Kabanata XIV

2160 Words
Habang naglalakad ako kasama ang aking mga kaibigan pabalik sa tahanan ng gurong salamangkero ay hindi ko maiwasang isipin na ang mga masasakit na salitang sinabi niya ay ang kanyang ikalawang pagsubok sa akin. Siya si Ambroz, ang salamangkero ng pag-asa, hindi niya sasabihin sa akin ang mga salitang iyon ng walang dahilan. Batid ko na sinubukan niyang sukatin ang lakas ng aking isipan sa pagkakaroon ng pag-asa, at hindi niya ako binato ng masasakit na salita upang patayin ang natitira kong pag-asa na mailigtas ang aming mundo, kung hindi nais niyang hindi ako mawalan ng pag-asa kahit na sa ngayon ay mahina ako. “Ano’t tila nagbago ang iyong isip, Elex?” nalilitong tanong ni Siria habang sinasabayan ako sa paglalakad. “Siya si Ambroz, ang salamangkero ng pag-asa, at malakas ang aking kutob na sinabi niya ang maaanghang na salitang iyon upang sukatin ang natitira kong pag-asa. Naiintindihan ko na, Siria. At hindi ako dapat magpa-apekto sa mga salita lamang. Hindi ko dapat hayaan na ang mga salitang iyon ay tutupok sa natitira kong pag-asa na mailigtas ang ating mundo at ang lahat ng nilalang na naninirahan dito,” sabay silang napangiti ni Nox sa sinabi ko. “Natutuwa ako sa iyong pasya, Elex, asahan mo na hindi ka namin iiwan at pababayaan kahit pa ano ang mangyari,” sagot naman ni Nox, ngumiti ako sa kanila at marahang tumango. “Daghang salamat, mga kaibigan,” sagot ko. “K-Kaibigan? Itinituturing mo na kaming mga kaibigan?” hindi makapaniwalang tanong ni Siria kaya napangiti ako. “Para saan pa’t magkakasama tayo sa paglalakbay na ito kung hindi rin naman tayo magiging magkakaibigan?” ang nakangiting tanong ko rin. Naramdaman ko ang saya sa ekspresyon nila, at natutuwa ako dahil doon. Kagaya ng sinabi ko ay hindi ko na muna dapat isipin ang bangungot na hindi ko naman maintindihan kung ano ang tunay na dahilan. Ang mahalaga ngayon ay magtagumpay ako sa paglalakbay na ito. “Masaya ako sa aking narinig, Elex, maraming salamat,” saad naman ni Nox kaya marahan akong tumango at binigyan ulit siya ng ngiti. “Base sa sinabi ni Gurong Ambroz kanina, maaaring pinaglalaruan ng Lagyo ang isipan ng inyong mga ama, gaya ng paglalaro niya kanina sa aking isipan dahil hindi ko pa taglay ang lakas at talas ng isip, kung gano’n nga ang nangyayari ay hindi ang iyong mga ama ang tunay na kalaban, bagkos ay kailangan nating magtagumpay sa paglalakbay na ito upang iligtas sila mula sa masamang bulong ng Lagyo,” sabay naman silang tumango sa sinabi ko. “Batid kong hindi masama ang aking ama, maging ang ama ni Nox, kaya umaasa ako na mailigtas nga natin ang kanilang kaisipan kung totoo na ang Lagyo nga ang dahilan ng kanilang pagbabago,” sagot naman ni Siria. “Sa oras na magawa mo nang gamitin ang iyong mahika ay binibigyan kita ng pahintulot na bawiin maging ang aming mga kapangyarihan Elex, iyon lang ang paraan upang matigil ang lahat ng ito,” sagot naman ni Nox, saglit akong natahimik dahil doon. “Gagawin ko ang lahat upang maging maayos muli ang ating mundo,” sagot ko naman. “Kung magtagumpay man ako ay hindi ko kayo tatanggalan ng kapangyarihan, dahil batid kong taglay nito ang talas at lakas ng isip,” dagdag ko pa. Ilang sandali lang ay muli kaming nakarating sa bakuran ng tahanan ni Gurong Ambroz, nakasara pa rin ang kanyang pinto. Hindi naman ako nag-aksaya ng panahon na maglakad palapit dito at kumatok. “Gurong Ambroz,” ang banggit ko sa pangalan niya habang kumakatok. “Paumanhin kung iniisip mong sinasayang ko lang ang iyong oras, ngunit bigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan na kaya kong ibalik sa dati ang ating mundo, ngunit kakailanganin ko ang iyong tulong,” saad ko pa habang walang hinto sa pagkatok. “Wala akong panahong turuan ang isang mahina, makaka-alis ka na. Hindi rin ako mag-aaksaya ng oras sa isang diwata na wala ng pag-asa,” sagot niya mula sa loob. Muli ay parang punyal ang kanyang salita na sumaksak sa aking puso, ngunit sa puntong ito ay wala na akong pakealam. Determinado akong matuto. “Paumanhin ngunit hindi matutupok ng iyong salita ang natitira kong pag-asa na mailigtas ang aking nasasakupan, kung iyan ang iyong iniisip ay wala na akong magagawa para baguhin ang iyong pasya, at kung hindi mo ako tutulungan ay maiintindihan ko. Ngunit gusto ko ring malaman mo na hindi ako nawawalan ng pag-asa, alam ko sa sarili ko na kaya ko, at kakayanin ko kahit na ano pa ang mangyari!” pinal na saad ko. Tumahimik ako ng ilang sandali, napalingon pa ako kina Nox at Siria na nakangiti sa akin, nang wala akong marinig na kahit na ano mula kay Gurong Ambroz ay pilit pa rin akong ngumiti. “Maraming salamat sa mainit na pagtanggap sa amin, Gurong Ambroz. Ayaw kong aminin ngunit marami akong natutunan sa iyo. Batid ko na may iba pang paraan upang matutuhan kong gamitin ang aking mahika, magpapaalam na kami,” saad ko. Magaan ang aking loob nang banggitin iyon. Walang halong sama ng loob. Naiintindihan ko siya. Ngayon ay malinaw na sa akin ang lahat. At kahit pa hindi na magbago ang kanyang pasya ay may malaking bagay siyang naitulong sa akin, iyon ay ang pagkakaroon ng pag-asa, ang isang bagay na aminado akong lagi kong kinukwestiyon sa aking isipan. Marami rin akong bagay na natutuhan tungkol sa aming mundo dahil sa kanya, kaya lubos akong nagpapasalamat sa mga kaalamang naibahagi niya sa akin. “Huwag na tayong mag-aksaya ng panahon at magpatuloy na tayo sa paglalakbay, hindi ko man magawang matutuhan kung paano gumamit ng kahit na anong mahika ay marami naman akong natutuhang aral mula sa unang salamangkerong guro. Buo na ang aking pasya na ipagpapatuloy ko ang paglalakbay na ito, para sa ating mundo at para sa lahat ng nilalang na naninirahan dito,” napangiti sina Nox at Siria sa sinabi ko. “Kung gano’n, humayo na tayo,” ang nakangiting sagot ni Nox. “Muli akong nagpapasalamat, Gurong Ambroz. Hangad ko ang iyong kasiyahan at katahimikan. Paalam!” saad ko bago tumalikod sa pinto at nagsimula nang maglakad pakayo kasama ang aking mga kaibigan. “Ano ang nais mong matutuhan?” napahinto kami sa paglalakad nang marinig ang boses ni Gurong Ambroz kasabay ng pagbukas ng kanyang pinto. Nagkatinginan kami nina Nox at Siria at napangiti kaming lahat bago bumaling sa salamangkerong guro. Marahan pa akong yumuko sa kanya upang magbigay ng galang bago sumagot sa kanyang katanungan. “Hindi ako naghahangad ng labis, Gurong Ambroz. Kung ano ang iyong kayang maibahagi at maituro ay maluwag kong tatanggapin. Hangad ko ay matuto ng mga bagay mula sa iyo,” sagot ko naman, napansin kong napangiti siya dahil sa sa aking sinabi. “Mainam,” sagot niya. “Kung gano’n ay pumasok na kayo’t magpahinga na muna. Nakahanda na ang inyong silid. Pagsapit ng dilim ay magsisimula ka na sa iyong pag-eensayo,” malawak ang naging ngiti ko sa idinagdag niya. “Maraming salamat, Gurong Ambroz. Hindi ka magsisisi sa iyong pasya. Maaaring tama ka, mahina ako ngayon at walang kuwenta, pero patutunayan ko sa inyong lahat na kaya ko,” napangiti si Gurong Ambroz sa sinabi ko at marahang tumango. “Lahat ng nilalang ay may silbi, Elex, paumanhin kung pinasama ko ang iyong loob. At tama ang iyon iniisip, kailangan kong bitawan ang mga salitang iyon upang sukatin ang iyong paniniwala sa natitirang pag-asa,” marahan akong tumango sa sinabi niya. “Gutom pa ako,” napalingon kaming lahat kay Niyebe na nagsalita, tapos ay sabay sabay kaming natawang lahat. “Marami pang pagkain sa loob, Niyebe, kumain ka lang,” nang sabihin iyon ni Gurong Ambroz ay agad na lumipad si Niyebe papasok sa tahanan ng salamangkerong guro. “Napakatakaw mong bansot ka!” ang pang-aasar ko bago siya makapasok, huminto naman siya sa paglipad at nilingon ako at binigyan ng masamang tingin. Mabilis niyang ibinato ang hawak niyang maliit na tinapay sa akin, tumama naman iyon sa ilong ko kaya natawa sina Nox at Siria, maging ang salamangkerong guro. “Ikaw ang panget mong umiyak!” pang-aasar niya, dahilan kung kaya’t mas lalong lumakas ang tawanan ng aming mga kasama, ako naman ay nakaramdam ng hiya. Batid kong nakakahiya ang aking naging reaksiyon at pag-iyak kanina, ngunit parte iyon ng pagsubok. Kagaya ng sinabi ko ay dahil sa nangyari, marami akong natutuhan, at hindi ko iyon dapat na ikahiya. Tuluyan nang pumasok sa loob si Niyebe at sa tingin ay dumiretso na siya sa hapag upang kumaing muli. Nilingon ko naman sina Nox at Siria at marahan akong tumango sa kanila. “Pumasok na kayo’t magpahinga. Batid kong hindi kayo nakatulog ng maayos nitong mga nakaraang gabi dahil sa inyong paglalakbay,” saad ni Gurong Ambroz. Gano’n naman ang aming ginawa. Sinamahan niya kami papunta sa isang silid kung saan may apat na malalambot na higaan. “Kayo na ang bahalang humanap ng iyong puwesto, maiiwan ko na muna kayo upang kayo’y makapagpahinga,” saad niya bago ako nilingon. “Maghanda ka na, Elex, kagaya ng aking tinuran kanina ay sisimulan natin ang pag-eensayo pagsapit ng dilim,” saad niya, ngumiti naman ako at marahang tumango. “Muli akong nagpapasalamat, Gurong Ambroz,” marahan lang siyang tumango bago naglakad paalis. Kami naman ay pumasok na sa loob ng silid at agad na humiga sa mga malambot na higaan. “Paano mo napagtanto na kasama sa kanyang mga pagsubok sa iyo ang mga salitang sinabi niya kanina?” kuryosong tanong ni Siria sa akin, napangiti naman ako. “Kaninang nanghihina si Niyebe dahil sa sama ng loob at binanggit niya ang salitang ‘pag-asa’, bigla kong naalala na nabasa ko ang salitang iyon, mabuti na lamang at natandaan kong sa mahiwagang mapa ko iyon nabasa, kasunod ng pangalan ni Gurong Ambroz,” sagot ko sa kanya. “Tunay na nakakamangha ang iyong memorya,” nakangiting saad naman ni Nox. “Napagtanto ko rin na hindi siya tatawaging salamangkero ng pag-asa kung siya mismo ang tutupok sa pag-asa kong maisalba ang ating mundo, kung kaya’t naisip ko na pagsubok lamang niya iyon sa akin,” saad ko ulit at sabay silang tumango. “Taglay mo ang talas ng isip, Elex,” sagot naman ni Siria. “Maaaring tama ka, Siria, ngunit hindi pa ito malakas upang taglayin ang mahika na hinahangad ko, tanggap at naiintindihan ko na ngayon. Ngunit hindi ako susuko,” sabay ulit silang tumango. Pagkatapos no’n ay nagpasya na muna kaming magpahinga. Nakakatuwa nga na pagkahiga pa lang nilang dalawa ay dinalaw na sila agad ng antok. Marahil ay dahil nga hindi sila nakakapagpahinga ng maayos nitong mga nakaraang araw. Gano’n din naman ako, ngunit hindi ako makatulog. Iniisip ko ang mga nangyari ngayong araw. Muling gumaan ang aking pakiramdam dahil sa dami ng reyalisasyon sa aking isipan. Ngayon ay naiintindihan ko na ang dahilan kung bakit wala pa akong kapangyarihan. Tunay ngang magagaling ang mga salamangkerong guro. Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung paano at ano ang pag-eensayong gagawin namin mamaya ng salamangkerong guro. Hindi ko alam kung dapat ba akong kabahan, o kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Sa kabilang banda ay natutuwa ako. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito upang matuto. Ilang oras na akong nakahiga ngunit hindi talaga ako makatulog. Kaya naman sa huli ay nagpasya akong tumayo at lumabas ng silid. Hindi ko nakita si Gurong Ambroz, marahil ay nasa silid siya kung saan niya kami dinala kaninang itinuro niya sa akin ang mga dapat kong malaman tungkol sa aming mundo. Si Niyebe naman ay natutulog na sa loob ng kopitang walang laman habang may hawak pa ring tinapay. Napailing na lang ulit ako at hinayaan na siya. Nagpasya akong lumabas at magtungo ng hardin upang pagmasdan ang maraming magagandang halaman at bulaklak. Maging ang mga paruparo at ibon na nasa paligid na napakagandang pagmasdan. Medyo nagulat pa ako nang mapansin ang isang ibon na dumapo sa aking kaliwang balikat, napangiti ako kasi humuhuni pa ito na parang kinakantahan ako. Inilahad ko ang aking kaliwang palad at lumipat naman siya doon na parang naiintindihan ang nais kong iparating. “Ikinagagalak kong makita ka, kaibigang ibon,” nakangiting saad ko. Kulay puti ang ibon, ang mga mata naman nito ay kulay pula at ang kanyang tuka ay kulay ginto. “Napakaganda ng iyong tinig,” saad ko pa dahil hindi ito humihinto sa kanyang pag-awit. “Phasmatos Incendia!” nagulat ako sa sigaw ni Gurong Ambroz at agad akong napalingon sa kanya, nakita ko ang apoy na lumabas mula sa kanyang tungkod at muntik nang tumama sa ibon ngunit mabilis itong nakalipad. Gulat pa ako nang magbago ang wangis nito, naging kulay itim ang kanyang kabuuan. “Phasmatos Incendia!” ang pagbanggit ulit ni Gurong Ambroz ng mahika, sa pagkakataong ito ay tumama na ito sa ibon at agad itong tinupok ng apoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD