Chapter 10: For The Best

2924 Words
NAIYAK na naman si Mary Ann. Naiinis siya at gustong sabunutan ang sarili. Tatlong linggo na kasi silang hindi nagkikita ni nagkakausap man lang ni Zigfreid... at sobrang nami-miss na niya ito. Kasalanan niya, dahil naging OA ang reaksyon niya sa nasaksihang pagkukrus ng landas nina Zigfreid at Ruth. Napag-isip-isip na niya iyon at inaamin sa sarili. Kung tutuusin ay wala namang malisyoso sa tagpong naabutan niya sa pagitan ng dalawa, kaya hindi na dapat niya pinaabot sa pakikipag-cool-off ang naging pagtatalo nila ng nobyo. Pagtatalong hindi naman dapat nangyari, sa umpisa pa lang. Hindi naman niya magawang makipagbati dahil sa tuwing susubukan ay nauunahan siya ng hiya at awa kay Zigfreid. Na-realize din kasi niya kung gaano kadalas na napag-iinitan niya ito sa nakalipas na ilang buwan. May mga pagkakataong nang dahil lang sa napakaliit na bagay ay nagagalit na siya at inaaway ito. Madalas, napapahiya na ito sa mga kaibigang babae dahil sa tuwing natitiyempuhan niya itong kasama ang mga iyon ay nagmamaldita siya at harapang nanghahamon ng away. Hindi rin niya alam kung ano ang nangyayari sa kaniya. Kung bakit palagi na lang ang mataas na emosyon ang pinaiiral niya imbes na ang tamang katuwiran. Hindi naman siya dating ganoon. Ngayon tuloy, mukhang sumuko na ang fiancé niya at wala nang balak na suyuin siya. “Bakit mo ba ginawa 'yon? Ba't bigla kang hindi nagparamdam? Alam mo bang na-miss talaga kita?” Nasa garden sila ng bahay nina Zigfreid nang gabing iyon. Nakahiga ang lalaki sa picnic mat na inilatag doon at siya naman ay nakaunan sa tiyan nito. Magkasama silang nagsa-stargazing habang nagkukuwentuhan tungkol sa kung anu-ano. Iyon ang way nila para gawing memorable ang unang gabi nila bilang opisyal na magkasintahan. “Baka pagtawanan mo ako kapag sinabi ko.” Napalingon siya sa mukha nito. Mas lalo siyang na-curious nang makitang pulang-pula ang mga tainga nito. “Sabihin mo na. Sige na.” Nilaru-laro nito ang daliri ng kamay niya. “Nakita kasi kitang nakikipagkuwentuhan at nakikipagtawanan kay Geoff doon sa seaside sa Zambales. Eh, noon mo pa lang siya nakilala, 'di ba?” “Kaya... nagselos ka sa kaniya?” hindi makapaniwalang tanong niya. Nagkunwari itong tumingin ulit sa mga bituin bago dahan-dahang tumango. “Hm.” Hindi na siya sumagot. Nanahimik na lang siya para hindi mahalata ni Zigfreid na kinikilig siya. Nang mag-normalize nang muli ang t***k ng puso niya, umiba naman siya ng posisyon at nagsumiksik sa bandang kilikili ng nobyo. “Wala ka namang dapat ipagselos, eh. Balewala naman sa 'kin 'yung kaibigan mong 'yon. Hindi kaya ako madaling ma-in love.” “Well, Geoff is a good catch. Malay ko bang...” Sumulyap ito sa mukha niya, “may gusto ka sa 'kin.” Ipinikit niya ang mga mata upang namnamin ang malamig na simoy ng hangin. “Ganito na lang. I'll promise na mula ngayon, hindi na 'ko magiging seloso. Wala na akong sasayanging pagkakataon para magkasama tayo dahil lang sa pagseselos.” Hinalikan siya nito sa kamay. Nakangiting tumango siya. “Nangangako rin ako.” Bumuhos lalo ang luha ni Mary Ann sa naalaala. Hindi niya matanggap na sumira siya sa pangakong binitiwan nila ni Zigfreid para sa isa't isa. Ano ngayon ang gagawin niya sakaling mapag-isip-isip nga nitong ayaw na siyang pakasalan? Luhaan pa rin siya nang isa sa mga kapitbahay niya ang pumasok sa nakatiwangwang niyang bakuran. “Ay, ayos ka lang ba, ineng?” Agad niyang pinunasan ang mukha. “Oho, Aling Miling. Ano ho bang kailangan n'yo?” “Eh...” Gumuhit ang pag-aalinlangan sa ekspresyon ng ale. “Hihiramin ko lang sana ulit 'yung talyasi mo. Iyong mas malaki kaysa sa akin. Hindi magkasya 'yung niluluto ko eh.” Pasimple siyang napangiwi. Sa bahay siguro nina Aling Miling nanggagaling ang mabahong amoy ng ginisa na nalalanghap niya kanina pa. “Eh bakit nga ho ba ang dami n'yo yatang niluluto?” tanong niya, bahagyang nakakunot ang noo. “Seventh birthday nung bunsong apo ko! Hayaan mo, bibigyan kita mamaya ng menudo.” Naku, kahit huwag na ho! Nginitian na lang niya ito. “Sige ho, sandali lang. Kukunin ko lang 'yung talyasi sa loob.” Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa baitang at akmang aakyatin na ang bahay niya nang tawagin muli ni Aling Miling ang atensyon niya. “Aba, hija! May tagos ka!” Huminto siya sa paghakbang at nagtatakang nilingon ang ginang. Ilang sandaling napaisip siya bago pinagpawisan nang malamig. "MAGPAPANGGAP lang naman kayong mag-boyfriend at girlfriend sa harap nina Mommy at Daddy eh. Kapag nakaharap lang sila." Magkahalong saya at sakit ang naghari sa puso ni Zigfreid sa pagbabalik ng alalahaning iyon; ang araw na hiniling ng kaniyang dalawang matalik na kaibigan ang isang pabor na hindi niya inakalang mapagbibigyan. Isang pabor na inakala niya noong isang malaking kalokohan, ngunit ngayon ay itinuturing na pinakamagandang bagay na nagawa sa tanang-buhay niya. Iyon nga lang ay mukhang ginagantihan na siya ng pagkakataon. Kinakarma na yata siya sa ginawang panloloko noon sa ilang taong importante sa kanila. "Come in," walang ganang aniya pagkarinig ng isang katok sa pinto galing sa labas ng kaniyang silid, na siyang pumutol sa kaniyang pagmumuni-muni. Si James ang iniluwa ng pinto. Agad nitong tinungo ang balcony na kaniyang kinaroonan at tulad niya'y tumanaw rin sa asul na kalawakan. "Akala ni Tita Marissa, natutulog ka. Pinadiretso niya ako rito at gisingin daw kita," mayamaya'y basag nito sa katahimikan. "Hapon na. Ba't nandito ka?" walang tingin-tinging tanong niya. Tila nag-aalangang napabuntong-hininga si James bago muling nagsalita. "I'll go straight to the point, man. Kinukulit ako ni Thea na kumustahin ka tungkol sa inyo ni Mary. It's been three weeks since your cool-off, yet hindi pa rin kayo nagkakaayos. My wife's worried to death about her cousin. Ano nga bang plano mo?” "Ang totoo pare, hindi ko na alam kung anong gagawin ko kay Mary. Apat na taon na ang relasyon namin, pero pakiramdam ko, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakukuha nang buo ang tiwala niya. Hindi pa rin siya naniniwalang talagang mahal ko siya." "So you mean, pababayaan mo na lang? Talagang hindi ka na makikipagbalikan sa kaniya?" Sandaling natigilan si Zigfreid. Ayaw man niyang tanggaping doon lang mauuwi ang pagmamahalan nila ni Mary Ann, sa nakikita niya ay hindi imposibleng ganoon nga ang mangyari. Ang sigurado lang niya sa ngayon ay pagod na siya sa paulit-ulit na isyung pinag-aawayan nila. "Siguro nga, 'yon ang mas makabubuti para sa amin. Isa pa, siya rin naman ang may gusto nito, hindi ba? Ni hindi nga niya 'ko kino-contact.” Iniwasan niyang mapuno ng pait ang pagsasalita. “Kung talagang ayaw na niya sa 'kin, wala na rin namang mangyayari kahit habulin ko pa siya." "Sana lang, sigurado ka sa desisyon mong 'yan. Kasi sa totoo lang, parang hindi ikaw ang Zig na kilala ko. Usually, tatawa-tawa ka lang 'pag inaatake ng pagka-possessive si Mary. You even call her cute. But now... look at you." Iiling-iling na komento ni James. “Para kang babaeng nagtatampo kung magsalita. Talo mo pa si Thea nung naglilihi siya kay Baby Lea, eh.” Nakabibinging katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa ng kaibigan. Alam naman nilang pareho na sa sinabi niya ay ang pride lang niya ang nagsalita. Makabubuti? Sinong niloloko niya? Tatlong linggo pa nga lang ang dumaraan ay halos mabaliw na siya kaiisip kung anong magiging takbo ng buhay sakaling tuluyang mawawala sa kaniya si Mary Ann. Kaunti na lang at malapit na siyang bumigay para suyuin itong muling bumalik sa kaniya. Pero hindi siya sigurado kung iyon ang nararapat. May parte niyang nag-uudyok na pabayaang maputol na ang namamagitan sa kanila ng dalaga dahil habang tumatagal ay nagiging toxic na ang relasyon nila. Umabot na sa puntong pati siya ay nagdududa na sa sariling kakayahan para mahalin ito nang dahil sa taglay nitong pagiging selosa. Naisip din niyang siguro nga, hindi siya ang lalaking para kay Mary Ann dahil hindi siya nagtagumpay na burahin at gamutin ang insecurities na meron ito. Kaya kahit pa mahal na mahal pa rin niya ito at alam niyang magiging masakit para sa kaniya ang gagawin, hahayaan na lang niya itong lumayo sa kaniya at mahanap ang tunay na makapagpapasaya rito. "Pare! Nakikinig ka ba?" Natauhan si Zigfreid sa ginawang pagtapik ni James sa kaniyang balikat. Kanina pa pala itong nagsasalita at ni hindi niya man lang naririnig ang sinasabi. Masyado na namang lumipad ang isip niya. "Sorry?" Napamaang na lang si James at huminga nang malalim bago nagpapasensiyang inulit ang kung anumang sinabi nito kanina. "May party si Rocky mamayang gabi sa bahay niya. Alam kong wala ka sa mood ngayon pero sana, makapunta ka pa rin. Ini-invite niya tayong lahat na mga kabarkada niya. May importante raw silang sasabihin ni Tanya." Napaisip pa si Zigfreid bago tuluyang tumango. "Sige. Pupunta ako." "CHEERS!" Sabay-sabay na tinungga ng magkakaibigan ang cocktail drink na nasa kani-kanilang shot glass. Halos makumpleto na ang barkada nang gabing iyon sa kasiyahang pinasimunuan nina Rocky at Tanya na dinaluhan naman nina James, Thea, Zigfreid at ng tatlo pang kaibigan ng party hosts. Tanging si Mary Ann lang ang hindi dumating. “She's not coming. Nag-text sa 'kin, masama raw ang pakiramdam.” Mula sa paglinga-linga sa paligid ay napabaling siya kay Thea. Ngumisi ito at umupo sa sofa, katabi niya. “Hindi ko naman tinatanong.” “Nagmamagandang-loob lang ako.” Nagkibit-balikat ito. “Kung 'di ko sasabihin sa 'yo, I'm afraid you'll turn into an ostrich any moment from now.” “Palagi ka namang nagmamaganda, eh.” Matipid siyang tumawa bago inabot ang isang may lamang shot glass mula sa center table. “Kulang ka lang sa tagay.” Nakangiwing iwinagayway ng babae ang dalawang kamay sa ere. “Juice lang muna for me. I'm a lactating woman, remember?” Amazed na napangiti siya. Halos hindi siya makapaniwalang ang isang party girl at spoiled brat na kagaya ni Thea ay papasa bilang isang ulirang ina. Tiyak na lalo na si Mary Ann. Sigurado siyang magiging mabuting ina rin ito balang-araw. I wish I could witness that. “Whatever, Mommy Thea. Maiwan na nga muna kita riyan.” Lumakad siya at magdidire-diretso na sana patungo kina James at Rocky kung hindi siya hinabol ng paalala ni Thea. “Hoy! 'Wag kang masyadong mag-inom, ha? Ayaw ni couz na nalalasing ka.” Nilingon lang niya ito saglit at tinanguan. SA paglalim ng gabi ay tuloy lang sa pagsasaya ang lahat maliban kay Zigfreid. Pinakikinggan lamang niya ang ingay ng mga nalalasing na niyang kaibigan at ang malakas na tunog na nanggagaling sa karaoke machine na puro si Tanya lang naman ang nagpapasasa, habang patuloy na nilulunod ang sarili sa iniinom na alak. Kahit ano kasing gawin niya ay hindi pa rin tumitigil si Mary Ann sa pagsagi sa isip niya. Hungkag na hungkag ang pakiramdam niya dulot ng pagkawala ng babae. "Hindi naman pala totoong nakalilimot ang kalasingan." Natawa siya sa sariling sinabi. Ilang bote na kasi ang naitutumba niya pero hindi pa rin siya tinatamaan. "Nakita ko nung isang araw 'yung post ni Geoff sa sss. Ang loko, mukhang pinopormahan na kaagad si Mary! Wala pa ngang isang buwang nagiging single 'yung tao eh!" Ang sinabing iyon ni Thirdy ang tumawag sa pansin niya. Tatawa-tawa pa ang binata sa ikinukuwento nito. Palibhasa ay lasing na kaya siguro hindi na nito naisip ang mararamdaman niya bago sabihing may ibang lalaki nang umaaligid sa ex-fiancée niya. Pero iba ang sitwasyon pagdating kay Rocky. Mukhang nasa katinuan pa ito dahil nagawa pa nitong sipain ang isang paa ni Thirdy sabay pasimpleng inginuso ang direksyon niya. Pilit ang naging tawa niya nang mapansing pinagtitinginan na siya ng lahat ng taong nakapaligid sa kaniya. "What? Sige lang, don't mind me. I'm just her ex-fiancé, remember?" Ex. Iyon na lang ba talaga ang papel ko sa iyo ngayon? Wala na ba 'kong karapatang maramdaman itong selos na nararamdaman ko? Selos. Heto na naman ang tusong damdaming iyon. Ngayon na lang ulit siya tinamaan ng pagseselos. Ngayon na lang ulit niya naramdaman ang sakit na dulot niyon; ang mapraning sa isiping ang taong mahal niya at dati ring nagmahal sa kaniya ay mapupunta na sa iba at tuluyan na siyang kalilimutan. Mahigpit niyang hinawakan ang bagong bukas na bote ng wine bago tunggain ang laman niyon, sa pagbabaka sakaling maiibsan ang kakaibang kirot na bumalot sa puso niya. Nagagalit siya sa nangyayari. Nagagalit siya sa sarili. He should know kung gaano nasasaktan si Mary Ann sa tuwing maiisip nitong ipagpapalit niya ito sa ibang babae. Mas inintindi sana niya ito, imbes na pumasok pa sa isip niyang sumuko at ipaubaya na lang ito sa iba. Damn my stupid self! "Mary! I thought you're not coming? Buti at nakarating ka." Awtomatikong kumalma ang sistema ni Zigfreid pagkarinig sa pangalang binanggit ni Tanya. Nang lingunin niya ang direksyon ng mga ito ay nakita nga niya ang mukha ng babaeng mag-iisang buwan na niyang hinahanap-hanap. Ng babaeng kasalukuyang nakikipagbatian kina Thea at Tanya. Hindi niya inalis ang tingin kay Mary Ann kahit noong mapansin niyang luminga-linga ito at mapapatingin sa kaniya. Agad itong nag-iwas ng tingin sa sandaling magtama ang mga mata nila, pagkatapos ay pasimpleng bumulong kay Thea. "Sa wakas, buo na ang gabi ko." Hindi man pinansin ni Mary Ann ay napangiti na rin si Zigfreid. Masaya na siyang pagmasdan ito sa malayuan. Nilubayan na rin niya ang pag-inom. Tama si Thea, hindi ikatutuwa ng pinsan nito ang ginagawa niya. "GUYS, alam naming malaki ang parte ng dabarkads sa love story namin ni Tanya, kaya gusto naming isa kayo sa unang pagsabihan," panimula ni Rocky sa importante daw na announcement nito. Mag-iisang oras nang nagsimula ang party pero ngayon pa lamang iyon sasabihin. Ayon kay Tanya na tuwang-tuwang sumalubong sa pagdating ni Mary Ann, hiniling daw talaga nito sa boyfriend na ipagpaliban ang announcement dahil nagbabaka sakali itong hahabol siya sa pagtitipon. Gusto raw ng babaeng makumpleto sila. "Pa-suspense ang mokong! Ano na?" pabirong sigaw ng isang kabarkada nilang si Duday na ikinatawa ng lahat. "Babe, do the honors." Agad na tumalima si Tanya kay Rocky at iniangat sa ere ang left hand nito. "Ikakasal na kami!" Mapait na napangiti si Mary Ann sa kabila ng kagalakan para sa mga kaibigan. If I haven't screwed things up, gan'yan din sana kami kasaya ni Zig ngayon. Awtomatikong hinagilap ng paningin niya ang dating kasintahan, para lang umiwas nang madiskubreng nakatitig din ito sa kaniya. Si Zigfreid naman talaga ang ipinunta niya roon. Hindi niya nagawang paglabanan ang matinding pagka-miss sa binata kaya sa huli ay um-attend pa rin siya sa party para lang makita ito kahit saglit. Pakiramdam niya'y 'yon na lang ang tanging pagkakataong makakasama niya ito. Sinabi na lang niya sa mga nagtanong na umayos na ang pakiramdam niya kaya nag-decide siyang pumunta na rin doon. “’Di mo natiis, ‘no?” biglang bulong ng katabi niyang si Thea na saglit lumingon kay Zigfreid. “Why don’t you guys just reconcile? Pinahihirapan n’yo lang ang mga sarili n’yo, eh.” Halos hindi niya naintindihan ang sinabi nito dahil iba ang concern niya. “Pakisabihan mo ngang huwag masyadong uminom,” hindi nakapagpigil na pakiusap niya. “Magmamaneho pa pauwi iyan, eh.” “Ba't ako? Ako ba ang jowa n'yan? At ako rin kaya ang dahilan kung bakit nagpapakalasing 'yan?” Tumaas ang kilay ni Thea sa pagtataray. “To be honest, couz, para kayong tanga! Hindi pa magbalikan, eh, patay na patay naman sa isa't isa!” Iniba na lang niya ang usapan kaysa patulan ang pinsan. “Maaga kayong uuwi ni James, hindi ba? Pasabay, ha? Ayoko rin kasing magpagabi, eh.” Pumayag naman agad si Thea. Ipinagpilitan pa nitong sa mismong bahay na siya ihahatid, taliwas sa plano niyang mag-taxi na lang mula sa tirahan ng mga ito. Wala naman daw problema kay James kung mapalayo nang kaunti at hindi rin daw papayag ang lalaki na iwan pa siya sa daan. Ganoon nga ang naging kasunduan nila, kaya nang oras na para umuwi ay nagpatiuna na siya sa sasakyan ng mag-asawa habang kino-congratulate pa ng mga ito ang mga ikakasal. Nahihiya kasi siyang magpahuli-huli, bukod pa roon ay sadyang hindi na niya mapigil ang antok. Kaya naman nagulat pa siya nang sumulpot sa daraanan niya si Zigfreid mula sa kung saan. "Mary... puwede ba tayong mag-usap?" NAKASANDAL lang si Zigfreid sa pinto ng kaniyang kotse at hinihintay ang paglabas ni Mary Ann sa bahay ni Rocky. Buo na ang pasya niya. Gagawin niya ang lahat upang magkaayos sila bago matapos ang gabi. Tumuwid siya ng tayo nang makitang papalapit ang pinakahihintay. Hinarangan niya ang daraanan nito. "Mary... puwede ba tayong mag-usap?" "Makikisabay lang ako kina Thea," hindi makatinging tanggi nito sa kaniyang pakiusap. "Kailangan ko nang umalis." "Ako na lang ang maghahatid sa 'yo," maagap niyang sagot. "Hindi pa naman ako lasing. I-I can drive you home safely. Just... just talk to me first. Please?" Desperation will be heard in his voice. Alam niyang malayo na sa personality niya ang ginagawang iyon ngunit wala na siyang pakialam pa. Pagdating kasi kay Mary Ann ay sadyang tumitiklop siya. Nagiging mahina. At kung ang pagiging mahina ang paraan para bumalik sa kaniya ang babaeng minamahal, gagawin niya. "Anong pag-uusapan natin?" matapos siyang titigan ay tanong nito, sa nagmamatigas pa ring tinig. Mataman niya itong tinitigan sa mga mata at masuyong hinawakan ang mga kamay nito bago sambitin ang mga katagang idinidikta ng kaniyang puso. "Huwag mo akong iwan. Please, bumalik ka na sa akin... mahal."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD