Chapter 12: Ghosts

3471 Words
Three months later... “KAY tagal nang ako'y dumadalangin kung kailan ba sa akin ay darating. Isang tulad mo na para sa akin, at sa habambuhay ay aking iibigin. Nang mamasdan ka ay may ibang nadama. Nabuhay muli ang isang pag-asa. Nasabing ikaw at wala nang iba ang hinihintay kong makita.” Kumunot ang noo ni Zigfreid pagkarinig sa kantang pinatutugtog ni Ate Ruby. Napahinto siya sa tangkang pagkuha ng pitsel sa ref at nakasimangot na nilingon ang naglulutong kasambahay. “Nagsi-senti ka na naman, 'Te Ruby? Uso na upbeat songs ngayon. Pal'tan mo na playlist mo,” naba-bad trip na pangingialam niya. “Naku, wala akong hilig sa mga gano'n! Mas gusto kong mag-emote.” Hindi na niya ito pinatulan. Nagsalin na lang siya ng malamig na tubig sa hawak na baso at nilaklak iyon. “Mukhang mainit ang ulo mo, ah? Hindi ka sinipot ng ka-date mo, ano?” “Si Jade, hindi sisipot sa 'kin? Eh, patay na patay sa 'kin ang isang 'yon,” pagyayabang niya. Naiiling na dumiretso siya sa lababo para ilagay roon ang ginamit na baso. Kung alam lang ni Ate Ruby na siya ang nag-back out sa dapat na paglabas nila ng babae sa araw na iyon. Almost two months na rin mula nang magkita silang muli ni Jade minsang naimbitahan ito ng boss nila sa anniversary party ng kompanya. Buong-akala niya ay pamilyado na rin ang babae kagaya ng karamihan sa mga kaibigan at katrabaho niya, pero dalaga pa pala ito. Kung mayroon mang nagbago rito, iyon ay ang mga pananaw nito sa buhay. Mas matured na ito at angkop sa edad kung kumilos at mag-isip. Hindi na ito ang dating flirt na nakilala niya. Mahigit sa tatlong beses na niyang nakaka-date si Jade. Noong una ay okay naman, pero habang tumatagal ay nagsasawa na siya. Pakiramdam niya ay nagsasayang lang siya ng oras sa pakikipagmabutihan sa babae. Patunay nga noon ang pagdadahilan niyang nagka-migraine para lang hindi matuloy ang dinner date nila, na ito ang nagyaya noong makalawa. “Hindi mainit ang ulo ko. Hindi ko lang talaga trip 'yang mga kantahan mo.” Though I used to love that specific song you're playing. Natulala siya sa naisip. Kabisado niya ang kantang iyon dahil kay Mary Ann. That was their theme song. Hindi na niya mabilang kung ilang beses niya iyong inawit para sa ex-fiancée noon sa tuwing naglalambingan sila. Nang matauhan ay ipinilig niya ang ulo. Hangga't maaari, ayaw na muna niyang maalaala si Mary Ann sa ngayon. “O siya, wala na akong sinabi. Mabuti pa, maghintay ka na roon sa dining at malapit nang maluto itong pochero,” anang boses ni Ate Ruby na nagpabalik sa kaniya sa kasalukuyan. “Sorry Ate Ruby, pass muna ako sa hapunan. Sina Mommy na lang muna ang pakainin mo.” Nabasa niya sa mukha ng kasambahay na magpoprotesta pa ito sa sinabi niya kaya mabilis na siyang nagtungo sa kaniyang silid. Makalipas lang ang halos kalahating oras ay kasunod na niya roon ang kaniyang ina, na hindi naghintay ng pahintulot niya bago pumasok. "Son, hindi ka raw nag-dinner sabi ni Ruby. Why?" Napatuwid ng tayo si Zigfreid. Kumunot ang noo ng mommy niya nang mapadako ang tingin sa tangan niyang sigarilyo kaya agad niyang pinatay ang sindi niyon. "Hindi lang ako gutom, 'Ma. Besides, it's not the first time I missed a meal. Why do you ask?" may pagtatakang naitanong niya. Madalas itong walang pakialam sa daily habits niya. Kahit nga sa mga araw na kumakain siya ay madalang niya itong makasabay. Ni hindi siya sigurado kung ngayon lang siya nito kinumusta kay Ate Ruby o nakagawian nitong gawin iyon nang hindi niya nalalaman. "Am I not allowed na kumustahin ang panganay ko?" Nakangiting nilapitan siya ng ina sa balcony at iginiya paupo sa kama. "Alam kong may problema ka. Tungkol ba kay Mary? Kung hindi pa mababanggit sa akin ni Ruby, hindi ko pa malalamang naghiwalay kayo ng kasintahan mo. I also heard, may ibang babae ka na raw na idini-date ngayon." Saglit na natilihan si Zigfreid. When was the last time his mother talked to him that intimately? Hindi na niya maalaala. “Ano ba'ng nangyari? I thought, magpapakasal na kayo ni Mary?” “Mom, kung puwede, 'wag na lang po nating pag-usapan. All you need to know is that wala na pong magaganap na kasalan sa pagitan namin.” Under different circumstances, siguradong masisiyahan siyang pahabain ang masinsinang pag-uusap nila ng mommy niya, na ngayon na lang yata ulit nangyari mula nang mamatay ang daddy niya. Pero hindi sa pagkakataong iyon na ang dating kasintahan niya ang gusto nitong pag-usapan. Sa tuwing mauungkat kasi ang tungkol sa nakaraan nila ng babae at ang nagtulak sa kaniya para tuluyang bumitiw rito, hindi niya maiwasang mapuno ng pait ang kaniyang kalooban. “Iyon ba talaga ang dahilan, o nagsisinungaling ka lang? Baka naman meron ka nang iba? Posible bang… mayro’n nang ibang gaganap sa papel ko sa buhay mo, kaya ayaw mo na ‘kong tanggapin ulit?” He totally didn't mean to say those words. Ayaw niyang pagdudahan ang pagmamahal ni Mary Ann para sa kaniya. Nasabi lamang niya iyon dahil talagang nabablangko na ang utak niya dulot ng mga nangyayari. Kaya naman lubos niyang ikinagimbal ang naging tugon nito. “Ang ibig mong sabihin… isang taong pipiliin kong makasama habambuhay? ‘Yung magbibigay sa akin ng lakas at magsisilbing dahilan ko para magpatuloy sa buhay? Oo, Zig. Meron nang iba bukod sa ‘yo.” Akala niya ay palaging magiging tapat sa kaniya si Mary Ann. Nagtiwala siya sa pangako nitong walang ibang lalaking mamahalin kung hindi siya lamang. Ngunit ano ang ginawa nito? Ipinagpalit siya sa itinuring niyang kaibigan matapos siyang paghinalaang gumagawa ng kalokohan. “Galit ka ba sa kaniya?” tanong ni Mommy Marissa habang nakatitig sa kamay niyang nakakuyom na pala. Nang hindi siya makasagot ay inulit nito ang tanong. “Galit ka ba kay Mary, o nasaktan ka lang sa kung anuman ang nagawa niya?” “Hindi n'yo naman po alam ang nangyari, kaya paano n'yo nasasabi 'yan?” Sinadya niyang iwasang sagutin ito dahil ayaw niyang amining sakto ang pagkakahula nito sa nararamdaman niya. “Alam ko dahil ganiyan din ako. At siguro dahil na rin sa paraan ng pagpapalaki ko sa 'yo, nakuha mo ang ugali kong 'yan.” Tiningnan niya si Mommy Marissa sa paraang nagpapakitang hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin, kaya agad itong nagpatuloy. “When your dad died, I got deeply hurt, to the point na parang ayaw ko nang magpatuloy sa buhay. Bukod do'n, natakot din ako. Hindi ko kasi alam kung paano palalakihin kayong tatlong mga anak ko nang ako na lang mag-isa. Pero sa kabila ng lahat, ayoko ring makita ninyo ang misery ko. Ayokong isipin n'yong mahina ang mommy ninyo. Kaya nagtapang-tapangan ako sa harap n'yo, lalo na sa 'yo. Gusto kong ikaw bilang panganay ang tumayong padre de familia kapalit ng daddy mo. I thought, kapag nagawa mo iyon, mayroon na akong makakatuwang sa buhay at hindi ko kailangang pasanin ang lahat ng bigat. I wanted you to set a very good example to your two younger siblings, kaya sobra akong na-disappoint nang mas pinili mong maging isang hamak na book illustrator sa isang publishing company imbes na sundan ang yapak ng daddy mo sa pag-aabogado. Minaliit kita at ang pangarap mo. Hindi ko agad naisip noon na naging mabuting halimbawa ka na sa mga kapatid mo sa ginawa mong paninindigan sa kung ano ang gusto mo sa kabila ng pagtutol ko. I was too proud to admit I was wrong, kaya hindi ko tuloy nasabi kung gaano ako ka-proud sa mga naabot mo.” Hindi makapaniwala si Zigfreid. Nakikita rin naman pala ng mommy niya ang lahat ng mga pagsisikap niya sa buhay. Ngayon lang niya narinig na sinabi nito iyon sa loob ng mahigit dalawang dekada. “'Wag mo akong tularan, anak. 'Wag mong hayaang madaig ng mga negatibong emosyon ang pagmamahal na nand'yan sa puso mo. 'Tapos, nandadamay ka pa ng ibang inosenteng tao.” Tinapik ni Mommy Marissa ang balikat niya. “I may not know kung ano ang eksaktong dahilan ng paghihiwalay n'yo ni Mary, pero nasaksihan ko kung paano at gaano n'yo minahal ang isa't isa sa nakalipas na apat na taon. I think it's enough for me to urge you na pag-isipang mabuti kung talagang gusto mo na siyang bitiwan.” “But it's her who left me, Mom. Hindi naman ako ang naunang sumuko sa amin.” Ngumiti lang si Mommy Marissa at inihagod ang hinlalaki sa kaniyang pisngi. “Basta, anak, whatever your decision will be, susuportahan kita. Ayoko lang na meron kang pagsisihan sa huli.” “'WAG na kaya kitang ahitan? Lalo kang guguwapo kapag luminis ang mukha mo, eh,” nakangiwing ani Mary Ann na huminto sa tangkang pagdampot ng pang-ahit. Dinala ni Zigfreid ang nobya sa bahay niya nang araw na iyon. Bagama’t pansing naka-recover na ito kahit paano sa pagkawala ni Lola Eming apat na buwan ang nakararaan ay hindi pa rin niya itinigil ang nakasanayan nang pagpapalipas ng weekends kasama nito, whether in her place or his. Ngunit bumaliktad yata ang ikot ng mundo, ‘pagkat karaniwa’y siya ang nag-aasikaso sa babae ngunit ngayon ay ito ang presintadong gumawa noon para sa kaniya. Pagdating pa lang nila sa bahay ay sa kusina agad ito dumiretso para ipagluto siya ng pochero. Sinadya pa nito sa pamilihan ang mga rekado para doon dahil alam nitong iyon ang paborito niya. At ngayon ngang katatapos lang niyang mag-shower, pinaupo siya ni Mary Ann sa isang silya sa terasa kung saan daw nito tatanggalin ang lumalago niyang balbas. “Bakit, napapangitan ka ba sa ‘kin kapag may balbas at bigote ako? And, won’t you like it once I become more handsome?” naaaliw na sakay niya sa batid na biro lang nito. “Gusto ko, s'yempre. Kaso, maraming ibang babae ang maa-attract din sa ‘yo. Pero kapag naging kamukha mo na si Tata Lino, siguradong ako na lang ang mapopogian at magtitiyaga sa ‘yo.” Napahalakhak ito sa sariling biro habang siya nama’y biglang natulala. May kung anong init na humaplos sa puso niya sa ‘di tuwirang sinabi ng kasintahan na kahit ano pang kaniyang maging hitsura ay mamahalin pa rin nito. Nang makabawi ay sumilay ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi. Effortless talaga kay Mary Ann ang pagkiliti sa damdamin niya. “You make me so curious, Mary,” wala sa sariling naiusal niya. “Why do you love me so much despite my countless imperfections?” Napagdiskitahan niyang kalikutin ang ribbon ng hair band nitong suot bago pakatitigan ang kabuuan nito. Kahit sa simple lang na suot nitong oversized shirt, walking shorts at naka-bun na buhok ay namamangha pa rin siya sa taglay nitong ganda. “Anong imperfection? Nasa’n?” Hinawakan nito ang mukha niya at inilinga-linga na animo may kung anong hinahanap. “Wala naman, ah?” Nang bumitiw ay ubod-tamis siya nitong nginitian, bago dinutdot-dutdot ang baba niyang kanina pa babad sa shaving cream. “Ito lang ang countless. Itong mga nakakakiliting balahibong ‘to!” Pinanggigilan pa ng nobya ang magkabilang pisngi niya. “Sige na nga, alisin na natin.” Naputol ang pagdaloy ng mga alaala sa isip ni Zigfreid nang makaramdam ng hapdi sa kaniyang baba. Tila nahahapong tuluyang binitiwan niya ang razor nang madiskubreng nahiwa na naman niya ang sarili sa hindi na mabilang na pagkakataon dahil sa paglalakbay ng kaniyang isip sa nakaraan. He smiled bitterly upon staring at the bleeding wound from his mirror image. Nagsimulang mamasa ang mga mata niya nang waring mamanhid ang sugat at lumipat ang sakit sa kaniyang puso. Matapos siyang pagpayuhan ni Mommy Marissa ay nabuksan ang isip ni Zigfreid. Nagawa na niyang harapin ang pinagdaraanan sa tamang paraan at aminin sa sarili na hindi siya okay. Tila siya isang manlalakbay na nawawala at hindi alam kung paano makararating sa dapat patunguhan. At sa kabila ng pagtataboy na ginawa nito sa kaniya, umaasa siyang si Mary Ann pa rin ang magbabalik sa kaniya sa tamang landas. Naglalaro din sa isipan niya ang mga sinabi ni Mommy Marissa tungkol sa kung paano at gaano sila nagmahalan ni Mary Ann. Their love was pure and overflowing. Labis-labis niyang minahal ang babae at alam niyang ganoon din ito sa kaniya. Naramdaman niya ang sinseridad sa lahat ng ipinakita at ginawa nito para sa kaniya sa nakalipas na apat na taon. Ngayong napagtanto niya iyon ay parang natutukso tuloy siyang isiping nagsinungaling lang ito sa kaniya nang sabihing mayroon na itong ibang mahal. Na sinadya nitong pasakitan ang damdamin niya para lang tuluyan na niya itong layuan. “Mahal pa rin kita. Ayoko lang hintaying masaid ang pagmamahal mo dahil sa kapraningan ko. Ikasisira ko k-kapag dumating 'yung araw na nawala na ang ningning sa mga mata mo t'wing titingnan ako. Kaya maghiwalay na lang tayo, habang maganda pa ang pagtingin natin sa isa't isa.” Bakit ba hindi niya kaagad naisip iyon? Bakit hinayaan niyang pangunahan siya ng hinanakit at pag-aalinlangan? May pagmamadaling lumapit si Zigfreid sa bedside cabinet at kinuha ang cellphone doon para mag-dial ng numero. Isa lang ang paraan para malaman ko ang katotohanan. "HAYAN, nailagay ko na 'yung mga prutas sa ref. 'Yung gatas naman saka vitamins, iniwan ko lang sa mesa. Kainin at inumin mo lahat 'yon, ha?" Napakunot-noo si Mary Ann sa sandamakmak na bilin ni Thea, pagdaka'y napangiti. "Oo na! Kung makabilin naman 'to! Pero, hindi naman kailangang bilhan mo ako ng kung anu-ano at puntahan pa rito sa bahay ko. Nakahihiya na sa 'yo, Thea." "Hay, naku! Huwag mo na akong pagbawalan. Maliit na bagay lang naman, eh. Para kang others! Besides, I won't be me and you won't be you kung hindi natin ito gagawin sa isa't isa, 'no!" "Sige na nga, hindi na ako makikipagtalo." "Oh, paano? Uuwi na 'ko, baka nami-miss na ako ng mag-ama ko. Mag-iingat kayo rito ng inaanak ko, ha?” paalam nito sabay haplos sa nakaumbok niyang tiyan. “Balik ako next time with Baby Lea.” Hindi siya nakasagot agad dulot ng negatibong emosyong dumaan sa kaniyang puso. Nagsalita lamang siya nang mapansin ang muling pagguhit ng awa sa mga mata ng pinsan. "S-sige, salamat na lang sa... sa pagdalaw at sa mga pasalubong." Hinatid niya ito hanggang sa tapat ng bahay kung saan naka-park ang kotse nito. Pasakay na ito roon nang lingunin siya. "Couz, sigurado ka na ba talaga rito sa desisyon mong pagtaguan si Zig? Ayaw mo talagang ipaalam sa kaniya ang tungkol sa baby n'yo? Kapag nalaman niya, I'm sure matutuwa siya at paninindigan ka niya." “Sa ngayon, oo. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan siya maninindigan at magiging masaya sa piling ko? Paano kung isang araw, magsawa siya at magdesisyong iwan kami ng anak ko?” Bumuntong-hininga si Thea. “Dahil pa rin ba kay Tito Anton kaya ka nagkakagan'yan?” Hindi siya nakapagsalita nang banggitin nito ang pangalan ng papa niya. Para iyong isang magic word na isang banggit lang ay awtomatikong napabalik ang madilim na parte ng kabataan niyang pilit mang ibaon sa limot ay parang multo pa ring umuusig sa kaniyang kalooban sa tuwina. “Aalis ka talaga, ha?! Aabandunahin mo talaga kami ng anak mo? Anong klase kang ama, Anton?! Paano ko ipaliliwanag kay Mary kung bakit pagmulat niya bukas ay wala na siyang papa na kagigisnan?” “Ayoko na, Luisa. Pagod na akong magpanggap sa harap ng bata na masaya tayong pamilya kahit hindi naman talaga. Kahit matagal na nating hindi mahal ang isa't isa. Ayokong kamuhian tayo ng bata at magrebelde paglaki niya kapag nalaman niyang nagsinungaling tayo sa kaniya. Para din ito sa ikabubuti niya kaya huwag mo na 'kong pigilan.” Iyon lang ang lihim na napakinggan ni Mary Ann sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng mama at papa niya nang maputol ang tulog niya isang kalaliman ng hatinggabi. Sumunod na niyang nasaksihan mula sa may pintuan ng kuwartong pinagkukublihan ang paglabas ng ama sa bahay nila at paghagulhol ng inang naiwan sa sala. Nang mismong sandaling iyon ay hindi pa naintindihan ng musmos niyang isip kung ano ang kahulugan ng pangyayaring nasaksihan. Unti-unti lamang niyang naunawaan ang lahat sa loob ng dalawang taong dumaan na tanging ang Mama Luisa at Lola Eming na lang niya ang kasama niya at nagpalaki sa kaniya. Sa edad na siyam ay naranasan ni Mary Ann ang magpalipat-lipat ng tirahan. Apat na araw sa isang linggo sa mama niya at tatlo naman sa poder ng kaniyang papa at madrasta kasama ang anak nito sa pagkadalaga. Para siyang isang bolang pinagpapasa-pasahan. Ngunit dahil hindi sila naging magkasundo ng kaniyang stepsister, dumating sa puntong pinasasaglit na lamang siya ng ama para kumuha ng sustento mula rito at hindi na siya inoobligang maglaan ng oras para makasama ito. Ang masama roon, madalas ay ang madrasta lang niya ang humaharap sa kaniya at nag-aabot ng pera. Lagi nitong idinadahilang umalis ang papa niya kahit na minsan ay nasilip niya itong nakatanaw lang sa kaniya mula sa bintana. Namuo ang sama ng loob sa dibdib niya kasabay ng pagdami ng mga tanong sa isip niya. Bakit ipinagpalit sila ng papa niya sa ibang pamilya? Bakit tila siya namamalimos ng oras at pagmamahal mula sa sariling ama? Bakit parang mas pinapaburan pa nito ang anak ng bago kinakasama, na akala mo'y siya ang anak sa labas? Ilan lamang iyon sa mga katanungang kinimkim ni Mary Ann sa kaniyang puso at hindi pinangahasang hanapan ng sagot mula sa kaniyang Papa Anton at lalo na kina Mama Luisa at Lola Eming. Wala siyang maipipintas sa pag-aarugang at pagmamahal na ibinuhos ng dalawa sa kaniya, kaya ayaw niyang isipin ng mga itong nakukulangan siya sa presensiya ng mga ito. Hindi niya nais pasakitan ang damdamin ng mga ito. Nahinto sa paglalakbay ang isip niya nang hawakan siya at marahang yugyugin ni Thea sa magkabilang balikat. “Mary, hindi naman ganoong klaseng lalaki---” “Tama na, Thea. Ayoko nang marinig 'yan.” Sumusukong binitiwan siya nito. “Okay, fine. But please, pag-isipan mo ulit kahit sa sarili mo na lang. For your child's sake.” Naiwan siyang nakatulala sa papalubog na araw nang tuluyang umalis si Thea; nahulog sa malalim na pag-iisip sa mga napag-usapan nila. Pumasok sa kaniyang isip ang nakangiting imahe ni Zigfreid. Na-miss na naman tuloy niya ang dating kasintahan dahil sa mga pinagsasasabi ni Thea. Nanariwa sa kaniya ang masayang nakaraan at magandang plano para sa kinabukasan sana nila. Maayos na sana ang lahat. Magpapakasal sila at bubuo ng isang masayang pamilya kasama ang batang isisilang niya. Ngunit ang magandang pangarap na iyo'y tila naging isang bangungot nang magising siya sa katotohanang nasasakal lang ang lalaki sa pagmamahal niya. Naghihirap ito nang dahil sa kaniya. Kung natuloy ang kasal nila, malamang na mauwi rin sila sa hiwalayan gaya ng kinahantungan ng mga magulang niya. Iyon ang pinakahuling nanaisin niyang mangyari. Natatakot siya para sa magiging anak. Nangangamba siyang pagdaanan din nito ang hirap at sakit na dinanas sa kaniyang kabataan. Ayaw niyang lumaki at umasa ito sa isang tahanang may huwad na liwanag at kabuuang hindi rin magtatagal, kaya mas mamatamisin na niyang imulat ito sa mundo nang walang amang kalalakhan sa simula pa lang. Siya na lang ang mag-isang magtutustos sa lahat ng pisikal at emosyonal na pangangailangan nito. Hindi niya hahayaang dumating ang puntong maramdaman ng bata na hindi ito gusto ng sariling ama. Hindi siya makapapayag na magaya ang anak sa kaniya. Sa ganoong paraan ay hindi lang ang supling ang mapoproteksyunan niya sa posibilidad ng habambuhay na pagdurusa kundi maging si Zigfreid, ang nag-iisang lalaking mamahalin niya habang siya'y humihinga. Tama ito sa sinabi noon kay James. Makabubuti talaga rito ang mawala na siya sa buhay nito, dahil kung kapiling siya ay hindi nito mahahanap ang babaeng mas higit na nararapat para dito. Napatunayan niya iyon sa isang impormasyong napilit na makuha mula mismo kay James. “You're right, Mary. Mukhang nag-decide na si Zig na kalimutan ka. Ang huling balita ko, nagdi-date na sila ng dating katrabaho niya.” Sa nalaman ay tuluyan nang gumuho ang matagal na niyang yumayanig na mundo. Ang ibig sabihin lang kasi niyon ay unti-unti na talaga siyang mabubura at makalilimutan sa mga susunod na pahina ng aklat ng buhay ni Zigfreid. Masakit isipin. Sobrang sakit, pero kahit paano ay panatag na rin siya. Posible pala iyon; ang makadama ng kapanatagan sa kabila ng labis na kalungkutan. Hindi bale nang siya ang masaktan. Ayos na rin kahit hindi nangyari ang lahat sa buhay niya ayon sa kaniyang mga pinangarap at ipinanalangin. Handa siyang magsakripisyo matiyak lang na maibibigay niya ang pinakamabuti para sa kapakanan ng dalawang taong pinakaiibig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD