Kabanata V

2200 Words
Marahan akong kumuha ng tubig gamit ang dalawang kamay ko mula sa isang lawa kung saan kami nagpasyang magpahinga at agad na hinilamusan ang aking mukha. Napabuntong hininga ako at saglit na tumitig sa repleksiyon ko sa malinaw na tubig. “Mukhang malalim ang iyong iniisip, may problema ba?” napalingon ako sa gilid ko at nakita ko si Siria. Hindi ko alam kung gaano na kami katagal na naglalakad. Pero nang mapansin naming kakagat na ang dilim ay nagpasya kaming magpahinga na muna. Nakakatuwa naman kasi sa tabi ng isang lawa kami napadpad. “Iniisip ko lang kung magagawa ko ba itong pakay ko. Ang daming mga diwata ang umaasa sa akin,” sagot ko. Totoo ang sinabi ko. Iyon talaga ang nararamdaman ko ngayon. Ayokong biguin ang lahat at mas lalo naman na ayaw kong masira ang mundo namin. Ni hindi ko nga maintindihan kung bakit nais ng dalawang kaharian na mas mangibabaw ang kanilang kapangyarihan, gayong alam naman ng lahat na kailangang balanse iyon dahil kapag tuluyang mas nangibabaw ang isa ay masisira na ang aming mundo. Napakagulo. Hindi ko na talaga alam at maintindihan ang lahat. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong mapalabas ang kapangyarihan ko para sa ikaaayos ng lahat. “Naniniwala kami na kaya mo,” sagot niya kaya napalingon ulit ako sa kanya. “Kung kailangang isakripisyo namin ang buhay namin para maprotektahan ka sa paglalakbay na ito ay hindi kami magdadalawang isip na gawin iyon para lang magtagumpay ka, Prinsepe, dahil kagaya mo, wala rin kaming ibang hangad kung hindi ang kaayusan ng ating mundo,” dagdag pa niya. Napabuntong hininga naman ako dahil doon. Pakiramdam ko ay napakasama ko dahil pinag-isipan ko sila ng hindi maganda. Pero masisisi niyo ba ako gayong sila talaga ang dalawang tao na nasa bangungot ko? Hindi lang iyon, prinsepe at prinsesa sila ng mga kaharian na nagnanais ng labis na kapangyarihan sa aming mundo. “Muli akong humihingi ng tawad dahil pinag-isipan ko kayo ng hindi mabuti,” saad ko ulit, matamis naman siyang ngumiti at agad na umiling. “Batid ko kung bakit iyon ang naisip mo. Lalo pa’t sinabi mong nakita mo kami sa iyong bangungot, at isa pa, bakit ka na naman magtitiwala sa mga diwata na naninirahan sa mga kaharian na nais sakupin ang ating mundo, hindi ba?” napabuntong hininga ulit ako at marahang tumango. “Paumanhin, Prinsepe,” napalingon kami kay Nox nang magsalita siya. “Ngunit nais ko rin sanang isipin mo ang dahilan kung bakit kami magkasama ni Siria,” dagdag pa niya. Saglit naman akong natahimik at napaisip. Oo nga, tama sila. Ang mga ama nila ay parehong naghahangad ng labis na kapangyarihan at gustong mamuno sa kabuuan ng Majica, kung tutuusin ay hindi dapat sila magkasama dahil sa gulong namamagitan sa kanilang pamilya. Pero magkasama silang naglalakbay, dahil daw nais din nila ng katahimikan at kaayusan sa aming mundo. “Kung gano’n ay hindi kayo sang-ayon sa binabalik ng inyong mga ama?” tanong ko, sabay pa silang umiling sa tanong ko. “Wala kami rito kung naghahangad din kami ng labis na kapangyarihan, Prinsepe,” sagot naman ni Nox. “Elex, tawagin niyo na lamang akong Elex,” sagot ko, napangiti naman sila dahil doon at sabay ulit na tumango. “Hindi ko mawari kung saan at paano nagsimula ang lahat,” saad ni Siria at naglakad papunta sa isang malaking ugat ng puno at agad na umupo doon. Naglakad din ako papunta sa kabilang banda ng malaking ugat at doon ay naupo. Si Nox naman ay umupo sa tabi ni Siria. Napangiti naman ako nang makita si Niyebe na masarap ang tulog sa puting tela na inilapag ko kanina. “Ang natatandaan ko ay maayos naman ang relasyon ng dalawang kaharian,” saad ulit ni Siria kaya napalingon ako sa kanya para makinig sa kuwento niya. “Mga musmos pa lang kami ni Nox ay nagkakilala na kami dahil madalas kung pumasyal ang kanyang ama sa aming kaharian, kung hindi naman ay kami ni ama ang papasyal sa kanila,” dagdag pa niya sa kuwento niya. Hindi naman ako sumagot. Nanatili akong tahimik dahil interesado akong marinig ang kanyang kuwento. “Nasaksihan ko ang pagkakaisa at pagkakaibigan ng dalawang kaharian, iyon na rin ang dahilan kung bakit kami naging magkaibigan ni Nox, at hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ng aking ama kung bakit ngayon ay ninanais niyang mas maging lamang at mamuno sa buong Majica,” dagdag pa niya sa kuwento niya. “Gano’n din ako,” mababa naman ang boses na sagot ni Nox. “Nakakalungkot isipin na ang magadang samahan ng dalawang kaharian ay unti unting nagbago dahil sa kasakiman sa kapangyarihan,” dagdag pa niya. “Sinubukan kong baguhin ang kanyang isip dahil ang hangad niyang mundo ay hindi ang mundong nais kong masaksihan ng mga diwatang mabubuhay pa lang sa hinaharap, ngunit masyado na siyang bulag sa ambisyon niyang maging hari sa ating mundo,” saad pa niya. “Iyon ang dahilan kung bakit ako tumakas sa aming kaharian at nagpasyang puntahan si Siria,” ngumiti siya at nilingon si Siria pagkatapos sabihin iyon. “Nakakatuwa dahil pareho kami ng iniisip, balak ko na rin siyang puntahan noong mga panahong iyon upang isama sa pasya kong paglalakbay patungo sa inyong kaharian, Elex, dahil nais kong hingin ang tulong ng iyong Ama upang matapos na ang kaguluhan sa ating mundo,” saad naman ni Siria. “Bakit hinangad niyong magtungo sa aming kaharian gayong alam niyo naman na hindi kayo makakapasok doon dahil sa pananggalang nagmula sa kapangyarihan ng apat na elemento?” kuryosong tanong ko naman. “Ang balak namin ay manatili sa tarangkahan ng inyong kaharian kapag kami ay naroon na, hanggang sa maawa ang iyong ama at kami ay papasukin,” sagot naman ni Siria. “Hindi nga lang namin alam kung paano makakapunta sa ulap, kung kaya’t naghahanap kami ng Ligaya na maaaring tumulong sa amin,” saad naman ni Nox. “Hindi ba’t hawak niyo ang kapangyarihan ng hangin?” tanong ko kay Siria, marahan naman siyang tumango at ngumiti. “Kung gano’n ay bakit hindi mo inutusan ang ulap na dalhin kayo sa aming palasyo?” tanong ko ulit, umiling naman siya. “Nauutusan ko ang hangin, ngunit hindi ang ulap, Elex, at isa pa, limitado ang mahika na kaya naming gawin,” marahan naman akong tumango sa isinagot niya kahit pa nalilito na ako sa dami ng mga nalalaman ko. “Alam ko na hindi ka pa rin tuluyang nagtitiwala sa amin, Elex, at naiintindihan ko kung bakit. Ngunit maaari mong panghawakan ang aking salita, hindi kami masama, Elex,” saad naman ni Nox kaya napalingon ako sa kanya. Ang paraan ng pananalita nila ay puno ng sinseridad. Iyong tipong binibigyan ang ng kasiguraduhan na ligtas ako kapag kasama ko sila. Pero hindi ko talaga magawang magtiwala ng tuluyan… Nagulat ako nang ilahad ni Nox ang magkabila niyang mga palad at nagbanggit ng mahika. “Mula sa kapangyarihan ng apoy at lupa,” saad niya, nang banggitin niya iyon ay lumabas ang kulay pulang enerhiya sa kanang kamay niya na sumisimbolo sa kapangyarihan ng apoy, sa kaliwang kamay naman ay ang kulay kayumangging enerhiya na sumisimbolo sa kapangyarihan ng lupa. “Kilalanin niyo si Prinsepe Elex, ang prinsipeng pinapangalagaan ng inyong kapangyarihan. Inuutusan ko kayo na kitilin ang aking buhay sa oras na masaktan at mapahamak siya dahil sa aking kagagawan, dahil kagaya niyo, hangad ko rin na siya ay protektahan,” dagdag pa niya. May kung anong mainit na bagay ang humaplos sa puso ko nang sabihin niya iyon. Bigla namang sumayaw ang kulay kayumanggi at pulang enerhiya sa pagitan naming dalawa bago iyon tuluyang nawala, tapos ay ngumiti si Nox sa akin. “Wala akong kakayahang bawiin ang mahikang iyon, dahil hindi mo man taglay sa ngayon ang kapangyarihan ng apat na elemento ay ikaw ang kanilang tunay na pinapangalagaan, Elex,” saad ni Nox. “Gano’n din ako,” napalingon ako kay Siria nang magsalita siya. Tapos ay inilahad din niya ang magkabilang palad niya. “Mula sa kapangyarihan ng hangin at tubig, inuutusan ko rin kayo na bawiin ang aking buhay sa oras na masaktan at mapahawak mula sa aking mga kamay ang prinsepe na tunay niyong ginagabayan,” ang nakakasilaw na kulay asul at berdeng enerhiya at nagsayaw rin sa pagitan naming dalawa bago iyon mawala. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil sa ginawa nila. Naniniwala na ako na hindi sila masasamang mga diwata, gano’n pa man ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang bangungot. Alam ko na may ibig sabihin iyon, kung ano ay hindi ko pa alam sa ngayon. Nagdadasal na lang ako na kung ano man iyon ay hindi sana magdudulot ng panganib sa akin, at sa iba pang mga nilalang sa Majica. “Maiba ako, Elex,” saad ni Siria nang matapos silang magbitaw ng mahika, nilingon ko naman siya agad. “Ito ba ang unang beses na lumabas ka ng kaharian niyo?” marahan akong tumango sa tanong niya. “Ipinagbabawal iyon ni Ama, bihira lang ang mga pinahihintulutan niyang mga diwata na bumaba rito, madalas ay kung may iuutos lang siya,” sagot ko naman, marahan namang tumango si Siria sa sinabi ko. “Kung gano’n ay hindi ka pamilyar dito sa ibaba at sa kung ano ang mga maaari mong makasalamuha,” saad naman ni Nox kaya napalingon ako sa kanya. “Mabuti na lang pala ay nakita ka namin. Delikado, Elex, lalo pa’t maraming mga nilalang dito sa ibaba na gumagamit ng itim na kapangyarihan,” marahan akong tumango sa idinagdag niya. “Batid ko iyon, at lubos akong nagpapasalamat kasi nagpasya kayong tulungan ako,” sagot ko naman. “Masaya kami na makatulong, Elex,” saad naman ni Siria kaya ngumiti ako sa kanya. Sa bangungot ko ay walang ginawang hindi maganda sa akin si Siria, kung tutuusin ay kaming dalawa pa nga ang napahamak sa mga kamay ni Nox, kaya magaan ang loob ko sa kanya. Aaminin ko na sa tuwing nakikita ko si Nox ay nagagalit ako, kahit pa napatunayan na niya na hindi siya masamang diwata. Hindi ko maintindihan pero may pakiwari ako na ano mang oras ay maaari siyang magbago at ipahamak kami. Ngunit hindi naman niya ata magagawa iyon, lalo pa’t sumumpa siya sa kapangyarihan ng apoy at lupa. Maliban na lang kung handa siyang kitilin ang sarili niyang buhay para lang mapaslang ako. Ngunit… gano’n naman ang ginawa niya sa bangungot ko, hindi ba? Pagkatapos niya kaming paslangin ni Siria ay kinitil din niya ang sarili niyang buhay. Hindi ko na alam. Hindi ko na mawari kung ano ang paniniwalaan ko. Napabuntong hininga na lang ako at nagpasyang umupo sa tabi ng telang dala ko kung saan mahimbing na natutulog si Niyebe. “Magpapahinga ka na?” mababa ang boses na tanong ni Siria, ngumiti naman ako at marahang tumango. “Oo,” sagot ko. “Ngunit hindi ka pa naghahapunan,” saad niya. “Kailangan mong kumain upang magkaroon ka ng lakas bukas, Elex, mahaba pa ang ating lalakbayin,” saad niya. Tama siya. Kaya naman marahan kong hinawakan si Niyebe at dinala sa kandungan ko para doon magpahinga. Tapos ay binuksan ko ang dala kong tela para kumuha ng prutas na maaari naming makain doon. Konti lang iyon, pero sa tingin ko ay mabubusog naman na kaming tatlo. “Pagsaluhan na natin itong mga dala kong prutas,” saad ko sa kanila, nagkatinginan naman sila at ngumiti sa akin. “Maraming salamat, Elex,” sagot ni Siria. “Ngunit ayaw mo bang kumain ng karne ng isda? Puwede rin kaming humanap ng ligaw na baboy o manok upang iyong maging hapunan,” ngumiti naman ako at umiling. “Hindi ako kumakain ng karne ng mga hayop, puro gulay at prutas lang,” tumango naman siya sa sinabi ko. “Mainam, dahil gano’n din kami. Paumanhin kung inakala kong kumakain ka ng karne, wala lang talaga akong ideya kung paano kayo mamuhay sa itaas,” tumango naman ako sa sinabi niya. “Naiintindihan ko,” sagot ko naman. Tumayo naman sila at naglakad palapit sa akin tapos ay pinagsaluhan namin ang mga dala kong prutas. “Gagawa ako ng takuyan bukas, upang maging lalagyan ng mga prutas na maaari nating makuha sa daan,” saad ni Nox, tumango naman si Siria bilang pagsang ayon. “Mabuti pa nga,” sagot niya. Ilang sandali lang ay natapos na rin kami sa pagkain. Saglit lang akong nagpahinga bago nagpasyang humiga na sa damuhan habang nakaunan sa dala kong tela. Napalingon naman ako kay Nox nang mapansing tumayo siya at inilahad ang kamay sa ere. “Kapangyarihan ng apoy, nakikiusap ako na bigyan mo kami ng pananggalang tutupok sa kung sino man ang magnais na lapitan at saktan kami sa aming pamamahinga,” saad niya. Namangha naman ako nang makita ang isang kulay pulang enerhiya na parang naging pananggala sa kung saan mismo kami naaroon. Mabilis lang ang liwanag na iyon tapos ay agad ding nawala. Dahil sa ginawa niya ay napanatag naman ang loob ko na makakapagpahinga kami ng maayos ngayong unang gabi ng aming paglalakbay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD