“Nox, m-matulog na tayo, please… ibaba mo na ‘yan..."
Medyo malabo at magulo ang mga pangyayari. Ngunit bakas ang takot sa aming dalawa ni Siria. Takot sa kung ano ang maaaring magawa sa amin ni Nox. Akmang lalapit si Siria kay Nox ngunit mabilis ang sunod na nangyari.
“Tumigil ka!” hindi na natapos ni Siria ang sasabihin dahil sa pagsigaw ni Nox na parang nababaliw, tapos ay paulit-ulit pa niyang pinaputok ang hawak na baril na parang nawawala na talaga siya sa katinuan.
Nagising ako mula sa pagkakahimbing at mabilis na napaupo habang hawak ang aking dibdib na ngayon ay malakas ang kalabog.
Ramdam ko ang malapot na pawis na namumuo sa aking noo dala ng takot dahil sa muling pagdalaw sa akin ng parehong bangungot na ilang taon na rin akong ginugulo sa aking pagtulog.
“Elex, may problema ba?” napalingon ako kay Nox na ngayon ay nag-aalalang nakatingin sa akin, nakakunot pa ang kanyang noo.
Iginala ko ang aking paningin sa paligid at napansin kong may kataasan na ang sikat ng araw. Umaga na pala. Ibinalik ko ang aking tingin kay Nox na ngayon ay prenteng nakaupo sa malaking ugat ng puno, katabi niya si Siria na nakatitig rin sa akin na may halong pag-aalala.
“M-May napanaginipan lang ako,” ang mahinang sagot ko, narinig ko ang pagbubuntong hininga ni Nox bago siya marahang tumango na tila ba nagsasabing naiintindihan niya ang aking sinasabi.
“Parehong bangungot ba kung saan ay pinaslang kita?” napasinghap ako sa tanong niya pero marahan din akong tumango.
Wala namang silbi kung magsisinungaling pa ako. Hindi na sikreto sa kanila ang aking bangungot dahil ilang beses ko na rin naman iyong nasabi sa kanila. Simula pa lang ay alam na nila ang tungkol doon.
“Ngayon ay lubos ko nang naiintindihan kung bakit gano’n ang naging reaksiyon mo sa una nating pagkikita, halata sa ‘yo ang takot at pangamba, Elex,” napabuntong hininga na lang ako sa sinabi ni Nox. Tama siya. Patuloy akong natatakot sa isang bangungot na wala namang kasiguraduhan.
“Hindi ko alam ang ibig sabihin no’n, pero naniniwala ako na hindi niyo ako kayang saktan,” sagot ko naman.
“Hindi kaya’t parte kami ng iyong bangungot dahil nakatakda talaga tayong magkita kita at maging magkakaibigan?” napalingon ako kay Siria nang itanong niya iyon. “At ang pagpaslang sa ‘yo ni Nox sa bangungot ay baka isang babala na isang malapit na kaibigan ang magtatraydor sa ‘yo, naniniwala ako na hindi iyon magagawa ni Nox, ngunit baka isa sa mga malalapit sa ‘yo sa inyong kaharian,” saglit akong napaisip sa idinagdag niya bago marahang tumango.
“Maaaring tama ka, ngunit ayaw ko na munang isipin pa iyon. Ang mahalaga sa akin ngayon ay matapos na ang paglalakbay na ito upang maibalik na sa dating kaayusan ang ating mundo,” sagot ko naman.
Sabay naman silang tumango sa sinabi ko at hindi na nagtanong pa.
“Kung gano’n ay kumain ka na, hindi na tayo dapat pang magsayang ng oras lalo pa’t malapit na tayo sa tahanan ng unang salamangkerong guro,” napangiti ako sa sinabi ni Nox at agad na tumango.
Agad naman akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa madamong lapag at umupo sa isang malaking ugat, napangiti ako nang limipad si Niyebe mula sa pagkakaupo sa takuyan at agad na umupo sa aking balikat.
Hindi naman ako nag-aksaya ng oras na magbalat ng Pitaya tapos ay kumain. Nang matapos ay nagpahinga lang ako saglit, kagaya ng ginawa namin kahapon at nagpasya nang umalis.
May kaunting kalayuan pa, ngunit mula sa daan na aming tinatahak ay rinig ko na ang malakas na pag-agos ng tubig mula sa ilog na pinapakita ng mahiwagang mapa.
Ilang saglit lang ay napangiti ako nang marating na namin ang tabing ilog. Napakaganda nito. Napakalinaw ng tubig. Ngunit hindi ko maiwasang isipin kung paano kami tatawid sa ilog gayong napakaha at napakalayo nito.
Tanaw ko rin na sa may bandang gitna ay asul na asul ang kulay ng tubig at hindi na kita ang ibaba kahit pa malinaw ang tubig kung kaya’t batid kong malalim iyon.
“Ito na ba ang ilog na sinasabi ng mahiwagang mapa?” napalingon ako kay Siria nang itanong iyon bago marahang tumango.
“Ito na nga,” sagot ko naman.
“Kung gano’n ay huwag na tayong mag-aksaya ng panahon na tumawid,” saad naman ni Nox at nagsimula nang maglakad palapit sa ilog.
“Ngunit paano? Wala tayong bangka na maaaring gamitin,” sagot ko naman.
Naramdaman kong marahang hinaplos ni Siria ang aking kanang balikat kaya napalingon ako sa kanya, ngumiti naman siya na tila ba nagsasabing mayroon siyang solusyon. Saka ko lang napagtanto na kaya niyang utusan ang tubig, napangiti naman ako at marahang tumango kahit na wala pa siyang sinasabi.
Pinanuod ko siya na naglakad papunta sa harap ng ilog. Itinaas niya ang kanyang magkabilang mga kamay sa ere at nakita ko rin na marahan siyang pumikit.
“Mula sa kapangyarihan ng elemento ng tubig na siya ring ipinagkatiwala sa akin, ang tinig ko sana’y iyong dinggin. Humihingi ako ng tulong na kami’y bigyan ng daan upang matawid ang ilog na ito at makarating sa aming paroroonan,” saad niya.
Kasabay ng pagbitaw niya ng mahika ay ang pag-ihip ng hangin, tapos ay ang nakakamanghang kulay berdeng enerhiya ang lumabas mula sa kanyang mga kamay.
Muli ay nagsayaw ang enerhiyang iyon patungo sa ilog, at namangha ako nang makitang mahati ang tubig sa gitna. Binigyan kami no’n ng daan. Nakangiting lumingon sa amin si Siria pagkatapos niyang gawin iyon.
“Halina kayo,” saad niya at nagsimula nang maglakad sa gitna ng ilog na kanina lang ay may tubig pa.
Sinundan naman namin siya, nakataas pa rin ang kanyang mga kamay dahil gamit pa rin niya ang kanyang mahika. Napangiti ako nang makita ang tubig ng ilog na nagmistulang isang pananggala, marahan kong hinaplos ito at nabasa ang aking kamay.
Hindi rin nakawala sa aking paningin ang maraming isda na lumalangoy. Napakagandang pagmasdan. Tunay na nakakamangha ang mga mahikang bumabalot sa aming mundo.
Nasa gitna na kami ng ilog nang mapahinto si Siria sa paglalakad.
“A-Ah!” daing pa niya na tila ba nahihirapan kaya bahagya akong nakaramdam ng kaba.
“May problema ba?” tanong naman ni Nox.
“H-Hindi ko alam, ngunit parang may pumipigil ng aking mahika,” ang sagot naman niya.
Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang sinabi na tila ba isa itong malaking suliranin. Malayo na ang aming nalakad mula sa bungad ng ilog, kung mawawala ang mahikang ginamit niya upang bigyan kami nito ng daan ay tiyak akong lalamunin kami ng tubig.
“Siria, bumalik na muna tayo!” ang mabilis at nag-aalalang saad ni Nox, umiling naman si Siria, saka ko napansin na may kaunting dugo na ang lumalabas sa kanyang ilong.
“H-Hindi, pipilitin ko!” sagot naman niya.
“Ngunit hindi ka maaaring maglabas ng maraming enerhiya, Siria, maaari mo iyong ikapahamak!” sagot ko naman.
“Kaya ko!” nang sabihin niya iyon ay ramdam kong pilit niyang pinapalakas ang kanyang boses. “Ah!” ang malakas niyang sigaw niya.
“Sigurado ka ba?” nag-aalalang tanong naman ni Nox, pilit na tumango si Siria at nagsimula nang maglakad.
“Bilisan na natin kung gano’n!” saad ko naman.
Pinagpatuloy na namin ang paglalakad, gayon pa man ay hindi ko pa rin maiwasang hindi makaramdam ng pag-aalala kay Siria na ngayon ay halatang nahihirapan na dahil sa lakas ng enerhiyang kanyang inilalabas.
“Niyebe, lumipad ka na patungo sa kabilang banda at doon mo na lamang kami hintayin, kung sakaling may mangyaring hindi maganda ay humingi ka ng tulong,” utos ko.
“Hindi kita iiwan! Hindi kita iiwan! Hindi kita iiwan!” ang natatakot naman na sagot ni Niyebe na nasa kaliwang balikat ko, mahigpit din ang kapit niya sa aking tenga dala ng kabang nararamdaman.
“Niyebe, makinig ka sa akin at sundin mo na lang ang utos ko!” saad ko naman.
Kahit pa halatang ayaw niya ay lumipad naman siya at ginawa ang sinabi ko. Bago pa niya kami tuluyang iwan ay nilingon niya kami ulit. Marahan naman akong tumango sa kanya bago siya umalis.
Inutusan ko siya na gawin iyon dahil hindi maganda ang kutob ko. Lalo pa’t nahihirapan na si Siria, kahit pa malakas siya at bihasa sa paggamit ng kapangyarihan ay hindi pa rin kami sigurado kung makakaya ba niyang kontrolin ang tubig hanggang sa makarating kami sa kabilang banda ng ilog gayong napakaraming enerhiya na ang kanyang inilalabas.
“Elemento ng tubig, nakikiusap ako na bigyan kami ng pananggalang magbibigay sa amin ng hangin kung sakaling may mangyaring hindi kanais-nais,” ang narinig kong bulong niya.
“Siria, malapit na tayo,” saad naman ni Nox na ngayon ay naka-alalay na kay Siria.
Hindi na nagawang sumagot pa ni Siria na para bang pagod na pagod na. Dinig ko ang paghahabol niya ng hininga kung kaya’t patuloy pa rin akong nakakaramdam ng takot kahit pa malapit na kami.
“Sino ang pumipigil ng kanyang mahika?” tanong ko habang sinusubukan pa rin naming maglakad ng mabilis.
“Hindi ko rin alam, Elex, ngunit batid kong may kakahayan din itong kontrolin ang tubig dahil sa hirap na pinagdadaanan ngayon ni Siria,” sagot naman ni Nox.
“Kung gano’n ay sigurado akong mga engkantong tubig ang gumagawa nito,” saad ko naman.
Habang naglalakad ay nilingon ko ang tubig, nanlaki naman ang aking mga mata nang makita ang isang nilalang na sinusundan kami sa aming paglalakad, habang siya ay lumalangoy sa tubig.
Kalahating ng kanyang katawan ay anyong tao at kalahating isda ito, kulay asul ang kanyang buntot, at may mahabang buhok. Puting puti rin ang kanyang mga mata na ngayon ay sa akin nakatitig. Mahahaba ang kanyang mga kamay at matatalim din ang kanyang mga kuko.
“S-Sirena!” ang gulat na sigaw ko dala ng takot, sabay naman na napalingon sina Nox at Siria sa tinitignan ko.
Mabilis na lumangoy ang sirena paalis, ang akala ko ay para lubayan na kami ngunit laking gulat ko nang bumalik siya at nakakatakot pang ngumisi, pinapakita ang matatalim nitong pangil sa amin.
Ilang sandali lang ay malakas itong sumigaw na sobrang nakakabingi at masakit sa tenga, napasigaw rin si Siria na para bang mas nahirapan sa pagkontrol ng mahikang kanyang ginagamit. Napaluhod siya dala ng panghihina at hindi na nagawang kontrolin pa ang kanyang mahika.
Mabilis ang sunod na mga nangyari, malakas na humampas ang tubig ng ilog sa amin at nawala na ang daan na kamina lang ay aming tinatahak. Hindi naman ako nasaktan sa nangyari dahil may isang malaking bilog na parang bula na agad na bumalot sa aking katawan.
Sigurado ako na ito ang mahikang binanggit kanina ni Siria upang bigyan kami ng pananggala. Laking gulat ko nang mapansing aatakihin sana ako ng sirena ngunit hindi nito magawang lumapit dahil sa pananggalang ginawa ni Siria.
Halatang nagagalit ito dahil hindi niya ako magawang hawakan man lang. Nilingon ko ang aking paningin sa paligid at nakita ko si Siria na nasa loob din ng isang malaking pananggalang tubig na parang bula habang wala siyang malay.
Kailangan niyang magising para makaalis kami rito. Siya lang ay may kakayahang gumamit ng kapangyarihan ng elemento ng tubig. Ngunit kung magigising man siya ay tiyak akong hindi rin niya agad magagamit ang kanyang mahika dahil sa dami ng enerhiyang pinakawalan niya.
Isang nakakatakot at malakas na sigaw na naman ang pinakawalan ng sirena, napalingon ako kay Nox na ngayon ay sinusubukang gumamit ng mahika ng elemento ng lupa, siguro ay upang maibalik niya ang enerhiyang nawala kay Siria, ngunit hindi na niya nagawa.
Nagulat ako nang mapansing nasa tabi na niya ang sirena na tila ba binibulungan siya. Mayamaya lang ay nakita ko ang pagpungay ng kanyang mga mata na tila ba inaantok. Ano ang gagawin ko?
Laking gulat ko nang muling mahati ang tubig sa ilog. Nawala rin ang pananggalang tubig sa aming mga katawan at bumagsak sa lapag. Maging sa sirena ay gano’n din ang nangyari. Napansin ko na parang nahihirapan ang sirena at sinusubukan niyang gumapang palapit sa tubig ngunit lumalayo iyon sa kanya. Mayamaya lang ay nawala ang kanyang buntot at naging mga paa iyon, nagbago rin ang kanyang wangis at naging isang magandang babae.
Nag-angat naman ako ng tingin at nakita ang isang matandang lalaking may hawak na isang tungkod. Isang mahaba at kulay puti na tela ang kanyang suot, mahaba rin ang puting buhok maging ang balbas at bigote na nasa kanyang mukha. Isang kulay puti at malakas na enerhiya ang kanyang pinapakawalan upang hatiin sa gitna ang ilog at kami’y bigyan ng daan, nasa balikat naman niya si Niyebe.
“Wala kang karapatang paglaruan ang aking mga panauhin, engkantong tubig!” malaki ang boses at nakakatakot na saad niya.
Nakahinga naman ako ng maluwag. Kung gano’n ay siya ang unang salamangkerong guro.