Kabanata XV

2162 Words
Hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan. Paano niya nagawang paslangin ang isang walang laban at inosenteng nilalang? “B-Bakit…” nauutal na saad ko. “Bakit mo ginawa iyon?” nalilitong tanong ko pa. “Batid kong may mabuti kang puso, Elex, ngunit hindi lahat ng nilalang ay dapat mong pagkatiwalaan. Kailangan mong matutuhan at malaman kung sino ang totoo at kung sino ang nagbabalat kayo,” saad niya. “H-Hindi ko maintindihan,” ngumiti naman siya sa akin. “Batid ko, ngunit tandaan mo na ang lahat ng nilalang sa kagubatang ito na may pulang mga mata ay napapasa-ilalim sa itim na mahika ng mga Manggagaway,” napatango naman ako sa sinabi niya. “Ngunit paano siya nakarating dito? Hindi ba at ang sinabi mo ay nababalot ng mahika ang iyong tananan? Kung gano’n ay nakikita niya ito…” tanong ko ulit, narinig ko naman ang kanyang pagbubuntong hininga. “Hindi ko rin alam, Elex, maaaring naligaw lamang siya at hindi sinasadyang marating ito. Maaari rin naman na nasundan niya kayo,” marahan akong tumango sa sinabi niya. “Sa buong panahon na nasa gitna kami ng gubat, hindi nawala sa akin ang pakiramdam na tila ba may nagmamasid sa akin, hindi kaya’t sinusundan kami ng mga Manggagaway?” marahan siyang tumango sa sinabi ko. “Maaari, ngunit ipinagdarasal ko sa May Likha na sana ay mali ka lang ng inaakala,” sagot niya. “Ngunit kung sakaling totoo ang aking kutob, ang ibig sabihin ay hindi ka na ligtas dito, kayo ng mga kapatid mo,” umiling naman siya. “Simula nang magpasya kaming manirahan dito ay alam na namin na maraming panganib ang maaari naming harapin, Elex, ngunit huwag mong alalahanin iyon. Ang kailangan mong isipin ngayon ay ang iyong pag-eensayo,” napabuntong hininga na lang ako sa sinabi niya at marahang tumango. Laking gulat ko pa nang mapansing unti unti nang binabalot ng dilim ang paligid. Nakapagtataka sapagkat mataas pa ang sikat ng araw. “A-Anong…” hindi ko maituloy ang aking sasabihin habang nakatanaw sa langit. “Hindi mo na kailangang magtaka sa nangyayari, Elex, hindi na balanse ang liwanag at dilim ng ating mundo dahil sa kasakiman sa kapangyarihan at sa nalalapit na digmaan,” napatango ako sa sinabi niya. Tama siya, at kagaya ng sinabi ko ay hindi ito maganda. “Handa na ako sa pag-eensayo, Gurong Ambroz,” saad ko. “Kung gano’n ay ipikit mo ang iyong mga mata, muli kong susubukan ang talas ng iyong isip,” sagot niya. Ginawa ko naman ang sinabi niya. Marahan kong ipinikit ang aking mga mata sa loob ng ilang segundo. Nang imulat ko ang aking mga mata ay nasa parehong paraiso na ako kung saan niya ako dinala kanina. Natagpuan ko rin ang aking ina’t ama na nakatayo sa aking harapan habang malawak ang kanilang mga ngiti na tila ba nagagalak silang makita ako. “Natutuwa ako sa iyong pagbabalik, anak. Ang akala ko’y tuluyan mo na kaming tatalikuran, iiwanan at kakalimutan,” ang malambing na saad ng aking ina, ngumiti naman ako sa kanya at marahang umiling. “Ina, kahit na ano ang mangyari ay hindi ko kayo magagawang talikuran at kalimutan ni ama, marahil ay isa lamang itong imahinasyon ngunit masaya ako na muli kang makita,” sagot ko naman. “Hindi ito isang imahinasyon lamang, anak, totoo ang paraiso, at kung nanaisin mo lamang ay makakasama mo kaming muli,” mariin akong pumikit sa aking narinig. Nababasag ang aking puso sa isipang nag-iisa ang aking ina sa paraiso, nangungulila sa pamilyang kanyang iniwan dito sa Majica. “Sa pagdating ng takdang panahon ay muli tayong magkakasama, Ina, ngunit sa ngayon ay kailangan kong gawin ang aking tungkulin sa ating mundo. Kailangan kong iligtas ang ating nasasakupan na siyang pinahalagahan niyo sa mahabang panahon,” malungkot na saad ko. Mas lalong nabasag ang aking puso nang makita ang luhang pumapatak mula sa kanyang mga mata. Ramdam ko ang sakit, ngunit hindi ako dapat na magpatalo sa isang imahinasyon lamang. Ilang minuto ring namayani sa amin ang katahimikan, laking gulat ko nang ilang sandali lamang ay may isang malaking usok na animo’y isang anino ang nagpakita sa amin. Halata ang gulat at takot sa mga mata ng aking mga magulang. Ang makapal at itim na usok ay pumulupot sa mga bewang nila. Bahagya akong nakaramdam ng pag-aalala sa malakas na sigaw ng aking mga magulang na tila ba natatakot. “E-Elex, anak!” ang sigaw ni ina sa aking pangalan. Nanlaki ang aking mga mata nang makitang unti unting hinihigop ng halimaw ang kaluluwa ng aking ina. Nanghihina ako. Kahit pa batid ko na isa lamang itong imahinasyon ay napakasakit pa ring isipin na wala akong magawa upang iligtas sila. Malakas akong sumigaw dala ng sakit at galit. Laking gulat ko nang lumabas sa aking katawan ang kulay asul at berdeng enerhiya na tunay na nakakasilaw. Mukhang natakot ang itim na usok sa liwanag kung kaya’t mabilis itong naglaho. Nakita ko naman ang aking mga magulang na napaluhod sa madamong lapag. “Tunay na malakas ang taglay mong kapangyarihan, anak,” nanghihinang saad ng aking ama. “At kung pipiliin mong manatili rito kasama kami ay hindi na kami magagawang gambalain pa ng Lagyo, magagawa mo kaming ipagtanggol,” dagdag pa niya. Hindi ako nakasagot. Nais ko silang iligtas. Ngunit kumunot ang aking noo nang mapansin na wala silang anino. Biglang bumalik sa aking alaala ang sinabi sa akin ni Ama noong ako’y musmos pa at nag-eensayo sa paggamit ng espada. “Palagi mong tatandaan na imahinasyon lamang ang mga nilalang na walang anino, hindi sila totoo at mas lalong hindi ka nila magagawang saktan o ang mga taong nakapaligid sa ‘yo.” Mariin akong pumikit bago umiling. Ngumiti ako sa aking mga magulang bago nagsalita. “Ina, naniniwala ako na masaya ka na kasama ang May Likha, sa mundo kung saan walang sakit at paghihirap. Naniniwala rin ako na hindi ka niya pababayan sapagkat lubos niyang mahal ang lahat ng nilalang na nagmula sa kanya. Masaya akong makita at makausap ka na parang totoo ka pa rin, kagaya ng aking tinuran ay darating ang araw na magkakasama tayong muli, ngunit paumanhin dahil kailangan kong manatali sa ating mundo sa ngayon dahil maraming diwata ang umaasa sa akin,” saad ko. Pagkatapos kong sabihin iyon ay bahagya akong nakaramdam ng pagkakahilo. Tila umikot ang paligid at sa isang iglap ay nasa harap na ako ni Gurong Ambroz, nakangiti siya sa akin na tila nagsasabing mahusay ang aking ginawa. “Mahusay, ngunit hindi pa tapos ang iyong pag-eensayo, Elex, lalo na’t kapareho lang nito ang pagsubok na ibinigay ko sa ‘yo kanina kung kaya’t alam mo na ang mangyayari,” saad niya. “Maraming salamat, Gurong Ambroz, ngunit handa akong matuto,” sagot ko sa kanya, marahan naman siyang tumango sa aking sinabi. “Sumunod ka sa akin,” saad niya. Agad naman niya akong tinalikuran at naglakad palabas ng kanyang hardin. Hindi naman ako nag-aksaya ng panahon na sundan siya. Hindi ko alam kung saan kami tutungo ngunit hindi na ako nagtanong, alam ko naman na hindi niya ako pababayaan. Ilang sandali lang ay napansin ko na nasa tabi na kami ng ilog. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa namin dito, kung kaya’t pinanuod ko na lamang ang kanyang mga galaw. “Magandara!” ang tawag ni Gurong Ambroz sa kaibigan niyang sirena. Kahit na tanging buwan lamang ang nagbibigay ng liwanag sa kabuuan ng lugar ay napansin ko pa rin ang paggalaw ng tahimik na tubig nang tawagin ni Gurong Ambroz ang sirena. Ilang sandali lang ay umahon ang ulo nito habang nakangiti sa salamangkerong guro. “Handa na ba siya, Gurong Ambroz?” ang nakangiting tanong ni Magandara. Kumunot ang aking noo sa narinig dahil hindi ko maintindihan ang nangyayari. Akmang magtatanong na sana ako ngunit laking gulat ko nang itulak ako ni Gurong Ambroz kaya nahulog ako sa ilog. Ang akala ko ay mababaw lamang at hanggang tuhod ang tubig ngunit nakakapagtaka na tila bumagsak ako agad sa malalim na parte ng ilog. Iginala ko ang aking mga mata sa habang nasa ilalim ng tubig. Sinubukan kong lumangoy pataas ngunit tila hinihila ako ng tubig patungo sa kailaliman nito. Wala akong masyadong makita dahil madilim, at kagaya ng aking sinabi kanina ay ang buwan lamang ang nagbibigay ng liwanag. Hindi naman abot ng liwanag nito ang kailaliman ng ilog. Laking gulat ko nang maramdaman ko ang hapdi sa aking kaliwang braso, tila ba may mga matutulis na kuko ang kumalmot sa akin, lumingon ako ngunit wala pa rin akong makita. Nanghihina na ako at nawawalan ng hangin. Gano’n pa man ay sinubukan ko pa ring lumangoy pataas ngunit tila ba wala itong silbi. Sa aking wari ay nagsasayang lang ako ng lakas. Ngunit ano ang aking gagawin? Hindi ko naman dapat hayaan ang sarili ko na malunod. Laking gulat ko nang makita sa aking harapan ang isang nakakatakot na nilalang. Kahit pa may kadiliman ay tanaw ko ang kulay berde nitong balat at matatalim na pangil. Shokoy… Sinubukan kong lumangoy palayo rito ngunit hindi ko nagawa, naramdaman ko na lamang na para bang kinalmot ulit ako nito sa kaliwang braso ko kaya napangiwi ako sa sakit. Tuluyan na akong nanghina. Ramdam ko na bumibigat na ang aking dibdib dahil sa kawalan ng hangin. Ipinikit ko ang aking mga mata at tila ba tinanggap ko sa aking sarili na hindi ko na magagawang lagpasan ang pagsubok na ito. Ngunit sa pagpikit ng aking mga mata ay nakita ko ang hitsura ng aking ama, nakangiti ito sa akin… maging ang mukha ng aking gabay na si Niyebe. “Elex…” Halo-halong boses ang aking naririnig, binabanggit nilang lahat ang pangalan ko. Ang aking ama, si Niyebe, si Nox at si Siria. “Pag-asa…” Narinig ko rin ang isang boses na tila ba pinapaalalahanan ako na hindi dapat ako mawalan ng pag-asa. Muli kong iminulat ang aking mga mata. Nakita ko na nasa harap ko ulit ang shokoy, umamba ito na aatakihin ako. Sa isang iglap ay nagawa naman niya. Naramdaman ko ang hapdi sa aking kanang braso gawa ng kanyang muling pagkalmot sa akin, tapos ay mabilis ulit itong lumangoy paalis kung kaya’t nawala na naman ito sa aking paningin. Ipinikit ko ulit ang aking mga mata ay nagdasal sa aking isip. “Mula sa elemento ng tubig na siya ring gumagabay sa akin, humihingi ako ng tulong, hindi para sa akin kung hindi para sa aking nasasakupan. Tulungan mo akong malagpasan ang pagsubok na ito. Nawa’y ang aking hiling ay iyong dinggin,” Gulat ako sa sunod na nangyari. Naramdaman ko na lamang na tila ba may isang enerhiya na hinila ako pataas. Nang mawala ako sa tubig ay agad akong naghabol ng aking hininga. Napatingin pa ako sa ibaba at namangha ako sa aking nakita. Tila ba binubuhat ako ng tubig at sa paligid nito ay may kulang berdeng enerhiya. Napatingin ako kay Gurong Ambroz at nakita kong nakangiti siya sa akin. Hindi naman ako makapaniwala. Nakakagamit na ba ako ng mahika? Kaya ko na bang gamitin ang kapangyarihan ng elemento ng tubig? Ngunit paano? Laking gulat ko nang makita ang maraming mga shokoy sa aking paligid. Umamba ang isa na aatakihin ako ngunit sa paghumpay ng aking kamay ay inilayo sila ng tubig. Napangiti ako at hindi pa rin makapaniwala. Tunay nga! Kaya ko nang gamitin ang kapangyarihan ng tubig! Labis akong natutuwa sa pangyayaring ito. Ang aking saya ay tila ba wala nang paglagyan. “Elemento ng tubig, hinihingi ko ang iyong tulong na ibalik ako sa lupa,” bulong ko. Kusa namang gumalaw ang tubig na tila buhat ako at dinala ako palapit sa puwesto ni Gurong Ambroz. Nang nasa tabi na niya ako at nawala na ang enerhiyang tumulong sa akin ay napasigaw ako sa saya. Narinig ko naman ang masayang paghalakhak din ni Gurong Ambroz dahil sa nangyari. Kung tutuusin ay ramdam ko pa rin ang sakit sa magkabila kong braso dahil sa mga kalmot ng mga shokoy, ngunit hindi ko na iyon inalintana dahil masyado akong nagagalak sa ideya na nakakagamit na ako ng mahika. “Natutuwa ako para sa iyo, Elex, nagtagumpay ka sa pagsubok,” saad ni Gurong Ambroz. “N-Ngunit paano nangyari iyon?” nalilitong tanong ko. “Pag-asa,” sagot niya. “Kahit pa alam mong nasa bingit ka na ng kamatayan ay hindi ka pa rin nawalan ng pag-asa, kung kaya’t dininig ng elementong tubig na siya ring gumagabay sa ‘yo ang iyong hiling,” malawak ang ngumiti at tumango. Tapos ay mabilis akong lumapit sa kanya at lumuhod sa kanyang harapan. “Lubos akong nagpapasalamat sa tulong na iyong binigay, Gurong Ambroz,” puno ng sinseridad na saad ko, hinawakan naman niya ako sa aking mga braso at inalalayang tumayo. “Ikaw ang tunay na dahilan kung bakit lumabas ang iyong kapangyarihan, Elex. Ngunit nais kong tandaan mo na simula pa lang ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD