Kabanata XII

2224 Words
May kapangyarihan ako? Ngunit bakit kahit na ano ang aking gawin upang palabasin ito ay tila walang bisa? Paano ko iyon magagamit? “Matagal na akong handa, Gurong Ambroz!” ang sagot ko sa kanya. “Ginawa ko na ang lahat nang klase ng pag-eensayo kahit noong ako’y musmos pa upang matutuhang gamitin ang aking mahika, ngunit wala namang nangyari. Batid kong alam mo na ito ang dahilan kung bakit ka namin sinadya,” marahang tumango si Ambroz sa sinabi ko at agad na tumayo mula sa silyang kinauupuan niya. Naglakad siya patungo sa isang pinto na nakasara bago kami nilingon at binigyan ng isang ngiti. Hindi naman ako nagdalawang isip na tumayo at sundan siya. Itinapat niya ang kanyang kaliwang palad sa pintong gawa sa bakal at ipinikit ang kanyang mga mata. Pagkatapos ay may ibinubulong siyang mahika na hindi ko maintindihan, ilang saglit lang ay may tumabas na kulay puting liwanag sa pinto bago ito tuluyang nagbukas. “Sundan niyo ako,” saad niya at nauna ang pumasok sa loob ng silid. Nagulat pa ako nang magsara ang pinto at nagdulot iyon ng malakas na ingay. Namangha ako sa aking nakita. Ang kabuoan ng silid ay nababalot din ng makikinang na gintong muwebles, sa gitna ay mag isang malaking mesa. Marami ring mga aklat sa paligid na sa tingin ko ay tungkol sa aming mundo o sa mga nilalang na naninirahan dito. Sa mesa naman ay may isang malaking mapa. Ang papel na ginamit upang iukit ito ay kulay kayumanggi, kagaya ng mahiwagang mapa na ipinagkaloob sa akin ni ama ay mukhang luma na rin ito. “Nais mong malaman kung bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin magawang gumamit ng mahika?” tanong sa akin ni Ambroz, marahan naman akong tumango bilang tugon. “Gano’n na nga, Gurong Ambroz,” sagot ko. “Ano ang alam mo sa ating mundo?” tanong ulit niya, saglit naman akong nag-isip bago sumagot. “N-Nahahati ito sa tatlong kaharian, ang kaharian ng Araw, Buwan at Langit,” sagot ko, ngumiti naman siya na tila ba hindi sapat ang aking sinabi. “Ano pa?” saglit ulit akong nag-isip, ngunit wala na akong ibang alam na sabihin. Kung iisipin, wala talaga akong alam sa aming mundo dahil kahit na minsan ay hindi ako umalis sa aming kaharian, kahit na naisin ko pa ay hindi ako pinapayagan ni ama. Maliban na lang noong buhay pa ang aking ina, dahil kung minsan ay isinasama niya ako sa mundo ng mga tao upang mamasyal, ngunit iyon lang iyon. “Paumanhin ngunit wala na akong alam na isasagot,” nagpapakatotoong sagot ko sa kanya. Hindi ko naman kailangang magsinungaling na may alam ako, kaya nga ako narito upang matuto, dahil alam ko na matutulungan niya ako. Gamit ang kanyang tungkod ay may itinuro siyang lugar sa mapa, may lumabas naman na kulay puting enerhiya doon na siyang nakamamanghang pagmasdan. “Ito ang kaharian ng Araw. Nasa silangang bahagi ng ating mundo, dito sumisikat ang araw at batid ko na alam mo na kung ano ang mahika na kanilang taglay,” saad niya, marahan naman akong tumango sa narinig. “Taglay nila ang mahika na mula sa elemento ng tubig at hangin,” marahan siyang tumango. Itinaas niya ang hawak niyang tungkod at sinundan ng putting enerhiya iyon. Mas lalo akong namangha sa aking nakita. Ipinakita no’n ang kagandahan ng kaharian ng Araw, maging ang mga nilalang na masayang naninirahan dito. “Tama ka, taglay ng mga panghan o maharlika ng kahariang ito ang kapangyarihan ng tubig at hangin. Pagmasdan mong mabuti, Elex,” saad niya. Nagulat ako nang ilang sandali lang ay mapansin kong may mga diwatang kawal na ikinukulong ang ibang nilalang na mula rin sa kanilang kaharian. Nababasag ang aking puso na makita ang luha ng mga walang laban na nilalang. “Bakit nila ito ginagawa?” mahina at hindi makapaniwalang tanong ko, hindi naman sumagot si Ambroz. Inilipat niya ang kanyang tungkod patungo sa isa pang kaharian, ang kulay puting enerhiya ay sinundan iyon. “Mula sa kanlurang bahagi ng ating mundo ay ang kaharian ng Buwan, taglay naman nila ang kapangyarihan ng lupa at apoy,” saad ni Ambroz. Hindi ko naman na magawang sumagot pa. Ginugulo pa rin ang aking isipan ng bagay na nasaksihan ko kanina mula sa kaharian ng Araw. Nang muling itaas ni Ambroz ang hawak niyang tungkod ay pinakita nito ang magandang kaharian ng Buwan, ngunit kagaya kanina ay biglang nagbago ang maganda ay masayang kaharian dahil may mga kawal din na ikinukulong ang ibang mga diwata. “Ikinukulong nila ang mga diwatang ayaw umanib sa nalalapit na digmaan,” napabuntong hininga ako sa sinabi ni Ambroz. “Alam niyo ba ito?” mahinang tanong ko kina Nox at Siria na ngayon ay tahimik ding nakikinig kay Ambroz, halos sabay rin silang napabuntong hininga bago tumango. “Hindi kami sangayon sa ginagawa ng aming mga ama, ngunit ano ang aming magagawa gayong wala kaming sapat na lakas upang pigilan sila? Ito ang dahilan ng aming paglalakbay, Elex,” marahan akong tumango sa isinagot ni Siria. Inilipat ni Ambroz ang kanyang tungkod, muli ay sinundan iyon ng kulay puting liwanag. “Dumako tayo sa timog, narito ang mahiwagang kagubatan ng ating mundo, kung saan kasalukuyang nakatapak ang ating mga paa,” paninimula niya, itinaas pa niya ulit ang kanyang tungkod upang ipakita ang iba’t ibang parte ng kagubatan, ang ilan doon ay nakita na namin at nadaanan, maging ang ibang mga nilalang na kanyang ipinakita gamit ang mahika ay nakita at nakasagupa na rin namin. “Dito naninirahan ang karamihan ng mga nilalang sa ating mundo na kadalasan ay gumagamit ng itim na mahika. Isang magandang gubat at lugar sa ating mundo na isinumpa ng May Likha sapagkat dito binuhay ng mga Manggagaway ang halimaw na tinatawag na Lagyo na muntikan nang kumitil sa buhay ng maraming nilalang sa buong Majica,” naguluhan ako sa sunod niyang sinabi. Hindi ko maintindihan. Kung isinumpa ang gubat na ito, bakit narito pa sila? At bakit may mga mabubuting nilalang din na mas piniling manirahan dito? “Maraming mabubuting diwata ang magpasyang manirahan dito kahit pa sadyang nakakatakot ang lugar, iyon ay para alagaan pa rin ito kahit pa hindi nila mawari kung ano ang kapamahakang naghihintay sa kanila,” dagdag pa niya na tila ba nababasa ang nasa aking isip, marahan naman akong tumango dahil doon. “Ano ang Lagyo?” tanong ko naman, nilingon ako ni Ambroz na tila ba hindi makapaniwala sa aking katanungan. “Hindi mo alam kung ano ang Lagyo?” umiling ako sa tanong niya. “Ang Lagyo ay isang halimaw na ginawa ng mga Manggagaway gamit ang kaluluwa ng lahat ng nilalang sa Majica na gumagamit ng itim na kapangyarihan na pumanaw na,” nanlaki ang mga mata ko sa narinig. “P-Paano nangyari iyon? At nasaan siya kung gano’n? Narito pa rin ba siya sa kagubatan ng Majica?” umiling naman si Ambroz sa tanong ko. “Binuhay ng mga Manggagaway ang Lagyo gamit ang pinagsama-samang itim na mahika noong makuha nila ang kapangyarihan ng aming ama. Sa isang segundo lang ay makakayang kunin ng Lagyo ang kaluluwa ng kahit na sinong nilalang, maging ikaw,” saad niya kaya nakaramdam ako ng takot. Itinaas ulit niya ang kanyang tungkod at agad akong nakaramdan ng takot nang makita ang isang malaking halimaw na kulay itim, ani mo’y isa itong usok ngunit mas nakakatakot ang itsura. Pinakita rin niya ang ilang mga kawawang nilalang na nakuhanan nito ng kaluluwa. “Sa bawat kaluluwang nakukuha ng Lagyo ay mas lalo itong lumalakas, at mas lalo ring lumalakas ang kapangyarihan ng mga Manggagaway,” saad niya. “Ngunit dahil sa tulong ng mga magigiting na hari ng tatlong kaharian ay nagawa nila itong talunin, iyon ay ang inyong mga ama,” nagulat ulit ako sa sinabi niya. “I-Ibig bang sabihin nito ay magkakaibigan ang aming mga ama?” tanong ni Nox, ngumiti naman si Ambroz at marahang tumango. “Ang tunay na dahilan kaya sinadya kami ni Haring Exodus ilang daang taon na ang nakalilipas ay upang hingin ang aming tulong, iyon ay nais niyang malaman kung paano gamitin ang pinakamalakas na mahikang taglay niya, ang mahika ng liwanag at dilim. Taglay ng mahikang ito ang kakayahang magbigay ng lakas ng kapangyarihan sa sino mang kanyang nanaisin, at taglay rin nito ang kakayahang kumuha o bumawi ng kapangyarihan.” nagkatinginan kami sa sinabi ni Ambroz. “Maaaring malakas ang kapangyarihan ng apat na elemento, ngunit walang magagawa ang mga mahikang ito upang talunin ang Lagyo, kung kaya’t binigyan ni Haring Exodus ng ibayong lakas sina Haring Cyrus ng Kahariang Araw at Haring Maddox ng Kahariang Buwan,” ang pagkukuwento niya. “Ginawa niya ito sa pag-aakala na hindi niya kakayaning talunin ang Lagyo ng mag-isa, kung kaya’t nang magawa niya ang kanyang pakay rito ay agad niyang pinuntahan ang dalawang hari upang pagkalooban ng ibayong lakas, naging mabuti ang kinalabasan ng pasya niyang iyon dahil nga natalo nila ang pinakamalaking panganib sa ating mundo,” dagdag pa niya. “Ngunit nagdaan ang mga taon, tila ba ang lakas ng kapangyarihan ay unti unting binabago ang kanilang isipan at pananaw sa ating mundo. Nanghahangad pa sila ng sobra…” inilipat ni Ambroz ang tungkod patungo sa hilagang bahagi ng mapa, muli ay sinundan iyon ng puting enerhiya. “Sa hilagang bahagi ng ating mundo ay ang bulkan ng Majica, dito itatalaga ang digmaan sa panahong pareho ang haba ng umaga at gabi, sa bulkang ito rin ikinulong ng tatlong hari ang Lagyo,” saad niya. “N-Ngunit ano ang kinalaman nito sa hindi ko pagkakaroon ng mahika?” ang nalilitong tanong ko, ngumiti naman si Ambroz bago sumagot. “Lahat ng bagay na nangyayari ay may dahilan,” ibinaba niya ang kanyang tungkod at nawala na ang kulay puting enerhiya. “Ang iyong mga ina ay pumanaw na, tama?” halos sabay sabay naman kaming tumango sa tanong niya. “Ang pagkakaroon ng mahika ay nangangailangan ng talas at lakas ng isip,” kumunot ang noo ko. Nalilito na talaga ako at hindi ko na maintindihan. “Ipinagkaloob ng May Likha ang kapangyarihan ng apat na elemento kay Haring Exodus dahil taglay niya iyon,” paninimula niya. “Kahit pa naikulong na ang Lagyo sa ilalim ng bulkan ay hindi pa rin ito tuluyang naglalaho, at nagagawa nitong paglaruan ang isip ng isang nilalang na sa tingin niya ay makakatulong sa kanya upang mapalaya siya,” nanlaki ulit ang mga mata ko sa sinabi niya. “Ibig ba nitong sabihin ay pinaglalaruan ng Lagyo ang isipan ng hari ng Araw at Buwan?” tanong ko, nagbuntong hininga naman si Ambroz. “Maaaring gano’n na nga, ngunit maaari ring ginagawa nila ito dahil sa kasakiman sa kapangyarihan,” sagot niya. “A-Ano ba ang mga senyales na napaglalaruan nga ng Lagyo ang isip ng isang nilalang?” tanong naman ni Nox. “Kapag naghangad ang nilalang na iyon ng isang bagay na imposible,” sagot niya. “Narinig ko minsan si ama nang banggitin niyang sa oras na mahawakan niya ang kapangyarihan ng apat na elemento, maging ang kapangyarihan ng liwanag at dilim ay magagawa niyang buhayin ang aking yumaong ina,” saad ulit ni Siria, marahan namang tumango si Gurong Ambroz sa tinuran ni Siria. “Mahiwaga ang ating mundo, ngunit hindi kailanman maibabalik ng kahit na anong kapangyarihan ang buhay ng sino mang pumanaw na,” naliwanagan naman ako sa sinabi niya. “Gano’n din ang narinig ko sa aking ama,” saad naman ni Nox. “Kung kaya’t sa hilaga nila itinalaga ang digmaan, dahil ang tumatakbo sa kanilang isip ngayon ay nakakulong lamang ang kanilang pumanaw na kabiyak sa bulkan ng Majica at kailangan nila itong pakawalan upang makasamang muli, ang hindi nila alam ay sa oras na masira nila ang pananggala ng bulkan na gawa sa kapangyarihan ng liwanag at dilim ay ang Lagyo ang kanilang pakakawalan…” “Ang ibig sabihin ay hindi taglay ng aming mga ama ang talas at lakas ng isip upang panghawakan ang kapangyarihan, kung kaya’t nagawang paglaruan ng Lagyo ang kanilang isipan,” ang konklusyon ni Nox, tumango naman si Ambroz sa narinig. “Ngunit paano namin mapipigilan ang aming mga ama na itigil ang itinalagang digmaan gayong hindi sila nakikinig?” tanong ulit ni Siria. “Tanggalan sila ng mahika,” sagot ni Ambroz. “Ngunit hindi na kayang gawin ni Haring Exodus iyon dahil hindi na kaya ng kanyang lakas, masyadong maraming enerhiya ang kakailanganin niyang ilabas, maaari niya iyong ikasawi, at iyon ang dahilan kung bakit narito ka ngayon, hindi ba?” saad at tanong sa akin ni Ambroz, marahan naman akong tumango. “Handa na ang aking isipan, ngunit bakit wala pa rin akong kapangyarihan?” marahan siyang natawa sa tanong ko at agad na umiling. “Maaaring sabihin ng sino man na handa na ang kanilang isipan, ngunit hindi magsisinungaling ang katotohanan, Elex,” kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “A-Ano ang ibig mong sabihin?” nalilitong tanong ko. “Hindi lahat ng kasagutan ay mahahanap sa iba, madalas ay ikaw mismo ang makakatuklas nito,” ngumiti pa siya sa akin. “Sundan mo ako sa labas, Elex, susubukan kitang tulungan na mahasa at mailabas ang kapangyarihang natutulog sa iyong loob.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD