Chapter 7: Repentance And Sorrows

1448 Words
LINGID SA kaalaman ni Thunder na matapos niyang malaman ang totoo tungkol sa tunay na pagkatao ni Angela at kaakibat noon ang biglaang paglaho nito sa lupa. Hapon na subalit wala pa ring bumubungad na Angela sa kanila. Nagtataka na rin ang ibang empleyado dahil madalas naman ay nadadatnan nila ang amo sa club dahil doon na rin ito nakatira. "Maghapon kong hindi napansin si madam, nasaan kaya siya, 'no?" tawag pansin ni Felix sa normal nitong boses. Hindi naman maiwasang marinig iyon ni Thunder habang abala ito sa pagluluto ng hapunan. "Kahit ako rin, Felix, kanina ko pa siya hinahanap dahil may ipapakita rin sana ako sa kaniya." Saka naman bumwelta si Zander na malakas ang kutob dahil sa nalaman nitong pagkatao ni Angela. "Hindi kaya, iniwan ka na niya?" Nakatingin ito kay Thunder nang sabihin iyon. Kung kaya naman bahagyang natigilan si Thunder sa ginagawa. "Hindi, hindi magagawa 'yon sa akin ni Angela, dahil nangako siyang tutulungan niya ako," sinserong wika ni Thunder na ikinailing ni Zander. "Sandali, ano bang namamagitan sa inyo ni madam at tila apektado ka naman yata sa pag-alis niya?" singit ni Felix na hindi alam ang nangyayari. Kaya naman sandaling nagkatinginan sina Thunder at Zander. Pero sa huli ay si Zander na rin ang nagpaliwanag sa kaibigan. "Walang namamagitan sa kanilang dalawa, Felix. Isa pa ay may malalim na dahilan kung bakit naisip kong iniwan na siya ni madam." "H-hindi ko maintindihan," napapailing na wika ni Felix. Mabuti na lamang at walang ibang tao roon bukod sa kanila dahil abala rin ang ibang empleyado sa paghahanda sa pagbukas ng club. "Hindi mo talaga maiintindihan kaya mas mabuti nang hindi mo muna malaman--" natigilang sabi ni Zander. "Hindi, Zander, dapat na ring malaman ni Felix kung sino ba talaga si Angela," wika ni Thunder. At kunot noo namang lumingon sa kaniya si Felix. Habang nagpatuloy lamang siya sa pagsasalita. "Kababata ko si Angela at kilala siya sa pangalan noong Annie. At ang dahilan kung bakit palagi tayong nakaliligtas sa batas ay dahil iyon sa tulong niya." Nakita nilang dalawa ang pagtataka sa mga mata ni Felix. "Paanong--" natigilang ani Felix. "Dahil isa siyang anghel," pagpapaliwanag ni Zander. Saka mas lalong napakunot ang noo ni Felix sa narinig. "Sandali, i-isa siyang anghel? Paano nangyari 'yon na naging amo natin siya at nakasama rito sa lupa?" "Maraming kayang gawin ang kapangyarihan, Felix. At hindi maitatangging ang bawat anghel ay may misyon lamang na dapat tapusin dito sa lupa," pagpapaliwanag din ni Thunder. "Kung ganoon ay tapos na pala ang misyon niya? Kasi, bigla na lang siyang naglaho, e," opinyon ni Felix. "Hindi maaari, nangako siyang tutulungan niya akong makuha ang hustisyang karapat-dapat sa pamilya ko," seryosong wika ni Thunder. "Pero paano nga kung iniwan ka na talaga niya, Thunder? Paano kung tapos na talaga ang misyon niya?" Bahagyang napailing si Thunder. At anong sakit para sa kaniyang isipin na ganoon kabilis naman umalis ni Angela, lalo na ngayon at alam na niya ang katotohanan. Gayundin ang hindi niya maitagong pagsisisi ngayong biglang naglaho si Angela. Saktong naluto na ang iniluluto niyang adobo kung kaya't nagkaroon siya ng tsempo para mapag-isa. At walang sagot-sagot ay nilisan niya ang kusinang iyon para makapag-isip-isip. "Thunder, saan ka pupunta?" tanong pa ni Felix ngunit sumenyas lamang siya ng sandali lang. Habang mag-isa ay hindi niya inaasahan ang biglang pagpatak ng kaniyang luha. Isipin niya pa lang na mawala ulit si Angela sa buhay niya ay pakiramdam niya'y nabawasan na naman ang parte ng kaniyang buhay. Hindi lang kasi basta malapit na kaibigan si Angela para sa kaniya, at sa halip ay may nararamdaman siya ritong atraksyon at pagkagusto noon pa man. Samantala'y habang wala si Angela ay si Dianne na muna ang nag-manage ng club na iyon. Si Dianne ang isa sa napagkakatiwalaan ni Angela pagdating sa business. At tapat din naman ang hangarin nito na matulungan ang kaibigan sa pagpapatakbo ng business. Ngunit, ang tanong ng karamihan kung nasaan nga ba si Angela ay nanatiling katanungan sa kanilang mga isipan, lalung-lalo na kay Thunder. Dahil wala silang alam sa kaakibat na parusang natanggap ni Angela mula kay bathala. "Narito ka na muli sa aking kaharian, at katulad nang napagkasunduan natin ay hindi ka na muna maaaring bumaba pansamantala nang dahil sa paglabag mo sa iyong misyon." "Ngunit, panginoon, kailangan ako ngayon ni Thunder, kaya sana ay bigyan mo pa ako ng pagkakataon na matulungan siya," pagmamakaawa ni Angela. "Maaari mo pa rin namang gawin iyon kahit na hindi ka bumaba sa lupa, Angela. Ang iniiwasan ko lang naman ay ang tuluyan kang umibig sa isang mortal. Lalo na ngayon at sinabi mo pa sa kaniya ang iyong tunay na pagkatao na hindi mo dapat ginawa." Napatango siya sa kahihiyan. "At bilang kapalit nang paglabag mo sa iyong misyon ay mananatili ka rito sa aking kaharian hanggang sa araw na aking itatakda." Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ni Angela. Dahil kahit magagawa niya pa ring matulungan si Thunder kagaya nang ipinangako niya rito ay hindi mababago ang katotohanang kailangan niya pa rin na pansamantalang maglaho. Katulad na lang ng biglaan niyang paglaho noon. Hindi niya tuloy maiwasang sisihin ang sarili nang dahil sa padalus-dalos niyang desisyon. Na sana pala ay hindi agad siya nagpakilala kay Thunder para mas humaba pa ang sandaling sila ay muling nagkasama. Subalit, ano pa nga bang magagawa niya kung sadyang nangyari na? Malabo nang mabura sa isipan ni Thunder ang katotohanang iyon. - Lumipas ang ilang araw at nanatili ang lungkot kay Thunder. Gayong nararamdaman na niyang malabong tumupad si Angela sa pangako nito. Pakiramdam niya'y nasira ang lahat ng plano niya para sa kaniyang pamilya. Nasira ang hangarin niyang mabibigyan ang mga ito ng hustisya. Hawak-hawak niya ang puting papel na naglalaman ng kaniyang iginuhit na mukha ng suspek. At habang nakatingin siya sa kalangitan ay naramdaman niya ang malakas na pagdampi ng hangin. "Bakit ganiyan ka, Annie, palagi mo na lang akong iniiwan ng biglaan? Ni wala ka man lang pasabi o paalam," malungkot na pagkausap niya sa kawalan. At umaasa siya na kahit papaano'y maririnig siya ni Angela kahit na malayo ito sa kaniya. At iyon nga ang nangyari. Dahil bigla na lang narinig ni Angela ang boses na ni Thunder na tila bumulong sa kaniya. "Thunder?" Napabalikwas siya mula sa pagkakahiga. Pakiramdam niya'y labis ang kalungkutang nararanasan ngayon ni Thunder. Kung kaya't naisip siyang sumulat ng isang tula na magbibigay inspirasyon para sa kaniyang kaibigang si Thunder. At pagkatapos ay humingi siya ng pakiusap kay bathala na sana'y kahit papaano ay mapagaan niya ang kalooban ni Thunder kahit na hindi sila magkita at magkasama. Pinagbigyan naman ni bathala ang kaniyang kahilingan kung kaya't bigla na lang may sumulpot na maya sa kaniyang harapan. "Ikaw ba ang magsisilbing mensahero ko kay Thunder?" tanong niya rito kahit imposible itong sumagot sa kaniya. Hinaplos-haplos niya pa ito at sa pagkakataong iyon ay inutusan na niya itong lumayag dala ang isang sulat kamay na tula para kay Thunder. Paalis na sana si Thunder sa bermudang bahagi ng club na iyon nang mapuna niya ang isang ibon na may inilaglag na nakarolyong papel malapit sa kaniya. At saka ito lumipad paalis. Sa kuryosidad ay pinulot niya ang nakarolyong papel na iyon at saka ibinulatlat. Doo'y nakita niya ang isang sulat na sa sa tingin niya'y sulat kamay ng isang babae. Simulan na niyang basahin ang tula at ito ang mga katagang nakasulat; Natural lang ang mga problema, Ngunit ingiti mo pa rin sana, Natural lang ang maging malungkot, Ngunit sana ay hindi ka mabagot. Maraming dahilan para sumaya, Tingnan mo lang ang magandang parte ng buhay, Tiyak na gagaan ang iyong problema, At kasunod ay kasiyahan na walang kapantay. Saan ka man dalhin ng iyong mga paa, Dala mo pa rin sana ang iyong hangarin, Na kahit paulit-ulit ka mang madapa, Tumayo ka at sundin ang yapak ng iyong mithiin. Hindi niya alam pero tila gumaan ang kaniyang pakiramdam matapos na basahin ang tulang iyon. At kahit wala siyang ideya kung kanino iyon nanggaling ay tila pamilyar sa puso niya ang nais ipahiwatig ng tula. Kaya naman sa kaniyang pagbalik sa loob ay hawak niya pa rin ang papel na iyon. Subalit anong pagkataranta niya rin nang biglang napuna na wala na sa kamay niya ang isang papel na naglalaman naman ng kaniyang iginuhit na mukha. "Nasaan na 'yon?" pagtataka niya. At saka naisip na balikan iyon sa kaniyang pinanggalingan kung kaya naman bumalik siya roon at umasang makikita niya iyon doon. Subalit-- wala siyang nakita. At animo'y napawi ang kaniyang pag-asa matapos na mawala iyon na tila isang bula. Na sa isip niya'y para iyong si Angela na bigla na lang naglaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD