Kabanata XIII

2230 Words
Nagsimula nang maglakad palabas ng silid ang gurong salamangkero, hindi naman ako nag-aksaya ng panahon sa sundan siya. Gano’n din ang ginawa nina Nox at Siria. “Paumanhin, Gurong Ambroz, ngunit bakit wala kang nabanggit na kahit na ano tungkol sa aming kaharian? Hindi ko iyon nakita sa mapa,” saad at tanong ko habang nakasunod pa rin na naglalakad sa kanya. “Kailangan pa ba?” pagbabalik niya ng tanong sa akin. “Ang inyong kaharian ay nasa puso ng Majica, nagtatago ito sa likod ng mga ulap, Elex, at batid ko na kung mayroon kang alam sa ating mundo, iyon ay ang kaharian niyo, kaya hindi ko na iyon binanggit pa,” marahan naman akong tumango sa idinagdag niya. “Saan tayo tutungo?” tanong ko ulit nang mapansing lumabas kami sa kanyang tahanan. Hindi naman siya sumagot at nagpatuloy lang sa paglalakad. Nang nasa hardin na niya kami ay agad siyang huminto at nilingon ako. “Ipikit mo ang iyong mga mata,” ang utos niya. Kahit pa nagdadalawang isip ay sinunod ko naman ang sinabi niya. Pagkapikit ko sa aking mga mata ay wala naman akong naramdaman na kahit na ano. “Ito ang mundo ng imahinasyon,” nang marinig ko ang boses niya ay agad akong nagmulat ng aking mga mata. Namangha ako sa aking nakita, isa itong magandang mundo kung saan buhay na buhay ang makukulay na mga halaman, masigla ring nagsisiliparan ang mga paruparo at mga ibon sa paligid. Nakakatuwang pagmasdan dahil napakagaan nito sa pakiramdam. Ito ang mundo na gusto ko. Ang mundong pangarap kong makamit ng Majica. Iyong mundo na tila ba walang problema at kahit na anong suliranin. “Elex, anak…” nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang isang pamilyar na boses sa aking likod. Hindi ako nagdalawang isip na lumingon at agad kong natanaw ang aking ina. Suot niya ang isang mahaba at kulay puting bestida, mahaba at maitim din ang kanyang buhok. Tunay na napakaganda. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang wangis. “Ina!” ang masayang tawag ko sa kanya at patakbo pang lumapit sa kanyang kinaroroonan upang bigyan siya ng isang mahigpit na yakap. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata dahil sa labis na pangungulila sa kanya. Hindi ko rin napigilan ang aking sarili sa pagluha. Hindi ako makapaniwala na kaharap ko siya ngayon, ang diwatang nagluwal at nagpalaki sa akin. Ang aking ina na walang ibang ginawa kung hindi mahalin at alagaan ako. “Ina, labis akong nangulila sa inyo,” ang humihikbing saad ko. “Batid ko, aking mahal na prinsepe,” sagot niya. Humiwalay ako sa pagkakayakap at binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. Ang kanyang ngiti na napakatagal kong hindi nasilayan. “Ina, patawarin mo ako kung may pagkukulang ako sa inyo, patawarin mo ako kung may nagawa man akong bagay na nagpasama sa inyong loob. Mahal na mahal kita, Ina,” ngumiti ulit siya at marahang tumango. “Maaari tayong magkasamang muli,” nagulat ako sa sinabi niya at tila ba nabuhayan ng loob. “N-Ngunit, paano?” ang nalilitong tanong ko. “Maaari kang manatili rito kasama ako, anak… kasama kami,” kumunot ang noo ko sa isinagot niya. “Elex, anak…” nanlaki ang aking mga mata nang makita si ama. “A-Ama?” gulat na tanong ko. “Mukhang gulat ka, anak, tila may suliranin kang iniisip?” mabilis naman akong umiling sa sinabi niya. “H-Hindi lamang po ako makapaniwala na narito kayo,” ngumiti naman siya at agad na naglakad palapit sa amin. Napangiti ako nang akbayan niya ang aking ina at marahan pang dinampihan ng halik sa sentido. Kagaya ng lagi niyang ginagawa noon. “Mas pinili kong mamuhay rito kasama ang aking mahal na reyna, anak,” saad ni ama. “Maaari ka ring manatili rito upang makasama kami,” saad ni ina at agad na nilingon ang paligid. “Pagmasdan mo ang napakagandang lugar na ito, tila ba isang paraiso. Ito ang lugar kung saan masaya tayong mamumuhay. Ito ang lugar kung saan hindi na tayo dapat pang matakot at mangamba sa kahit na anong dagok at suliranin, ang lugar na mapupuno ng pagmamahalan kapag tayo’y magkakasama na,” mahabang dagdag pa niya. “N-Ngunit paano po ang Majica?” ang nag-aalangang tanong ko, nagkatinginan naman sila at sabay na ngumiti. “Ito na ang bagong Majica, anak,” naguluhan ako sa sinabi niya pero pilit akong ngumiti at mabilis na tumango. “O-Opo, Ina, nais kong manirahan dito kasama kayo ni Ama,” ang sagot ko. “Elex…” banggit ni ina sa pangalan ko. Nanlaki ang aking mga mata nang makitang unti unti silang naglalaho ni ama. Hindi ko naman alam kung ano ang aking gagawin, sinubukan kong hawakan ang kanilang mga kamay ngunit tila ba mga imahinasyon o anino lamang sila na hindi ko magawang hawakan. “I-Ina!” ang umiiyak na sigaw ko. “Ama!” dagdag ko pa. Napaluhod ko at walang ibang magawa kung hindi ang humagulgol dala ng sama ng loob nang tuluyan na silang maglaho. Bakit sila nawala? Bakit nila ako iniwan? Ang akala ko ba ay nais nila akong makasama upang mabuo na muli ang aming pamilya? “Ito ang iyong isipan,” nag-angat ako ng tingin kahit na basa pa ng luha ang aking mga mata at nakita ko si Gurong Ambroz na seryosong nakatitig sa akin. “G-Gurong Ambroz, m-maaari mo ba akong ibalik sa mundong iyon? Nais kong makita at makasama ang aking Ina’t Ama, pakiusap…” ang umiiyak na saad ko, napailing naman siya na tila hindi makapaniwala sa sinabi ko. “Ngayon sabihin mo sa akin, paano mo panghahawakan ang isang malakas na kapangyarihan kung napakadaling paglaruan ng iyong isipan?” nanlaki naman ang mga mata ko sa tanong niya. Biglang bumalik sa likod ng aking isip ang una niyang sinabi kanina. “Ito ang mundo ng imahinasyon,” at ang sinabi niya nang ibalik niya ako rito. “Ito ang iyong isipan,”. Ibig sabihin ay hindi totoo iyon. Isa lamang imahinasyon. Pinaglaruan niya ang aking isip. Ngunit tama naman siya, hindi ko pa rin taglay ang talas at lakas ng isip kung kaya’t nagawa niya iyon sa akin. Bigla akong nakaramdam ng hiya sa katotohanang iyon. Nilingon ko sina Nox at Siria na binibigyan ako ng tingin na may halong pag-aalala. Lumuhod at yumuko naman ako sa harap ng salamangkerong guro. “Patawad, Gurong Ambroz. Kung iyon ang iyong unang pagsubok, patawad kung hindi ako nagtagumpay,” lumuluha pa ring saad ko. Masakit sa akin na hindi totoong nakita kong masayang magkasama ang aking ama at ina, ngunit hindi ito ang tamang panahon para maging mahina. Hindi ko dapat makalimutan ang dahilan kung bakit ako narito. Kailangan kong maging malakas. Kailangan kong magkaroon ng kapangyarihan. Paulit ulit ko nang sinasabi at binabanggit ito sa aking sarili ngunit kailangan kong tanggapin ang lahat ng ito para sa aming mundo. “Wala kang kapangyarihan, bata,” gulat at nanlalaki ang aking mga matang napatingin sa salamangkerong guro nang sabihin niya iyon, seryoso pa rin siyang nakatitig sa akin. “Hindi ako mag-aaksaya ng panahon at oras na turuan ang isang mahinang nilalang na kagaya mo, kaya huwag ka nang umasa. Tanggapin mo na lang ang katotohanang mahina ka at wala kang magagawa upang sagipin ang ating mundo,” mahabang pahayag pa niya. Tuluyan naman akong nanghina dahil sa narinig. Tama siya. Mahina ako. Wala akong alam gawin. Ni hindi ko nga magamit ang aking mahika, kaya paano ko sasagipin ang aming mundo at ililigtas ang maraming mga diwata na umaasa sa akin? Dahil sa sinabi niya ay tuluyan na akong nawalan ng pag-asa, ngunit hindi ko magawang magalit dahil tama naman siya. Kung may galit man akong nararamdaman ngayon, hindi iyon galit sa kanya at sa mga masasakit niyang salita, galit iyon sa aking sarili dahil sa katotohanang wala akong kuwenta. “P-Patawad…” ang nanghihinang saad ko. Nakayuko pa rin ako at ang mga luha ay walang humpay sa pagtulo. Napakabigat ng aking nararamdaman. Sobrang sakit ng aking puso. “Alin ang inihihingi mo ng tawad? Dahil ang kaisa-isang diwata na inaakala ng lahat na makakaligtas sa ating mundo ay isang mahina at walang kuwenta? Hindi ko kailangan ‘yan, bata,” matalim ang salitang saad niya, hindi ko pa rin magawang i-angat ang aking ulo dahil sa hiyang nararamdaman. “Patawad…” nanghihinang saad ko ulit. Wala akong ibang alam sabihin kung hindi ang salitang iyon. Binigo ko sila. Binigo ko ang lahat ng diwata sa Majica, binigo ko ang aking ama, binigo ko ang aking sarili. “Makakaalis na kayo,” pinal na saad ng salamangkerong guro na tila ba tapos na siya sa akin. Nakita ko pa ang kanyang mga paa na naglakad paalis sa aking harapan, ilang saglit lang ay narinig ko ang malakas na kalabog ng isang pintong nagsara. Sa pagsara ng pintong iyon, tila nagsara na rin ang aking pag-asa. Kanina lang ay natutuwa ako dahil pagkatapos ng mahabang paglalakbay ay narating na rin namin ang unang salamangkerong guro, ngayon naman ay sobra akong nalugmok sa ideyang sinukuan niya ako at hindi na tinulungan dahil mahina ako. Naramdaman ko ang kamay nina Nox at Siria na humawak sa magkabilang braso ko, inaalalayan nila akong tumayo. Nag-angat ako ng tingin sa kanila at mababakas pa rin sa kanilang mga mukha ang pag-aalala. “Patawarin niyo ako… binigo ko kayo,” ang nanghihinang saad ko, pilit naman silang ngumiti at mabilis na umiling. “Ginawa mo ang iyong makakaya, Elex, at ang katotohanang umabot ka sa puntong ito ng iyong paglalakbay ay sapat nang rason upang sabihin na… malakas ka, naririto lamang kami para sa ‘yo,” mababa ang boses na sagot ni Nox. May naramdaman akong maliit na kamay na humawak sa kamay ko, agad naman akong yumuko at nakita si Niyebe na malungkot na nakatitig sa akin, habang may hawak na isang maliit na tinapay, ang kristal sa kanyang dibdib na indikasyon ng kanyang emosyon ay nababalot ng itim na enerhiya. “Patawarin mo ako, Niyebe. Patawarin niyo ako kung isa akong malaking kabiguan…” ang umiiyak na saad ko. Marahan kong hinawakan si Niyebe at dinala sa aking kaliwang balikat, kumapit naman siya sa aking tenga. Mabigat ang aking dibdib nang tumayo ako mula sa pagkakaluhod. Pakiramdam ko nga ay matutumba pa ako dahil nanlalambot ang aking mga tuhod dala ng panghihina dahil sa pag-iyak. Muli kong nilingon ang tahanan ng gurong salamangkero na si Ambroz, nakasara na ang kanyang pinto na tila ba wala na siyang balak na pagbuksan kaming muli. Napayuko akong muli bago magpasyang marahang maglakad palabas ng kanyang bakuran. “Elex, gano’n na lang ba iyon? Susuko ka na?” tanong ni Siria habang naglalakad ako. Hindi ako sumagot dahil mabigat pa rin ang aking pakiramdam. Masyado kong iniisip ang mga masasakit na salitang sinabi ni Ambroz kanina. Tama siya. Wala talaga akong kuwenta. Ang sabi niya ay may dahilan at rason ang lahat ng mga bagay na nangyayari, ngunit hindi ko maintindihan at mahanap ang rason kung bakit ako ang napili ng May Likha na maging anak ng hari at reyna ng kahariang Langit gayong wala naman akong magagawa. Isa akong malaking kahihiyan kay Ama, ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga diwata na umaasa sa aking tagumpay? “Elex, baka may iba pa tayong maaaring gawin…” saad naman ni Nox pero hindi pa rin ako sumagot at nagpatuloy lang sa paglalakad. “Elex, tama sila… hindi tayo dapat na mawalan ng pag-asa,” saad naman ni Elex. “Para saan pa?” ang napipikong tanong ko naman sa kanilang lahat. “Para ipamukha sa akin ng paulit ulit na wala akong kuwenta? Na mahina ako? Tanggap ko na! Patawad kung wala akong magawa para sa inyo at sa mundo natin, kaya hayaan niyo na lang ako!” pasigaw na saad ko pa. Laking gulat ko nang biglang mahulog si Niyebe mula sa aking balikat, nanlaki ang aking mga mata nang makitang kalahati na ang itim na enerhiyang nasa kanyang kristal. “R-Ramdam ko ang sakit, Elex…” mahina at maliit ang boses na saad niya. “Ramdam ko ang iyong lungkot,” dagdag pa niya. Agad naman akong lumuhod upang daluhan siya, dinala ko siya sa aking mga palad. “P-Patawarin mo ako, Niyebe, hindi ko nais na pasamain ang iyong loob,” mahinang saad ko. “W-Wala na ba talang natitirang pag-asa sa ‘yo?” kumunot ang noo ko sa tanong niya. Pag-asa… Hindi ko alam kung saan ko nabasa iyon. Saglit akong natahimik at nag-isip. Tapos ay mabilis kong kinuha ang mahiwagang mapa mula sa aking lulang mga gamit at nanlaki ang aking mga mata nang makita ang tahanan ni Ambroz, sa itaas no’n ay ang kanyang pangalan. Ambroz – Salamangkero ng Pag-asa Napangiti ako sa nakita at agad na nabuhayan ng loob. Nilingon ko ang aking mga kasama na tila ba nagtataka sa aking kinikilos. “H-Hindi,” saad ko. “Hindi dapat ako mawalan ng pag-asa,” nakangiting saad ko nang mapagtanto ang lahat. Mas lalo akong napangiti nang mawala ang itim na enerhiya sa kristal ni Niyebe. Tumalon siya at pumwesto ulit sa aking kaliwang balikat. “Babalikan natin si Gurong Ambroz, papatunayan ko sa kanyang mali siya,” ang pinal na saad ko na ikinatuwa naman nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD