Kabanata VI

2120 Words
Marahan kong iminulat ang aking mga mata nang tumama ang nakakasilaw na sikat ng araw sa aking mukha. Lumingon ako sa paligid at nakita kong gising na ang mga kasama ko. Sina Nox at Siria ay nakaupo sa malaking ugat ng puno, habang si Niyebe naman ay nakaupo sa kanang balikat ni Nox. Nagtatawanan pa silang tatlo na parang masaya sila sa kanilang pinag-uusapan na hindi ko alam kung ano. Hindi ko maintindihan ngunit nakaramdam ako ng inis dahil sa palagay ang loob ni Niyebe sa dalawa, hindi lang iyon, sa braso pa siya ni Nox nakaupo. Marahil ay nagseselos ako sa ideya na iyon ang madalas gawin ni Niyebe sa akin, at hindi ko matanggap na ngayon ay kaibigan na niya ang lalaking pumaslang sa akin sa bangungot ko. “Magandang umaga, Elex. Magandang umaga, Elex! Magandang umaga, Elex! Maganda umaga!” ang maliit at matinis na boses ni Niyebe ang aking narinig. May ugali siyang ganito, madalas ay paulit ulit siya sa kanyang mga sinasabi. Dalawa ang dahilan kung bakit niya iyon ginagawa, una ay kapag masaya siya, at ang pangalawa naman ay kapag natatakot siya. “Kumuha kami ng prutas kaninang nahihimbing ka pa, maari ka nang kumain at magpahinga nang makapagsimula na tayong muli sa ating paglalakbay,” ang nakangiting saad ni Siria, tipid naman akong ngumiti sa kanya at marahang tumango. Agad akong tumayo mula sa damong kinahihigaan ko tapos ay naglakad patungo sa lawa upang hilamusan ang aking mukha. Naging mabilis lang naman iyon, pagkatapos ay agad akong naglakad patungo sa ilalim ng malaking puno at umupo rin sa malaking ugat nito. Kumuha ako ng isang piraso ng kulay pulang prutas na sinasabi nila tapos ay agad ko iyong kinain. Habang ginagawa ko iyon ay agad na kumunot ang noo ko nang makita ang itim na abong nasa aming harapan. “Saan nanggaling ang itim na abong ito?” mababa ang boses na tanong ko sa kanila. “Isa ‘yang Manggagaway, Elex, maaaring siya ang nakasagupa natin kahapon. Binalak niya tayong lapitan kagabi ngunit tinupok siya ng pananggalang apoy na aking ginawa,” sagot naman ni Nox. Marahan naman akong napatango sa sinabi niya. Mabuti na lamang pala at gumawa siya ng pananggala. Kung hindi ay baka napahamak na kami. Halatang bihasa na sila sa kanilang mahika at alam na alam na nila ang kailangang gawin upang maging ligtas kami sa paglalakbay na ito, iyon ang isang bagay na nakakatuwa. Tama ang desisyon na isama ko sila. Gano’n pa man ay hindi pa rin nawawala ang hindi magandang kutob ko sa kanya, at hindi ko pa rin alam kung bakit. Napansin kong lumipad sa ere si Niyebe at agad na lumapit sa akin, tapos ay umupo siya sa kaliwang balikat ko at kumapit sa kaliwang bahagi na aking tenga na siyang lagi niyang ginagawa kaya naman napangiti ako. “Nakatulog ka ba ng maayos, Niyebe?” ang tanong ko, naramdaman ko naman ang marahan niyang pagtango. “Mahimbing ang aking tulog,” masayang sagot pa niya. Hindi na ako nagsalita pagkatapos no’n. Nagpatuloy na lang ako sa pagkain ng prutas. Nang matapos ay saglit lang akong nagpahinga bago kami nagpasyang umalis na at simulan ang ikalawang araw ng aming paglalakbay. Habang naglalakad ay hawak ko ang mahiwagang mapa, makinang ang kulay gintong liwanag na inilalabas nito, itinuturo sa amin ang tamang daan. Nauuna si Nox sa paglalakad na suot sa kanyang likod ang isang takuyan, sa tingin ko ay ginawa niya iyon kaninang tulog pa ako. Nakasunod naman ako sa kanya kahit pa ako ang may hawak ng mapa, nasa kaliwang balikat ko pa rin si Niyebe at nasa likod naman namin si Siria. Iyon ang napagpasyahan namin, ang nakapagitna ako sa kanila para agad daw nila akong maprotektahan kung sakaling may panganib kaming haharapin. “Pagmasdan niyo ang mga Mariposa, sadyang nakakamangha,” ang nakangiting saad ni Nox na agad na tumigil sa paglalakad. Agad naman kaming lumapit sa kanya para tumingin din sa direksiyon na kanyang tinititigan. Napangiti ako nang makita ang napakaraming makukulay na kabute sa gilid ng isang malaking puno. May mga Mariposa sa gilid nito na masayang nagsisiliparan, may iilan ding nakaupo sa mga kabute. Kabute ang madalas na tirahan ng mga Mariposa, ngunit bihira kung makakita kami no’n dahil nagtatago sila. Kagaya ng mga Ligaya ay mailap din sila sa mga nilalang sa Majica, may mga masasamang diwata kasi na hinuhuli sila upang paslangin at gawing sangkap sa itim na mahika, madalas na gumagawa no’n ay mga Manggagaway. Kumunot ang noo ko nang lumipad si Niyebe at umalis mula sa balikat ko, tapos ay agad siyang nagtungo sa puwesto ng mga Mariposa. Gaya ng sinabi ko ay kaanyo rin namin sila, parang anyong tao ngunit maliliit at may pakpak na tila sa isang paruparo. Halatang nagulat ang mga Mariposa sa pagdating ni Niyebe at agad silang napalingon sa amin. Ang akala ko ay magsisiliparan sila paalis pero hindi nila ginawa iyon. Bagkos ay nagsiliparan ang maraming Mariposa patungo sa direksiyon ko at lumipad sa paligid ko. May iilan pang umupo sa balikat at buhok ko kaya napangiti ako. “Natutuwa raw silang makita ka, Prinsepe Elex,” napangiti ako sa sinabi ni Niyebe. Si Niyebe ay may kakahayang maintindihan ang sinasabi ng kahit na anong nilalang sa aming mundo, hindi kagaya namin na hindi alam kung ano ang nais nilang sabihin. “Natutuwa rin akong makita kayo mga kaibigang Mariposa, paumanhin kung nagambala namin kayo, makikidaan lang sana kami,” nakangiting saad ko naman. May mga sinasabi sila na parang bulong na hindi ko maintindihan, halos sabay sabay pa iyon pero napangiti ako kasi mukha silang nagagalak. “Hindi raw magiging abala sa kanila ang prinsepe ng Kahariang Langit,” saad naman ni Niyebe kaya napangiti ulit ako. “Nais pa sana naming manatili ngunit kailangan na naming magpatuloy sa aming paglalakbay,” saad ko. Iyong mga Mariposang nakaupo sa ulo at balikat ko ay agad namang umalis. Ngayon ay nagsisiliparan na sila sa harap ko at parang may sinasabi kaya nilingon ko si Niyebe na lumilipad katabi nila. “Binibigyan nila tayo ng babala na mag-ingat sa aking paglalakbay, hindi raw kalayuan sa daan ay may isang malaking halimaw na kumukuha ng mga diwata,” bahagya akong kinabahan sa sinabi ni Niyebe. “Maraming salamat sa babala mga kaibigang Mariposa,” saad ko. Si Niyebe ay agad na lumipad pabalik sa balikat ko, tapos ay mabilis na lumipad ang mga Mariposa papasok sa loob ng puno. Aalis na sana kami pero agad na natigilan nang sabay sabay silang lumabas ulit at dala dala ang isang maliit na bote. Tulong tulong sila sa pagbuhat no’n na parang napakabigat para sa kanila. Huminto pa sila sa harap ko na para bang ibinibigay iyon sa akin. Tapos ay sabay sabay ulit sila na parang bumulong. “Tanggapin mo raw ang botelyang ito,” saad ni Niyebe. “Ang kulay asul na likidong laman ay may mahika na kayang patulugin ang malaking halimaw na sinasabi nila,” dagdag pa niya. Ngumiti naman ako at agad na inilahad ang kamay ko, agad naman nila iyong inilapag sa palad ko. “Huwag kayong mag-alala, poprotektahan namin si Elex, papaslangin namin ang kung sino man ang magtatangkang saktan siya,” saad naman ni Nox kaya sabay sabay na umiling ang mga Mariposa. “Hindi niyo raw maaaring paslangin ang halimaw,” saad naman ni Niyebe kaya kumunot ang noo ko. “May sumpa raw ang mga ito na kung sino man ang papaslang ay magiging wangis nila,” dagdag pa niya. Naliwanagan naman ako kung bakit binigay nila ang botelyang ito sa akin. Hindi pala naming maaaring paslangin ang halimaw na sinasabi nila, kaya nais nilang patulugin na lang namin ito. “Maraming salamat ulit sa inyong tulong mga munting kaibigan, nagagalak ako na makita at makausap kayo ngayon,” sabay sabay naman silang tumango at ngumiti pa sa akin na siyang ikinatuwa ko naman. “Masaya raw silang makatulong at hangad nila ang ating tagumpay sa paglalakbay na ito,” saad ni Niyebe. Sa huling pagkakataon ay nagpaalam na kami ulit sa kanila. Sila naman ay nagsiliparan na pabalik sa malaking puno na kanilang tinitirhan kaya nagsimula na kaming maglakad ulit at magpatuloy sa aming paglalakbay. “Ano ang halimaw na tinutukoy nila?” kuryosong tanong ko habang naglalakad na kami ulit. “Ikugan,” sagot naman ni Nox. “Ang mga Ikugan ay mukhang unggoy, ngunit di hamak na mas malaki sila. Kasing talino ng mga diwatang kagaya natin at may sumpa na kung sino man ang pumatay ng isa sa kanilang lahi ay magiging kagaya rin nila,” napatango tango naman ako sa sinabi niya. Alam ko ang mga Ikugan, may aklat kasi si Ama na madalas kong binabasa noon. Laman ng aklat na iyon ang iba’t ibang klase ng mga nilalang dito sa Majica kaya pamilyar ako sa kanila. Ngunit hindi ko alam na may gano’ng sumpa pala sila. “Nabasa ko sa aklat ni Ama ang tungkol sa mga Ikugan, ngunit hindi ko matandaan ang tungkol sa sumpa nila,” sagot ko naman. “Alam ko rin ang tungkol sa kanila, ngunit kagaya mo ay wala akong ideya tungkol sa sumpa. Nakakatuwang makasalumuha ang mga Mariposa kahit pa maiksing oras lang upang tayo’y bigyan ng babala,” marahan naman akong tumango sa sinabi ni Siria. “Ito pala ang babala sa akin ni Ama na hindi lahat ng nilalang sa Majica ay puwede nating paslangin,” sagot ko naman. “Wala ka bang ideya rito, Niyebe?” tanong ko naman. Naalala ko kasi na galing na siya sa paglalakbay na ito noong mga panahong ang ginagabayan pa niya ay ang aking ama. “Alam ko, nakalimutan ko lang sabihin, naunahan ako ng mga kaibigang Mariposa,” napangiti naman ako sa sinabi niya at marahang tumango. “Mabuti, dahil hindi sa lahat ng oras ay may mga Mariposa na tutulong sa atin,” sagot ko naman. Pagkatapos kong sabihin iyon ay sabay sabay kaming napalingon sa aming likod nang marinig ang malakas na sigaw ni Siria. Nakita namin ang isang malaking buntot na nakapulupot sa kanyang bewang at hinila siya nito papunta sa taas ng isang malaking puno. Agad akong nakaramdam ng kaba nang makita ang isang malaking halimaw na nanlilisik ang mga matang nakatingin sa amin. Ikugan. Ito ang halimaw na sinasabi ng mga Mariposa. Napalingon naman ako kay Nox na agad tumakbo papunta sa harap ko. “Siria!” sigaw niya. Inilahad pa niya ang kamay na tila ba handa nang gumamit ng mahika ngunit agad ko siyang hinawakan sa balikat, napalingon naman siya sa akin at agad akong umiling sa kanya, tila naintindihan naman niya ang nais kong sabihin kaya agad niyang ibinaba ang kamay niya at tumingin na lang ulit sa itaas kung nasaan ang Ikugan. Mukha talaga itong isang malaking unggoy. Pinaghalong kulay itim at kayumanggi ang makapal nitong balahibo at matatalim ang mga pangil. May itim din itong mata na nakakatakot tignan dahil nanlilisik itong nakamasid sa amin. “A-Ano ang gagawin natin? Paano natin ililigtas si Siria?” kinakabahang tanong ko. “Iyong botelya, Elex!” agad na sagot sa akin ni Nox. Kukuhanin ko na sana iyon ngunit agad akong napa-atras nang makita ang isa pang malaking buntot ng Ikugan na agad kinuha si Nox. Napaupo pa ako sa madamong lapag dahil sa gulat at nabitawan ko ang botelya, sinubukan ko pa iyong hanapin sa lapag ngunit hindi ko makita kung saan iyon napunta. Ngayon ay dalawa na silang nasa taas ng malaking puno na bihag ng malaking halimaw. Hindi ko naman alam ang gagawin ko. Pakiramdam ko ay wala akong kuwenta dahil wala man lang akong magawa para tulungan at iligtas ang dalawang nilalang na dalawang beses nang nagligtas ng buhay ko mula sa kapahamakan. “Ano ang gagawin natin, Elex? Ano ang gagawin natin, Elex? Ano ang gagawin natin, Elex?” paulit ulit na tanong ni Niyebe. Inuulit niya ang kanyang mga salita dahil sa takot. Naiintindihan ko siya, dahil kagaya niya ay natatakot din ako. Nakatingin ako sa itaas at nakamasid lang kina Nox at Siria na ngayon ay mukhang hirap na hirap dahil sa higpit ng buntot na nakapulupot sa kanilang buong katawan. May parte rin ng buntot ang Ikugan na nakatakip sa kanilang mga bibig, marahil ay para hindi sila makagawa ng ingay o makabanggit ng kahit na anong mahika. Iginala ko ang aking paningin sa lapag para hanapin ang botelya ngunit laking gulat ko nang maramdaman ang mahigpit na bagay na pumulupot din sa bewang ko, humigpit pa ito nang humigpit hanggang sa takpan din ng mabalahibong buntot ang aking bibig. Wala na akong magawa nang unti unti na rin akong hilain pataas ng Ikugan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD