Chapter 39: Worried
TATLONG araw hindi nagpakita sa akin—mali, bulag naman ako at wala akong nakikita pero sa loob ng mga araw na iyon ay hindi na ako kinausap pa ni Miko. Nagagawa na niya akong tiisin. Nagagawa niya akong saktan ng dahil lang sa maling akusasyon na malabong gagawin ko.
Ni hindi pa kami nakakapag-usap tungkol sa isyung may lalaki raw ako at binalak ko pang ipalaglag ang aming anak. Hinding-hindi ko gagawin iyon. Alam niya na ako ang tipong babae na iniiwasan ang isang bagay na makasalanan. Kahit ang pagtatalik namin ay pinarangalan ko siya noon. Ngunit dahil sa kagustuhan ko rin na ibigay ang sarili ko sa kanya ay hindi na ako nagpakipot ika ng karamihan.
At kahit na kailan ay hindi dumapo sa aking isipan ang patayin ang aming mga anak. Dahil kung sa umpisa ay iyon lang pala ang gagawin ko ay hindi sana, hindi na rin ako nagpagalaw sa kanya.
Hindi ko rin alam kung saan siya umuuwi. Walang nagsasabi sa akin hanggang sa...pumunta sa bahay namin si Markiana. Ang anak nina Kuya Markin at Rea. Siya rin ang panganay na apo sa tuhod ng grandparents ni Miko. Ang pinakamadaldal na pamangkin ni Miko.
“Aunt Donna, hanap mo palagi si Uncle Miko?” malambing na tanong nito sa akin.
“Oo. Paano mo nalaman iyon, Markiana?” tanong ko at hinila-hila niya ang aking kamay. Sa totoo lang ay gusto ko siyang makita. Nahawakan ko na rin ang mukha niya. Kahit bata pa ay ang tangos-tangos na ng ilong niya.
Mahahaba ang pilikmata niya at ang buhok niya ay may pagkakulot. Manang-mana siya sa kanyang ina na natural kulot ang buhok. Malusog na bata rin siya kasi may katabaan.
“Kasi po alam ko. Ihahatid po kita kay Uncle Miko ko. Always din po siyang nag-c-cry,” magalang na sambit nito. Naturuan ng good manners ng Mommy niya. Marunong din makipag-usap na may paggalang sa nakatatanda.
“Alam mo kung nasaan siya ngayon?” tanong ko naman.
“Nasa house po nina Lola Jina and Lolo M,” sagot niya at nabuhayan ng loob ang aking dibdib. I extended my hand to her at mabilis niyang hinawakan iyon. Ang lambot ng palad niya.
Dinaldal pa niya ako habang naglalakad na kami palabas ng aming bahay. Hapon na rin ngunit nararamdaman ko ang init ng araw.
Dalawang kamay niya mismo ang humawak sa akin at ginagabayan niya ako sa paglalakad.
“Paano mo nalaman na nandoon siya?” I asked her.
“Hindi ka po kasi dumadalaw sa house ni Lola Jina, Aunt Donna,” aniya. Narinig ko ang pagbukas niya ng gate. “Be careful po, Aunt.” Napangiti ako.
“Opo,” ani ko.
Nakarating din kami sa mansion at sa totoo lang ay kinakabahan ako kapag makahaharap ko na siya. Kahit kay Tita Jina—
“Jean? Hala, bakit lumabas ka, hija?” Parang maiiyak ako nang marinig ko ang boses ng mommy ng fiancé ko. Akala ko ay galit siya kasi hindi na siya pumupunta pa sa bahay namin. Si Grandma na ang kasama ko palagi.
“Tita...”
“I brought my Aunt Donna here po, Lola. Kasi po nakita ko siya na tulala lang sa garden nila and it seems po ay na-m-miss niya ang uncle ko. So, Lola... Masama po sa kanya ang mag-cry kasi baka nag-c-cry rin ang little cousins ko,” paliwanag ni Markiana.
“Okay na, apo ko. Ang bait mo talagang bata at maalalahanin ka.”
“Thank you po, Lola ko.”
“Galit din po ba kayo sa akin, Tita Jina? Kaya po ba ay hindi na rin kayo pumupunta sa bahay namin?” malungkot na tanong ko. Naramdaman ko pa ang pagpisil ni Markiana sa aking kamay at ang paghaplos niya sa likod nito.
“Actually, ngayon pa lang ako pupunta sa bahay niyo. Nang araw na may nangyari sa... inaamin kong nagulat din ako, Jean. Kaya ang nangyari ay tumaas ang blood pressure ko. Nanatili muna ako sa bahay para magpahinga. Pasensiya ka na kung iniisip mo na galit ako sa ’yo kasi hindi na ako pumupunta pa sa mansion ni Miko. Sinabihan ako ng inyong Grandma na huwag na raw akong pangunahan ng galit sa mga balitang...wala pang katotohanan,” mahabang pahayag niya.
Marami pa naman ang naniniwala sa akin ngunit bakit si Miko ay hindi niya makita iyon? Bakit siya na higit kilala ako ay hindi niya ako kayang paniwalaan?
Masakit sa dibdib dahil lumalabas na...wala na siyang tiwala pa sa akin. Subalit alam kong mas malaking sugat ang naibigay ko sa kanya kaya nahihirapan na siyang paniwalaan ako.
Kapag nagalit ka sa isang tao ay mahihirapan kang pagkatiwalaan siya. Kasi lahat ng sasabihin sa ’yo ay akala mo isa na lamang kasinungalingan.
“Okay lang po iyon, Tita. Si Miko ho ba... Dito siya umuuwi?” tanong ko sa kanya.
“Honestly speaking, hindi siya lumalabas mula sa kuwarto niya. Nakikita na lamang siya ng daddy niya na naglalasing. Napagbuhatan na siya ng kamay ng Tito mo dahil ayaw niyang umuwi sa inyo.” Nalungkot ako sa narinig ko. Bakit niya pinapahirapan ang sarili niya? Puwede naman niya akong kausapin kahit pagtaasan pa niya ako ng boses.
“Nandiyan po ba siya? Gusto ko po siyang makausap, Tita. Baka sakali pong... pakikinggan na niya ako,” pakiusap ko at nag-init agad ang sulok ng mga mata ko.
“Sige, ihahatid kita roon, Jean.”
“Uwi na rin po ako, Lola. Aunt Donna.” Hinalikan niya ang kamay ko saka ko naramdaman ang paglalakad niya palayo.
Sa labas ng kuwarto ni Miko ay iniwan ako roon ni Tita. Humugot pa ako nang malalim na hininga. Nanginginig ang bibig at mga kamay ko. Nagdadalawang isip akong kumatok pero desperado akong makausap siya. Kaya kumatok na lang din ako.
“Miko? Si... Jean ito... Puwede na... Puwede na ba tayong mag-usap?” kinakabahan na tanong ko at wala akong natanggap na kasagutan. “Miko? Baby... Please, talk to me... U-Umuwi ka na rin... Umuwi ka na sa bahay natin... Miss na miss na kita, Miko... Miko, kausapin mo naman amo...” Hinawakan ko ang doorknob at nang inikot ko ito ay nakasarado pala. Isinandal ko ang noo ko sa pintuan at nangingilid na ang mga luha ko. “Hindi ko alam...kung bakit nangyayari sa atin ang lahat ng ito, Miko... Totoong wala talaga akong kinalaman sa mga paratang mo... Alam mong ikaw lang ang mahal ko, Miko... Kahit na abala ka na at wala ng oras sa akin...ay naiintindihan pa rin kita... Palagi mo ring sinasabi sa akin na ang lahat ng ginagawa mo ay para sa amin, para sa pamilya natin... Miko... A-Ano na ang nangyayari sa atin, Miko? Bakit...ganito?”
Sunod-sunod nang tumulo ang mga luha ko dahil nanatiling matigas ang puso niya at hindi pa rin niya ako pinagbuksan. Ni hindi siya lumabas upang kausapin ako. Tahimik na lamang akong umalis at may sumalo agad sa akin. Si Tita Jina...
“Huwag kang umiyak, hija.”
“H-Hindi ko rin po alam...kung ano ang pagkukulang ko at hindi po naging sapat iyon sa anak niyo na makita kung gaano ko siya kamahal, Tita... N-Nasasaktan po ako... Nasasaktan ang damdamin ko, Tita...” Humagulgol ako sa balikat ng kanyang ina.
***
Tulala lang ako sa aming silid. Pagkatapos kong umiyak ay hinatid na ako ni tita sa aming bahay. Nang mapansin niya ang pananahimik ko ay hinayaan niya akong iwanan muna saglit.
Narinig ko na naman ang ringtone ng cellphone ko. Sa totoo lang ay natatakot na akong sagutin iyon. Kasi iisang tao lang naman— Teka lang...ang ringtone na iyon...
Mabilis akong kumilos dahil sa ringtone na iyon, para lang iyon kay Miko. Para alam ko agad na siya ang tumatawag. Sa pagmamadali ko na kuhanin iyon sa mesa ay muntik pa akong matapilok pero may nahagip ang kamay ko sa bedside table. Nahulog iyon sa sahig. Carpeted floor naman siya kaya hindi bale kung may mabasag man na palamuti. Sinadya rin kasi ito ni Miko para na raw iyon sa safety ko.
Kinuha ko iyon at mabilis kong sinagot. “M-Miko... Miko... I-Ikaw ba ’yan?” namamaos ang boses na tanong ko. “Miko? M-Magsalita ka naman, please... Miko... gusto kong...marinig ang boses mo... Miss na miss na kita, baby... Miss na miss na talaga kita... Miko...” Tila may pumukpok sa ulo ko dahil sa biglang pananakit ng ulo ko at dumiretso ang kirot nito sa mga mata ko. Nabitawan ko ang cellphone na hawak ko at dahan-dahan akong dumausdos pababa sa kama.
Mariin kong hinawakan ang ulo ko at ilang beses na pumikit. Lukot na lukot na ang mukha ko sa sakit ng aking ulo. Malakas na daing ang kumawala mula sa bibig ko at umiyak lang ako sa huli.
Malayo pa lang ay narinig ko na ang sunod-sunod na yabag ng sapatos. Dahan-dahan akong gumapang para sana sumampa sa kama pero hindi ko na magawa pa. Nanghihina pati ang katawan ko. Hingal na hingal ako at pakiramdam ko ay mapupugto ang hininga ko.
“Donna Jean! Jean!” Sa kabila pala ng galit niya ay may pag-aalala pa rin siya sa akin. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at pataas sa mukha ko. “Jean... Are you... Are you okay, baby?” Hindi na ba siya galit sa akin? Naniniwala na ba siya na walang katotohanan ang mga sinasabi ng mga tao sa kanya tungkol sa akin?
Gumalaw ang mga labi ko pero walang salitang namutawi. Pinunasan niya ang mga luha ko at dinala sa kanyang dibdib ang ulo ko. Ilang beses niyang hinalikan ang sentido ko, pababa sa pisngi ko.
“M-Miko...”
“I’m sorry, baby... I’m sorry...” paulit-ulit na sambit niya. Gusto kong magsalita, maliban sa pangalan niyang binibigkas ko pero parang hindi ko mahanap ang mga salitang nais kong sabihin sa kanya. Umiyak lang ako sa dibdib niya.
Natutuwa ang puso ko dahil sa wakas ay muli ko siyang mayakap at mukhang malamig na rin ang ulo niya. Kasi nagawa na niya akong harapin ulit. Nagawa na niya akong hawakan, halikan at yakapin.