Bente Uno
Noong maliit pa lamang si Spencer, malapit siya sa kaniyang mga magulang at sa kaniyang lolo at lola. Masuwerte sila ng kaniyang kapatid noong mga panahong iyon sapagkat sunod sila sa luho. Ngunit laging nag-aaway ang kaniyang mga magulang at lumalaki siya sa magulong pamilya. Sa kabila ng lahat, lumaking mabuting bata si Spencer. Nagkaroon siya ng mga kaibigan na sina Loki at Ceasar. Nakilala niya ang mga ito sa kanilang paaralan at lagi silang magkakasama tuwing sila ay nasa paaralan. Malaki ang pagkakaiba niya sa kaniyang mga kaibigan. Hindi mayaman ang kaniyang mga kaibigan at nagagawa nila ang kanilang gusto. Habang tumatanda si Spencer, nalalaman niya ang reyalidad ng buhay at tila nasasakal sa paghihigpit ng kaniyang mga magulang. Si Casper lamang ang lagi niyang kasama. Si Casper ay mas matanda kay Spencer ng apat na taon. Sa murang edad, namulat si Casper sa bisyo at lagi niyang kasama si Spencer. Dahil dito, gustong malaman ni Spencer ang pakiramdam ng naninigarilyo at umiinom ng alak. Sa edad na labing-apat, namulat siya sa mundo ng bisyo at naaliw siya sapagkat napapawi nito ang kaniyang kalungkutan. Isang araw, natuklasan ng kaniyang ama ang kaniyang pag-inom ng alak kaya naman siya ay pinagalitan at binigyan siya ng limitasyon sa paglabas ng bahay. Nang tumuntong siya sa edad na labing-walo, mas tumindi ang pag-aaway ng kaniyang mga magulang. Dahil dito, lumayo ang kaniyang loob sa kanilang mga magulang at nakakalimutan na rin nila ang kanilang obligasyon sa kanilang mga anak. Nalulong sa alak ang kaniyang ama at naapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Maganda ang ipinakikita ni Spencer sa kanilang klase. Magtatapos na siya ng hasykul at mayroon siyang medalya. Sinabi niya ito sa kaniyang mga magulang. Umaasa siyang matutuwa nang husto ang kaniyang mga magulang ngunit taliwas ang kanilang naging reaksyon. Magkaaway ang kaniyang mga magulang sa mga oras na iyon at nakatanggap siya ng masasakit na salita. Lumapit siya kay Casper upang magsabi ng mga problema. Si Casper ang pinagkakatiwalaan niya sa lahat ng bagay sapagkat lagi itong naroon kapag kailangan ni Spencer ng kausap. Nangangamba siya sa kalagayan ng kaniyang kapatid dahil sa problema sa kanilang magulang. ‘Di nagtagal, nagkaroon ng kasintahan si Casper at lagi siyang abala sa kaniyang kasintahan. Nagbago rin si Casper at tila naging mailap kay Spencer. Tumuntong na ng bente anyos si Spencer at kabilaan pa rin ang kaniyang problema. Siya ay kumuha ng kursong abogasya sapagkat ito ang gusto ng kaniyang mga magulang. Ngunit labag ito sa kaniyang kalooban sapagkat gusto niyang maging isang mandaragat. Dalawang beses siyang nakapasa sa isang kilalang akademiya sa larangan ng maritimo. Tutol ang kaniyang magulang pati na ang kaniyang lolo at lola sa kagustuhan niyang mag-aral sa akademiya. Umaasa siyang matutuwa ang kaniyang magulang at ang kaniyang lolo at lola dahil kasama siya sa mga pumasa sa pagsusulit upang makapasok sa akademiya, ngunit inulan siya ng masasakit na salita at sinabihan siyang magsasayang lang siya ng panahon. Dahil dito, nasaktan ng lubos si Spencer at ipinagpatuloy na lamang ang kursong hindi niya gusto. Nang matapos ang kanilang pinal na pagsusulit, nakatanggap ng bagsak na marka si Spencer at hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa kaniyang mga magulang. Alam na niya na magagalit ng husto ang kaniyang magulang at makakatanggap nanaman siya ng masasakit na salita. Nagpatong-patong ang kaniyang problema at wala siyang mapagsabihan nito.
Nilamon na siya ng kalungkutan at hindi na niya kayang saluhin pa ang mga problemang kinakaharap niya. Iyak siya nang iyak sapagkat hindi na niya kayang solusyonan ang kaniyang mga problema. Habang lumalalim na ang gabi, naisipan na niyang wakasan ang lahat. Kumuha siya ng papel at bolpen at isinulat ang kaniyang mga problema. Nang matapos na siyang magsulat, inilagay niya ang sulat sa tabi niya kalakip ang papel na naglalaman ng kaniyang mga grado. Kinuha niya ang lubid at siya ay nagpakamatay. Hindi alam ni Spencer na bumubuti na ang kanilang kabuhayan at nagbabago na rin ang kaniyang ama. Kaarawan ni Spencer ang araw na iyon kaya naman gusto siyang sorpresahin ng kaniyang mga magulang na papayagan na siyang kumuha ng kursong maritimo sa akademiya. Ngunit nanlumo sila nang makita ang katawan ni Spencer na nakasabit sa puno sa kanilang likod-bahay. Agad nilang tinanggal ang tali at umaasang buhay pa ang kanilang anak ngunit huli na ang lahat. Napansin nila ang sulat sa tabi ni Spencer at nagulat sila sa nilalaman nito. Lubos na pagsisisi ang kanilang naramdaman. Ang araw na iyon ay ang araw ng pagsilang sa kaniya at ito rin ang araw ng kaniyang kamatayan. Winakasan niya ang kaniyang buhay sa edad na bente-uno.