Kabanata VII

2036 Words
Ngayon ay tatlo na kaming nakagapos sa itaas ng malaking puno. Mahigpit na nakapulupot sa amin ang buntot ng malaking halimaw. Ramdam ko ang sakit sa aking buong katawan, ang higpit ng pagkakapulupot nito ay para bang sinusubukan kaming pagkaitan ng hangin. Nasa harap ko sina Nox at Siria na mukhang hirap na hirap din. Kagaya ko ay sinusubukan nilang kumawala ngunit balewala ang kanilang lakas sa Ikugan. Iginala ko ang aking mga mata sa sa ibaba, nakita ko ang botelyang ibinigay ng mga Mariposa sa tabi ng isang kulay pulang kabute. Sinubukan kong lungunin ang natatakot na si Niyebe sa balikat ko para sana senyasan siya at hingin ang kanyang tulong na kunin iyon dahil siya lang ang hindi nakagapos ngunit hindi ko man lang magawang igalaw ang kahit na anong parte ng katawan ko. Ano ang gagawin ko? Hindi ko alam. Bakit ba kasi hindi ko man lang magawang gumamit ng mahika? Simula noong bata ako ay hindi ko iyon alam na gamitin. Naging madugo ang aking pag-eensayo ngunit wala pa rin akong nagawa. Sa huli ay ang paggamit na lang ng armas ang aking inaral. Madalas na sabihin ni Ama na kusa ring lalabas ang aking kapangyarihan. Ngunit kailan pa? Ni hindi ko tuloy magawang ipagtanggol man lang ang aking sarili. Pakiramdam ko ay wala akong kuwenta at wala akong silbi, hindi ko tuloy maiwasang isipin kung magiging matagumpay ba ako sa paglalakbay na ito. Kung oo, paano? Ni wala nga akong kapangyarihan. Wala akong magawa para protektahan ang sarili ko. Ang tanging alam ko lang ay ang paggamit ng espada, ngunit ano ang silbi no’n sa mga nilalang na makakalaban at makakasagupa ko na bihasa sa paggamit ng mahika? Mariin kong ipinikit ang mga mata ko, nagdadasal sa May Likha na iligtas kami ngayon. Nawawalan na ako ng pag-asa. Kung sa mga ganitong nilalang pa lang ay wala na akong magawa, paano pa sa mga susunod na araw? Ngunit ang tanong na patuloy na naglalaro sa aking isipan ay… may susunod na araw pa ba gayong hindi ko alam kung makakawala pa kami sa kamay ng tatlong dambuhalang halimaw na ito? “May Likha, alam kong hindi madalas kung kayo’y aking kausapin, ngunit ang paniniwala at pananampalataya ko sa inyo ay hindi nawawala. Nawa’y gabayan at tulungan niyo po kami. Sapagkat ang paglalakbay na ito ay hindi lang para sa akin, kung hindi para sa lahat ng nilalang sa Majica, at para sa aming mundo na kayo ang may gawa…” Pagkatapos kong sabihin iyon ay iminulat ko ang aking mga mata. Iginala ko ang aking paningin at laking gulat ko nang mapansing nasa harap na ako ng mukha ng dambuhalang halimaw. Nakakatakot ang tingin nito sa akin. Kitang kita ko ang nanlilisik na mga mata nito. Bahagya rin akong nakaramdam ng kaba nang hindi ko na maramdaman si Niyebe sa aking balikat. Isang nakakatakot na sigaw ang ginawa ng malaking halimaw sa mismong mukha ko. Amoy ko ang nakasusulasok na amoy ng kanyang bibig at kitang kita ko ang matatalim na pangil dahil sa pagbukas ng kanyang bibig. Nanlaki naman ang mga mata ko nang makita si Niyebe, kasama ang mga Mariposa na nasa balikat ng malaking halimaw, tulong tulong sila sa pagbuhat nung botelya na ngayon ay wala ng takip. Kinabahan ako sa naging pasya nila dahil maaari nila iyong ikapahamak. Hindi naman ako kumibo dahil ayaw kong gumawa ng ingay. Mayamaya lang ay mabilis silang lumipad patungo sa harap ng malaking halimaw at nakita ko ang maningning na kulay ng asul na likidong ipinatak nila sa bibig ng Ikugan. Halatang gulat ang Ikugan sa biglaang pagdating sa kanyang harap ng maliliit na nilalang, sisigaw pa sana ito ngunit napansin ko ang biglang pagpungay ng kanyang mga mata. Ramdam ko rin ang unti unting pagluwag ng buntot nito na kanina lang ay mahigpit na nakapulupot sa akin. Agad akong napahawak sa malaking sanga ng puno upang hindi mahulog sa ibaba nang hindi na ako bihag ng Ikugan, lumipad naman ang mga kaibigang Mariposa at si Niyebe papunta sa akin at iniabot sa akin ang botelya. Alam ko na ang nais nilang gawin ko, ang iligtas sina Nox at Siria. Napatingin ako sa dalawa habang hawak ko ang botelya, napansin ko ang tingin nila sa akin may halong pag-aalala. Agad akong nakaramdam ng takot nang malakas na sumigaw ang dalawa pang gising na Ikugan na halatang nagagalit sa nangyari, mabilis na ginalaw ng isa ang kanyang buntot patungo sa direksiyon ko ngunit hindi niya ako nagawang tamaan dahil mabilis akong tumalon patungo sa isa pang sanga. Nagtago ako sa likod ng malalaking dahon ng puno, bahagya pa akong nagulat nang makita ang mga Mariposa sa harap ko kasama si Niyebe. “Elex, sinasabi ng mga Mariposa na ang kanilang alikabok ay maari kang bigyan ng kakahayang maglaho sa maiksing oras, ngunit hindi nila kayang gawin sa ating lahat iyon dahil masyadong maraming mahika ang kanilang ilalabas, maari nila iyong ikasawi. Ibibigay nila sa ‘yo ang kanilang gintong alikabok upang mailigtas mo sina Nox at Siria na hindi nakikita ng mga Ikugan, ngunit kailangan mong maging mabilis,” hindi ko naman alam ang isasagot ko sa sinabi ni Elex. “P-Pero…” Gulat ako at kinakabahan pa rin sa puwedeng mangyari, ngunit sila ay nasa harap ko na tila ba naghihintay ng aking desisyon. Kung tutuusin ay puwedeng umalis na kami at hahayaan ko na lang sila dito. Ngunit nakukunsensiya ako sa kaisipang iyon, lalo pa’t dalawang beses na nila akong iniligtas mula sa kapahamakan. “Alam ko ang iyong nasa isip, Elex,” malungkot na saad ni Niyebe, nakita ko rin ang kulay itim na usok na bumalot sa kristal na nasa dibdib niya. Ang kristal na indikasyon ng kanyang emosyon, nalulungkot siya sa naiisip ko. Mariin akong pumikit tapos ay marahang tumango. “Ililigtas ko sila,” sagot ko. Ang itim na usok na nasa kristal ni Niyebe ay biglang naglaho, tapos ay malawak siyang ngumiti sa akin at agad na kinausap ang mga Mariposa. Ang mga kaibigang Mariposa ay lumipad patungo sa aking ulo at tila ba nagsayaw, sa ginawa nilang iyon ay napansin ko ang maningning na kulay gintong alikabok sa sinasabi nila. Wala akong napansin na pagbabago dahil kita ko pa rin naman ang sarili ko. “Hindi na kita makita, Elex, gawin mo na,” saad ni Niyebe. Lakas loob naman akong naglakad palabas. Muli ay nakaramdam ako ng takot nang makita ang dalawang gising na Ikugan na iginagala ang tingin sa paligid na parang hinahanap ako. Nilingon ko si Niyebe at ang mga Mariposa sa likod ng malalaking dahon na pinagtaguan namin kanina. Ang mga Mariposa ay hindi na lumilipad, nakaupo na lang sila sa sanga na tila ba nanghina dahil sa kapangyarihang inilabas nila. Nilakasan ko ang aking loob at marahang naglakad patungo sa puwesto ng malaking halimaw na ngayon ay bihag si Siria. Sinusubukan kong hindi gumawa ng ingay dahil alam kong kahit na hindi ako makita ngayon ay maririnig pa rin nila ako. Nang makalapit ako kay Siria ay agad akong humawak sa kanyang kamay, ramdam ko sa kanya ang gulat at lumingon pa siya sa paligid. “Ako ito,” mahinang bulong ko. Para naman siyang nakahinga ng maluwag nang marinig ang boses ko. Binitawan ko ang kanyang kamay at marahang naglakad patungo sa mukha ng nakakatakot na halimaw, tapos ay pinatakan ko ng kulay asul na likido mula sa botelya ang kanyang bibig. Napansin ko ang unti unti nitong panghihina, napalingon ako kay Siria at nakita kong hindi na siya nakagapos. Sabay kaming napalingon sa nakakatakot na sigaw ng halimaw na bihag pa rin si Nox. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin kay Siria… maging sa akin. Teka, nakikita na ba niya ako? “Elex, wala na ang bisa ng kapangyarihan ng mga Mariposa!” sigaw ni Siria, pagkalingon ko sa halimaw ay nagulat ako dahil agad na tumama sa aking tiyan ang kanyang buntot. Mahigpit ang hawak ko sa botelya kahit pa malakas ang naging tama sa akin no’n. Napangiwi ako sa sakit nang tumilapon at matumba ako. Mabuti na lang at napakapit ako sa sanga, napalingon ako kay Nox at nakita ko ang nag-aalalang tingin niya sa akin. Hindi ko maintindihan ngunit nakadama na naman ako ng inis nang maalalang pinaslang niya ako sa bangungot ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko ngunit binitawan ko ang botelya, umakto na parang ang dahilan ay ang malakas na pagtama sa akin ng buntot ng Ikugan. Tapos ay bumitaw ako sa sangang hinahawakan ko upang tuluyang mahulog sa baba nang mapansing hindi na masyadong mataas iyon. “Elex!” ramdam ko ang pagaalala sa boses ni Siria, nang tuluyan na akong bumagsak sa ibaba ay tumingin ako kay Nox, pansin ko rin ang pagaalala sa mga mata niya nang makitang mahulog ako. Ramdam ko ang sakit sa tiyan at tagiliran ko, nilingon ko si Siria na nasa taas pa rin, gumamit siya ng kapangyarihang hangin at sinubukang tanggalin ang buntot ng Ikugan na mahigpit na nakapulupot kay Nox. Nakita kong napapangiwi siya dahil sa lakas ng enerhiyang inilalabas niya. Natanggal naman ang buntot na nakatakip sa bibig ni Nox. “Iwanan niyo na ako rito! Huwag niyo akong alalahanin!” agad na sigaw niya. Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya, hindi ako makapaniwala sa ginawa ko. Sadya kong binitawan ang botelya upang hindi ko siya mailigtas. Pakiramdam ko ay napakasama ko. Agad akong binalot ng konsensiya. Kaya naman iginala ko ang mga mata ko sa paligid upang hanapin ang botelya. Nakita ko naman agad iyon kaya patakbo akong lumapit para kunin iyon. Bago pa ako tuluyang makalapit ay naramdaman ko na naman ang malakas na pagtama sa akin ng buntot ng Ikugan, ramdam ko ang sakit nang tumilapon ako at tumama ang aking likod sa isang malaking puno. “Elex!” halos sabay na sigaw ng nag-aalalang sina Nox at Siria. Napangiwi ako sa sakit at panghihina. Dinig pa rin naman ang sigaw ng nagwawalang halimaw dahil sa nangyari. Nakita kong sinubukan ding atakihin ng halimaw si Siria ngunit nakaiwas ito, tumalon siya pababa at sinubukang kunin ang botelya ngunit tinamaan din siya ng buntot ng Ikugan bago pa niya iyon magawa. Kahit na ramdam ko ang sakit sa buong katawan ko ay tumayo pa rin ako at mabilis na tumakbo papunta sa botelya, napansin ko naman na gumamit ulit ng kapangyarihang hangin si Siria, siguro ay upang makuha niya ang atensiyon ng dambuhalang halimaw at makuha ko ang botelya. Nang makuha ko iyon ay agad akong nagtago sa likod ng isang puno. Hawak ko na ang botelya ngunit hindi ko alam kung paano aakyat. Nais kong iligtas si Nox, nagsisisi ako sa aking ginawa. Oo, galit ako sa kanya at naiinis dahil sa panaginip ko. Ngunit wala silang alam. At isa pa, hindi ako pinalaki ng aking mga magulang na maging isang masamang diwata. Pinanuod ko si Siria na halatang nahihirapan na sa lakas ng enerhiyang inilalabas niya. “Siria, utusan mo ang hangin na dalhin ako sa itaas!” sigaw ko. Napalingon naman siya sa akin at marahang tumango kahit pa nakaluhod na siya at napapangiwi sa lakas ng enerhiyang nagamit niya. Naramdaman ko naman na tila may hanging yumakap sa aking katawan. Tapos ay itinaas ako nito patungo sa isang malaking sanga. Kahit pa natatakot ay patakbo akong lumapit sa harap ng halimaw, mabilis na napatingin sa akin ito nang malapit na ako sa kanyang harapan at inatake ulit ako ng kanyang buntot. Mabuti na lang at nakaiwas ako. Nagtago muna ako sa likod ng malaking dahon kahit pa ramdam ko na ang takot. Bahagya akong sumilip at nakita kong sobrang lapit ko na sa halimaw. Kaya naman lakas loob akong lumabas at tumalon papunta sa harap nito. Pinatakan ko ang kanyang bibig, ngunit naramdaman ko na malakas na namang tumama sa aking tagiliran ang kanyang buntot. Nabitawan ko ulit ang botelya, at sabay kaming nahulog nito sa lapag. Ramdam ko ang sobrang sakit at panghihina, hindi ko na rin magawang tumayo pa. Nakita ko naman na natulog ang halimaw at tuluyan nang nakawala si Nox. “Elex…” narinig ko ang nag-aalalang boses ni Niyebe bago ako tuluyang nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD