Kabanata II

2222 Words
Kasalukuyan akong nakatayo sa harap ng trono ni Ama kung saan siya nakaupo. Maraming diwata sa aming palasyo ang nakapaligid sa amin upang maging saksi sa basbas na ibibigay sa akin ni Ama para sa aking paglalakbay. Alam kong mabigat ito sa kanyang loob, batid ko iyon dahil alam naming pareho kung gaano kadelikado itong gagawin ko. Pero wala naman kaming ibang magagawa. Kailangan kong gawin ito para sa Majica. Iginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng palasyo, ang pinaghalong kulay asul at puti sa buong paligid ay napakagandang tignan. Pero mas nangingibabaw ang mga kulay gintong muwebles na nagniningning ang kulay. “Pagbati,” saad ni Ama at agad na tumayo mula sa tronong kinauupuan. “Pagbati, Ama,” sagot ko naman. May isang diwata ang lumapit sa kanya dala ang isang kulay pulang almuwada na may disenyong kulay ginto sa gilid. Lulan ng almuwadang iyon ang isang espadang kulay pilak na may hawakang kulay ginto. Maningning din ang kulay no’n, halatang bago pa at hindi pa nagagamit sa kahit na anong bagay. Kinuha ni Ama ang espada at agad iyong ipinatong sa aking kaliwang balikat at marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Kasabay no’n ay ang paglabas ng pinaghalong kulay itim, puti at gintong liwanag na nakasisilaw at ang pagbanggit ni Ama ng mahika. “Mula sa kapangyarihan ng hangin, nawa’y magkaroon ka ng lakas sa ano mang panganib na iyong haharapin,” nang sabihin niya iyon ay may lumabas ding kulay asul na liwanag na siya ring nakasisilaw, sumisimbolo iyon sa kapangyarihan ng elemento ng hangin. “Mula sa kapangyarihan ng tubig, nawa’y magkaron ka ng dalisay at klarong pag-iisip,” sunod na lumabas ang kulay berdeng liwanag na sumisimbolo sa kapangyarihan ng tubig. “Mula sa kapangyarihan ng apoy, nawa’y magkaroon ng init ang iyong puso ngunit nag-aalab na tapang,” may lumabas ding kulay pulang liwanag na sumisimbolo sa kapangyarihan ng elemento ng apoy pagkatapos niyang banggitin iyon. “Mula sa kapangyarihan ng lupa, nawa’y magkaroon ka ng gilas at ibayong lakas sa kahit na ano o sino na iyong makakasagupa,” tapos ay ang kulay kayumangging liwanag na sumisimbolo sa kapangyarihan ng elemento ng lupa ang sunod na lumabas. “Ipagkakaloob ko sa ‘yo ang espedang ito bilang basbas na nagmula sa kapangyarihan ng namayapang reyna. Nabuo ito gamit ang kapangyarihan ng apat na elemento. Ito ang iyong magiging gabay proteksiyon sa iyong paglalakbay,” mahabang pahayag pa niya. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay namayani ang ilang segundong katahimikan. Nang mawala ang liwanag ay nagmulat na rin si Ama ng kanyang mga mata at agad na ini-abot ang espada sa akin na tinanggap ko naman. “Maraming salamat, Ama,” saad ko. Pilit lang siyang ngumiti at marahang tumango. Ramdam ko ang bigat sa kanyang kalooban na payagan akong maglakbay, pero kagaya nga ng sinabi ko ay kailangan ko itong gawin, hindi lang para sa akin at para sa kapangyarihan, maging para na rin sa buong Majica. “Niyebe, umaasa ako na hindi mo pababayaan ang aking anak at lubos mo siyang gagabayan sa inyong paglalakbay kagaya ng gabay na ibinigay mo sa akin noon,” marahan ang boses na saad niya. Ramdam ko naman na tumango si Niyebe na nakaupo sa kaliwang balikat ko at nakakapit pa sa kaliwang tenga ko. “Makaka-asa po kayo, Amang Hari,” sagot naman ni Niyebe sa isang maliit na boses. Muli ay may isang diwata ang lumapit kay Ama dala ang isang almuwada kung saan nakapatong ang kapiraso ng lumang papel na mukhang nababalot ng mahika, kinuha iyon ni Ama mula sa almuwada at iniabot sa akin. “Tanggapin mo rin ang mahiwagang mapa ng kagubatan ng Majica, anak. Ang mapang ito ay nag-iisa at gawa sa kapangyarihan ng tatlong gurong salamangkero. Kanila itong ipinagkaloob sa atin upang alam natin kung saan sila hahanapin sa oras na mangailangan tayo ng tulong. Tutulungan ka nitong marating ang inyong destinasyon,” mahabang pahayag pa niya, tinanggap ko naman iyon at marahang tumango. “Salamat, Ama,” sagot ko. “Humayo na kayo’t ipagdadasal ko ang tagumpay sa inyong paglalakbay,” saad pa ni Ama. “Binibigyan kita ng babala, Elex, hindi lahat ng nilalang na inyong makakalaban ay maaari niyong paslangin, dahil karamihan sa mga ito ay may sumpa,” bahagya akong nakaramdam ng kaba sa sinabi niya pero pilit na lang akong tumango. Sa huli ay tumalikod na ako sa kanya at nagsimula nang maglakad palapas sa palasyo. Bawat diwatang madadaanan ay binibigyan ako ng pagbati na sinusuklian ko naman ng ngiti at marahang pagtango. Dahil doon ay batid kong hindi lang si Ama ang umaasa sa akin, maging sila… dahil alam kong wala silang ibang hangad kung hindi ang kanilang kaligtasan at ang katahimikan sa kabuuan ng Majica, ang aming mundo. Pagkalabas namin ni Niyebe sa palasyo ay bumungad din sa akin ang maraming mga diwata na may iba’t ibang anyo. Alam kong gusto rin nilang masaksihan ang basbas na ginawa sa akin na Ama ngunit sa dami nila ay hindi sila kakasya lahat sa bulwagan ng palasyo. May mga duwende ang naroon, may mga mariposa, ang mga mariposa ay diwatang kasing laki lang ni Niyebe, anyong tao sila na may mahahabang tenga at pakpak na parang sa isang paruparo. May mga diwata rin na kagaya namin na anyong tao, may mahaba at matutulis na tenga, kulay puti ang suot na mahabang damit at kulay niyebe rin ang balat at buhok. Nang nasa harap na kami ng tarangkahan ay muli kong nilingon ang palasyo. Kahit na ramdam ang kaba ay napangiti ako nang makita ang kagandahan nito. May mga ibong nagsisiliparan sa himpapawid, makulay at maningning ang lugar na parang hindi nakararanas ng kaguluhan, ngunit alam kong pansamantala lang iyon dahil hindi pa tuluyang nasisira ang iba pang pananggala. “Handa ka na ba, Prinsepe?” maliit ang boses na tanong ni Niyebe na nakaupo pa rin sa kaliwang balikat ko, nagbuntong hininga naman ako at sa huling pagkakataon ay nilingon ko ang aming palasyo pati na rin ang mga diwata at engkantadong nakatingin sa akin, tapos ay marahan akong tumango sa kanya. “Handa na ako, Niyebe. Pero ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na tawagin mo ako sa pangalan ko? Napakakulit mo talang bansot ka,” sagot ko sa kanya na idinadaan sa pagbibiro upang kahit na papaano ay mapawi ang kabang nararamdaman ko. Napangiwi naman ako nang hilain niya ang kaliwang tenga ko dahil tinawag ko siyang bansot. “Sasaktan ulit kita kapag tinawag mo pa akong bansot,” banta niya kaya natawa ako. “Mainam kung handa ka na,” dagdag pa niya. Kumunot ang noo ko nang umalis sa balikat ko si Niyebe, lumipad siya patungo sa harap ko hawak ang isang maliit na bansi. Tapos ay pinatugtog niya iyon. Nakakahalina ang musikang inilalabas niya, para iyong nagtatawag ng isang bagay o nilalang na hindi ko mawari. Mayamaya lang ay napangiti siya at agad na itinigil ang pagtugtog, kasabay no’n ay may nakita akong isang nilalang mula sa himpapawid na lumilipad palapit sa amin. Napangiti rin ako nang makita ang isang Ligaya. Ang Ligaya ay isang hayop, ang wangis nito ay pinaghalong usa at agila. Katawan ng isang pangkaraniwang usa, ngunit may pakpak at ang dalawa nitong paa ay katulad din ng sa agila. Mailap ang mga Ligaya sa mga diwata at engkantado, lalo na’t marami kasing may masasamang loob sa Majica na nanghuhuli ng mga ito para gawing pagkain, kung hindi naman ay aalilain. Kaya nakakatuwa at nakatawag si Niyebe ng isa. Pagkababa ng Ligaya sa harap namin ay iginalaw nito ang kanyag buntot at marahan pa akong dinilaan sa kanang bahagi ng paa ko. Napangiti ulit ako at marahang hinaplos ang ulo nito. “Ito ang aking kaibigang Ligaya, Elex, paumanhin ngunit wala siyang pangalan. Gayunpaman ay siya ang tutulong sa atin upang makababa sa lupa. Ibababa niya tayo sa harap ng mahiwagang kagubatan ng Majica, hindi siya sasama sa ating paglalakbay sapagkat hindi maaaring magtagal ang mga Ligaya sa lupa dahil sa dami ng mga masasamang engkantado na nagnanais na huliin sila, gayunpaman ay maari natin siyang tawagin ano mang oras kung kailangan natin ng kanyang tulong,” marahan akong tumango sa sinabi ni Niyebe. “Ikinagagalak kong makilala ka kaibigang Ligaya, ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa tulong na iyong ibibigay,” saad ko, dinilaan naman niya ulit ang paa ko at iginalaw ang kanyang buntot. “Masaya raw siyang makatulong, Elex,” sagot naman ni Niyebe, tapos ay lumipad na ulit papunta sa kaliwang balikat ko. “Sumakay ka na sa kanyang likod, Elex, nang tayo’y makapagsimula na sa ating paglalakbay,” saad pa ulit niya. Nang sabihin niya iyon ay yumuko naman ang Ligaya na parang binibigyan ako ng permisyon upang sumakay na sa likod nito. Hindi naman ako nagdalawang isip na gawin ang sinabi ni Niyebe. Nang nakasakay na ako sa likod ng Ligaya ay agad nitong iginalaw ang kanyang mga pakpak, tapos ay unti-unti na kaming lumipad sa ere. Muli ay nilingon ko ang aming palasyo, nakita ko na naroon din si Ama na nakatingin sa amin. Gamit ang kanyang kanang kamay ay nakita kong gumamit siya ng mahika upang pansamantalang buksan ang isang lagusan palabas ng palasyo. Nang makalabas na kami ay nagsara din agad iyon. Habang nasa himpapawid kami ay lumingon ulit ako sa palasyo namin na nasa likod ng mga ulap, hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng kaba habang natatanaw kong unti-unti kaming lumalayo sa lugar na alam kong ligtas ako. Mula naman sa taas ay tanaw ko ang ibabang bahagi ng mundo ng Majica na sa wari ko’y unti-unti na ring nasisira. Hindi nakawala sa aking paningin ang iilang mga puno na naputol, may mga apoy sa iba pang parte nito at mga itim na usok na alam kong hindi maganda para sa aming mundo. Dahil sa aking nasaksihan ay mas namutawi sa akin ang kagustuhang maayos ang aming mundo. Hindi ako maaring mabigo sa paglalakbay na ito. Kailangan kong mailigtas ang mga diwata’t engkantado, kailangan kong matutuhan kung paano gamitin ang kapangyarihan ko upang mapanatili ang katahimikan, kaayusan at kagandahan ng aming mundo. Hindi ko alam kung gaano kami katagal na nasa himpapawid, ngunit mayamaya lang ay ramdam kong unti-unti na rin kaming ibinababa ng Ligaya. Habang papalapit sa lupa ay ay mas lalo akong nakakaramdam ng kaba. Walang nagsasalita sa amin ni Niyebe, at dinig na dinig ko ang malakas na kabog ng aking puso. “Ramdam ko ang iyong takot, Elex, ngunit umasa ka na gagawin ko rin ang lahat upang pareho tayong maging ligtas. Gagawin ko ang makakaya ko upang gabayan ka. Hindi kita pababayaan,” napangiti ako sa sinabi ni Niyebe. Maliit man si Niyebe ay marami naman siyang kayang gawin. Kaya niyang manggaya ng wangis at boses. Marami rin siyang kayang tawagin na mga kaibigan niya, gaya nitong Ligaya. At isa pa ay gaya ko, ginagabayan din siya ng kapangyarihan ng apat na elemento dahil doon siya nagmula. “Maraming salamat, Niyebe,” sagot ko naman sa kanya. Malapit na kaming makababa nang marinig ang malakas na sigaw ng sinasakyan naming Ligaya, daing iyon ng sakit na parang nanunuot sa buto’t balat. Mabilis ang mga sumunod na nangyari, nahanap na lang namin ang aming mga sarili na bumagsak sa lupa. Hindi ko alam kung kailangan kong magpasalamat dahil hindi na masyadong mataas ang aming kinabagsakan at walang nangyari sa amin. Ngunit agad akong binalot ng pag-aalala nang makita ang Ligaya na nakahiga sa lupa habang ang kulay berdeng dugo ay lumalandas mula sa kaliwang pakpak nito. Mabilis naman akong tumayo mula sa pagkakahiga at patakbong lumapit sa kawawang Ligaya. May luha sa mga mata nito na parang iniinda talaga ang sakit. Tama nga si Niyebe, delikado ang buhay ng mga Ligaya sa lupa. Si Niyebe naman ay mahigpit ang kapit sa kaliwang tenga ko na halatang nagulat din dahil sa nangyari. Sabay pa kaming napalingon pakanan nang marinig ang halakhak ng isang malaking nilalang. Nakakatakot ang hitsura nito, wala siyang suot na saplot maliban sa bahag. Para itong tikbalang pero hindi. Kalahating tao at kalahating halimaw. May hawak din siyang sibat na siyang ginamit niya upang puntiryahin ang Ligaya. “Rabot! Rabot!” aligagang bulong sa akin ni Niyebe. Tama siya. Isa itong Rabot kung tawagin, isang halimaw na kilala sa panghuhuli ng Ligaya upang gawing pagkain. “Niyebe, a-anong gagawin natin?” kinakabahang bulong ko rin. Inilabas ni Niyebe ang kanyang bansi, marahil ay para tumawag ng tulong ngunit agad kaming binato ng sibat ng Rabot. Napa-atras ako kasi tatama na sana sa mukha ko ang sibat na iyon ngunit agad ding natigilan nang makita ang apoy sa harap ko na nagmistulang pananggala. Nilusaw ng apoy na iyon ang sibat. Gulat ako sa mga pangyayari. Agad namang sinundan ng mga mata ko kung saan nanggagaling ang kapangyarihang apoy, laking gulat ko nang makita ang dalawang nilalang hindi kalayuan sa puwesto namin na sobrang pamilyar sa akin. Hindi ako maaraming magkamali. Kilala ko sila. Sila ang dalawang tao na bahagi ng bangungot ko. “Siria… Nox…” banggit ko sa pangalan nila. Saglit silang napalingon sa akin bago muling binalingan ang Rabot upang kalabanin ito. Hindi naman ako makapaniwa sa nakikita ko. Totoo nga sila. At isa lang ang ibig sabihin nito, totoong nangyari rin ang bangungot ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD