"Sige na kasi samahan mo na kasi ako!" Kanina pa siya pinipilit ni Joy para sumamang manood ng basketball game sa gym mamayang gabi.
Huminga siya ng malalim. Hindi niya alam kung ilang beses na ba niyang tinanggihan ang kaibigan. Sadyang may pagkakulit lamang talaga ito. Lalo na kapag may gusto.
"Baks, kailangan kong kumayod ng husto. May trabaho ako mamaya sa paresan. Alam mo naman 'yon," pagpapa-intindi niya rito.
Ngumuso naman si Joy saka nangalumbaba sa tabi. Habang siya ay abala sa pag-gawa ng project ni Melissa. Isa pa nilang kaibigan. Inulukan siya ni Melissa na gawin ang project nito kapalit noon ay babayaran siya. Tinanggap niya iyon. Kasi bakit hindi? Pera iyon, at iyon ang kailangan niya sa ngayon.
"Ayaw ko naman kasama si Melissa, kayo lang naman ang close noon. At saka madalas niya akong iwan kapag magkasama kami tapos sasama na siya sa mga boylet niya!" Naghuhurumentadong saad ni Joy na ngayon ay nakanguso pa rin.
Bumuntong-hininga naman siya. Hindi naman niya kayang tiisin ang kaibigan. Isa pa, kapag kailangan niya ng pabor ay hindi naman siya nito pinahihindian. Itinigil niya ang ginagawa saka ito hinarap.
"Sige, sasamahan kita." Aniya.
Namilog ang mata ng kaibigan saka tumayo habang tumatalon-talon pa. Halata ang galak sa hitsura nito nang marinig ang pag-sang ayon niya.
"Oh my gosh! Sabi ko na nga ba at hindi mo ako matitiis, baks! OMG, Zion, Caius, Kael, hintayin niyo lamang at darating ang inyong prinsesa para mag-cheer sa inyong lahat! Aaayy! I'm so excited!" Talon pa rin ito ng talon dulot ng kasiyahan. Napailing na lang siya habang pinagmamasdan ang kaibigan.
"What's with them that you like watching their games?" Kuryoso niyang tanong sa kaibigan.
Simula kasi freshmen pa lang sila ay palagi nang nanonood si Joy ng laro ng mga ito. Hindi niya maintindihan kung anong saya ang dulot nito sa kaibigan sa tuwing sinasamahan niya itong manood.
"Eh kasi gusto kong suportahan si Caius sa gusto niya. Alam mo na supportive girlfriend," malawak ang ngiting turan nito. Tumayo naman siya saka mahinang pinitik ang noo ng kaibigan.
"Aray naman!" Mahinang daing nito habang sapo ang noong nasaktan.
"Paanong naging girlfriend ka noon? E, si Alyana ang girlfriend noon! Gumising ka nga 'teh!" Nakapaywang niyang sabi rito.
"KJ mo rin talaga 'no?" Inirapan siya nito saka umupong muli sa upuan. "Masama bang i-admire ang magagandang likha ng Diyos? At saka masama bang mangarap? Malay mo naman may chance!" Kumindat pa ito sa kaniya.
"Baks, malabo pa ata sa tubig kanal iyang gusto mo. Hindi nga tayo kilala ng mga 'yon, eh!"
Totoo naman ang kaniyang sinabi. Isa sa mayayamang angkan ang mga ito. Kaya hindi niya mawari kung bakit sa State University lamang ang mga ito nag-aaral samantalang kaya naman ng mga ito ang mag-aral abroad. Pero kahit State University lamang ito ay maraming mayayaman ang nag-aaral rito. Maging ang isang anak ng mga Ledesma ay dito rin nag-aaral.
"Alam mo sobrang KJ mo na! Nakakairita ka nang kausap." Muli siyang inirapan ng kaibigan. Habang siya naman ay iiling-iling na bumalik sa pag-gawa ng project ni Melissa.
Hindi nila ito kaklase. Sa kabilang section ito kung saan naroroon sina Keith, Caius, at Kael. Kaibigan niya rin ang mga ito dahil ex boyfriend nito si Zion Keith.
Nang matapos ang project ay dinala niya agad iyon kay Melissa. Siyempre ay kabuntot niya si Joy, palalampasin ba naman ito ng kaniyang kaibigan?
Sinipat niya si Melissa sa classroom nito. Hayun at naabutan niyang abala ito sa pakikipag-usap kay Keith. Agad siyang naglakad patungo sa direksyon ng mga ito. Nakakandong si Melissa sa hita ni Keith habang abala naman ang binata sa paglalaro sa buhok nito sa may tainga. They were giggling. Ganito ba ang gawain kahit mag-ex na? Eh sa asta nila ay para pa rin silang magkasintahan. Si Caius naman ay may kausap na dalawang babae at nagtatawanan rin. Habang si Kael naman ay abala sa kaniyang cellphone.
Tumigil siya sa harapan ng mga ito. Tiningnan siya ni Melissa saka ngumiti.
"Did you finish it?" Nakangiting tanong nito.
Tumango naman siya saka inabot ang brown folder na naglalaman ng project nito. Malawak ang ngiting inabot iyon ni Melissa.
"Great!" Binuksan nito ang folder saka isa-isang tiningnan ang kaniyang gawa. "You're the best!" Masiglang sabi nito saka siya niyakap. Pagkuwa'y inilabas nito ang wallet saka siya inabutan ng isang libo. Nanlaki naman ang kaniyang mata.
"Wala akong panukli," aniya habang kinagat ang pang-ibabang labi.
Hinawakan ni Melissa ang kaniyang palad na naglalaman ng perang ibinayad nito saka iyon isinara. "That's yours," nakangiting sabi nito.
Tiningnan niya ito saka nginitian. Dumako naman ang tingin niya sa ilang matang nakapako rin sa kaniya. Zion Keith's deep gray eyes met her gaze. Seryoso ang mukha nito na tila naiinip na. His bored look added to his charms. Kapansin-pansin rin ang ilang piercings nito na kumikinang.
"Done checking up my features?" Para siyang binubusan ng malamig na tubig sa narinig. Agad naman siyang nabalik sa reyalidad. Kinurot ni Joy ang kaniyang tagiliran. Bahagya siyang napaigik sa sakit.
Nagtawanan naman si Caius at Kael. Lalo tuloy siyang nahiya. Inakbayan naman siya ni Melissa saka hinarap si Zion Keith.
"She's my friend don't bully her!" Kunwari'y inis na sabi nito kay Zion Keith.
"Whatever! Are you done?" Baling nito sa kaniya.
"O—Oo," nauutal niyang sagot.
"Then go," pagtataboy nito sa kaniya bago muling hilahin si Melissa at iupo sa hita nito.
Melissa waved her goodbye. Ngumiti naman siya saka tumango. Dali-dali silang lumabas sa classroom ni Joy. At nang makalayo-layo ng kaunti ay nagulat siya sa biglaang pagsigaw ng kaibigan.
"What the—"
"Oh my gosh! Napakaguwapo ni Caius talaga! Para akong hindi makahinga kanina. Grabe, grabe, grabe!" Naghuhurumentadong sigaw ni Joy.
Malakas niyang hinampas ang braso nito kaya naman tumigil ito sa kasisigaw. Maraming estudyante na rin kasi ang pinagtitinginan sila.
"Mahiya ka nga! Ang daming nakatingin!" Suway niya sa kaibigan ngunit mukhang wala itong pakialam sa mga matang nakapukol sa kanila.
"Tingin-tingin niyo? Ngayon lang kayo nakakita ng masayang tao?" Pagsusungit nito sa mga taong nakatingin sa kanila.
Bumuntong-hininga na lamang siya.
Matapos ang klase ay dumiretso na sila sa gym. Maraming nanonood at puno na ang bleachers. Pero nakipagsiksikan pa rin si Joy at pinilit humanap ng pwesto kung saan malapit sa bench nila Caius. Hindi pa simula ang laro at nagwa-warm up pa lamang ang mga ito. It's just a friendly game from another University.
"Caius! Go!" Sigaw ni Joy habang winawagayway pa ang ginawang banner. Nasapo na lamang niya ang noo sa ginagawa ng kaibigan. Ni hindi man lang siya tinapunan ng tingin ni Caius.
Mayamaya pa ay nagsimula na ang laro. Tahimik lamang siyang nanonood habang ang kasama naman niya ay halos panawan ng ulirat kakasigaw kay Caius. Malakas ang sigawan ng bawat tao sa gym. Naririnig naman kaya siya ni Caius? Bumuntong-hininga siya saka tiningnan ang wrist watch. Malapit na ang shift niya sa paresan. Kaya naman kinalabit niya si Joy. Sinenyasan niya itong kailangan na niyang mauna.
Tumango naman ito saka muling sumigaw para i-cheer si Caius. Tumayo na siya saka nakipagsiksikan sa dagat ng tao. Hihinga-hinga siya nang makalabas sa gym. Mabilis siyang naglakad patungo sa paradahan ng tricycle para makasakay.
Malayo pa lamang ay naririnig na niya ang malakas na kalabog na nangagaling sa kanilang bahay. Agad siyang naalarma kaya naman mas binilisan niya ang paglalakad. At nang makapasok sa bahay ay nakita niya ang kaniyang ina na nakahandusay sa sahig habang dumudugo ang mukha. Ang kaniyang ama ay marahil katulad ng dati na lasing na naman. Mabilis niyang dinaluhan ang inang nakahandusay sa sahig.
"Si-Sinasabi ko naman sa'yong babae k-ka! Ang g-gagawin mo n-na lang ay i-ipaghanda ako pulpol ka p-pa!" Putol-putol na wika ng ama. Halatang lango na naman ito sa alak dahil hindi man lang nito mapanatili ang pagtayo. Ngunit nagawa pa rin nitong bugbugin ang ina.
"Tay, tama na po!" Pagmamakaawa niya sa ama. Ngunit sa halip na sagutin siya ay malakas na sampal ang natamo niya rito.
"Isa ka pang hinayupak ka! Manang-mana ka sa n-nanay mong p-pulpol!"
"Ate!" Sigaw naman ng kapatid niyang si Ilyana. Mabilis itong lumapit sa kanilang mag-ina saka galit na hinarap ang kanilang ama. "Mamatay ka na! Mamatay ka na!" Galit na galit nitong sigaw.
"Aba't deputa kang bata ka!" Akmang sasampalin rin nito si Ilyana pero sumigaw siya kaya natigilan ito.
"Tama na po, 'Tay! Parang awa niyo na po!" Nanginginig niyang saad.
Mas lalo siyang nanginig nang maramdaman niyang may mainit na likidong dumaloy sa kaniyang palad.
Dugo.
Agad niyang tiningnan ang sahig na ngayon ay may umaagos nang dugo na nagmula sa ulo ng kaniyang ina. Malakas siyang sumigaw.
"Tay, anong ginawa niyo kay Nanay?!" Umiiyak niyang asik bago pinilit na buhatin ang ina. Si Ilyana ay tumulong na rin sa kaniya.
Mayamaya ay may sirena ng pulis silang narinig. Kasunod noon ay napapaligiran na sila ng mga pulis kasama nito si Aling Mamemg at Mang Dodong. Natutop ni Aling Mameng ang bibig nang makita ang kanilang sitwasyon.
"Diyos ko, Carmela! Anong ginawa ni Gardo sa'yo," mangiyak-ngiyak nitong sabi.
Pinosasan ng mga pulis ang kaniyang ama saka hinila palabas ng bahay. Habang nagwawala ito. Ngunit wala na siyang pakialam. Ang kaniyang isipan ay nasa inang nakahandusay.
Binuhat ni Mang Dodong ang kaniyang ina saka isinakay sa tricycle nito.
Nang makarating sa ospital ay kaagad silang dumiretso sa ER. Ngunit hindi na sila hinayaan pang makapasok doon. Iyak ng iyak si Ilyana habang yakap ni Aling Mameng.
Hindi naman nagtagal ay lumabas ang doktor at ipinaliwanag na kailangang maoperahan at masalinan ng dugo ng kaniyang ina. Kinakailangan ng deposito para sa operasyon. Nanlamig ang kaniyang buong katawan nang sabihin nito kung gaano kalaking pera ang kailangan.
Nanlambot ang kaniyang tuhod at napaupo sa sahig. Inalalayan naman siya ni Aling Mameng.
"May kaunti akong pera hija, magbibigay ako para kay Carmela."
Iyak siya ng iyak. Hindi niya alam kung saang kamay ng Diyos siya kukuha ng pera. Tinawagan at itinext niya ang lahat ng nasa contacts niya para humingi ng tulong.
Nakita niyang tumatawag si Melissa kaya naman agad niya iyong sinagot.
"Hello, Melissa?" Paos ang kaniyang boses dahil sa labis na pag-iyak.
"Hey? Are you crying? What happened?" Nag-aalalang tanong nito sa kabilang linya.
"Naospital kasi ang nanay at kailangan ko ng singkwenta mil." Mas lalo siyang naiyak.
"What? Okay, hey, stop crying. May raket ako pero mukhang mas kailangan mo 'yon. So I'm handling it to you." Alok nito sa kaniya.
"A—Ano ba iyon?" Sisinghot-singhot niyang tanong.
"You'll be an entertainer ng isang birthday celebrant,"
Sumikdo ang kaba sa kaniyang dibdib.
"A—Anong gagawin?" Kinakabahan niyang tanong.
"Just entertain the celebrant. You'll be having some drinks with him and do whatever he likes,"
"Paano kung ayain akong. . . makipag-s*x?" Nahihiya niyang tanong. She heard Melissa laughed.
"It's up to you kung papayag ka. Pero iba na ang bayad doon,"
Huminga siya ng malalim. Kaya ba niya? Ipinikit niya ang mata saka huminga ng malalim.
Kailangan niyang kayanin para sa kaniyang ina.