Kabanata IX

1911 Words
Iginala ko ang aking paningin kung saan namin napagpasyahang magpahinga muna. Kagaya ng ibang parte ng gubat na nadaanan na namin ay puro mga malalaking puno ang aming nakikita. May iba’t ibang uri rin ng mga makukulay na kabute na napakagandang pagmasdan sa paligid. Inilapag ko ang dala kong tela sa ibaba ng isang malaking puno, gano’n din naman ang ginawa ni Nox sa hawak niyang takuyan. Tapos ay umupo ako sa malaking ugat, napalingon ako kay Niyebe na nasa takuyan pa rin at hindi pa rin tapos sa kanyang pagkain. Napailing na lang ako at hinayaan siya. Nang kumagat na ang dilim ay ang buwan na ang nagbibigay ng liwanag sa amin, maliban sa apoy na ginawa ni Nox upang hindi kami ginawin sa aming pamamahinga rito. Tanaw rin namin ang maraming alitaptap na nagsisiliparan sa paligid, hindi ko maintindihan pero napakasarap sa pakiramdam na makita ang mga ito. Maging ang ilang mga makukulay na kabute kanina ay may liwanag din na inilalabas. May kulay berde, kulay asul, kulay pula at iba pa, na siyang napakagandang pagmasdan. Nagagalak ako na kahit pa marami ang kaguluhang nangyayari sa Majica, at maraming parte na nito ang nasira ay marami pa ring lugar na kagaya nito, na nananatiling maganda at maayos. “Maghapunan na muna tayo,” saad ni Nox at agad na kumuha ng tatlong piraso ng Pitaya mula sa takuyang inilapag niya sa damuhan. Pinanuod ko lang siya sa kanyang ginagawa, ilang saglit lang ay napalingon din ako kay Siria na kumuha ng tatlong dahon na sa wari ko ay kasing laki ng aming mga palad. Si Nox naman ay binalatan ang mga Pitaya gamit ang kampit na kanyang dala. Nang matapos siya sa una ay agad niyang hiniwa ang mga ito at inilagay sa dahon na kinuha ni Siria, nakangiti pa niyang inabot sa akin iyon pagkatapos. “Salamat,” ang tanging naisagot ko na lang. Hindi muna ako kumain, hinintay ko siyang matapos sa kanyang ginagawa upang sabay na kaming tatlo. Hindi ko man aminin ay bahagya akong nahihiya dahil sa trato nila sa akin, batid ko na sobra nila akong pinapangalagaan. Tumataba ang aking puso sa ideyang iyon, ngunit sa tuwing naaalala ko ang aking ginawa kanina ay naiinis ako sa sarili ko. Oo, alam ko na paulit ulit na ngunit hindi ko dapat ginawa iyon. Aminado ako na mali ako, ngunit hindi ko magawang aminin iyon sa kanila. Siguro ay saka ko na ipagtatapat kapag maayos na ang lahat at nagawa na namin ang aming kailangang gawin. “Hindi ka ba nagugutom, Elex?” napalingon ako kay Siria nang itanong niya iyon, saka ko lang napansin na tapos na pala si Nox sa pagbabalat at paghiwa ng mga Pitaya, at kumakain na sila. Hindi ko napansin dahil abala ako sa pag-isip ng maling ginawa ko kanina. Ngumiti naman ako sa kanila at agad na kumuha ng isang piraso ng hiniwang prutas bago iyon kainin. “Pasensiya na, may iniisip lang,” sagot ko naman. “Hindi na ako makapaghintay na marating ang unang salamangkerong guro, Elex, malaki ang aking tiwala na marami siyang maituturo sa ‘yo upang matutuhan mong gamitin ang iyong mahika,” saad ni Nox, marahan naman akong tumango bilang pagsang ayon. “Pareho tayo ng iniisip,” sagot ko naman. “Ngunit nagtataka lang ako, hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko alam gamitin ang aking mahika,” dagdag ko pa. Nagkatinginan naman sila na parang napaisip din sa aking sinabi. “Marahil ay may rason, ngunit kagaya mo ay wala rin akong ideya, mainam kung tatanungin mo ang salamangkerong guro bukas,” sagot naman ni Siria, tumango ulit ako bilang pagsang ayon. “Tama ka, sa katunayan ay wala rin akong alam sa ating mundo, maliban sa kaharian na kinalakihan ko. Batid ko na marami rin silang masasabi at maituturo sa akin tungkol dito kung kaya’t hindi na ako makapaghintay,” sagot ko naman. “Nais mo bang magkuwento kami tungkol sa aming mga kaharian?” napangiti naman ako sa tanong ni Nox at agad na tumango. “Kung hindi niyo mamasamain,” sagot ko naman, ngumiti naman si Nox at agad na umiling. “Maayos at maganda ang pamumuhay ng mga nilalang sa Kaharian ng Buwan,” paninimula niya sa kanyang kuwento. “Sagana sa tanim na mga prutas, dahil hawak namin ang kapangyarihan ng elemento ng lupa. Masayang namumuhay ang lahat lalo pa’t hindi rin namin problema ang tubig, dahil nariyan ang kaibigang kaharian, ang Kaharian ng Araw na siyang nagbibigay sa amin no’n,” dagdag pa niya. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Mukhang malaking suliranin ang sunod kong maririnig. “Ngunit nang lasunin ng paghahangad ng sobrang kapangyarihan ang isipan ng aking ama ay nagbago ang lahat,” lumingon si Nox kay Siria at ngumiti. “Ipinagkait ng Kaharian ng Araw sa amin ang hangin at tubig, ngunit nautusan ni ama ang elemento ng lupa na gawan kami ng pananggala kung kaya’t buhay pa ang mga nilalang sa aming kaharian, kahit papaano ay nabibigyan pa rin kami ng hangin at tubig ng mga puno,” marahan akong tumango sa sinabi niya tapos ay lumingon kay Siria. “Hindi ko rin maintindihan kung bakit ginawa iyon ng aking ama,” saad naman niya. “Kagaya ng Kaharian ng Buwan ay sagana rin ang mga nilalang sa aming kaharian, ngunit nang ipagkait ng aking ama ang hangin at tubig sa Kaharian ng Buwan, ay ipinagkait din sa amin ang mga yamang lupa, maging ang apoy na kailangan sa araw araw na pamumuhay, ngunit naiintindihan ko kung bakit nila iyon ginawa, si ama naman kasi ang nagsimula ng lahat,” dagdag pa ni Siria. “Ito ang dahilan kung bakit nagkasundo kami ni Siria na sadyain ang inyong kaharian, Elex,” saad naman ni Nox. “Upang humingi ng tulong, kasi kagaya mo ay hangad din namin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga nilalang sa aming mga kaharian,” tumango ako sa idinagdag niya. Nasabi na niya iyon sa akin noong isang araw, ngunit hindi ko lubusang maintindihan. Ngayon ay malinaw na ang lahat. Natutuwa ako na kagaya ko ay hindi lang sarili nila ang kanilang iniisip, maging ang kaligtasan ng mga nilalang sa kanilang mga kaharian. “Nais sana naming maibalik ang dating kaayusan, kasaganaan, at sigla ng aming mga kaharian, hindi kagaya ng aming mga ama, hindi kami naghahangad ng sobrang kapangyarihan, maayos at masaya na kami sa kung ano ang mayroon kami,” ngumiti ako sa sinabi ni Nox at marahang tumango. “Naiintindihan ko, at umasa kayo na gagawin ko ang lahat ng aking mamaya upang maibalik sa dati ang lahat,” sagot ko naman. “Naniniwala kami sa ‘yo, Elex,” sagot naman sa akin ni Siria na may masayang ngiti. “May tiwala kami sa ‘yo. Alam namin na kaya mo kung kaya’t hindi kami nagdalawang isip na samahan ka sa paglalakbay na ito,” dagdag pa niya. “Hindi ko alam kung ilang beses kong sasabihin pero maraming salamat talaga sa inyo, at paumanhin kung hindi naging maganda ang trato ko sa inyo sa unang beses ng ating pagkikita,” saad ko naman. “Hindi mo kailangang humingi ng paumanhin sa amin, Elex, batid namin na kung kami ang iyong nasa posisyon ay gano’n din ang aming gagawin,” sagot naman ni Nox. Tumango ako sa sinabi niya at kumuha ulit ng isang piraso ng hiniwang Pitaya bago ko iyon kinain. Sa bawat bagay na nalalaman ko tungkol sa aming mundo ay mas lumalakas ang aking kagustuhan na magtagumpay sa paglalakbay na ito. Nang matapos na kaming kumain ay gumamit si Siria ng mahika upang magkaroon kami ng tubig na iinumin. Si Nox naman ay gumamit ulit ng mahika upang gumawa ng pananggalang apoy na siyang magiging proteksiyon namin sa aming pamamahinga. Nang makapagpahinga na ay humiga na silang dalawa sa damuhan, katabi ang takuyan kung saan natutulog si Niyebe habang yakap ang mga Marang. Napangiti naman ako dahil doon. Pero hindi muna ako humiga katabi nila, bagkos ay umupo ako sa malaking sanga habang pinagmamasdan ang apoy na gawa ni Nox na unti unti nang naglalaho, nag-iisip din ako sa kung ano mga puwede pang mangyari sa mga susunod na araw sa aming paglalakbay. Alam ko na hindi ang Ikugan ang huli naming makakasagupa, masyado pang mahaba at malayo ang aming lalakbayin, at maraming mga nilalang sa kagubatan ng Majica na alam naming mababangis at tunay na nakakatakot. Kaya naman hindi ko maiwasang magdasal sa May Likha na sana ay matulungan talaga ako ng unang salamangkerong guro na palabasin ang kahit na anong kapangyarihan man lang na meron ako, upang kahit na papaano ay may maging silbe naman ako sa paglalakbay na ito. Nilingon ko ulit sina Nox at Siria na ngayon ay nahihimbing na. Napabuntong hininga na lang ako at nagpasyang hihiga na rin sana upang makapagpahinga pero agad akong natigilan nang mapansin na hindi kalayuan kung saan kami nakapuwesto ay may dalawang pulang mata na nakamasid sa amin. Nagtatago ito sa likod ng malaking puno. Bahagya akong nakaramdam ng kaba kung kaya’t marahan kong hinawakan ang aking espada. Mabilis na tumakbo palapit sa amin ang nilalang at napansin ko na isa iyong malaking lobo. Itim na itim ang mabalahibo nitong katawan, may mga pangil na siyang nakakatakot at tiyak na babawian ka agad ng buhay sa oras na ika’y masakmal, at pulang pula ang nanlilisik na mga mata. Nang malapit na ito sa amin ay tumalon ito sa puwesto ko upang ako’y atakihin, itinapat ko naman sa kanya ang hawak kong espada at agad akong napasigaw sa gulat at takot, ngunit hindi ito umabot sa akin sapagkat may pananggalang ginawa si Nox. Kitang kita ko kung paano namilipit at dumaing sa sakit ang lobo, bago ito unti unting tupukin ng apoy. Mabilis din naman na nagising at napaupo sina Nox at Siria dahil sa nangyari. Nasaksihan nila pagiging abo ng lobo. “Hindi mo kailangang matakot, Elex, protektado tayo ng pananggalang apoy,” saad naman ni Nox, napabuntong hininga ako at marahang tumango, tapos ay inilapag ko ulit sa aking tabi ang espadang binigay ni ama sa akin. Kahit pa sabihin niyang hindi ko kailangang matakot ay hindi ko maiwasan sapagkat tunay na nakakatakot ang mga nilalang na ito. Napasinghap ako nang mapansin ang maraming pulang mga mata na nakamasid sa amin mula sa madilim na parte ng gubat. “A-Ang dami nila,” kinakabahang saad ko. “Magtiwala ka sa kapangyarihan ng apoy, Elex,” saad naman ni Siria. Hindi naman mawala ang paningin ko sa pulang mata ng mga lobo. Laking gulat ko nang marami ang nagtangkang lumapit sa amin upang kami ay sagpangin, ngunit kagaya ng nauna ay hindi sila nagtagumpay. Ang nakakatakot nilang sigaw at daing dala ng sakit ang nangibabaw sa tahimik na gubat. Iyong ibang mga lobo naman ay marahang naglakad palapit sa amin, tapos ay titig na titig gamit ang nanlilisik na mga mata. Sabay sabay pa silang umalulong na parang nagbabanta bago tumalikod at umalis. Kahit pa wala na sila ay hindi ko pa rin maiwasan na hindi matakot. Nilingon ko sina Nox at Siria na ngayon ay nakatitig sa akin. “Ramdam ko ang iyong takot, Elex, ngunit magtiwala ka na hindi ka namin pababayaan, magpahinga ka na,” nakangiting saad ni Siria. Napabuntong hininga na lang ako at marahang tumango, tapos ay nagpasya na akong humiga sa damuhan upang pilitin ang sarili na makapagpahinga na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD