Napalingon ako sa sirena at nakita kong mayroon na itong saplot. Hindi ko alam kung paano iyon nangyari, marahil ay gumamit siya ng mahika. Nakatayo na siya at marahan pang iniyuko ang kanyang ulo na tila ba nagbibigay galang sa salamangkerong guro.
“Paumanhin, Ambroz, hindi ko alam na panauhin mo sila. Ang akala ko ay kabilang lang sila sa mga diwata na nais kayong sadyain dahil naghahangad sila ng labis na kapangyarihan,” nakayukong saad niya bago muling nag-angat ng tingin.
Nilingon ko si Nox na ngayon ay gumamit na rin ng mahika upang ibalik ang enerhiyang nawala kay Siria, hindi naman nagtagal ay nagising na ito at mabilis pang tumayo habang tumitingin sa paligid.
“Sumunod kayo sa akin,” saad ni Ambroz, ang salamangkerong guro.
Hindi naman na kami nag-aksaya ng panahon na maglakad palapit sa kanya. Si Siria ay nakakunot pa rin ang noo na tila ba naguguluhan sa nangyayari, ngunit sa huli ay hindi na lang siya nagsalita.
“Ikinagagalak kong makita ang prinsepe ng kahariang Langit,” nakangiting saad ni Ambroz sa akin. “Gayun din ang prinsepe na mula sa kaharian ng Buwan at ang prinsesa na mula sa kaharian ng Araw,” dagdag pa niya nang binalingan sina Nox at Siria.
“Ikinagagalak ko rin kayong makita, Gurong Ambroz,” sagot ko naman.
“Phesmatos Aquam Dimittirre,” ang narinig kong bulong niya, noong una ay naguluhan ako kung ano ang sinabi niya pero nang muling bumagsak ang tubig na kanina ay hinati niya gamit ang kanyang mahika, saka ako naliwanagan na mahika rin pala ang ibinulong niya.
“Mahaba ang inyong nilakbay,” saad ni Ambroz. “Batid ko ang iyong pagdating ano mang oras, kaya’t halikayo nang mapagsaluhan natin ang kaunting pagkain na aking inihanda,” nakangiting dagdag pa niya.
Nagsimula na siyang maglakad, nasa kaliwang balikat pa rin niya si Niyebe, nakasunod naman sa kanya sina Nox at Siria, habang ako ay nasa likod.
Muli akong lumingon sa ilog at nakita ko ang sirena na nakamasid sa amin, ngumiti pa siya sa akin at kumaway na parang walang nangyari bago lumangoy pabalik sa ilalim ng tubig.
Pagkatapos no’n ay naglakad na rin ako upang sundan ang aking mga kasama. Habang naglalakad naman kami patungo sa tahanan ng salamangkerong guro ay tahimik kaming tatlo nina Nox at Siria, si Niyebe at ang salamangkerong guro lang ang nag-uusap at nakikinig lang kami.
“Ilang daang taon na nga ba ang lumipas mula nang huli tayong magkita, Niyebe?” ang narinig kong tanong ni Ambroz.
“Kung hindi ako nagkakamali ay mahigit dalawang daang taon na, noong sinadya ka rin namin ni Haring Exodus,” sagot ni Niyebe, na ang tinutukoy ay ang aking ama.
“Malinaw pa sa aking memorya ang inyong sadya, ngunit hindi ko na matandaan kung kailan iyon nangyari,” sagot naman ni Ambroz kay Niyebe.
“Nabanggit mo kanina na batid mo ang aming pagdating? Maaari ko bang malaman kung paano iyon nangyari?” tanong naman ni Niyebe.
“Hindi sikreto ang nangyayari ngayon sa ating mundo, Niyebe,” ang tanging sagot naman ni Ambroz.
Tumango si Niyebe sa narinig na para bang ang sagot na iyon sa sapat nang rason. Pero ako ay naguguluhan. Gano’n pa man ay hindi na lang ako nagsalita.
Nang makarating na kami sa bahay ng salamangkerong guro ay namangha ako sa aking nakita. Hindi malaki ang kanyang tahanan, mukhang luma at matagal na rin itong naitayo. Ngunit napakaganda ng kanyang hardin. Makikita sa kanyang hardin ang marami at makukulay na mga bulaklak, marami ring nagsisiliparang mga ibon at paruparo sa paligid kasama ang mga Mariposa.
“Ito ang aking tahanan,” ang nakangiting saad ni Ambroz. “Pumasok na kayo’t huwag kayong mahihiya. Nakahanda na sa aking munting mesa ang mga tinapay at prutas na siyang ating pagsasaluhan,” dagdag pa niya.
Naunang pumasok sina Nox at Siria, ngumiti naman sa akin si Ambroz at marahang tumango kaya pumasok na rin ako, nakasunod naman siya sa akin.
Mukhang maliit lang ang tahanan sa labas ngunit napakalaki at napakaaliwalas nito sa loob. Halatang nababalot ito ng mahika. Maraming kulay gintong muwebles na siyang nagbibigay kinang sa kabuuan ng lugar.
Sa hindi kalayuan kung saan kami pumasok ay natanaw ko ang isang mesa na puno ng masasarap na tinapay at prutas.
“Maupo na kayo upang makakain na tayo,” saad niya.
Hindi naman kami nagdalawang isip na gawin ang kanyang sinabi. Napakagaan ng aking pakiramdam sa lugar na ito. Pakiramdam ko ay ligtas ako, hindi ako nakaramdam ng kahit na anong kaba, kabaligtaran ng nararamdaman ko sa buong panahon na nasa gitna kami ng gubat at naglalalakbay.
Masaya at natutuwa ako na sa loob ng ilang araw ay narating na rin naman sa wakas ang aming unang pakay, si Ambroz, ang isa sa tatlong salamangkerong guro.
“Hindi ko na kayo tatanungin kung kumusta ang inyong paglalakbay, dahil batid kong hindi madali ang daan patungo rito,” saad pa niya.
“Maraming salamat sa mainit na pagtanggap, Gurong Ambroz,” ngumiti naman siya sa sinabi ko at marahang tumango.
“Kumain na kayo,” saad ulit niya nang mapansing hindi pa rin kami kumakain.
Gano’n naman ang aming ginawa. Sa katunayan ay nakaramdam ako ng gutom nang makita ang maraming tinapay, ang pagkain na madalas kong kainin sa aming kaharian, sa ilang araw kasi ng aming paglalakbay ay puro prutas ang aming kinakain.
“Bakit dito niyo naisipang manirahan? Bakit sa gitna ng gubat?” tanong ko habang sabay sabay kaming kumakain, si Ambroz ay sumipsip sa kanyang kopita na may lamang alak na nagmula sa katas ng mga prutas bago sumagot.
“Dati kaming naninirahan kasama ang mga diwata sa inyong kaharian, ako ay sa Kaharian ng Buwan, ang aking kapatid na si Arnoux ay sa Kaharian ng Araw, at si Artemis ay sa Kaharian ng Langit. Kami ang gumagabay sa mga Hari at madalas kung magbigay ng payo,” saad niya.
“Ngunit dahil sa dami ng mga nilalang sa ating mundo na sinisira ang kagubatan ay napagpasyahan naming manirahan na lamang dito upang ito’y iligtas mula sa pagkakasira,” mahabang sagot niya.
Marahan naman akong tumango sa sinabi niya. May punto naman siya. At nakakatuwang isipin na may pakealam sila sa aming mundo.
“At ang isa pang dahilan ay…” dagdag pa niya. “Kailangan naming lumayo sa mga diwata,” kumunot ang noo ko sa sinabi niya.
“Maaari ko bang malaman kung bakit?” tanong ko naman.
“Alam kong hindi lingid sa inyong kaalaman na may mga nilalang sa ating mundo na gumagamit ng itim na mahika. Madalas kung kami’y kanilang sadyain at hanapin upang kunin ang aming mga kaluluwa na siyang magpapalakas ng kanilang kapangyarihan, upang maiwas sa gulo ang mga diwata ay napagpasyahan din naming lumayo sa inyo,” ang pagkukuwento niya.
Tumango naman ulit ako. Bigla kong naalala ang Manggagaway na nakasagupa namin noong isang araw. Nais niyang kunin sa akin ang mahiwagang mapa, ngayon ay naiintindihan ko na.
“Kaya pala nais kunin sa akin nang nakasagupa naming Manggagaway ang mahiwagang mapa,” ngumiti naman si Ambroz at marahang tumango.
“Ang mahiwagang mapa na nagmula sa kapangyarihan naming tatlong magkakapatid ay nababalot kakaibang mahika, ibinigay namin iyon sa iyong ama upang alam niya kung saan kami sasadyain sa oras na kailanganin niya ang aming tulong,” sagot niya kaya tumango ulit ako.
“Ang mahiwagang mapa lang ang makapagpapakita kung saan kami naninirahan. Kung hindi mo iyon hawak ay hindi mo makikita ang aming tahanan, dahil kagaya ng mapa, nababalot din ang aming mga tahanan ng mahika upang maprotektahan ang aming mga sarili sa posibleng kapahamakan,” tumango ulit ako habang nakikinig sa kuwento niya.
Pagkatapos no’n ay hindi na ako nagsalita. Tahimik na lang akong kumain. Pero gustong gusto ko na siyang tanungin kung bakit hindi pa rin lumalabas ang kapangyarihan ko, o kung may kapangyarihan ba talaga ako.
Hindi ko naman magawa dahil bahagya akong nakakaramdam ng hiya gayong kadarating lang namin dito.
“Batid kong may nais ka pang itanong sa akin, makikinig ako,” napa-angat ako ng tingin sa kanya at ngumiti naman siya sa akin.
“N-Nababasa mo ang nasa aking isipan?” kuryosong tanong ko, marahan naman siyang natawa at agad na umiling.
“Hindi, Elex, ngunit nababasa ko ang iyong ekspresyon, ang pagkakakunot ng iyong mga noo at tila pag-iisip ng malalim at nagsasabing may isang suliranin o bagay na gumugulo sa iyong isipan, at nais mo ng kasagutan,” sagot niya.
Napabuntong hininga naman ako sa narinig. Gano’n ba ako kadaling basahin? Tama naman siya. May gumugulo nga sa akin, at iyon ay ang katanungang bakit wala akong napangyarihan.
“A-Ano ang mahikang binanggit mo kanina?” nahihiyang tanong ko, bago kasi ang lengguwaheng kanyang ginamit sa aking pandinig.
“Mahika na nanggagaling sa espirito ng aming mga ninuno,” sagot niya. “Ang aming mga ninuno ay ang unang mga diwata na nagpasyang manirahan sa mundo ng mga tao, hindi para talikuran ang pagiging diwata kung hindi para tulungan ang mga nangangailangan. Latin kung tawagin nila ang lengguwahe. Ang pinakamalakas na salamangkero ng aming lahi ay gumawa ng isang aklat, kung saan nakapaloob ang maraming mahika na nakaukit sa latin, kung kaya’t magpasahanggang ngayon ay nakasanayan na rin namin iyong gamitin,” mahabang dagdag pa niya.
Namangha naman ako sa aking narinig. Puwede pala iyon? Ang manirahan sa mundo ng mga tao na hindi para talikuran ang kung ano kami, kung hindi para lang tumulong sa mga tao?
“Ngunit hindi ba’t isa sa ipinagbabawal ng ating mundo ang manirahan sa mundo ng mga tao?” tanong naman ni Siria, tumango naman si Ambroz bilang tugon.
“Hindi bawal, ngunit nagbigay si Haring Exodus ng sumpa na kung sino mang diwata ang nanaising manirahan sa mundo ng mga tao ay mawawalan ng kapangyarihan, iyon ay para protektahan ang mga tao mula sa mga nilalang ng Majica na ang nais lang ay makapanakit at magbigay ng suliranin sa kanila,” sagot naman niya.
Napatango naman ako. Hindi ko alam na si Ama pala ang may gawa no’n. Kung sabagay ay tama lang ang kanyang naging pasya. Kahit na ako, sa tingin ko ay iyon din ang gagawin ko lalo pa at marami talagang nilalang sa aming mundo na may masasamang loob.
“S-Sino nga pala iyong babaeng kumokontrol ng aking mahika kanina?” kuryosong tanong ni Siria, marahan namang natawa si Ambroz dahil doon.
“Siya si Magandara, ang diwata ng tubig. Ang ilog sa kagubatan ng Majica ay ang tanging ilog na dadaanan patungo sa aming mga tahanan, binabatanyan niya ito upang masigurado na walang sino man ang makakadaan, ipagpaumanhin niyo kung kayo’y kanyang pinaglaruan, nais lamang niya kaming protektahan,” sabay sabay naman kaming napatango sa sinabi niya.
“I-Ibig sabihin ay hindi siya masama?” ngumiti naman si Ambroz sa tanong ko at marahang tumango.
“Isa siyang mabuting diwata,” ang sagot niya.
Napalingon ako kay Niyebe nang mapansing tahimik siya, saka ako marahang natawa nang makitang kanina pa siya kumakain ng mga prutas at tinapay, nakaupo pa siya sa loob ng isang kopita na walang laman.
“Ibig sabihin kung hindi ka dumating ay napahamak na kami?” kuryosong tanong ni Nox, marahan namang tumango si Ambroz.
“Gano’n na nga,” sagot niya.
“Ano ang gagawin niya sa amin?” tanong naman ni Siria.
“Hindi na kayo makikita pa ng kahit na sino. Hihilain niya kayo patungo sa kanyang tahanan sa ilalim ng ilog at doon niya kayo ikukulong,” sagot ulit ni Ambroz. “Ngunit nagagalak akong makita ang pananggalang tubig na iyong ginawa, Siria, batid kong bihasa ka sa paggamit ng iyong mahika, mabuti ‘yan,” dagdag pa niya.
“Paano mo nga pala nalaman na naroon kami?” tanong ulit ni Nox, ngumiti ulit si Ambroz at nilingon si Niyebe na tahimik pa ring kumakain.
“Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Niyebe gamit ang kanyang mahiwagang bansi,” sagot naman niya.
“Paumanhin, Gurong Ambroz, ngunit may nais pa sana akong itanong sa inyo,” kinakabahang saad ko.
Gusto kong malaman kung bakit wala pa akong kapangyarihan, alam ko namasyadong nakakahiya ngunit umaasa ako na may maisasagot siya sa katanungang ito na matagal nang gumugulo sa akin.
“Nakikinig ako,” sagot naman niya.
“B-Bakit wala akong kapangyarihan?” ang mahinang tanong ko, ngumiti naman siya sa akin bago sumagot.
“May kapangyarihan ka, Elex,” sagot niya. “Hindi ka magiging prinsepe ng inyong kaharian kung wala. Ang totoong tanong ay… handa ka na bang hawakan ang kapangyarihang ito?”