NAGLIPARAN ang mga tuyong dahon ng niyog at pinatuyong damo sa matinding ihip ng hangin kasabay ng pagdaan ng isang makintab na pulang Terrano sa makipot na daan. Ang kalsada ay hindi aspaltado, sadyang binubuo ng pinong lupa at graba na sa paglipas ng panahon ay naging makinis na dulot ng walang humpay na pagdaan ng mga sasakyan at kariton. Sa magkabilang gilid nito ay nakahanay ang matatayog ngunit payat-payat na mga puno ng niyog, na tila mga matatandang nagbabantay sa pasukan ng malawak na lupain. Ang simoy ng hangin ay may dalang amoy ng lupa, hinog na prutas, at ang natatanging halimuyak ng kanayunan—malinis, presko, at payapa, ngunit para kay Lorenzo, may halong bigat at alaala.
Mula sa b****a ng Hacienda Roman ay halos dalawang kilometro pa ang kailangang tahakin bago tuluyang marating ang tahanang kinalakihan niya. Sa bawat pagliko ng sasakyan ay lumalawak ang tanawin: makikitang sa magkabilang gilid ay umaabot hanggang sa paanan ng mga burol ang mga taniman ng niyog, saging, at ilang bahagi na inilaan para sa pagtatanim ng palay at mais. Ang sikat ng araw sa hapon ay tumatama sa mga dahon na nagbibigay ng matingkad na kulay berde, ngunit ang init nito ay hindi gaanong nararamdaman dahil sa lilim na ibinibigay ng mga matatayog na puno.
Sa backseat ng sasakyan ay tahimik na nakaupo si Lorenzo. Nakasandal siya nang bahagya sa malambot na upuan, ang kanyang mga mata ay nakatuon sa labas ng bintana ngunit ang isipan ay tila nasa malayo. Ang kanyang mga daliri ay mahigpit na nakakapit sa gilid ng kanyang pantalon, tanda ng kanyang panloob na pag-aalala at pag-iisip. Sa salamin sa likuran ay paminsan-minsang sumisilip ang tsuper na si Mang Carlos—isang matandang lalaking may puti nang bahagyang buhok sa mga gilid at may mga kulubot na sa mukha dulot ng mahabang panahong pagtatrabaho sa ilalim ng araw. Kilala na niya si Lorenzo mula pa noong ito ay bata pa lamang.
“Kamusta ang iyong biyahe, Lorenzo?” basag ni Mang Carlos sa mahabang katahimikang bumabalot sa loob ng sasakyan. Ang kanyang boses ay magiliw ngunit puno ng pag-iingat, tila ayaw niyang guluhin ang malalim na pag-iisip ng binata. “Mukhang napagod ka sa mahabang paglalakbay mula sa ibang bansa. Siguro’y napakarami na ring magagandang babae ang iyong nakilala doon sa Europa, hindi ba?” dagdag pa niya na may halong biro sa kanyang tono, na nais lamang gumaan ang bigat ng kapaligiran.
Bahagyang ngumiti si Lorenzo, ngunit hindi iyon umabot sa kanyang mga mata. Marahan siyang napailing at sumagot nang mahina, “Maayos naman ang biyahe, Mang Carlos. Salamat sa pagtatanong. At oo nga naman… napakaraming magagandang babae ang aking nakita at nakausap doon.” Tumigil sandali ang kanyang pananalita, saka siya bumuntong-hininga nang malalim, tila ibinubuga ang lahat ng pagod at panghihinayang na kanyang nararamdaman. “…ngunit sa kabila ng kanilang ganda at kabaitan, halos lahat sila ay iisa lamang ang ibig makamit o mangyari. Ang yaman at pangalang taglay ko.”
Napahagikgik nang bahagya si Mang Carlos sa narinig. “Talagang napakasuwerte mo naman sa paningin ng iba, Lorenzo. Marami ang nagnanais na mapalapit sa’yo, hindi lamang dahil sa iyong itsura, kundi dahil din sa iyong pinagmulan. Ngunit alam ko rin na hindi iyon laging madala ngunit minsan ay nakakapagod din.”
Hindi na sumagot pa si Lorenzo. Nanatili siyang tahimik, ibinalik ang kanyang paningin sa labas ng bintana. Alam niyang tama ang sinabi ng matanda. Sa loob ng mahabang panahong siya ay nasa ibang bansa para mag-aral at magpatakbo ng negosyo, natutunan niyang maging maingat sa mga taong lumalapit sa kanya. Madalas niyang maramdaman na ang pagtingin sa kanya ay hindi para sa kung sino siya, kundi para sa kung ano ang mayroon siya. Muli ay bumalik ang katahimikan, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ito nakakailang—ito ay nagsilbing pahintulot para sa kanilang dalawa na mag-isip ng sarili nilang mga bagay.
Ilang sandali pa ay unti-unti nang tumatanaw ang malaking bahay ng Villa Roman sa di kalayuan. Ang malaking estrukturang gawa sa kahoy at bato ay nakatayo sa ibabaw ng bahagyang mataas na lupa, napapaligiran ng maayos na hardin at matatayog na puno na nagsisilbing proteksyon laban sa malalakas na hangin. Nang mapansin ito ni Lorenzo ay ibinaba niya ang salamin ng bintana, at agad na sinalubong siya ng mas preskong hangin na may halong amoy ng mga namumulaklak na bulaklak sa hardin. Nang makita siya ng ilang magsasakang naglalakad sa tabi ng daan ay agad silang tumigil, ngumiti, at kumaway nang may paggalang. Sinuklian ito ni Lorenzo ng isang mainit na ngiti at kaway pabalik.
“Tingnan mo iyan,” panimula ni Mang Carlos habang dahan-dahang binabagalan ang takbo ng sasakyan. “Talagang mahal na mahal ka ng mga magsasaka at ng lahat ng nakatira sa paligid ng asyenda, Lorenzo. Iba ang tingin nila sa’yo kumpara sa naririnig kong usap-usapan tungkol sa iyong Tiyo Primo.”
Napakunot-noo si Lorenzo sa sinabi ng matanda. Itinuon niya ang kanyang pansin sa likuran ng sasakyan kung saan nandoon ang tsuper. “Ano po ang ibig ninyong sabihin, Mang Carlos? Ano ang mga naririnig ninyo tungkol kay Tiyo Primo?” tanong niya nang may halong pagtataka at pag-aalala sa kanyang tinig.
Dahan-dahang huminga si Mang Carlos bago sumagot, tila pinipili nang mabuti ang kanyang mga salita upang hindi magmukhang naninira o nagkakalat ng tsismis. “Marami sa kanila ang tahimik na nagrereklamo tungkol sa kasalukuyang pamamalakad ng iyong amain. Sinasabi nilang siya ay labis na mahigpit, ngunit madalas ay tila wala naman sa katwiran ang kanyang mga ipinapatupad na alituntunin. May mga pagkakataong binabawasan ang kanilang kabayaran nang walang sapat na dahilan, at may mga lupain ding ipinagbabawal nang gamitin para sa kanilang sariling ikabubuhay kahit na hindi naman iyon ginagamit para sa asyenda.”
Napabuntong-hininga nang malalim si Lorenzo. Hindi na ito ang unang pagkakataong marinig niya ang ganitong mga salita. Noong siya ay nasa ibang bansa pa lamang, paminsan-minsan ay nakakatanggap siya ng mga liham o mensahe mula sa ilang matalik na kaibigan ng kanyang ama na nagbabalita tungkol sa hindi magandang takbo ng mga gawain sa Hacienda Roman. Ngunit noon ay hindi niya ito lubos na mapatutunayan, at laging pinipili niyang magtiwala sa kanyang tiyuhin bilang tagapangalaga ng ari-arian habang wala siya. Alam din niyang ang pagsasalita ni Mang Carlos ay hindi galing sa masamang hangarin; ito ay galing sa taong matagal nang naglingkod sa kanilang pamilya at tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng lahat.
“Hindi ko ibig sabihin na makialam sa mga usapin ng inyong pamilya, Lorenzo,” pagpapatuloy ni Mang Carlos nang mapansin ang pananahimik ng binata. “Ang tanging hangad ko lamang ay magbigay ng babala. Sa aking mahabang panahong panonood at pagtatrabaho dito, napapansin kong ang mga kilos at desisyon ni Primo ay tila hindi nakatuon sa ikauunlad ng asyenda at ng mga taong umaasa rito. Sa halip, tila may ibang layunin ang kanyang mga ginagawa.”
Nanatiling nakatulala si Lorenzo sa labas ng bintana sa loob ng mahabang sandali. Ang mga salita ng matanda ay tumatak sa kanyang isipan, nagdudulot ng halo-halong damdamin—pag-aalala, pagdududa, at galit. Akala ni Mang Carlos ay nagalit o naoffend ang binata sa kanyang sinabi, kaya’t nagmadali siyang magdagdag ng paliwanag, ngunit napahinto siya nang marinig ang mahinang boses ni Lorenzo.
“Maraming salamat po sa katapatan at pagmamalasakit ninyo, Mang Carlos,” seryosong wika ng binata habang tumitingin nang diretso sa salamin upang makita ang mukha ng matanda. “Nauunawaan ko ang inyong intensyon, at pinahahalagahan ko ito nang lubusan. Kung sakaling mayroon pa kayong makita o marinig na hindi tama sa mga ikinikilos o desisyon ni Tiyo Primo, huwag po kayong mag-atubiling sabihin sa akin agad. Ang kapakanan ng asyenda at ng mga taong nagtatrabaho dito ay mahalaga rin sa akin.”
“Makakaasa ka, Lorenzo. Hinding-hindi ako magtatago ng katotohanan sa’yo,” tapat na sagot ni Mang Carlos habang dahan-dahang ipinarada ang sasakyan patungo sa harapan ng malaking bahay.
Sa sandaling tumigil ang sasakyan sa harap ng malawak na pasukan ay agad na lumabas mula sa pintuan si Nana Anita—ang maybahay ni Mang Carlos at isa ring matagal nang kasambahay at tagapangalaga ng Villa Roman. Nakasuot siya ng malinis na baro’t saya, may nakataling puting panyo sa kanyang ulo, at nakangiti nang malapad habang naghihintay sa kanilang pagbaba. Ang kanyang mga mata ay kumikinang sa tuwa nang makita si Lorenzo.
“Maligayang pagbabalik, Lorenzo!” masiglang bati ni Nana Anita at agad na niyakap nang mahigpit ang binata nang ito ay makababa. Ang kanyang yakap ay puno ng init at pagmamahal na tila mag-isang taon silang hindi nagkita, gayong isang buwan lamang ang lumipas mula noong huling bumisita si Lorenzo.
“Kumusta na po kayo, Nana Anita?” magalang na tanong ni Lorenzo habang binitiwan ang yakap at tinitigan nang mabuti ang mukha ng matanda. Nakita niya ang mas maraming kulubot at bahagyang pagputi ng kanyang buhok kumpara noong huling nagkita sila.
“Naku, heto pa rin—masigla pa rin kahit na madalas nang sumasakit ang mga kasu-kasuan at inaatake ng rayuma, tulad din ng iyong Mang Carlos,” pabirong sagot ni Nana Anita sabay sulyap sa kanyang asawa na kasalukuyang inilalabas ang mga maleta mula sa likuran ng sasakyan.
“Aba, Anita, huwag mo namang isabay ang pangalan ko! Ang katotohanan ay kalabaw lang ang totoong tumatanda at humihina, habang ako ay nananatiling malakas pa rin,” pabirong depensa ni Mang Carlos na nagpatawa sa kanilang dalawa.
Sanay na sanay na si Lorenzo sa ganitong palitan ng biro at iringan ng mag-asawa. Mula pa noong siya ay bata pa lamang, nasaksihan na niya ang ganitong samahan. Lumaki silang magkasama ng kanyang mga magulang, at nakita niya kung paano sila nagtulungan sa hirap at ginhawa. Kung mayroon mang dalawang taong lubos na pinagkakatiwalaan at tinitingnan niyang parang pangalawang magulang sa loob ng Villa Roman, walang iba kundi sina Mang Carlos at Nana Anita.
“Siyanga pala, Lorenzo,” muling nagsalita si Nana Anita habang naglalakad sila papasok sa loob. “Inihanda ko ang lahat ng iyong mga paboritong pagkain—ang adobong manok na may gata, ang pritong isda mula sa ilog, ang nilagang gulay, at lalo na ang hinog na manggang hiniwa at ibinabad sa asukal at kalamansi. Alam kong namimiss mo na ang lasa ng lutong bahay matapos ang mahabang panahon sa ibang bansa.”
“Maraming salamat po, Nana Anita. Siguradong magugustuhan ko iyon,” nakangiting tugon ni Lorenzo habang pinagmamasdan ang loob ng bahay. Ang sala ay nananatiling katulad ng dati—malawak, maaliwalas, at puno ng mga lumang muwebles na may halaga hindi lamang sa salapi kundi pati na rin sa alaala. Ang mga larawan sa dingding ay nagpapakita ng kasaysayan ng kanilang angkan.
“Nasaan po ba si Tiyo Primo?” biglang tanong ni Lorenzo habang iginala ang kanyang paningin sa bawat sulok ng silid. “Hindi po ba niya natanggap ang aking mensahe na darating ako ngayong araw?”
Umiling si Nana Anita. “Nakita ko siyang umalis kaninang madaling araw sakay ng kanyang sasakyan, ngunit hindi niya sinabi kung saan siya pupunta o kailan siya babalik. Sinubukan ko ring tawagan ang kanyang telepono ngunit tila nasa labas ng saklaw o naka-silent ang tunog.”
“Naiintindihan ko po,” wika ni Lorenzo. “Kapag siya ay dumating na, maaari niyo po bang sabihin na nandito na ako at nais ko siyang makausap nang pribado? Samantala, tutuloy na muna ako sa aking silid upang makapagpahinga at makapagpalit ng damit.”
“Sige, hijo. Siguradong ipagbibigay-alam ko agad sa kanya,” tiyak na sagot ng matanda.
“Maaari niyo na ring dalhin ang mga maleta sa aking silid, Mang Carlos,” utos pa niya nang bahagya sa lalaki.
Tumango lamang ang matanda bilang pagsang-ayon at tahimik na sumunod habang inaakay ni Lorenzo ang kanyang mga hakbang patungo sa hagdanan. Ang hagdan ay gawa sa makapal na kahoy na may makinis na hawakan, at ang bawat hakbang ay tila tumutunog na parang musika sa kanyang pandinig—isang tunog na nakasanayan na niya mula pagkabata.
Pagkarating sa kanyang silid ay ibinaba lamang ni Mang Carlos ang mga maleta sa gilid ng kama at agad ding nagpaalam upang bumaba. Nang maiwan na mag-isa ay nilapitan ni Lorenzo ang malaking bintana, hinawi ang makapal na kurtina, at tumingin sa ibaba kung saan matatanaw ang malinis na swimming pool na napapaligiran ng damuhan at mga halaman.
Napabuntong-hininga siya. Sa lugar na ito, sa loob ng Villa Roman, nakakulong ang napakaraming alaala—mga masasayang araw kasama ang kanyang mga magulang, ngunit higit sa lahat ay mga masasakit na pangyayari na yumanig sa pundasyon ng kanilang pamilya. Naalala niya ang nakaraan, ang mga paratang, ang pagkawasak ng tiwala, at ang araw na napilitang ilayo ang kanyang ina sa lugar na ito. Ang lahat ng iyon ay dulot ng isang babae at ng mga desisyong ginawa noon.
Ngunit ngayon ay iba na ang panahon. Sa makalawa ay uuwi na rin siya kasama ang kanyang ina matapos ang mahabang panahon ng paggamot sa isang pasilidad para sa mga may sakit sa pag-iisip. Ilang taon ding nagtiis ang kanyang ina sa hirap at kalungkutan, at ngayong ayon sa mga doktor ay magaling na ito at handang bumalik sa normal na pamumuhay, kailangang siguraduhin ni Lorenzo na ang lugar na ito ay ligtas at maayos. Anuman ang mga problema o hindi pagkakaunawaan sa asyenda ay kailangang maayos bago pa man makarating ang kanyang ina upang hindi na muling masira ang kanyang isipan.
Makalipas ang halos dalawang oras, matapos maligo at magbihis ng maayos na kasuotang komportable ay may kumatok nang mahina sa kanyang pinto. “Lorenzo? Nandito na ang iyong tiyuhin,” anunsyo ni Nana Anita mula sa labas.
Agad na inayos ni Lorenzo ang kanyang sarili at bumaba. Nakita niya si Tiyo Primo na nakatayo sa gitna ng sala, nakatalikod at nakatingin sa labas ng bintana. Sa kanyang tindig ay makikita ang awtoridad, ngunit sa likod nito ay tila may tinatagong kaba. Nang marinig ang mga yabag ni Lorenzo ay dahan-dahang lumingon ang matanda at pinilit na ipakita ang isang magiliw na ngiti.
“Hijo! How are you? Kumusta naman ang iyong paglalakbay at negosyo sa Europa?” masiglang bati ni Primo at lumapit upang tapikin nang bahagya sa balikat si Lorenzo.
“Maayos naman po ang lahat, Tiyo Primo,” maikli ngunit magalang na sagot ni Lorenzo habang pinagmamasdan nang maigi ang ekspresyon ng mukha ng kanyang kamag-anak.
“Ang pagkain ay nakahanda na,” singit ni Nana Anita bago pa magpatuloy ang kanilang pag-uusap. “Halina kayo at kumain habang mainit pa ang mga ulam.”
“Sige, Anita. Siguradong gutom na rin ang binata matapos ang mahabang biyahe,” pagsang-ayon ni Primo habang inaakay si Lorenzo papunta sa hapag-kainan.
Habang naglalakad ay hindi nakaligtas sa matalas na paningin ni Lorenzo ang mabilis na pagbabago ng ekspresyon sa mukha ni Nana Anita nang mapalingon ito sa direksyon ni Primo—may halong pagkadismaya at pag-iingat na agad ding napalitan ng ngiti nang mapansin na nakatingin din siya rito.
Pagkaupo nila ay agad na inilagay ni Nana Anita ang mga pagkain sa gitna ng mesa. Nagsimulang kumuha ng kanin at ulam si Primo habang nagsasalita. “Siyanga pala, Lorenzo, kailan mo nga balak iuwi rito si Sofia? Ang iyong ina ay matagal nang wala rito.”
Itinigil ni Lorenzo ang pagkuha ng pagkain at tiningnan nang diretso ang kanyang tiyuhin. “Sa makalawa po ay isasama ko na siya pauwi. Ang layunin ko ay maibalik sa dati at maayos na pamumuhay si Mama. Dito sa Villa Roman kung saan siya lumaki at naging masaya.”
Nakita niya ang bahagyang pagkunot ng noo ni Primo bago ito muling magsalita, “Hijo, maging makatotohanan naman tayo. Matapos ang lahat ng nangyari noon—ang mga isyu, ang trauma, at ang mahabang panahong ginugol niya sa ospital—umaasa ka pa ring magiging normal agad ang lahat kapag nakabalik siya rito? I mean… don’t get me wrong. Hindi ko ibig sabihin na masama ang iyong intensyon. Ayoko lamang na magkaroon ka ng labis na pag-asa na sa huli ay mabibigo ka lamang kapag hindi ito naging ayon sa iyong ninanais.”
Huminga nang malalim si Lorenzo upang pakalmahin ang kanyang damdamin bago sumagot. “Nauunawaan ko ang iyong sinasabi, Tiyo. Ngunit pinag-aralan at tiniyak na ng mga doktor na magaling na siya at kailangan na niyang makasama ang kanyang pamilya sa isang payapang kapaligiran upang tuluyang makabawi. Ito ang pinakamagandang hakbang para sa kanyang kalusugang pangkaisipan.”
Tumango-tango lamang si Primo na tila sang-ayon ngunit sa kanyang mga mata ay makikita ang pag-aalinlangan. Nagpatuloy sila sa pagkain sa loob ng ilang sandali na may kaunting katahimikan hanggang sa muling magsalita si Lorenzo nang may seryosong tono.
“Mayroon din po akong gustong itanong sa inyo, Tiyo Primo,” panimula niya habang itinabi ang kanyang kubyertos at tiningnan nang diretso ang matanda. “Nabalitaan ko mula sa ilang tao—kabilang na rin kay Mang Carlos—na marami raw sa mga magsasaka at manggagawa sa asyenda ang hindi nasisiyahan sa kasalukuyang paraan ng pamamalakad. Mayroon daw mga reklamo tungkol sa labis na higpit, hindi makatarungang pagbabawas ng sahod, at mga patakarang tila hindi makatarungan. Ano po ang masasabi ninyo tungkol dito?”
Nakita niya kung paano biglang kumunot ang noo ni Primo at tumigas ang kanyang panga. Ang dating magiliw na ekspresyon ay napalitan ng pagtatanggol at bahagyang galit. Itinigil din nito ang pagnguya at itinaas ang kanyang tingin upang harapin si Lorenzo.