Kabanata I

2132 Words
Present Time and Date, Majica Mabilis akong napa-upo mula sa kamang kinahihigaan ko pagkatapos akong dalawin ng parehong bangungot. Malakas ang kabog ng dibdib ko dahil mukhang totoo ang mga nangyari. Ramdam ko rin ang pawis na tumutulo mula sa noo ko. Matagal ko nang napapanaginipan na pinatay raw ako ng kaibigan kong si Nox. Sa totoo lang ay hindi ko siya kilala pero sobrang klaro ng mukha niya sa panaginip ko. Sino nga ba sila? Totoong tao ba sila na naging parte ng buhay ko noon? Hindi ko alam. Marahan kong hinaplos ang kaliwang dibdib ko na may peklat, nakita ko rin sa panaginip na dito tumama ang bala ng baril, ang armas na ginamit ni Nox para patayin ako. Ang lugar na nakita ko sa panaginip ko ay ang mundo ng mga tao. Alam ko ang kanilang mundo dahil ilang beses na rin akong nagpunta doon kasama ang aking ina na namayapa na, atsaka madalas kasi ay nagpapadala kami ng mga diwata para pasikretong tulungan ang mga tao na alagaan ang kagubatan, kabundukan, ilog, dagat o kung ano-ano pa sa mundo nila. Hindi na rin ako magtataka kung bakit may mga kagamitan o kasuotan sila sa mundo ng mga tao na nakasanayan na rin namin dito, dahil madalas sa mga diwatang nauutusang magtungo sa kanilang mundo ay kumukuha ng ideya doon na puwede rin naming magawa o magamit dito. Alam namin na alam ng mga tao ang tungkol sa amin, kaya nga nakakagawa sila ng kuwento tungkol sa amin. May mga iilang diwata at engkanto na rin kasi ang aksidenteng nakita ng ilang tao, kaya sobra kaming nag-iingat na mangyari ulit iyon. Hindi naman lahat ng diwata at engkanto ay masasama, pero alam kong hindi iyon maiintindihan ng mga tao lalo na’t iba kami sa kanila, gano’n pa man ay hindi pa rin kami nagdadalawang isip na pasikreto silang tulungan sa abot ng aming makakaya. Ang iniisip na lang namin ay pinangungunahan sila ng takot dahil nga iba kami sa mga nakasanayan na nila. May mga iilang diwata rin naman na mas piniliping mag-anyong tao at mamuhay kasama sila, isa iyon sa mga ipinagbabawal ng Majica, dahil kapag mas pinili mong mamuhay doon bilang isang normal na tao ay mawawalan sila ng kapangyarihan at hindi ka na makakabalik dito kahit na kailan. Pero nangyari ba talaga ang bangungot na iyon sa akin at isa ba akong tao sa nakaraan kong buhay? Kung oo, ang ipinagtataka ko rin ay kung bakit lagi ko iyong napapanaginipan. Ano ang magiging kaugnayan no’n sa mundong ginagalawan ko ngayon? Napabuntong hininga ako at nagpasyang tumayo mula sa kama para kumuha ng tubig. Ang nararamdaman kong kaba kanina ay biglang nawala nang mapansin ko si Niyebe na natutulog sa paanan ng kama ko, marahan pa akong natawa kasi humihilik siya. Si Niyebe ay isang duwende, siya ang aking gabay na nagmula sa kapangyarihan ng apat na elemento. Bata pa lang ako ay kasama ko na siya para bantayan at protektahan ako. Si Ama ang kanyang binabantayan dati, at kapag ako naman ang nagkaroon ng anak ay iyon naman ang bago niyang gagabayan. Mas maliit pa si Niyebe sa isang pusa. Kulay berde ang suot na damit at kulay abo ang pang-ibaba. Ang kanyang balat ay kasing puti ng niyebe, gano’n din ang kulay ng kanyang mahabang buhok at bigote. May malinaw din siyang kristal sa kaliwang bahagi ng dibdib niya na hindi natatanggal. Indikasyon iyon ng emosyon niya, kapag masaya siya ay mas lalong nagliliwanag iyon, kapag naman nalulungkot siya ay unti-unti iyong nababalot ng dilim, at kapag ang buong kristal na iyon ay naging kulay itim ay maari niya iyong ikamatay, kaya iniiwasan ko na malungkot siya, nakakatuwa naman kasi masyado siyang masiyahin. Sa huli ay hinayaan ko na lang siyang matulog at ituloy ang balak ko na pagkuha ng tubig. Kumunot ang noo ko nang mapansin ang pag-aagaw ng liwanag at dilim sa kalangitan mula sa binta ang aking silid. Minsan ay magliliwanag, tapos ay babalik na naman ang dilim. Hindi iyon normal. Bahagya akong nakaramdam ng kaba sa ideya na baka nagkakaroon ng problema si Amang Hari sa pagbabalanse ng liwanag at dilim. Oo, ako si Prinsepe Elex mula sa Kaharian ng Langit, at responsibilidad namin na balansehin ang liwanag at dilim sa mundo namin. Matanda na si Amang Hari, ang aking ama, at gustuhin ko mang kuhanin na ang responsibilidad sa kanya na balansehin ang dilim at liwanag ay hindi ko pa magawa dahil hindi pa lumalabas ang kapangyarihan ko, at hindi ko alam kung paano iyon gagawin. Hindi naman niya ako minamadali, ang lagi niyang sinasabi sa akin ay lalabas din daw iyon ng kusa, pero hindi ko talaga alam kung paano. Mabilis akong naglakad papunta sa silid ni Amang Hari, naabutan ko naman siyang nakatayo at nakatalikod sa akin habang pinagmamasdan ang malaking timbangan na nasa loob ng kuwadrado at malinaw na salamin. Tama nga ako. Hindi balanse ang liwanag at dilim sa magkabilang kamay ng timbangan, minsan ay mas nangingibabaw ang liwanag, minsan naman ay ang dilim. Sobrang dalang kung mangyari na hindi magbabalanse ang liwanag at dilim, indikasyon kasi iyon na may naghahangad ng sobrang kapangyarihan. Delikado kapag tuluyang mas nangibabaw ang isa sa dalawang ito, maraming buhay ang puwedeng mawala sa kabuuan ng Majica, at maaari ring masira ang mundo namin. Nakita kong itinaas ng aking Ama ang kanyang mga kamay sa ere habang ang naghahalong kulay ng liwanag at dilim ay lumalabas doon. Alam ko na sinusubukan niyang kontrolin at balansehin ang liwanag at dilim gamit ang kanyang kapangyarihan. Bigla akong nakaramdam ng kaba at pag-aalala nang mapansing mapaluhod siya sa malamig na sahig. Patakbo naman akong lumapit sa kanya para daluhan siya. “Ama!” may halong pag-aalalang saad ko, napalingon siya sa akin at malungkot na ngumiti. “Parang hindi ko na kaya, pero susubukan ko pa rin,” ang nanghihinang sagot niya. At alam ko na kung ano ang gusto niyang sabihin. Kahit na may edad na siya ay sinusubukan pa rin niyang gawin ang kanyang responsibilidad, pero alam kong hindi na niya kaya. Kapag sumobra ang enerhiya ng kapangyarihan na pinakawalan niya ay puwede niya iyong ikamatay. “Amang Hari, paumanhin kung naabala ko kayo pero may isang bagong suliranin tayo,” sabay kaming napalingon sa pinto ng silid niya nang kumatok ang isang diwatang tagabantay ng palasyo. “Ano ang nangyari?” ang nanghihinang tanong ni Ama. “May mga nilalang na sumira ng pananggalang tubig at nakapasok sa palasyo, nagnakaw sila ng mga espada na binasbasan ng namayapang reyna,” sagot naman niya. “Anong klaseng nilalang?” tanong ko naman, marahang yumuko ang tagabantay na diwata bago sumagot. “Paumanhin, Prinsipe, pero hindi po namin alam,” sagot ulit niya. Pinilit na tumayo ni Ama kaya inalalayan ko naman siya, tapos ay saglit siyang tumingin sa timbangan ng liwanag at dilim bago napa-iling at marahang naglakad palabas ng silid niya. Agad naman akong sumunod sa kanya. Nang nasa bulwagan na kami ng palasyo ay bumungad sa amin ang magulong lugar na kanina lang ay maayos pa. “Mga itim na duwende,” mahinang saad ko, napalingon naman sa akin ang aking Ama at marahang tumango. Ang mga itim na duwende ay mga nilalang sa Majica na mahilig magnakaw ng mga bagay, mapa-armas man o pagkain, pagkatapos nilang makuha ang gusto nila ay guguluhin pa nila ang lugar bago umalis. “Pero walang kakayahan ang mga itim na duwende na sirain ang pananggalang tubig,” ang nag-aalalangang saad ni Ama. “Diwata, magtungo ka sa kaharian ng Araw upang kausapin ang kanilang Hari at dalhin ang babalang itigil ang kanilang ginagawa, alam kong may kinalaman sila rito,” kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Masusunod, Amang Hari,” sagot ng tagabantay at yumuko ulit bago naglakad palayo sa amin. “Mawalang galang na, Ama, pero paano niyo po nasabi na may kinalaman nga sila?” tanong ko sa kanya. “Hawak nila ang kapangyarihan ng tubig kaya sila lang ay may kakayahang sumira ng pananggalang iyon, hindi rin balanse ang liwanag sa timbangan, mas nangingibabaw ang liwanag na sumisimbolo sa kaharian nila,” marahan akong tumango sa sinabi niya. “Pero baka nagkakamali lang po kayo, hindi kaya’t may iba pang nilalang na kayang tumbasan ang kapangyarihan ng dalawa pang kaharian?” tanong ko naman. “Hindi ako maaring magkamali, anak. Kaya kung ano man ang balak nila ay dapat nang matigil, bago pa masawi ang maraming diwata,” sagot naman niya. Hindi na ako sumagot. Pero kung may kinalaman ang Kaharian ng Araw ay alam ko ring hindi maganda ang kalalabasan nito. “Amang Hari, paumanhin kung naabala ko kayo ngunit nasira rin ang pananggalang apoy ng palasyo,” bungad ulit sa amin ng isa pang diwatang tagabantay. Doon na ako nakaramdam ng kaba. Mukhang may hindi magandang mangyayari. Hindi puwedeng masira ang apat na panaggalang galing sa kapangyarihan ng apat na elemento dahil iyon ang tanging pumo-protekta sa kaharian namin. Kapag nawala ang mga iyon ay madali na kaming mapapasok ng kahit sinong nilalang sa Majica. “Magtungo ka sa Kaharian ng Buwan, iparating sa kanilang Hari na binabalaan ko silang itigil ang kung ano man ang binabalak nilang gawin,” sagot ni Ama. Sa totoo lang ay hindi namin pinakekealaman ang buhay at klase ng pamumuno ng dalawang kaharian. Ni hindi nga rin namin kilala kung sino ang namumuno sa kanila, dahil ang trabaho lang naman ng Langit ay balansehin ang liwanag at dilim para sa kanila. Pero kung totoo nga na may kinalaman ang dalawang kaharian sa kaguluhang nangyayari ngayon ay ano ang pakay nila at bakit nila ginagawa ito? Hindi na ako makatulog nang madaling araw na iyon kaya sinamahan ko na lang si Ama na hintaying bumalik ang mga diwatang inutusan upang magtungo sa kaharian ng Araw at Buwan. Hindi rin naman nagtagal ay bumalik na ang dalawang diwatang inutusan, at mababakas sa kanilang ekpresyon ang takot. “Pagbati sa inyong pagbabalik mula sa paglalakbay,” ang bati ni Ama na ngayon ay nakaupo sa kanyang trono, sa dalawang diwata na marahang yumuko sa harap niya. “Pagbati, Amang Hari, ang nais iparating sa inyo ng Hari sa Kaharian ng Araw ay nais niyang bumaba kayo sa inyong tungkulin at hayaan silang mamuno sa buong Majica,” nagulat ako sa sinabi ng isang tagabantay. “Sadya niyang sinira ang pananggalang tubig upang sukatin ang inyong mahika, at natutuwa siyang malaman na mukhang humihina na ang inyong kapangyarihan sapagkat hindi pa rin nababalanse ang liwanag at dilim,” dagdag pa niya. “Gano’n din ang sinabi ng Hari sa kaharian ng Buwan, Amang Hari. Nalaman ko rin na magtatalaga sila ng digmaan laban sa Kaharian ng Araw sa panahong pareho ang haba ng araw at gabi. Sa oras na magwagi ang isa sa kanila at makuha ang kapangyarihan ng natalong kaharian ay tayo ang kanilang isusunod,” saad naman ng isa pang diwatang tagabantay. “Maaari na kayong magpahinga,” saad ni Ama, marahan ulit na yumuko ang dalawang diwatang tagabantay bago nila kami iniwan. May halong pag-aalala ko namang nilingon si Ama, mababakas sa mukha niya ang mabigat na suliranin at alam kong dahil iyon sa nalaman. “Ama, hayaan niyo akong magsanay para mas mapabilis ang paglabas ng aking kapangyarihan, batid nating hindi mo na kaya at handa akong sumugal at magsakripisyo kung para naman ito sa ating mundo,” saad ko. “Paumanhin, Amang Hari,” sabay kaming napalingon kay Niyebe na sobrang liit ng boses na ngayon ay lumilipad palapit sa akin, umupo siya sa kaliwang balikat ko at kumapit pa sa tenga ko. “Sa tingin ko’y mas mabuti kung pahihintulutan mo ang Prinsipe na maglakbay sa kagubatan ng Majica upang sadyain ang tatlong gurong salamangkero na makakatulong sa pagpapalabas ng kanyang kapangyarihan,” saad niya. “Hindi, hindi ako makakapayag, Niyebe, alam mong delikado sa gubat na iyon. Kung nanaisin niyang magsanay ay puwede niyang gawin iyon dito gaya ng pagsasanay niya ng paggamit ng espada at pakikipaglaban noong bata pa siya. Nawalan na ako ng asawa, at hindi ko gugustuhing mapahamak ang nag-iisa naming anak,” ang umiiling na sagot ni Ama. “Batid ko, Amang Hari, dahil kasama niyo akong nagtungo roon ilang daang taon na ang nakakalipas, upang humingi rin ng tulong sa mga salamangkero. Iginagalang ko ang inyong desisyon, ngunit batid nating lahat na ang Prinsepe na lang ang ating pag-asa upang hindi tuluyang masira ang Majica,” sagot ni Niyebe. “Ama, pahintulutan niyo po ako. Alam ko naman na hindi ako pababayaan ni Niyebe sa aming paglalakbay,” naramdaman ko ang pagtango ni Niyebe sa sinabi ko. Mariin na pumikit ang aking Ama na halatang ayaw talagang pumayag sa gusto kong mangyari. Pero mayamaya lang ay marahan siyang tumango bilang pagsang-ayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD