Chapter 8: The Promise

1205 Words
HABANG UNTI-UNTING nawawalan ng pag-asa si Thunder na muling babalik si Angela para tuparin ang ipinangako nito ay isang hindi naman inaasahang pangyayari ang bumungad kay Angela. Nasa paraiso siya at dinadama ang ihip ng hangin nang hindi niya inaasahang sa pagbalik ng ibong maya ay may dala-dala pa itong isang papel. Mas malaki iyon kumpara sa papel na sinulatan niya ng tula. Nang tuluyan itong makalapit sa kaniya ay saka ibinagsak ng maya ang papel sa harapan niya. At walang anu-ano'y pinulot niya iyon, at kahit hindi niya pa man iyon nakikita ay agad na tumibok ang puso niya. At malakas ang kutob niya na para sa kaniya ang papel na 'yon. Isang pagbuntong hininga ang pinakawala niya bago pa man buklatin ang papel na 'yon. At sa kaniyang pagbuklat ay naging malinaw sa kaniya ang dahilan kung bakit ibinigay iyon ng ibong maya sa kaniya. Dahil iyon ang iginuhit na mukha ng isa sa mga suspek na pumatay sa pamilya ni Thunder. Kaya sa isang iglap ay maluha-luha siyang napatanaw sa paligid habang sinasambit ang pangalan ni, "Thunder.." Napapikit pa siya sa isipin kung paano alalahanin ang magandang ngiti ng kaibigan noong bata pa sila. At kung paano ito umaasa ngayon na makakamit ang hustisya sa kamay niya. Ngunit, lingid sa kaniyang kaalaman na iyon pala ay ibinilin ni bathala upang matupad niya ang kaniyang ipinangako kay Thunder. Nais niya sanang kausapin ang maya subalit nakalipad na ito palayo. Hanggang sa hindi niya namalayan ang boses na bumungad sa kawalan. "Angela, makinig ka." Doo'y bahagya siyang napalingon kung saan ay malakas niyang narinig ang boses. "Kagaya nang una kong sinabi ay maaari mo pa rin siyang matulungan kahit na wala ka sa lupa." Doon na namuo ang kaniyang pagdududa na baka may kinalaman si bathala kung paano napunta sa kaniya ang puting papel na iyon na may nakalakip na guhit ni Thunder. "Ibig sabihin ay ikaw ang gumawa ng paraan para mapunta ito sa akin?" pagkaklaro niya. "Tama ka, kahit hindi mo sabihin sa akin ay alam kong tapat ang hangarin mong matulungan ang mortal na 'yon. Ngunit ipinaaalala ko lang sa'yo na hindi ka maaaring umibig sa kaniya." "Panginoon, dala-dala ko po kahit saan ang bilin mo. At makakaasa kang gagawin ko lang ang kung anong alam kong tama." "Angela, pero sa puntong ito hanggang sa araw na aking itatakda ay hindi muna kayo maaaring magkita sa kabila ng kagustuhan mong makatulong sa kaniya." Malungkot siyang napayuko. "Naiintindihan ko po, panginoon." "Mabuti. Ngayon ay lilikha ako ng katawang lilipatan ng kaluluwa mo upang maging anyong mortal ka na muli. Para na na rin hindi ka makilala bilang si Angela. Ngunit, ito ay pansamantala lamang. At nais ko ring pakatandaan mo na may limitasyon lamang ang paghiram mo sa katawan na 'yon para maisagawa ang pagtulong na ipinangako mo sa kaniya." Naiitindihan naman ni Angela ang kapalit ng kaniyang paglabag sa misyon at handa niya iyong harapin at pagtiisan hanggang sa bumalik na siya muli sa dating katawan. Kalauna'y lumikha nga ang bathala ng katawang lilipatan niya pansamantala. Iyon pala ang ibig sabihin ng bathala na mananatili ang kaniyang totoong katawan sa langit habang ang kaniyang kaluluwa ay mamamayani gamit ang katawan ng iba. Saka bababa sa lupa upang maisagawa ang misyong pagtulong. At dahil nga sa pangakong binitawan niya kay Thunder ay naisagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagpapa-photocopy ng mukhang nakaguhit sa bond paper. At saka idinikit sa mga poste at nangakong magbibigay ng pabuya sa taong makakapag-report sa pulisya tungkol sa kinaroroonan ng suspek. Bukod pa ro'n ay nakipag-ugnayan din siya sa mga printing press upang mabilis na ikalat sa buong mundo ang paghahanap sa suspek na iyon at maging sa mga naging kasabwat nito. Hindi rin naman siya nabigo nang ipagbigay niya rin iyon sa media, mapatelebisyon man o radyo. At saka nag-report sa pulisya. "Mahigit walong taon na rin ang kasong ito at hanggang ngayon ay wala pa ring sumusuko ritong kahit isang suspek sa pulisya. May nakapagsabi sa amin na ang ilan sa kanila ay lumikas patungong probinsya at ang iba naman ay hindi pa ulit muling nakita. Ngunit, ano nga pa lang relasyon mo sa pamilyang minassacre na ito matapos ang mahigit walong taon?" "Kaibigan at kababata po ako ng batang nakaligtas sa pamilya nila." "Kung ganoon ay kaibigan mo pala ang batang iyon na matagal na rin simula nang mag-report dito sa amin? Kumusta na nga pala siya? May balita ka pa ba?" Hindi niya alam kung paano sasagutin ang katanungang iyon. Gayong ang batang tinutukoy nito ay ang isa sa mga wanted sa batas. "Ah.. iyon nga po, e. M-matagal na po akong walang balita sa kaniya. Kaya narito nga rin po sana ako para makibalita tungkol sa kaniya," pagsisinungaling niya na batid niyang kasalanan muli kay bathala. "Ganoon ba? Ang natatandaan ko lang ay no'ng huli siyang nag-report dito ay minsan daw niyang nakita at namukhaan ang isa sa mga suspek ngunit dahil nga bata pa siya noon ay hindi agad siya pinaniwalaan ng hukuman lalo na't wala siyang maipakitang ebidensya." "Pero ngayon ay mayroon na," nadulas na wika niya. Na sandaling nagpakunot ng noo ng pulis. "Ahm, ang ibig kong sabihin ay mayroon nang kumakalat na sketch ng suspek na iyon. Heto nga at may kopya ako," aniya at saka ipinakita ang photocopy ng face sketch ni Thunder. Tinitigan iyon ng pulis at mukhang pamilyar nga ang mukha nito sa kaniya. "Si Rudolph Salazar iyan, ah. Alam ko ay dating kaibigan iyan ni Teodore Contez, ang haligi ng tahanan ng mga Contez. Kung ganoon ay kakilala lang din pala nila ang pumatay sa pamilya Contez. Kaya naisip ko na hindi malabong nagkaroon ng alitan ang dalawa bago maganap ang massacre." "Ngunit, sino pa kaya ang iba pa niyang kasama? Posible rin bang may koneksyon din ang ilang suspek kay Teodore Contez?" "Posible, miss. Teka, akin na lang ito, malaking tulong ito sa kaso. Swerte nga at hindi pa rin talaga namin isinasara ang kasong ito hanggang ngayon dahil na rin sa batang minsang naglakas loob na mabigyan ng hustisya ang pamilya niya. Teka, alam mo ba kung ano ang pangalan nang nabuhay na anak ni Teodore Contez?" Bahagya siyang napaisip. Wala naman sigurong masama kung sasabihin niya ang totoong pangalan ni Thunder. Maliban na lang kung ibibigay niya ang litrato nito. Kaya naman sandali siyang napabuntong hininga bago pa man sumagot. "Thunder po ang pangalan niya." Pagkasabi niya no'n ay saka naman lumabas sa mga media ang sketch ng mukha ng suspek na pumatay sa pamilya Contez, ang magulang at dalawang nakababatang kapatid ni Thunder. Dahilan para kumalat ang balitang iyon sa buong mundo lalung-lalo na kay Thunder. "Teka, paano kumalat sa media ang iginuhit ko?" pagtataka ni Thunder matapos mapanuod ang balita sa telebisyon. At kasabay niyon ang kaniyang munting pagdududa na baka-- nasa paligid lamang si Angela. At hindi naman talaga siya iniwan. Kaya sa t'wina ay nasambit niya ang pangalan nito habang lihim na umaasa sa muli nitong pagbabalik. "Angela.." Lingid sa kaalaman ni Thunder na tinatanaw lamang siya ng kaibigan sa malayo. At kapantay niyon ang pakiramdam ni Angela na unti-unti nang magkakaroon ng sagot ang mga panalangin ni Thunder-- na makakamit nito ang hustisya para sa pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD