Nagising ako kinabukasan na wala na si Niyebe sa aking tabi. Natatandaan ko na pagkabalik ko sa aking silid matapos kong pagalingin ang diwatang may karamdaman dahil sa lason ng sibat ng Tandayag ay masarap pa rin ang kanyang tulog. Nakatulog din naman ako agad pagkahiga ko sa kanyang tabi. Hindi ko maintindihan ngunit nang humiga ako kagabi ay saka lamang ako nakaramdan ng pagod dahil sa mga ginawa namin sa buong araw, samantalang hindi ko naman naramdaman ang pagod na iyon noong ako’y hindi pa humihiga. Kaya nakatitiyak ako na iyon ang rason kung bakit agad akong dinalaw ng antok. Hindi naman ako nag-aksaya ng oras na bumaba na upang masaluhan si Ama at si Niyebe sa pag-aagahan, batid ko kasi na sila ay nasa hapag na at kumakain. Bago ako tuluyang nakalapit sa kanila ay nanlaki ang aki

