CHAPTER 3: Pagdududa

3090 Words
“Nagiging tamad at abusado ang mga magsasaka, hijo,” mariing turan ni Primo, ang tono ay puno ng paninisi at pagkukunwari. “Kaya tuluyang bumababa ang antas ng ating ani taon-taon. Nalulugi ang asyenda dahil sa kapabayaan nila. Hahayaan ba nating maghari-harian ang mga hampaslupang iyon sa lupang pinaghirapan ng iyong ama?” Napabuntong-hininga nang malalim si Lorenzo. Sa bawat salitang binibitawan ng kanyang tiyuhin, lalong lumalalim ang kanyang pagdududa. Mula noong siya ay bata pa, narinig na niya ang mga ganitong paratang, ngunit ngayong siya na ang humahawak ng responsibilidad, nais niyang makita ang katotohanan gamit ang kanyang sariling mga mata. Si Nana Anita, na nakatayo sa isang sulok at tahimik na nagsasalin ng tubig sa kristal na baso ni Primo, ay hindi sinasadyang napasulyap sa binatang pamangkin. May nararamdaman siyang bigat sa dibdib—takot na baka madamay siya sa galit ng matanda, ngunit may pag-asa ring makita ang katarungan sa harap ni Lorenzo. Dahil sa pagkagambala, hindi niya namalayang bahagyang natabig ang baso. At bago pa man niya ito mahawakan at maiwasan, tumapon na ang malamig na tubig at dumaloy sa makintab na tela ng barong ni Primo, pababa sa kanyang kandungan. “Estupida! Wala ka bang alam sa pag-iingat sa iyong trabaho?” sigaw ni Primo, ang kanyang mukha ay namula sa galit habang padabog na pinupunasan ang basang bahagi gamit ang kanyang panyo. Ang kanyang mga mata ay nanlilisik na tila ba sadyang ginawa ng matandang katulong ang pangyayari. “Dispensa, Señor. Hindi ko sinasadya, maniwala po kayo,” nauutal at natatarantang sagot ni Nana Anita. Ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang ibinababa ang pitsel, at handa na siyang tanggapin ang anumang parusa na maaaring ibigay ng kanyang amo. “Hijo, ang mga katulong na katulad ng matandang ito’y kailangang mahigpit na turuan ng leksiyon sa tuwing magkakamali,” galit na turan ni Primo habang itinuturo si Anita. “Masyado na silang nawiwili sa kagandahang-loob, kaya’t nawawalan na sila ng takot at respeto. Kung hindi sila disiplinahin, iisipin nilang maaari nilang gawin ang lahat ng gusto nila.” Inaasahan marahil nito na kakampihan ito ni Lorenzo at itama ang maling pag-uugali ng matanda. Ngunit nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Lorenzo. Tumayo siya nang bahagya at tumingin nang diretso sa kanyang tiyuhin, ang kanyang tinig ay mahinahon ngunit puno ng diin at katiyakan. “Hindi sinasadya ni Nana Anita ang nangyari, Tiyo Primo. At tulad nating lahat, ang mga katulong at magsasaka ay mga tao ring may kahinaan—nakakapagod, nakakakaba, at nagkakamali. Hindi sapat na dahilan ang isang pagkakamali upang sila ay parusahan o bastusin. Ang respeto ay hindi nakukuha sa takot, kundi sa makatarungang pakikitungo.” Walang masabing nagtiim na lamang ng mga bagang at kumuyom ang mga palad si Primo. Ramdam niya ang pagkatalo sa argumento, ngunit hindi niya maipakita ang kanyang kahinaan. “Bukas,” dugtong pa ni Lorenzo habang ibinababa ang kanyang kubyertos, “ay gusto kong maglibot sa buong asyenda—mula sa malalawak na taniman ng tubo, sa koprahan sa paanan ng bundok, hanggang sa mga sakahan ng palay sa kapatagan. Gusto kong personal na maobserbahan ang kalagayan ng ating mga lupain at makausap ang ating mga magsasaka, upang matiyak ko kung totoo ang inyong mga sinasabi o kung may ibang dahilan ang pagbaba ng ating ani.” Napangisi nang mapakla si Primo. “Hijo, natural na hindi sila magpapakita ng katamaran habang naroon ka at nagmamasid. Alam mo naman ang ugali ng mga hampaslupa—magagaling silang magpanggap at magtago ng kanilang tunay na kulay kapag may nakatingin na may kapangyarihan.” Umiling si Lorenzo at tumingin nang matalim sa matanda. “Matagal nang panahong nakatira at naglilingkod sa asyenda ang mga magsasakang sinasabi ninyo, Tiyo Primo. Mula pa sa kanilang mga lolo’t lola’y nagsilbi na sila sa pangalan ng mga Roman. Dapat ay alam ninyong tapat at masipag ang mga ito. Kaya nagtataka ako kung bakit ngayon pa lamang daw sila nagkukulang. Hindi kaya dahil hindi nila nagugustuhan ang paraan ng inyong pamamalakad? Ang mga pagbabagong ipinatupad ninyo na nagpabigat sa kanilang pasanin at nagbawas sa kanilang nararapat na kabayaran?” “Wala akong ginagawang mali, Lorenzo!” mariing pagtanggi ni Primo. “Kung anuman ang mga pagbabagong ipinatupad ko, iyon ay pinag-isipan nang mabuti at para na rin sa pangmatagalang kapakanan ng asyenda. Paano uunlad ang ating ari-arian kung mananatili tayo sa mga lumang kaugalian na hindi na angkop sa panahon?” “Sana nga ay ganoon ang inyong intensyon, Tiyo Primo,” sagot ni Lorenzo nang may diin. “Dahil kapag napatunayan kong kayo ang may pagkukulang at ang inyong mga desisyon ang nagpapahirap sa mga tao at nagpapababa ng ating kita, kailangan nating mag-usap nang masinsinan tungkol sa kung sino ang dapat na mamuno rito.” Bumakas ang halong pagkabalisa at galit sa mukha ng matandang lalaki. Namula ang kanyang pisngi at nagsimulang pumatak ang maliliit na butil ng pawis sa kanyang noo. “Hijo, huwag mong kalimutan na napakalawak at komplikado ang pamamahala sa asyenda at sa iba nating mga negosyo. Hindi mo kakayanin ang mag-isa. Kailangan mo pa rin ang aking karanasan at tulong.” “Madali akong makakahanap ng kapalit ninyo, Tiyo Primo,” tahasang sagot ni Lorenzo nang hindi inaalis ang kanyang tingin sa mukha ng kanyang tiyuhin. “Maraming may kakayahan at marangal na tao na handang maglingkod nang tapat at makatarungan.” Mabilis na pinunasan ni Primo ang kanyang pawis gamit ang manggas ng kanyang damit. Ang kanyang boses ay nanginginig nang bahagya sa takot at galit. “H-hindi mo magagawa ang bagay na iyan, hijo. Kapatid ako ng iyong yumaong ama at may karapatan din akong magkaroon ng bahagi at boses sa pamamalakad ng ari-arian ng pamilya.” “Wala kayong anumang legal o moral na karapatan sa mga pag-aaring iniwan ni Papa para sa akin at kay Mama,” mariing paalala ni Lorenzo. “Ang inyong posisyon dito ay nakasalalay lamang sa aking pagpapahintulot at sa inyong maayos na pagganap ng tungkulin.” Muling nagtiim ang mga bagang ni Primo ngunit nanatiling tikom ang kanyang bibig. Alam niyang wala siyang maibabato na argumento laban sa katotohanan. Hindi pa man tuluyang natatapos ang kainan ay tumayo na si Lorenzo. Binalingan niya si Nana Anita na nakatayo sa tabi ng pinto, handang sumunod sa anumang utos. “Sabihin ninyo kay Mang Simon na ihanda ang aking kabayo bago sumikat ang araw bukas ng umaga. Siguraduhin ninyong maayos ang kanyang mga kagamitan.” “Oo, Señor Lorenzo, gagawin ko agad,” magalang na sagot ni Anita. Pagkatapos ay muling tumingin ang binata sa kanyang tiyuhin. “At isa pa, Tiyo Primo. Nais kong iwasan ninyo ang paggamit ng mga salitang nakabababa at nakasasakit. Ayokong marinig na tinatawag na mga hampaslupa o walang halaga ang sinumang manggagawa sa asyendang ito. Sila ang dugo at buhay ng ating lupain.” “O-oo, hijo. Naiintindihan ko. Pasensya na kung nakasakit ako,” agad na tugon ni Primo, bagaman ang kanyang mga mata ay nagpapakita ng ibang damdamin. Hindi pa man pumuputok ang unang sinag ng araw kinabukasan ay naroon na si Lorenzo sa kuwadra. Ang sariwang hangin ay humahaplos sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang maayos na pagkakaayos ng mga kabayo. Kausap niya si Mang Simon, ang matandang tagapangalaga na nagsilbi na rin sa kanyang ama. “Ho, Warrior, ho,” malumanay na tawag niya habang hinahaplos ang makintab na balahibo ng kanyang kabayong lahing Arabe. Ang hayop ay kumilos nang bahagya ngunit nanatiling kalmado sa harap ng kanyang tunay na amo. “Inaalagaan ko si Warrior gaya ng mahigpit ninyong bilin, Señorito,” nakangiting sabi ni Mang Simon habang inaayos ang kagamitan. “At talagang walang ibang maaaring lumapit o sumakay sa kanya nang walang paalam. Sinubukan na minsan ng inyong tiyuhin noong wala kayo, pero muntik pa siyang matamaan ng malakas na sipa. Mabuti na lamang at nakailag siya sa oras.” “Sa tono ninyo’y parang ikinatutuwa ninyo pa ang nangyari, Mang Simon,” pabirong sabi ni Lorenzo, ngunit may bahid ng pagkaunawa sa kanyang tinig. Napakamot sa ulo ang matanda at bahagyang yumuko. “Patawarin ninyo ako sa aking sinabi, Señorito. Pero hindi ko maikakaila—talagang napakasama ng ugali ng inyong amain lalo na sa mga hayop. Lagi na lamang may bakas ng latigo at pasa ang mga kabayo kapag ibinabalik niya rito. Wala siyang awa kahit pagod na ang mga ito. Alam n’yo naman kung gaano ko kamahal ang aking mga alaga; parang mga anak na rin ang turing ko sa kanila.” “Naiintindihan ko kayo, Mang Simon,” naiiling na sagot ni Lorenzo. “Hindi lamang mga tao ang nararapat tratuhin nang may kabutihan, kundi pati na rin ang mga hayop na naglilingkod sa atin.” Naputol ang kanilang pag-uusap nang makita nilang papalapit si Primo, nakasuot ng makapal na damit at hawak ang kanyang baston. Inutusan niya si Mang Simon na kunin ang isang matibay ngunit masunuring kabayo. “Mabuti na lamang at hindi ako sinumpong ng aking rayuma,” nakangiting sabi ni Primo, ngunit ang kanyang mga mata ay mabilis na dumako kay Warrior na tila may takot. “Muntik na akong mapahamak ng kabayong iyan noon, Lorenzo. Masama ang ugali niyan.” “Nagkataon lamang na hindi kayo ang kanyang tunay na amo, Tiyo Primo,” kaswal na tugon ni Lorenzo habang tumataas sa likod ng kabayo. Ang hayop ay agad na kumilos nang may diin at lakas. “Kung handa na kayo ay tayo na. Marami tayong lalakbayin.” Bago pa man makasagot ang matanda ay pinatakbo na niya nang mahinahon ngunit mabilis ang kabayo palayo. Sumampa rin si Primo sa kanyang kabayo at sumunod, ngunit sa mas mabagal na bilis. Sa kanilang paglilibot sa malalawak na taniman, nakita ni Lorenzo ang katotohanan. Sa bawat sulok, nakita niya ang masipag at tapat na paggawa ng mga magsasaka. Kahit mainit ang sikat ng araw at mabigat ang kanilang mga pasanin, hindi sila nagpapahinga nang walang dahilan. Humihinto lamang ang mga ito upang magbigay-galang at ngumiti sa kanilang dumadaan. Walang bakas ng katamaran na paratang ni Primo. Nang sumapit ang oras ng pananghalian ay tumigil sila sa isang simpleng kubo kung saan nagpapahinga at kumakain ang mga manggagawa. Dito ay kinausap ni Lorenzo si Mang Benito, ang matandang katiwala sa tubuhan na nagsilbi sa asyenda sa loob ng mahigit apatnapung taon. Maingat niyang inalam ang mga hinaing, pangangailangan, at mga problemang kinakaharap ng mga tao. Habang nagkukuwento ang matanda, napansin ni Lorenzo na tila naiilang at natatakot si Primo. Madalas itong tumingin sa paligid at hindi makatingin nang diretso sa mga magsasaka. Kaya ipinasya ni Lorenzo na ipagpaliban muna ang mas malalim na usapan at ipagpatuloy ito sa ibang pagkakataon kapag wala na ang kanyang tiyuhin. Sa pagbabalik sa Villa Roman ay kapansin-pansin ang matinding katahimikan ni Primo. Walang ibang salitang binitiwan kundi ang pagbuntong-hininga. “Wala akong nakitang bakas ng katamaran o kapabayaan sa mga magsasaka, Tiyo,” ani Lorenzo matapos nilang ibalik ang mga kabayo sa kuwadra. “Sa halip, nakita ko ang kanilang pagsisikap at pagmamahal sa lupang ito.” Isang malalim at mabigat na hininga ang pinakawalan ni Primo. Sa mukha nito ay halong pagsisisi at pagkukunwari. “Siguro nga’y may mga pagkukulang ako sa aking pamamalakad at hindi ko napansin ang ilang bagay. Maaaring may mga pagkakamali ako kaya sila ay nagkakaroon ng mga hinaing,” amin nito nang mababa ang tingin. “Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, Lorenzo. Itatama ko ang lahat ng aking mali.” Matagal na tinitigan ng binata ang kanyang tiyuhin. Sa paningin ng iba ay tila nagtagumpay si Primo na magpakitang sinsero. Nagkibit-balikat si Lorenzo. “Bibigyan ko kayo ng isa pang pagkakataon, Tiyo Primo. Ngunit nais kong malaman ninyo na hindi ko ibibigay ang buong tiwala nang basta-basta. Huwag ninyo akong pigilan sa aking plano na kumuha ng isang mapagkakatiwalaang tagapamahala na tutulong sa atin, lalo na sa mga panahong wala ako sa asyenda.” Isang maikli at mapang-uyam na ngiti ang nanumbot sa mga labi ng matanda. Nang magsalita ito ay halatang napipilitan lamang. “Buweno, kung iyan ang iyong pasya, wala akong magagawa. Ikaw ang may hawak ng kapangyarihan.” Makalipas ang dalawang araw, matapos ayusin ang ilang mga alituntunin at tiyaking maayos na ang kalagayan ng mga magsasaka, ay naghanda na si Lorenzo na lumuwas patungong Maynila. Ang kanyang pangunahing layunin ay sunduin ang kanyang ina, si Sofia, na matagal nang nagpagaling sa ospital. Nang magkita muli ang mag-ina sa labas ng silid ng pagamutan, hindi napigilan ni Lorenzo ang kanyang damdamin. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang ina na tila ba ayaw na itong pakawalan pa. “Nagpapasalamat ako sa Diyos na magkasama na tayo muli, Mama,” ani Lorenzo habang nakangiti nang malapad. “Sana’y hindi na tayo muling magkalayo pa.” Nakangiting tinapik-tapik ni Sofia ang likod ng anak, ang kanyang mga mata ay puno ng luha ng tuwa. “Basta ipangako mo sa akin na hindi mo ako iiwang mag-isa sa malaking bahay na iyon, hijo. Matagal na akong naghihintay sa sandaling ito.” “Pangako, Mama. Hindi ako aalis nang matagal kung hindi kinakailangan,” tapat na sagot ni Lorenzo. “At isa pa,” dugtong pa ni Sofia habang hinahawakan ang magkabilang balikat ng anak. “Gusto ko ring sana’y isipin mo na ang pagpapamilya. Nasa wastong gulang ka na at kailangan mo ng kasama sa buhay. Gusto ko nang magkaroon ng apo at makita ang pagpapatuloy ng ating angkan.” “Mama,” natatawang sabi ni Lorenzo habang umiiling. “Wala pa sa aking isipan ang bagay na iyan sa ngayon. Ang nais ko munang punan ay ang mga taong panahong nawala sa atin. Nais kong masiguro na maayos na ang lahat sa asyenda at ligtas ka.” Humugot ng malalim na hininga si Sofia at tumingin nang seryoso. “Ikaw lang naman ang inaalala ko, hijo. Balang araw ay tatanda rin ako at hindi ko na kayang samahan ka. Kailangan mo ng isang asawang mag-aalaga, magmamahal, at sasama sa iyo sa anumang pagsubok.” “Mabuti na, naiintindihan ko ang iyong nais,” sagot ni Lorenzo nang may ngiti. “Hayaan mo—kapag nakita ko na ang babaeng para sa akin, agad ko itong pakakasalan. Sa ngayon, magpahinga ka muna. Mahaba pa ang ating biyahe pauwi bukas.” Pagdating sa tapat ng Villa Roman makalipas ang mahabang paglalakbay, agad na sumalubong ang mainit na pagtanggap. “Sofia!” Nagmamadaling lumapit si Nana Anita nang makababa ang mag-ina sa sasakyan. Ang kanyang mukha ay nagniningning sa labis na kagalakan. “Anita!” bulalas ni Sofia at mabilis na lumapit upang yakapin ang matandang kaibigan. “Ilang taon din tayong hindi nagkita. Masaya akong makita kang maayos.” “Maligayang pagbabalik! Nagagalak ako nang labis na sa wakas ay narito ka na muli sa iyong tahanan,” sabi ni Anita habang pinupunasan ang kanyang mga luha. “Salamat. Maraming salamat sa iyong pag-aalaga sa bahay at kay Lorenzo,” sagot ni Sofia. “Maligayang pagbabalik, Señora,” sabay-sabay na bati ng apat na nakababatang katulong na nakapila sa gilid, kasama si Mang Carlos, ang tsuper at tagapamahala ng sasakyan. “Maraming salamat sa inyong lahat. Salamat sa inyong katapatan,” magalang na tugon ni Sofia. “Kumusta ka na, Sofia? Ikaw na sana ang bahalang magpaumanhin kung hindi kami nakadalaw ni Carlos noong ikaw ay nasa ospital. Mayroon kaming iniwang mahalagang gawain dito,” paliwanag ni Anita. “Nauunawaan ko iyon, Anita. Huwag kayong mag-alala. Ang mahalaga ay maayos ang lahat dito,” sagot ni Sofia. Ngunit ang anumang sasabihin pa sana niya ay biglang naputol nang bumukas ang pinto at lumabas si Primo. “So, nagbalik na pala ang reyna ng Villa Roman,” nakangising turan nito, ang tono ay puno ng pang-aasar at hindi magandang intensyon. “Kamusta na, Sofia? Mukhang nakabawi ka naman.” Sandaling namayani ang mabigat na katahimikan. Ang lahat ng naroon ay nakaramdam ng lamig sa hangin at naghihintay sa susunod na mangyayari. Kapansin-pansin ang paghigpit ng hawak ni Lorenzo sa kanyang kamao at ang pagtatagis ng kanyang mga bagang. “Mabuti naman, Primo,” makaraang sandali ay mahinahon ngunit matapang na sagot ni Sofia. “Ikaw, kamusta ka na? Mukhang matagal ka na ring nananatili dito. Hindi mo pa ba nakukuha ang iyong ninanais kaya naririto ka pa?” Namula ang mukha ni Primo sa matinding galit at hiya dahil sa tuwirang pananalita ng kanyang hipag. “Lorenzo, hijo,” mabilis na pagbaling nito sa binata upang ilihis ang usapan. “Samahan mo ako sa aking silid. Biglang sumakit nang matindi ang aking ulo.” Hindi pinansin ni Lorenzo ang sinabi ng tiyuhin. Sa halip ay inalalayan niya ang kanyang ina papasok sa bahay. Bago tuluyang makapasok ay tumingin si Sofia kay Primo na may halong babala sa kanyang mga mata. Sumunod sina Nana Anita, Mang Carlos, at ang mga katulong, habang naiwan si Primo na nag-iisa at nagpupuyos sa galit sa labas. Nang makapasok sa silid na inihanda para kay Sofia—malayo sa dating kwarto ng kanyang yumaong asawa—ay nagsalita ang ina nang seryoso. “Hanggang ngayon ay wala pa rin akong tiwala sa kapatid na iyan ng iyong ama, Lorenzo. Masama ang aking kutob sa kanya. Hindi siya mananatili rito nang matagal kung wala siyang masamang binabalak laban sa atin at sa ating ari-arian,” mahinahon ngunit mariing pahayag ni Sofia. Alam ni Lorenzo ang dahilan kung bakit hindi nais gamitin ng kanyang ina ang dating silid. Dito naganap ang madugong pangyayari na nag-iwan ng malalim na sugat sa puso nito. “Kung nasa tamang pag-iisip lamang ako noon at hindi ako nalugmok sa matinding kalungkutan, hindi ako papayag na manatili siya rito. At lalong hindi ko ipagkakatiwala ang pamamalakad ng asyenda sa kanyang mga kamay,” dagdag pa ni Sofia habang tumitingin sa labas ng bintana. “Magpahinga na muna kayo, Mama. Huwag ninyong labis na alalahanin si Tiyo Primo. Hindi ko hahayaang makapinsala siya,” payapang sagot ni Lorenzo. “Hindi ako nagtitiwala sa kanya, hijo. Mag-ingat ka palagi,” paalala pa ng ina. “Naiintindihan ko. Ngayon ay magpahinga ka na. Ipapaalala ko kay Nana Anita na ihanda ang iyong paboritong pagkain,” sabi ni Lorenzo habang marahang pinipisil ang balikat ng ina. Ngunit nang makalabas ng silid at isara ang pinto, unti-unting napalis ang ngiti sa mga labi ni Lorenzo. Ang kanyang mukha ay naging seryoso at puno ng pagbabantay. Alam niyang hindi pa tapos ang laban, at ang presensya ni Primo ay patuloy na magiging banta sa kanilang kapayapaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD