta ang mga iyon, may kakayahan itong mang-akit sa isang tingin lang. His prominent nose and firm lips made him look tempting…
Naipilig niya ang kanyang ulo. Tempting? Kailan pa siya nakapag-isip ng tungkol doon at sa mismong kaaway pa niya mismo? Buong buhay niya ay hindi niya pinagtuunan ng pansin ang mga lalaki o ang pakikipagrelasyon. Mas mahalaga sa kanya ang pagtuklas sa kanyang nakaraan.
“T-Tigilan mo na ang kalokohang ito, Vance. Pakawalan mo na ako,” aniya sa nanginginig na tinig.
Kahit na sanay siya sa trabaho na kasama ang mga lalaki, hindi siya sanay sa posisyong kinalalagyan niya ngayon. It was too intimate at hindi niya inaasahan ang kaibang sensasyong naramdaman sa pagdidikit ng kanilang mga katawan.
“No!” Biglang lumamlam ang kaninang nagbabanta nitong mga mata at tumutok sa kanyang labi. “Not until I kiss you.”